Kabanata 9 - Ikatlong Pasakit
"Aaaahhh!!! Ang binti..." hindi na natapos ni Angela ang sasabihin dahil lumubog na ito sa kaniyang kinalalagyan.
"Ate Angela! Ate Angela! Nasaan ka na?! Ate Angela!!!" takot na takot na pagtawag ni Pipay sa kaniyang kapatid habang umiiyak.
Ngunit hindi na niya nakitang lumitaw pa ang kaniyang kapatid sa lugar kung saan ito lumubog.
Tuluyang napahagulgol si Lucille nang maalala ang wala nang buhay na katawan ni Angela sa kanyang mga bisig. Tandang-tanda niya pa malalakas na sigaw ng kaniyang mga kapatid sa labas ng kanilang bahay nang araw na iyon. Mabilis ang naging pagtakbo niya patungo sa dagat matapos na marinig ang kuwento ng umiiyak na si Pipay sa nangyari kay Angela. Malinaw niyang naaalala nang makita niya ang hindi na gumagalaw na katawan ng kaniyang kapatid na nakalutang nang pataob sa dagat. Iniahon niya ito sa dalampasigan at ginawa ang lahat upang ito ay magkamalay subalit nabigo siya dahil hindi na ito nagmulat ng mga mata. Napansin niya rin na wala na itong pulso at hindi na humihinga. Wala na siyang nagawa kundi ang umiiyak ng umiyak at paulit-ulit na tawagin ang pangalan ng kapatid.
Patuloy na kinausap ni Lucille ang yumaong kapatid sa kaniyang isipan habang nakatingin sa puntod nito.
Hindi ko sukat akalain na 'yun na pala ang huling pagkakataon na makikita kitang buhay...Sana hindi ko na lang kayo pinayagan..sana may nakakita man lang sa'yo nang nalulunod ka para mailigtas ka..sana nakarating ako ng maaga para masagip ka...Malaki ang naging kasalanan ko sa nangyari! Wala ka sana sa kinalalagyan mo ngayon!
Lubhang dinibdib ni Lucille ang pagkawala ni Angela dahil nasira niya ang pangako niya sa kaniyang nanay at tatay na siya na ang bahala sa kaniyang mga kapatid bukod pa sa talagang mahal na mahal niya ang mga ito.
Dahil sa pangyayaring iyon, tila pinarurusahan ni Lucille ang kaniyang sarili. Itinuon niya na lang sa pagtatrabaho at pag-aalaga sa kaniyang mga kapatid ang kaniyang isipan. Hindi na niya iniintindi ang kaniyang sarili. Kaya naman wala siyang pakialam kahit dry na ang kaniyang buhok, marami na siyang naglalakihang tigyawat sa mukha at may kabigatan na ang kaniyang timbang.
Subalit sa kabila ng mga ito, nakikita pa rin naman ang taglay niyang kagandahan kaya naman may mga lalaki pa rin na nagpapapansin sa kaniya. Binabalewala niya lang ang mga ito dahil nga sa tingin niya wala siyang karapatang maging masaya dahil sa nangyari sa kaniyang kapatid na si Angela.
"Sige Angela, magpapaalam na si Ate." sabi ni Lucille sa puntod ng kaniyang kapatid makalipas ang ilang sandali matapos na maayos niya ang sarili mula sa pag-iyak.
Sinulyapan niya rin ang kinahihimlayan ng yumao niyang mga magulang at nagpaalam sa mga ito sa kaniyang isipan.
Tinatahak na ni Lucille ang daan palabas ng pampublikong sementeryo ng kanilang bayan nang may humarang sa kanyang dinaraanan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top