Kabanata 5 - Unang Pasakit
"Doon pa nga po siya nakatayo oh!" Sabay turo ni Pipay sa isang parte ng dagat na malapit na sa breakwater.
"Asan?! Wala namang nakatayo roon!" sabi ni Lucille nang wala siyang makita sa lugar na itinuturo ni Pipay.
Nagulat rin ang bata nang makita niyang wala na si Angela sa kinatatayuan nito.
"Halika na, umuwi na tayo." aya ni Lucille sa kaniyang kapatid habang hawak ito sa kaliwang kamay at nagsimulang maglakad patungo sa dalampasigan.
Kung muli lang lumingon ang magkapatid sa bahaging itinuro ni Pipay, makikita nila ang muling paglitaw ni Angela na nakatanaw sa papaalis na magkapatid. Tuluyan itong lumubog sa dagat nang makitang nakatapak na sa dalampasigan ang magkapatid.
***
Kinabukasan ng umaga, araw ng linggo, sa pampublikong sementeryo ng kanilang bayan, unang nagbigay-galang si Lucille sa puntod ng kaniyang nanay Sally at tatay Fernan, ang kaniyang ninang at ninong na itinuring niyang mga magulang simula nang iwan siya ng kaniyang tunay na ina sa mga ito noong sampung taong gulang pa lamang siya.
Labing-isang taon na ang nagdaan subalit parang kailan lang ang huling araw na nakasama niya ang kaniyang ina. Malinaw pa rin sa kaniyang isipan ang mga nangyari nang araw na iyon. Tila naririnig niya pa rin ang tinig nito na tila ba kahapon lang nangyari ang lahat. Habang nakatingin sa itinirik niyang kandila sa puntod ng kaniyang nanay Sally ay ang pagdaloy ng ala-ala ng pinakaunang masakit na pangyayari na nag-iwan ng sugat sa puso ni Lucille.
11 yrs. ago.
"Hindi naman magtatagal Sally," panimula ni Arcen. Seryoso ang mukha nito nang tumingin sa katabi nitong anak, pagkatapos ay muling bumaling sa kaibigang naka-upo sa tapat nilang mag-ina, "Kukunin ko agad si Lucille sa oras na makahanap na ako ng trabaho at matutuluyan sa Maynila." pagpapatuloy nito.
Ang nagdadalang-taong si Sally lamang ang nadatnan ni Arcen at Lucille nang magtungo sila sa bahay ng mga ito dahil kasalukuyang namamasada ang asawa nitong si Fernan. Pinatuloy sila nito sa sala at hinainan pa ng makakain at maiinom.
"Wala namang problema sa akin Arcen," nakangiting sagot ni Sally habang hawak ang mabilog na tiyan na tanda na kabuwanan na nito, "Alam mo naman bilang matalik mong kaibigan para ko na ring anak itong si Lucille."
Bagamat nakikita ni Lucille ang sinseridad sa mga ngiti at mga sinabi ng kaniyang ninang. Hindi niya magawang matuwa dahil isa lang ang tumatak sa kaniyang isipan.
Iiwan na siya ng kaniyang ina.
Tila nakahinga naman ng maluwag si Arcen dahil sa mga sinabi ng kaibigan, "Maraming salamat mareng Sally! Tunay ka talagang kaibigan. S'yempre ganoon rin ang turing ko sa magiging mga anak n'yo ni pareng Fernan. Oo nga pala, may naisip na ba kayong pangalan para diyan sa panganay n'yo?" masayang tanong ni Arcen.
"Mayroon na mare, Angela! Angela ang magiging pangalan niya!" masiglang sagot ni Sally na halatang hindi na makapaghintay na masilayan ang magiging panganay.
"Ang ganda naman! Siguradong babagay sa kaniya ang pangalan dahil siguradong mala-angel ang kaniyang mukha, may pagmamanahan naman kasi ang magiging inaanak ko." nakangiting turan ni Arcen.
"Si mare talaga oh!" nahihiyang sagot ni Sally, "Ang mahalaga sa amin ay maging malusog siya sa kanyang paglabas, sapat na sa amin iyon."
"Oo naman mare, mangyayari 'yan! O paano? Mauuna na ako, baka kasi gabihin ako at malayo pa ang biyahe ko." Muling nilingon ni Arcen ang anak at walang emosyong kinausap ito, "Lucille, huwag kang maging pasaway sa ninong at ninang mo ha? Magkusa ka sa pagtulong sa gawaing-bahay dito. Nakakahiya sa kanila."
Nakatingin lang si Lucille sa kaniyang ina habang ito ay nagsasalita. Hindi niya maunawaan ang mga sinasabi nito. Hindi niya magawang maibukas ang kaniyang bibig. Isa lang ang patuloy na tumatakbo sa kaniyang isipan.
Iiwan na siya ng kaniyang ina.
"Huwag kang mag-alala Sally, tatawag naman ako palagi para kamustahin kayo at s'yempre magpapadala ako ng pera para panggastos nitong anak ko." pangako ni Arcen sa kaniyang kaibigan.
"Naku, sapat na ang kamustahin mo kami lalo na itong inaanak k0. Alam kong ito ang unang beses na malalayo 'yan sa 'yo."
Isang matipid na ngiti lang ang isinagot ni Arcen sa mga tinuran ni Sally.
Tumayo si Arcen at dinampot ang malaking itim na bag na pinaglalagyan na kaniyang mga gamit at nagpaalam naman sa kaniyang kaibigan, "Sige kumare aalis na ko. Pasensiya ka na talaga at wala na akong ibang malapitan. Ikaw nang bahala sa inaanak mo. Hangad ko rin na maging ligtas kayo ng magiging inaanak ko."
"Salamat mare at wala 'yon. Kami na ni pareng Fernan mo at ni mareng Donna mo ang bahala sa inaanak namin. Pasensiya ka na rin dahil hindi na kita maihahatid sa sakayan ng bus." Sabi ni Sally na nanatiling nakaupo.
"Okay lang. Naiintindihan ko naman ang kalagayan mo mare. Sige, alis na 'ko." Tumalikod na si Arcen bitbit ang bag at lumabas ng bahay.
Nanatiling nakaupo si Lucille hanggang sa hindi na niya napigilan ang unti-unting pagpatak ng kaniyang mga luha. Maya-maya pa'y tuluyan na siyang napahagulgol.
"Nay...nanay ko...nay...nay!!!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top