Kabanata 8 - Babang Luksa

Iyon ay dahil sa biglaang paglitaw ni Angela sa likuran ni Lucille. Basang basa pa rin ang buong katawan nito at natatakpan ng mahaba nitong buhok ang buo nitong mukha.

Nang makaramdam na tila may nakatayo sa kaniyang likuran, habang yakap-yakap ang kanyang sarili, dahan-dahang inalis ni Lucille ang kanyang paningin sa magkatabing puntod ng kaniyang mga magulang at ibinaling sa lugar na kinatatayuan ng nararamdaman niyang presensya. Muling gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Lucille nang wala naman siyang nakitang tao o anuman sa ginawa niyang paglingon sa kaniyang likuran.

Dahil ito sa biglaang paglaho ni Angela sa likuran ni Lucille bago pa man niya ito makita.

Sa kabila nang kilabot na nararamdaman, ipinagkibit-balikat na lang ito ni Lucille at ipinagpatuloy ang paglakad patungo sa puntod ni Angela. Inilapag niya ang dala niyang bulalak at nagtirik ng kandila habang kinakausap ang yumao niyang kapatid sa kanyang isipan.

Angela, ikaw nga ba iyon?...ikaw nga ba ang nakita ni Pipay kahapon? Dahil ba ngayon ang araw ng iyong kamatayan kaya nagparamdam ka kapatid ko? Isang taon na ang nakalipas pero parang kahapon lang nang masaya kang magpaalam kasama ang mga kapatid mo na maliligo kayo sa dagat.

Pag-alala ni Lucille sa naganap kay Pipay kahapon at sa mismong araw na nangyari ang aksidenteng kumuha sa buhay ng nakababata niyang kapatid na si Angela.

1 year ago.

"Ate Lucille, ligo po kami sa dagat please" pakiusap ni Angela na magkadikit pa ang dalawang palad na nagsusumamo sa kaniyang ate upang payagan sila. Nakasuot ito ng paborito nitong pulang damit, na tila bestida ang pagkakatahi na ang laylayan ay umaabot hanggang sa taas na lang ng mga tuhod nito. Iniregalo ito ni Lucille sa kaniyang kapatid noong ika-walong kaarawan nito. Dahil halata na ang kalumaan ng damit isinusuot na ito ni Angela bilang pambahay.

"Hmm..." nag-iisip na panimulang turan ni Lucille. Mababanaag ang pag-aalinlangan sa kaniyang mukha kung papayagan ba o hindi ang mga kapatid.

Napansin niyang walang ibang naliligo sa dagat ng mga oras na iyon. Wala ring taong nakatambay sa batuhan at malayo sa dagat ang pinaglalaruan ng ibang mga bata na anak ng kanilang mga kapit-bahay. Tiningnan niyang muli ang kaniyang mga kapatid na lahat ay nagmamakaawa ang mukha. Naisip niyang wala naman sigurong mangyayaring masama sa paliligong gagawin ng mga ito sa dagat.

"Sige na nga...basta mag-iingat kayo ha?! At huwag na huwag kayong pupunta sa malalim!" napipilitang sagot ni Lucille habang nakatingin sa nagmamakaawang mukha ni Angela at ng iba pa niyang nakababatang kapatid. Karga-karga niya ang matamlay na si Ice na hindi masyadong maganda ang pakiramdam nang araw na iyon kaya naman kanina pa ito nagsasabi na gusto nang umuwi sa kanilang bahay.

"Opo ate Lucille! Salamat po!" Sumilay ang isang napakalaking ngiti sa mga labi ni Angela dahil sa narinig niyang sagot mula sa kaniyang ate. Kitang-kita ang labis na kasiyahan sa kaniyang maamong mukha na umaabot pa sa kaniyang mga mata.

"Tara! Pipay, Jepoy, Jaja!" masayang aya ni Angela sa kaniyang mga kapatid pagkatapos ay tumakbo na patungo sa dagat.

"Yehey! Hahaha!" Sabay-sabay na sigawan at tawanan na may kasama pang pagtalun-talon ng tatlong bata. Pagkatapos ay nag-unahan na ang mga ito sa pagtakbo patungo sa dagat.

Gumuhit rin ang isang matamis na ngiti sa mga labi ni Lucille dahil sa nakitang kasiyahan sa kaniyang mga kapatid habang nagsisipatakbuhan ang mga ito patungo sa dagat. Matapos na makitang tumigil na ang mga ito sa pagtakbo nang hanggang bewang na nila Jepoy at Jaja ang tubig tumalikod na siya habang karga-karga pa rin si Ice at nagpasiyang umalis na sa dalampasigan at pagbigyan ang kanina pa inuungot ng bunso nilang kapatid, ang umuwi na sa kanilang bahay.

"Halika Pipay, unahan tayong makalangoy papunta doon sa medyo malalim, 'yung doon sa hindi na abot ng ating mga paa! Tara, Dali!" masayang aya ni Angela sa kaniyang kapatid na si Pipay matapos nilang tumigil sa paglakad dahil hanggang dibdib na nila ang tubig-dagat.

"Ayoko ate! Hindi pa ako magaling lumangoy na kagaya mo. Baka malunod ako." Umiiling-iling na sagot ni Pipay na makikita ang takot sa bilugan nitong mga mata dahil sa pag-aya sa kaniya ni Angela.

Nilingon ni Pipay sina Jepoy at Jaja na nagtatawanan habang nagbabasaan ng tubig-dagat na abot hanggang sa bewang ng mga ito.

"Hindi 'yan! Tingnan mo 'ko!" malakas at nagmamalaking sabi ni Angela kay Pipay.

Ibinaling muli ni Pipay ang kaniyang paningin sa kaniyang ate at ikinagulat niya na makita na may kalayuan na ito mula sa kinatatayuan nito kanina.

Masaya itong lumalanguy-langoy.

Nang biglang...

"Aaaahhh!!! Ang binti..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top