Kabanata 7 - Ikalawang Pasakit

3 yrs. ago

"Lucille! Anak, Lucille!"

Ikinakaba ni Lucille nang makitang namumula ang mga mata nang kaniyang ninang Donna na humahangos palapit sa kaniya. Paakyat na sana sa kanilang bahay mula sa pagbili sa tindahan ng mga tsitsirya para sa kaniyang mga kapatid. Napansin niyang may hawak itong cellphone sa kanang kamay.

"Bakit po ninang?! Bakit po kayo umiiyak?!" Hiniling niyang wala naman sana itong kinalaman sa kaniyang nanay Sally at tatay Fernan na naglalako ng gulay sa araw na iyon.

Niyakap siya nito at patuloy na nagsalita, "Ang nanay Sally at tatay Fernan mo! Ang mga kaibigan ko!" Naramdaman ni Lucille ang pamamasa ng kaniyang kanang balikat dahil sa mga patak ng mga luha ng kaniyang ninang, "Wala na sila Lucille! Wala na sila!" Naramdaman ni Lucille na mas humigpit ang yakap nito sa kaniya at tuluyang napahagulgol.

Tila namanhid si Lucille sa mga narinig kaya nabitiwan niya ang mga dala niyang pagkain para sa mga kapatid. Tila rin nanghina ang kaniyang mga tuhod kaya bigla siyang napaupo sa kinatatayuan.

Halos hindi na niya namalayan ang mga sumunod na nangyari. Hindi na niya namalayan kung paano sila nakarating sa morgue ng ospital na pinagdalhan sa kaniyang nanay at tatay. Subalit hindi niya malilimutan ang sandali nang makita na niya ang wala nang buhay na katawan ng dalawang taong nagmahal sa kaniya ng higit pa sa pagmamahal ng babaeng nagluwal sa kaniya sa mundo.

"Ang sabi ng mga nakakita, hit & run ang nangyari sa nanay at tatay mo. Napakawalang puso ng taong nakabangga sa kanila dahil basta na lang sila iniwan at hindi tinulungan." salaysay ng kaniyang ninang Donna na nakatayo sa kaniyang tabi.

Galit ang naramdaman ni Lucille nang marinig at naging dahilan nang pagkamatay ng kaniyang nanay at tatay. Subalit alam niyang wala naman siyang magagawa upang pagbayarin ang taong nakabangga sa kaniyang mga magulang. Ni hindi nga nila alam kung sino ito.

Dinig na dinig sa apat na sulok ng kuwartong kanilang kinaroonan ang pagdadalamhati ng isang anak na nawalan ng dalawang mabubuting mga magulang. Isang mahigpit na yakap lamang ang nagawa ni Donna upang aluhin ang kaniyang inaanak.

Malaki ang pasasalamat ni Lucille sa kanilang Barangay Captain, mga kapit-bahay at lalo na sa kaniyang ninang Donna dahil ang mga ito ang tumulong sa kaniya upang mabigyan ng maayos na libing ang kaniyang mga magulang.

Bagama't tila muling gumuho ang mundo ni Lucille dahil sa pangyayaring ito, nagpasiya pa rin siyang magpakatatag alang-alang sa mga pinakamamahal niyang mga kapatid. Ipinangako niya sa puntod ng kaniyang nanay Sally at tatay Fernan nang maihatid na nila ang mga ito sa kanilang huling hantungan na hindi niya pababayaan at siya na ang bahala sa kanyang mga kapatid.

Huminto si Lucille sa pagpasok sa kolehiyo at naghanap ng trabaho para mabuhay niya ang kanyang mga kapatid at para magkapagpatuloy ang mga ito sa pag-aaral. Masuwerte naman dahil natanggap siya agad bilang production operator sa isang electronics company sa kanilang bayan.

Ngayon nga ay apat na taon na siya sa kumpanya at isa na sa mga regular na empleyado. Sobra-sobra ang pasasalamat ni Lucille sa kaniyang ninang Donna dahil ito ang naging katuwang niya sa pag-aalaga sa kaniyang mga kapatid. Naiiwan niya dito ang kaniyang mga kapatid sa tuwing papasok siya sa trabaho at kapag may mahalaga siyang pupuntahan tulad nito.

Muling sumulyap si Lucille sa puntod ng kaniyang nanay at tatay at muling kinausap ang mga ito sa kaniyang isipan.

Nay, tay, maraming salamat po sa pagmamahal ninyo sa akin noong nabubuhay pa kayo. Patawarin n'yo po ako dahil binigo ko kayo dahil sa nangyari kay Angela. Nangangako naman po ako na hindi ko pababayaan ang iba ko pang mga kapatid. Hindi ko hahayaang mangyari sa kanila ang nangyari kay Angela.

Matapos ang maka-ilang ulit na pangangako, paghingi ng tawad at pasasalamat sa puntod ng kaniyang nanay Sally at tatay Fernan, pinahid na ni Lucille ang kaniyang mga luha at nagpasiyang puntahan naman ang puntod ni Angela na halos katabi lang ng kinahihimlayan ng kanilang mga magulang.

Akmang lalakad na si Lucille nang makaramdam siya nang paggapang ng kilabot sa buo niyang katawan dahil sa biglaang paglamig ng paligid.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top