Kabanata 15 - Alagad Ng Kadiliman
"At dahil sa mga nakita ko at narinig mula sa inyong dalawa ng araw na iyon, pinili kong manatili sa inyong tabi. Naging lapitin naman kayo ng masamang espiritu dahil pareho n'yong sinisisi ang inyong mga sarili dahil sa pagkawala ko," tumingin ang misteryosang babae kay Pipay, "Dahil ninanais mong mawalan na ng buhay," pagkatapos ay tumingin naman kay Lucille, "At dahil nawalan ka ng pananampalataya sa Diyos."
3 days ago.
Nagtungo si Lucille sa dalampasigan nang nag-aagaw na at liwanag at dilim. Napagpasiyahan niyang pumunta sa lugar kung saan binawian ng buhay ang kaniyang kapatid dahil nalalapit na ang araw ng unang anibersaryo ng kamatayan nito. Sumiklab ang galit sa puso ni Lucille nang maalala ang mapait na mga nangyari sa nakaraan. Tumingin siya sa langit ang nanggigigil na kinausap ang Diyos.
"Sino pa?! Sino pa ang kukunin mo sa akin?! Tandang-tanda ko pa rin ang lahat! Hinding-hindi ko makakalimutan! Unang-una ang nanay ko, tapos yung ninang at ninong kong nagpalaki sa akin! At pati ba naman ang bata kong kapatid! Anong klase kang diyos?! Wala kang kwenta! Wala kang kwenta! Hinding-hindi na ako maniniwala sa 'yo! Hinding-hindi na ako mananampalataya sa iyo!!!"
"Ate Lucille, tama na po. Tama na po. Andito po ako, ate Lucille. Hindi po ako umalis. Hindi ko kayo iniwan." lumuluhang turan ni Angela. Nakita niya dahil sa ginawa niyang pananatili sa tabi ng mga kapatid na hindi pa rin matanggap ng kaniyang ate ang kaniyang pagkawala bagama't mag-i-isang taon na simula nang siya ay pumanaw. Napansin niya ring hindi na ito nanalangin at hindi na nagpunta pa ng simbahan simula ng araw ng kaniyang kamatayan. At ngayon nga ay nakita niya ang sukdulang galit ng kaniyang ate na matagal na nitong kinikimkim.
Napatingin si Angela sa kaniyang likuran nang may marinig siyang nakakakilabot na halakhak ng isang malaki at dumadagundong na tinig. Hindi maipaliwanag na takot ang naramdaman ni Angela kasabay ng sobrang pag-init ng paligid.
Unti-unting may lumitaw na itim na usok na naghugis na tila isang nilalang na may dalawang sungay.
"Sino ka?! Ano ka?!" Nagawa itong maitanong ni Angela sa kabila ng takot sa kaharap.
"Ako ang alagad ng kabaligtaran ng liwanag! Ako ang espiritung tagasunod ng hari ng kasamaan! Ako ang lingkod ng anghel na ipinatapon ng makapangyarihan ninyong manlilikha!"
Muling nagsa-anyong itim na usok ang masamang espiritu, palutang-lutang itong lumapit kay Lucille at nagpaikot-ikot dito. Wala naman kamalay-malay sa nangyayari ang umiiyak sa galit na si Lucille.
"Isa na namang nilikha ang umalis sa kaniyang liwanag! Isa na namang nilikha ang nawalan ng tiwala sa kaniya! Amin na ng aking panginoon ang kaniyang kaluluwa!" Muli itong humalakhak sa nakakakilabot na tinig.
"Hindi! Hindi 'yan maaari! Ate Lucille!" natatakot na sabi ni Angela.
Muling lumapit kay Angela ang itim na usok, "Ngunit anong magagawa mo?! Isa ka lang batang kaluluwa! Isang batang hindi makatawid sa kabilang buhay! Bwahaha!!! Ah, alam ko na, bakit kaya hindi ikaw na lang ang tumulong sa akin upang makuha ang kaniyang kaluluwa?"
"Ano?! Bakit ko naman gagawin iyon sa ate ko?!" gulat na tanong ni Angela.
Mas lalo siyang nagulat at natakot nang unti-unting maging kawangis niya ang itim na usok at humarap sa kaniya. Naging kamukhang-kamukha niya ito maliban sa mga pula nitong mata at matutulis nitong mga ngipin na kulay itim.
"Maghihintay ako ng tamang pagkakataon!" Muli itong nagsa-anyong itim na usok pagkatapos ay sumunod sa kaniyang ate Lucille na lumalakad na paalis ng dalampasigan na kanilang kinaroonan.
"Hindi! Hindi ito maaari! Anong gagawin ko?!...Lord, tulungan N'yo po ako!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top