Epilogo
Angela, maraming salamat sa ginawa mong pagliligtas sa amin ni Pipay. Alam kong masaya ka na ngayon kasama sina nanay at tatay diyan sa piling ng ating Panginoon. Tulad nang ipinangako ko sa'yo at sa ating mga magulang patuloy kong mamahalin at aalagaan ang ating mga kapatid. Simula rin ngayon, mabubuhay na akong walang galit sa puso at bukas para sa pagmamahal ng ibang tao.
Pagkausap ni Lucille kay Angela sa kaniyang isipan habang sinisindihan ang isang kandila sa lugar ng simbahan kung saan nagtitirik ng kandila para sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ito ang unang pagkakataon na muling tumapak si Lucille sa simbahan matapos ang nangyaring aksidente sa kaniyang kapatid na si Angela. Kakaibang saya ang kaniyang naramdaman dahil bukod pa sa pinalaya na niya ang kaniyang sarili sa lahat ng galit at hinanakit ay tila isa siyang alibughang anak na lumayo sa kaniyang magulang at ngayo'y muling nagbalik sa piling nito. Tila isa siyang naligaw na tupa na muling nakabalik sa kaniyang tahanan. Muling nakabalik si Lucille sa piling ng Diyos. Kaya naman, hindi niya mapigilan ang patuloy na pagpatak ng kaniyang mga luha habang umuusal ng panalangin para sa Panginoon.
Ipinasiya niyang magsimba at hindi muna pumasok sa trabaho upang mag-alay ng panalangin ng pasasalamat kay Angela at sa Diyos para sa pagliligtas sa kanilang dalawa ni Pipay kaninang madaling-araw.
Mag-sa-sign of the cross na sana si Lucille matapos ng maiksi subalit madamdaming panalangin sa Diyos nang may marinig siyang...
Psst!!!
Ano yun?! Parang galing doon sa loob! Dahan-dahang naglakad si Lucille mula sa kaniyang kinatatayuan patungo sa pintuan papasok sa pinakaloob ng simbahan. Sumilip siya sa loob ng simbahan subalit wala naman siyang nakitang tao.
Sinadya talaga ni Lucille na bandang tanghali na siya magsimba upang kaunti lang ang taong madadatnan niya.
Ikinagulat ni Lucille na may biglang humawak sa kaniyang kaliwang braso habang sumisilip siya sa loob ng simbahan.
"Aaaahhhh!!!" sigaw ni Lucille sabay harap sa humawak sa kaniya.
"Naku boy! Ikaw lang pala! Tinakot mo naman ako!" Nakahinga ng maluwag si Lucille nang makita na isang batang lalaki lang pala na nagtitinda ng itlog ng pugo ang humawak sa kaniya.
"Ate bili na po kayo ng itlog ng pugo! Bente pesos lang po isang balot!" sabi ng batang lalaki.
"Sige na nga...isang balot lang." Inabot ni Lucille ang apat na limang pisong barya sa batang lalaki. Ibinigay naman ng bata ang isang balot kay Lucille na agad umalis pagkakuha nito.
Naiwan ang batang lalaki na masayang binibilang ang baryang ibinayad sa kaniya ng unang taong bumili sa kaniya sa araw na ito.
Pssst!
"Ano yun?!" Luminga-linga ang bata ngunit wala siyang makitang tao sa paligid.
Dali-dali syang tumakbo paalis dahil sa takot.
Maya-maya, lumabas mula sa pintuan ng pinakaloob ng simbahan ang isang batang babaeng nakangiti. Maamo ang mukha nito, itim ang kulay ng mga mata, may katangusan ang ilong, manipis ang mga labi, itim ang mahaba nitong buhok at nakasuot ng puting bestida.
Si Angela!
Nawala ang ngiti sa mga labi nito at naging blangko ang ekspresyon ng mukha nang magsimula itong maglakad ng mabagal palabas ng simbahan hanggang sa tuluyan itong maglaho.
Wakas
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top