Kabanata 17 - Panlilinlang Kay Lucille

2:30am, unang anibersaryo ng kamatayan ni Angela

"Maaaring nailigtas ninyo ang inyong kapatid, ang batang nagnanais na siya na lang ang namatay. Subalit kaya bang iligtas ng ate mo ang kaniyang sarili?! Kaya mo ba siyang iligtas?!" Napuno ang bahay nila Angela ng nakakakilabot na halakhak ng itim na usok na ngayon ay nakahugis bilang isang nilalang na may dalawang sungay.

"Parang awa mo na! Tama na, tumigil ka na! Lubayan mo na ang mga kapatid ko!"

Muling nakita ni Angela ang pagbabagong-anyo ng itim na usok dahil muli niya itong naging kawangis. Natatakpan muli ang buong mukha nito ng mahaba nitong buhok. Umupo ito sa isa sa pang-isahan nilang upuan sa kanilang sala.

"Ate Lucille...ang lungkot ditong mag-isa...wala akong kasama."

Narinig ni Angelang sinabi ng masamang espiritu na gayang-gaya ang kaniyang tinig.

Nakita niyang lumabas ng kuwarto ang kaniyang ate na nakadilat ang mga mata at tila tulala.

"Ate Lucille! Huwag kang makinig sa kaniya! Hindi ako 'yan!" Pigil ni Angela sa kaniyang ate.

"Ate Lucille, samahan mo 'ko. Hindi ko na kayang mag-isa. Kunin mo ang sarili mong buhay ate para magkasama na tayo."

Kinilabutan si Angela nang marinig ang nagsusumamong pagsasalita ng masamang espiritu.

"Oo Angela...sasamahan ka ni ate." wala sa sariling sabi ni Lucille. Tulala itong naglakad ng marahan patungo sa kusina. Nakita ni Angela  na kinuha nito ang kutsilyo at naglakad pabalik sa sala.

"Halika, ate Lucille samahan mo 'ko rito."

Nakita ni Angela na naglakad ang ate niya at umupo sa dulo ng mahaba nilang upuan sa tapat ng masamang espiritu habang hawak pa rin ang kutsilyo. Sinubukang agawin ito ni Angela subalit ilang beses siyang nabigo.

"Oras na ate Lucille. Samahan mo na ako rito sa kabilang buhay. Ang lungkot ditong mag-isa." tila naluluhang sabi ng masamang espiritu.

Malapit nang maisaksak ni Lucille ang kutsilyo sa kaniyang leeg nang mahawakan ni Angela ang talim nito at mapigilan, "Huwag ate Lucille! Hindi mo po ito pwedeng gawin sa sarili mo! Saka paano na po ang mga kapatid ko?! Kailangan ka po nila!"

Bagama't nahihirapan na pigilan ang talim ng kutsilyo upang mapalapit sa leeg ng kaniyang ate dahil may malakas ring puwersa na kumukontrol dito patuloy lang na itinuon ni Angela ang isip upang mapigilan ang gagawin ng kaniyang ate.

"Lord, tulungan n'yo po ako! Tulungan n'yo po kami!" Tila nagkaroon ng pambihirang lakas si Angela matapos ng kaniyang paghingi ng tulong sa Diyos dahil tuluyan niyang naagaw ang kutsilyo mula sa pagkakahawak ng kaniyang ate. Bigla naman ang paglabas ni Jepoy ng kuwarto kaya dali-daling itinago ni Angela ang hawak na kutsilyo sa ilalim ng kanilang kinauupuan. Nakita ni Angela na biglang naging maitim na usok muli ang masamang espiritu at unti-unting naglaho subalit nag-iwan ng nakakikilabot na halakhak na tanging siya lamang ang nakaririnig.

"Ate Lucille?! Ano pong ginagawa n'yo rito? Dito po kayo sa sala natulog?" magkakasunod na tanong ng kanilang kapatid matapos nitong kalabitin ang kanilang ate sa kanang balikat.

Tila naman nagising mula sa malalim na pagkakatulog ang kanilang ate dahil sa ginawang pagkalabit dito ni Jepoy. "Oh Jepoy?! Bakit?!"

"Tinatanong ko po kung dito po kayo sa sala natulog?"

Nakita ni Angela ang pagkalito sa mukha ng kaniyang ate. Napatingin ito sa wall clock sa taas ng kanilang TV at nakita nitong mag a alas tres y medya na ng madaling araw. Muli itong tumingin sa kanilang lalaking kapatid.

"Ah siguro, na-C-CR ako kanina kaya bumangon ako at nagbanyo. Tapos sa sobrang antok ko hindi na ako nakabalik ng kuwarto namin ni Ice at napahiga na ako rito sa upuan." sagot ni Lucille na sa tingin ni Angela ay kinukumbinsi lang nito ang sarili na ganoon nga ang nangyari.

Eh ikaw bakit ka naman bumangon ng ganitong oras?" baling nito sa kanilang kapatid na si Jepoy.

"Naiihi po kasi ako."

"Oh sige na, magbanyo ka na. Baka mapaihi ka pa diyan sa short mo."

"Sige po ate." Nakita ni Angela na naglakad na ang kanilang kapatid papunta sa banyo subalit tumigil ito at humarap sa kanilang ate dahil sa muling pagsasalita ng huli.

"Oo nga pala Jepoy, mamayang umaga iiwan ko kayo sa bahay nila ninang Donna at ninong Edwin. Dadalawin ko si nanay at tatay pati na si ate Angela n'yo. Madala na sana kayo sa nangyari sa ate Pipay ninyo kahapon, huwag na muna kayong maglaro sa dalampasigan lalo na ang pumunta sa dagat."

"Opo ate Lucille."

"Oh sige, mag-CR ka na tapos ay bumalik sa pagtulog. Tatabihan ko ulit si Ice at baka magising 'yon at hanapin ako."

Tumalikod na ang kanilang ate Lucille at naglakad papasok sa kuwarto nito. Samantalang naglakad naman si Jepoy patungo sa banyo.

Naiwan si Angela sa sala na patuloy na nag-aalala para sa kaligtasan ng kaniyang mga kapatid. Alam niyang babalik at babalik ang masamang espiritung iyon upang makuha ang gusto nito. Isang bagay ang pumasok sa kaniyang isipan upang matulungan ang mga kapatid, ang laging bilin ng kanilang mga magulang kapag mayroon siyang sakit, kapag mayroong umaaway sa kaniya, at kapay mayroon siyang kinatatakutan, ang manalangin at humingi ng tulong sa Diyos.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top