Kabanata 3 - Kakila-kilabot Na Mensahe
Ngunit hindi sumang-ayon si Jepoy sa sinabi ng mas nakababata niyang kapatid.
"Huwag! Di ba sabi ni Ate Lucille, hindi na tayo pwedeng maligo o pumunta sa dagat kapag di natin siya kasama? Sabihin na lang natin kay ate Lucille! Tara na, bilis!" Dali-daling tumakbo ang kinakabahang si Jepoy papunta sa kanilang bahay kung saan naroon ang kanilang ate Lucille.
Sumunod naman si Jaja na nag-aalala rin sa maaaring mangyari sa kaniyang ate Pipay habang hila-hila si Ice.
***
Akmang sisindihan na ni Lucille ang gasulette gamit ang hawak niyang posporo upang simulan na ang pagluluto ng kanilang hapunan, nang mapatigil siya dahil biglang may naulinigan siyang ingay na nagmumula sa kanilang sala.
Inilapag ni Lucille ang hawak na posporo sa tabi ng kalan at hinawi ang kurtinang nagsisilbing takip sa pintuan ng kanilang kusina upang masilip kung ano ang ingay na nakaabala sa gagawin na sana niyang pagluluto.
TV?! May nagbukas ng TV?!
Ikinakunot ng noo ni Lucille ang nakitang dahilan ng ingay sa kanilang sala. Sigurado siyang pinatay niya ang TV subalit hindi siya sigurado kung nabunot niya ito mula sa saksakan.
Tuluyan siyang umalis sa kaniyang kinatatayuan at nagtungo sa kanilang pintuan palabas ng bahay upang tingnan kung may tumatakbo palayo dahil baka may kapit-bahay silang nagbibiro sa kaniya na siyang nagbukas ng telebisyon. Dahil nga sa squatter's area sila nakatira, normal lang na palaging nakabukas ang pinto ng kanilang mga bahay maliban na lang kung sila ay natutulog dahil kilala naman nila ang bawat isang taong nakatira sa kanilang lugar.
Hindi kaya nandito na ang mga kapatid ko?
Lumapit si Lucille sa TV at pinatay ito. Pagkatapos ay tiningnan ang mga larawan ng kaniyang mga kapatid na nakapatong sa ibabaw ng isang estante na pinaglalagyan niya ng mga angel figurines, katabi ng patungan ng telebisyon. Kalungkutan ang rumehistro sa kaniyang mukha nang makita niya ang larawan ni Angela subalit napangiti naman siya nang makita ang mga naka-frame na mga larawan ng iba pa niyang kapatid.
Minamadali niya ang pagluluto upang matawag na niya ang mga kapatid mula sa paglalaro para makakain na sila ng hapunan. Napilitan siyang payagan ang mga ito na maglaro sa dalampasigan kahit hindi siya kasama dahil sa pagpupumilit ng mga ito lalo na ni Ice na halos maglumpasay pa dahil sa pag-iyak. Mahigpit na pinagbilinan na lang niya ang mga kapatid na huwag pupunta o maliligo sa dagat.
Makukulit talaga 'tong mga batang ito! Tatakutin niyo pa 'ko ha!
Lumapit si Lucille sa kuwarto ng kaniyang mga nakababatang kapatid at mabilis na hinawi ang kurtina na tumatakip sa pintuan ng kuwarto ng mga ito habang nakangiti.
"Huli kayo!"
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Lucille at nanlaki ang kaniyang mga mata nang wala siyang nakitang tao sa loob ng kuwarto. Inaasahan niyang nagtatago lang ang kaniyang mga kapatid sa loob matapos buksan ng isa sa mga ito ang TV. Mahilig pa naman magbiro ang mga ito lalo na si Jepoy na napakapilyo.
Ha?! Paanong?! Sino ang nagbukas ng TV?!
Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Lucille dahil sa nangyayaring hindi niya kayang ipaliwanag.
Blag!
Naagaw ang atensiyon ni Lucille mula sa malalim niyang pag-iisip ng tunog ng isang bagay na biglang bumagsak sa kanilang sahig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top