II

Muli na namang tumulo ang mga luha ko nang maalala ang mapait kong mga nakaraan.

Agad naman akong inalo ng lalaking ito upang kahit papaano ay maibsan ang aking nadarama.

"Ako nga pala si Luke. Ikaw si Harrietta, tama?" Tumango na lamang ako bilang kasagutan sa tanong n'ya.

"Sumama ka sa'kin. Doon ka na muna tumuloy sa condo ko." Inalalayan ako nitong tumayo.

Sa una ay nag-aalinlangan pa akong sumama sa kan'ya ngunit nakumbinsi n'ya rin ako sa huli. Sa paglipas ng mga araw ay gano'n pa rin ang pakikitungo sa'kin ni Luke. Mabait, masipag, maalalahanin, at maalaga. Lahat na yata ng kabutihang katangian ay nasa kan'ya na. All I can say is that, he is a perfect man.

Tinulungan n'ya akong muling makabangon. This is it!

At sa marami ring paglipas ng mga araw na iyon ay natagpuan ko na lamang ang aking sarili na unti-unting nahuhulog sa kan'ya. Hindi ko lang maamin dahil natatakot akong mabalewala. Mukhang kapatid lamang ang turing nito sa akin at dapat kong tanggapin na lang iyon sa kabila ng lahat ng kabutihang ginawa n'ya para sa akin.

Masaya ang aming pagsasama sa araw-araw. Napagkakamalan nga kaming magkasintahan ngunit itinatanggi namin ito. Isa pa, natanong ko na rin naman si Luke kung bakit wala pa s'yang ipinapakilalang babae sa akin, ang sabi n'ya lang, mayroong isang napaka-espesyal na babaeng napupusuan n'ya ang gusto n'yang mapasakanya. Kinulit ko s'ya tungkol dito ngunit bigo ako kaya hinayaan ko na lamang s'ya. Siguro malalaman ko rin iyon sa tamang panahon at magiging masaya na lamang ako para sa kanila.

Maayos ang takbo ng lahat hanggang sa nagkaroon na naman kami ng matinding problema. Naaksidente ako mula sa aking pagmamaneho, nabulag. Nanlumo ako dahil hindi ko na muling masisilayan ang mundong aking kinagisnan. Mukhang nakatadhana na talagang parati akong bigo sa buhay. Kung kailan naman nagiging maayos na ang lahat saka naman palaging may mga problemang dumarating.

Tanging pagdadalamhati lamang ang aking nagawa dahil kailangang may taong mag-donate ng isang pares ng mata para muli akong makakita. Ngunit sino? Wala na akong ibang malalapitan ngayon. Hindi naman ako papayag na gawin 'yon ni Luke para lamang sa akin dahil sobra-sobra na ang mga ginawa n'ya para sa'kin.

"Harrietta, may good news ako!" bulalas nitong si Luke habang hawak-hawak ang kamay ko.

Kasalukuyan kaming nasa hospital ngayon. Naikwento sa akin ni Luke na magdadalawang linggo na akong naka-confine rito at patuloy pa rin s'yang naghahanap ng taong willing mag-donate ng pares ng mata para sa akin.

"Ano 'yon?"

"Nakahanap na ako ng taong magdo-donate ng mga mata para sa'yo."

"Talaga?!"

"Oo, willing s'yang gawin ito para sa'yo."

"Sino s'ya? Gusto kong makapagpasalamat man lang sa kan'ya."

"Malalaman mo rin. S'ya nga pala, mamayang madaling araw ka na ooperahan. 'Wag kang matakot, kaya mo iyan. Alam kong matatag kang tao. Nandito lang ako para sa'yo."

Dahil sa sinabi n'yang iyon ay nabuhayan ako. Hindi ako nawalan ng pag-asa na makakakita muli. Salamat sa taong iyon para sa pagbibigay n'ya sa akin ng mga mata. May pag-asa na muli akong makasama nang masaya si Luke kahit na alam kong taliwas ang nararamdaman nito para sa akin.

Dumating na ang oras ng aking operasyon. Sobrang kinakabahan ako ngunit patuloy akong kinakalma ni Luke.

"Nandito na tayo sa operating room. Good luck Harrietta, kaya mo iyan." Iyan ang huli kong narinig mula sa kan'ya bago ako tuluyang ipasok sa operating room.

Naramdaman kong may itinurok na lamang sa akin hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng ulirat.

