Kabanata 10 - Ang Misteryosang Babae

"Miss ano bang problema mo at ayaw mo akong paraanin?!" pagalit na tanong ni Lucille sa babaeng humaharang sa kaniyang daraanan palabas ng sementeryo. Napansin niya ang itim nitong mga mata, may katangusang ilong, manipis na mga labi at ang mahaba nitong itim na buhok na lagpas balikat. Nakaputing t-shirt ito, nakasuot ng jeans, at naka-sandals bilang panyapak. Sa tingin ni Lucille ay kasing edad niya ito o mas bata lang sa kaniya ng isang taon.

"Nasa panganib ang buhay mo at buhay ng kapatid mo!" may diin at seryosong sabi ng babae na nakatingin nang tuwid sa mga mata ni Lucille.

"Ha?! Ano?!" naguguluhang tanong ni Lucille sa babae.

"May masamang espiritu na umaaligid sa inyo! Hindi siya titigil hangga't hindi niya nakukuha ang gusto niya! Ang buhay ng isa sa inyong magkapatid!" nag-aalalang paliwanag ng babae kay Lucille.

"Miss, ano ba yang mga pinagsasabi mo?! Hindi kita maintindihan! Nababaliw ka na ba?!" naiiritang sabi ni Lucille na nilagpasan ang babae.

Bagama't nawiwirduhan si Lucille sa mga sinabi at inakto ng babae, tingin naman niya ay normal ito. Hindi naman ito marungis na gaya ng ibang taong gumagala na wala sa katinuan. Maamo rin ang mukha nito at mukha namang hindi gagawa ng masama. Nakikita niya rin ang pag-aalala at sinseridad sa mga mata nito na lubhang ipinagtataka ni Lucille dahil hindi naman niya kilala ang babae.

"Makinig ka sa akin!" sabi ng babae sabay hawak sa kaliwang braso ni Lucille na nagpatigil sa paglakad nito. "Mas malakas siya ngayon! Dahil galit ka! Galit na galit ka! At dahil sa kawalan mo ng pananampalataya sa Diyos!"

Nagpantig ang dalawang tenga ni Lucille sa narinig kaya marahas niyang inalis ang kamay ng misteryosang babae na nakahawak sa kaniyang braso. "Diyos?!...anong Diyos?!...walang Diyos!!!...at kung mayroon man! Napakaramot Niyang Diyos!"

"Hindi...pakiusap, wag mong sabihin 'yan." nagsusumamong turan ng babae kay Lucille sa tinig na halos mangiyak-ngiyak na.

"At bakit hindi?! Napakaramot Niya sa akin! Ni hindi man lang Niya ako binigyan ng mabuting ina kaya nagawa akong iwan nito noon kahit bata pa ako!...tapos yung mag-asawang nagmalasakit sa akin at minahal ako ng higit pa sa pagmamahal ng tunay kong ina kinuha Niya pa sa akin!...at hindi pa doon natapos...dahil pati ang kapatid ko na musmos pa lang kinuha Niya rin sa akin!...sa amin! Ni hindi niya man lang naranasang makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng sariling pamilya, mamuhay ng masaya at matagal sa mundong ito!" Ikinagulat ni Lucille na nasabi niya ang mga bagay na ito na matagal niya nang kinikimkim sa isang taong hindi naman niya kilala.

Dali-dali niyang pinahid ang mga luhang hindi matigil-tigil sa pag-agos mula sa kaniyang mga mata at tuluyan nang tinalikuran ang babae upang lumabas sa sementeryong iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top