Kabanata 14 - Kaluluwang Hindi Makatawid Sa Kabilang Buhay
Unti-unting naging itim na usok ang katawan ng batang babaeng bumagsak sa dagat pagkatapos ay tuluyan itong naglaho.
Samantalang dahan-dahan namang nagmulat ng mga mata si Pipay at tuluyang napadilat nang mapagtantong nakikita niya ang bilog na buwan at kalangitan sa halip na bubong ng kanilang bahay. Naramdaman niya ang pagdampi ng malamig na hangin sa kaniyang balat. Naramdaman rin niya na basa ang likuran ng buo niyang katawan dahil sa pagkakahiga niya sa buhanginan.
"Ha?!..paanong?!...ate Lucille?!...ano pong ginagawa natin dito?!...bakit dito po ako nakahiga?!" naguguluhang tanong ni Pipay sa kaniyang ate nang makita ito habang siya ay tumatayo.
Mahigpit na niyakap ni Lucille si Pipay bago mangiyak-ngiyak na nagsalita, "Salamat sa Diyos at ligtas ka!"
"Po?! Ano po bang nangyari ate Lucille?!" tanong ng bata na kumalas mula pagkakayap ng kaniyang ate.
"Naku Pay! Mahabang kwento at lubhang hindi kapani-paniwala ang lahat. Mamaya ko na lang sasabihin sa'yo lahat pagka-uwi natin." sagot ni Lucille habang pinapagpagan ang katawan at damit ni Pipay na nabasa at nadumihan. Bagama't hindi pa rin makapaniwala sa mga naganap, kampante na ang pakiramdam ni Lucille lalo na't wala na ang kawangis ni Angela na gustong kumuha kay Pipay at dahil balik na sa normal ang kaniyang nakababatang kapatid.
Nginitian ni Lucille ang misteryosang babae na bahagyang lumapit sa kanilang magkapatid.
"Maraming salamat nga pala sa tulong mo at sorry dahil nasungitan kita kanina. Hindi rin kita agad pinaniwalaan." mahinahon at nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Lucille sa babae.
"Walang anuman...at naiintindihan ko...dahil sadyang hindi naman talaga kapani-paniwala ang lahat." sagot ng babae.
"Sino po siya ate Lucille?" tanong ni Pipay sa kaniyang ate nang makita ang misteryosang babae.
"Isa siyang kaibigan." sagot ni Lucille.
"Teka, ano nga pala ang pangalan mo at paano mo nalaman ang lahat ng ito?" baling ni Lucille sa babae.
"Dahil nakita ko ang lahat, dahil katulad ng masamang espiritung iyon, nandito rin ako sa paligid ninyo at binabantayan kayo...hindi ako makaalis dahil hindi n'yo ako mapakawalan...kayong dalawa."
1 year ago.
"Patay na 'ko!" hindi makapaniwalang turan ni Angela habang nakatingin sa wala nang buhay niyang katawan na kalung-kalong ng kaniyang ate Lucille sa dalampasigan.
"Angela! Angela! Angela!!!" histerikal na sigaw ni Lucille na hindi matanggap ang nangyari sa kapatid. Nagsimula nang magsidatingan ang kanilang mga kapit-bahay upang maki-usyoso sa nangyari.
Hinawakan ni Angela ang kanang pisngi ng kaniyang ate upang punasan ang mga tumutulong luha nito subalit lumagpas lamang ang kaniyang kanang kamay sa mukha nito. Napaiyak na rin si Angela, "Ate Lucille, sorry dahil hindi ako nakinig sa bilin mo."
"Ate Angela! Sorry, kasalanan ko 'to! Hindi kita natulungan!" umiiyak na sabi ni Pipay habang nakaupo rin sa dalampasigan paharap kay Lucille.
Lumapit si Angela kay Pipay at sinubukan itong yakapin subalit lumagpas lang ang kaniyang mga braso sa katawan ng kapatid. Lalong napaiyak si Angela dahil talagang hindi na niya mahawakan ang mga kapatid.
"Hindi mo kasalanan Pipay, napahamak ako dahil sa katigasan ng ulo ko." sabi ni Angela habang umiiyak na walang magawa kung hindi pagmasdan na lamang ang mukha ng lumuluha niyang kapatid.
Naagaw ang pansin ni Angela nang tila mga nag-aawitang anghel mula sa kalangitan. Napatingin siya rito at nakita niyang tila bumukas ang langit pagkatapos ay isang nakasisilaw na liwanag ang lumabas at tumama sa dalampasigan malapit sa kanila. Maya-maya pa'y nakita niya na lumitaw mula sa liwanag ang dalawang taong mahalaga at pinakamamahal niya maliban sa kaniyang mga kapatid.
"Angela, anak. Halika na. Oras na." nakangiting turan ng kaniyang nanay Sally sa mapayapa nitong tinig.
"Matagal ka naming hinintay anak. Ngayo'y magkakasama na tayo doon sa paraiso." masayang sabi ng kaniyang tatay Fernan na inilahad ang kanang kamay kay Angela.
"Nay! Tay!" lumuluhang turan ni Angela dahil sa kasiyahan na muling makita ang kaniyang mga magulang.
"Huwag!!! Huwag ninyong kunin ang kapatid ko! Akin na si Angela!!!" tila wala na sa sariling sigaw ni Lucille.
Napatingin si Angela sa kaniyang kapatid dahil sa narinig niyang pagsigaw nito. Nakita niyang kinukuha na kanilang mga kapit-bahay ang kaniyang katawan mula sa kaniyang ate.
"Lucille! Ano ka ba?! Dadalhin natin sa ospital ang kapatid mo baka mailigtas pa siya ng mga doktor!" Nakita at narinig niyang sabi ng kanilang ninang Donna na namumula na rin ang mga mata dahil sa pag-iyak, "Mabuti pala at iniwan ko ang iba mo pang kapatid sa ninong Edwin mo kaya ako nakapunta rito!"
Subalit tila bingi si Lucille sa mga sinasabi ng kanilang ninang Donna, "Bitiwan n'yo si Angela! Akin na ang kapatid ko! Akin na ang kapatid ko!!!"
"Ano ka ba Lucille?! Magpakatatag ka para sa mga kapatid mo!" Isang matunog na sampal ang ibinigay ng kanilang ninang Donna sa kaniyang kapatid upang ito'y awatin sa pagwawala, "Bilisan na natin mga kapit-bahay, tulungan n'yo ako! Dahil na natin si Angela sa ospital.
Kitang-kita ni Angela na natulala na lang ang kaniyang ate Lucille matapos ang nangyari habang nakayakap dito ang kapatid niyang si Pipay na patuloy sa pag-iyak.
"Angela...Angela, kapatid ko."
"Ate Angela, sorry talaga, kasalanan ko ang nangyari sa 'yo...kasalanan ko."
Malungkot na tumingin si Angela sa kaniyang nanay Sally at tatay Fernan matapos ang kaniyang mga nasaksihan at matapos marinig ang mga tumatakbo sa isipan ng kaniyang mga kapatid na parehong nakatingin sa mga taong bitbit ang katawan niyang wala nang buhay.
"Nay, tay, sorry po, pero hindi pa ako makakasama sa inyo ngayon...si Ate Lucille po kasi at si Pipay...hindi ko pa po sila maiiwan."
Nakita ni Angela na nginitian siya ng kaniyang mga magulang, binalot ang mga ito ng liwanag at muling nagbalik sa kalangitan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top