Prologo
Laganap na ang dilim nang makarating si Lucille sa lugar kung saan siya lumaki at nagka-isip, isang slum area sa tabing-dagat. Binaybay niya ang daan patungo sa kanilang bahay habang inaalala ang kaniyang mga kapatid na inihabilin niya sa kanilang kapit-bahay.
Napansin niyang malapit na siya sa kanilang bahay na gawa sa plywood ang mga dingding, bintana at sahig samantalang yero naman ang bubong at bato ang mga haligi. Napatigil si Lucille sa paglakad nang may makita siyang nakaupo sa ikalawang baitang ng apat na baitang nilang hagdanan na gawa sa bato.
Inaninag niyang mabuti kung sino ito dahil hindi masyadong naaabot ng liwanag ng nakabukas na ilaw sa labas ng kanilang bahay ang bahaging iyon. Napagtanto niyang isa itong batang babae na nakayuko at natatakpan ng mahaba nitong buhok ang buo nitong mukha. Ikinakunot ng noo ni Lucille nang mapansing basang-basa ito mula ulo hanggang paa kaya naman patuloy ang pagtulo ng tubig mula sa buhok nito patungo sa lupa.
Nakaramdam siya ng pangingilabot nang mapansin niyang pamilyar ang tila bestidang pulang damit na suot nito na ang laylayan ay umaabot hanggang sa taas ng mga tuhod nito. Ganitung-ganito rin ang suot ng kaniyang sampung taong gulang na kapatid nang mangyari ang aksidenteng tumapos sa buhay nito.
"A-a-ange-la?!" nauutal at tila hinihingal na bigkas ni Lucille sa pangalan nang kaniyang yumaong kapatid. Halos hindi na niya mabanggit ang pangalan nito dahil sa kilabot na nararamdaman.
Hindik na napatingin si Lucille sa ilaw nang magsimula itong magpatay-sindi eksakto pagkatapos niyang masabi nang buo ang pangalan ng kapatid. Muling naagaw ng batang babae ang atensiyon ni Lucille nang magsimula itong umawit ng kantang unang niyang itinuro kay Angela na lalong nagpataas sa lahat ng balahibo sa buo niyang katawan.
"Row...row...row...your..boat..."
Napakabagal nang ginagawang pag-awit ng batang babae na may tinig na tila nanggagaling sa hukay.
Napakalamig nito at nakapangingilabot!
"Gently...down...the..stream..."
Dahan-dahan itong tumayo mula sa pagkakaupo sa kanilang hagdan habang patuloy na kumakanta at dahan-dahan rin itong humarap na nakayuko pa rin patungo sa kinatatayuan ni Lucille.
Nais na sanang tumakbo ni Lucille dahil sa sobrang sindak na kaniyang nararamdaman subalit hindi niya magawang maihakbang ang kaniyang mga paa. Tila umurong rin ang kaniyang dila dahil hindi na siya makapagsalita. At pakiramdam niya palaki nang palaki ang kanyang ulo na anumang sandali ay maaaring sumabog!
"Merrily...merrily...merrily...merrily..."
Dahan dahan ang ginawang paghakbang ng batang babae patungo sa kinatatayuan ni Lucille habang patuloy sa nakapanghihilakbot na pag-awit.
"Life..is...but...a...dream."
Kasabay ng huling salita ng kantang inaawit ng batang babae ay ang tuluyang pagkamatay ng ilaw.
Kadiliman ang naghari sa buong paligid!
[Dapat mayroong isang GIF o video dito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top