Pagsara Sa Ating Kabanata
Jude,
Naaalala mo pa ba ang lagi nating paunang bati sa chat tuwing sasapit ang alas-diyes ng gabi? “Beh, kumusta ka na?” Gabi-gabi iyan at walang mintis. Sa mga nakakapagod na araw, nahanap natin ang pahinga sa isa’t isa. Nagagawa nating tawanan ang mga mabibigat nating problema dahil alam nating magkasangga tayo sa bawat malalakas na hagupit ng alon sa ating buhay. Sa madilim na mundo nahanap natin ang liwanag sa kislap ng ating mga matang nakatingin sa isa't isa. Sa maingay at magulong mundo nahanap ko ang katahimikan at kapayapaan nang makulong ako sa mainit mong bisig habang nakadikit ang aking kanang tainga sa iyong matipunong dibdib at pinapakinggan ang iyong malamig na boses na inaawit ang paborito nating kanta, mas lalo pa itong naging espesyal dahil kasabay noon ay rinig ko ang mabilis na pagtibok ng iyong puso gaya ng sa ‘kin. Doon, alam ko nang gaya ko rin ay payapa ka sa piling ko.
Kaya hindi ko maintindihan kung paano tayo humantong sa sitwasyon natin ngayon. Kay dali para sa atin noon ang kamustahin ang isa't isa pero bakit ngayon parang ipinagbabawal na itong sambitin natin sa isa't isa? Ang mga matang halos hindi mapaghiwalay sa pagtitig, ngayon ay nag-iiwasan na ng tingin. Ang mga biruan, kuwentuhan, at tawanan natin ay naiwan sa nakaraan at ang nakabibinging katahimikan ang pumalit sa kasalukuyan.
Pero araw-araw pa rin kitang kinukumusta ngunit sa pagmamasid na lamang sa iyo mula sa malayo. Minsan, kapag hindi ako nakokontento sa pagsulyap lang sa ’yo ay pasimple kitang tinatanong sa mga kaibigan natin. Pasensya na rin kung may mga araw na pasimpleng nagpaparinig ako sa ’yo sa pamamagitan ng pagbanggit ko sa nakaraan natin at ang biglang panlalamig mo sa akin, sa pagsabi kong nagsisisi akong nakilala kita at sana kung babalik ako sa nakaraan ay hindi na kita kakausapin pa, pero kilala mo ako, sana alam mong lahat ng ’yan ay pawang kasinungalingan lamang. Dahil sa kaibuturan ng puso ko gusto ko lang sabihin sa iyong nangungulila ako sa pagmamahal mo. Nangungulila ako sa kapayapaang hatid mo. Nangungulila ako sa minsang naging tahanan ko.
Pasensya na kung sa pagtatalo natin pinili kong iwan ka. Ako ang unang umalis pero hindi ibig sabihin no’n hindi na kita mahal. Gusto ko lang isalba ang natitirang pagmamahal at respeto natin sa isa't isa bago pa man tayo magkasiraan.
Kung muling uulitin ang kuwento natin masaya akong lalakbayin muli ang bawat pahina at nanamnamin ang bawat eksena sa bawat kabanata na kasama kita.
Pagtagpuin man muli tayo ni tadhana o hindi na, masaya akong minahal kita at nagpapasalamat akong nakilala kita. Sana makamit mo ang mga pangarap mong pinangako mong tutuparin mo kahit na hindi mo na ako kasama. Tanggap ko naman nang hanggang dito na lang tayo. Sana maging masaya ka sa daang tatahakin mo, hanggad ko ang kapayapaan sa puso mo.
Huwag kang mag-alala, masaya na ako at maghihilom din balang araw.
Paalam, Jude.
Ang dating sa ’yo,
Ynah
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top