Kabanata 4 - Takbo, Lucille! Takbo!

Dahil maliit lang ang kanilang bahay, madali niyang nakita na picture frame ito ng isa sa kaniyang mga kapatid. Nilapitan niya ito at pinulot.

Mabuti na lang plastic ito at plywood ang sahig namin kaya siguradong hindi ito nabasag.

Iniharap niya ito sa kanya dahil pataob itong bumagsak sa sahig at nakita niyang picture ito ni Pipay. Bumilis ang tibok ng puso ni Lucille dahil sa kaba. Tila ba may nais ipahiwatig ang pangyayaring ito sa kaniya.

Pagkalapag na pagkalapag niya ng hawak na picture frame sa dati nitong pinaglalagyan, narinig ni Lucille ang boses ni Jepoy.

"Ate Lucille! Ate Lucille!" hinihingal na sigaw ni Jepoy mula sa labas ng kanilang bahay. Nakita ni Lucille ang mabilis nitong pag-akyat at pagpasok sa kanilang bahay, "Si Ate Pipay po! Si Ate Pipay!"

"Naglalakad po papuntang dagat! Para pong tulala!" dugtong ni Jaja na naka-akyat na rin ng bahay.

"Tinatawag ko po si ate Pipay pero ayaw lumingon!" sabi ni Ice na nanatiling nakatayo sa unang baitang ng kanilang hagdanan.

Hindi lang kaba bagkus takot na ang namayani kay Lucille dahil sa sinabi ng kaniyang mga kapatid tungkol kay Pipay kaya naman dali-dali siyang lumabas at bumaba. Mabilis na ini-akyat si Ice sa loob ng kanilang bahay at nagbilin sa kaniyang mga kapatid, "Huwag kayong lalabas ng bahay! Dito lang kayo! Jepoy ikaw na munang bahala sa mga kapatid mo! Pupuntahan ko ang ate Pipay n'yo!"

Hindi na niya hinintay na makasagot ang kaniyang mga kapatid. Tarantang tumakbo na si Lucille patungo sa pinanggalingan ng kaniyang mga kapatid.

***

Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang makarating si Lucille sa dalampasigan subalit sapat pa ang liwanag upang makita niya ang kapatid na naglalakad sa halos hanggang bewang na nitong tubig-dagat at tila patungo pa ito sa mas malalim na bahagi.

"Pipay!!!" ramdam ang pangamba sa malakas at mariin na sigaw ni Lucille sa kaniyang kapatid.

Mabilis ang ginawang pagtakbo ng bento uno años na dalaga upang puntahan ang kaniyang kapatid dahil ni hindi man lang ito tumigil at lumingon sa kaniya. Matindi ang kaba at takot ni Lucille dahil baka hindi na niya maabutan at tuluyang malunod ang tila wala sa huwisyong kapatid na patuloy sa marahang paglalakad sa dagat.

Ikinagulat niya kanina nang humahangos na pumasok sa pintuan ng kanilang tahanan sina Jepoy at Jaja habang hawak niya ang pinulot na picture frame na pinaglalagyan ng larawan ni Pipay.

Kaagad siyang tumakbo palabas at patakbo ring binaybay ang daan patungo sa dalampasigan matapos niyang marinig ang mga sinabi ng kaniyang mga kapatid at matapos pagbilinan ang mga ito. Hindi na siya nag-abalang mag-ayos ng magulo niyang buhok na magkahalong itim at kumukupas na blondie. Nakaputing t-shirt lang din siya at nakaitim na short na pambahay.

"Pipay! Pipay! Ano bang nangyayari sa'yo?!" tarantang tanong ni Lucille nang maabutan at mahawakan niya si Pipay na lagpas na sa bewang nito ang tubig-dagat.

Niyugyog nang niyugyog ni Lucille ang kapatid subalit tulala pa rin ito at pilit na kumakawala sa kaniyang pagkakahawak habang nakatingin sa isang parte ng dagat na malapit sa breakwater. Kitang-kita at dinig na dinig ang mabilis at malakas na pagdapo ng kanang kamay ni Lucille sa kaliwang pisngi ni Pipay dahil sa isang malakas na sampal na kaniyang ginawa sa kapatid na naging dahilan upang ito ay matauhan.

"Aray ko!" Hinimas ni Pipay ang nasaktang kaliwang pisngi, "Ha?! Anong nangyari?!" naguguluhang tanong ng bata, "Ate Lucille?!" gulat na tanong ni Pipay nang makita niyang nakatayo sa kaniyang harapan ang nakatatandang kapatid, "Kayo po ba ang sumampal sa akin? Pero bakit po? Bakit n'yo po ako sinampal?" pagpapatuloy na tanong nang nagtatakang bata sa kaniyang ate.

Sumagot si Lucille na naguguluhan subalit nakahinga ng maluwag dahil bumalik na sa huwisyo ang kaniyang kapatid, "Paanong hindi ko gagawin 'yon?! Tulala kang naglalakad patungo sa malalim na bahagi ng dagat at hindi mo naririnig ang pagtawag ko sa'yo!"

"Ano po?! Ako po tulala?! Ang natatandaan ko po naglalaro lang po kami kanina nila Jepoy," gulat na paliwanag ni Pipay sa kaniyang ate, "Tapos narinig ko po at nakitang tinawag ako ni Ate Angela at niyaya niya po akong maglaro."

Nagsitayuan ang lahat ng balahibo sa buong katawan ni Lucille sa sobrang kilabot na kaniyang naramdaman dahil sa tinuran ng kaniyang kapatid, "Ano bang sinasabi mo?! Alam mo namang matagal nang patay si Angela!"

"Oo nga po...pero...pero...nakita at narinig ko po talaga siya! Doon pa nga po siya nakatayo oh!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top