***

Sa pagmulat ng aking mga mata, puting silid ang agad na bumungad sa aking paningin.

Nasaan ako? Hindi ba naging matagumpay ang operasyon ko? Ibig sabihin ba nito ay patay na ako? No! Hindi pwede 'to!

"Gising na ho pala kayo ma'am," wika ng isang tinig kung saan.

"Nasaan ako? Patay na ba ako?" Patuloy ako sa paggala ng aking paningin. Hinahanap ko ang presens'ya ni Luke.

"Hindi ho ma'am. Successful po ang operasyon n'yo. Nasa regular room na po kayo ngayon," sambit n'ya na isa palang nurse.

Inikot-ikot ko pa ang aking paningin, napakalinaw. Utang ko ang buhay ko sa nagbigay ng pares ng matang ito.

"Ah nurse, nasaan 'yong lalaking kasama ko kanina bago ako ipasok sa operating room?" tanong ko.

May kinuha ito at ibinigay sa akin, isang papel. Nagtaka ako pero kinuha ko na lamang iyon.

"Pinabibigay nya ho sa inyo ma'am. Excuse me ho, mauna na ako," paalam nito bago tuluyang lumabas ng pinto.

Dahan-dahan ko namang binuksan ang papel na ito at sa tingin ko ay isang sulat. Napangiti agad ako ng mabasa ko ang heading nito.

To my innamorata,

Kumusta ka? Tama ako, hindi ba? Na magiging successful ang operasyon mo. Alam ko namang matatag kang babae. Gusto ko lang malaman mo na kapag tuluyan ka nang naka-recover d'yan ay alagaan mo ang sarili mo ah? Ayoko ng kung ano-ano pang nangyayari sa'yo, napakalampa mo pa naman.

S'ya nga pala, hindi ba't kinukulit mo'ko tungkol do'n sa isang babaeng nakaagaw ng atens'yon ko? Ang totoo n'yan, ikaw 'yon Harrietta. Pasensya ka na dahil dito ko pa sinasabi sa'yo ang lahat ng ito, hindi ko na nasabi sa'yo ng personalan.

Harrietta, patawad kung hindi na kita mapupuntahan o mabibisita man lang d'yan. Pasensiya ka na rin dahil hindi na kita matutulungan sa hustisyang nais mo. Magpakatatag ka, alam kong kaya mo 'yan. Sa ngayon ay ingatan mo na lamang ang pares ng matang ibinigay ko sa'yo, 'yan na lamang ang tanging alaala mo sa'kin.

Harrietta, mahal na mahal kita. Sorry talaga kung hindi ko ito nasabi sa'yo noon pa man, pinangunahan lamang ako ng takot at kaba. Ikaw lang 'yong tanging babaeng gusto kong makasama habang buhay kaya nga hindi kita hinayaang mamatay, 'di ba? Noon pa man, talagang hindi pa tayo nagkakatagpo ay may pagtingin na ako sa'yo. Stalker na kung stalker pero mahal kita, Harrietta.

Ingatan mo ang mga mata ko kundi mumultuhin kita, biro lang.

I love you, my innamorata.

Love,
Luke

Matapos kong mabasa ang liham niyang ito ay halos mapunit na iyon dahil sa mga luhang kanina pa pumapatak dito.

"Luke, bakit mo naman ginawa 'yon?" Wala sa sariling tanong ko. Napatakip na lamang ako sa aking bibig dahil sa labis na sakit na aking nadarama.

Sobrang sakit, wala ng mas sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon. 'Yong tipong gusto kong makasama 'yong taong 'yon ngunit hanggang sa alaala ko na lamang s'ya pwedeng makasama.

"Bakit ngayon pa? Kung kailan kailangang-kailangan kita. Kung kailan ikaw na lang 'tong kakampi ko sa lahat? Bakit mo naman ako iniwan? Ang daya-daya mo, Luke," patuloy lamang ako sa paghihinagpis.

Pinahiran ko ang mga luhang nagbabagsakan sa aking mga mata. Ang mga matang ito, iingatan ko ang mga ito. Ito na lamang ang tanging alaala na iniwan n'ya sa akin.

Pinapangako kong babangon ulit ako, magpapakatatag ako. Haharapin kong muli ang mundong minsan na akong tinalikuran. Patutunayan ko sa kanila na inosente ako. Hahanapin ko ang hustisyang nararapat ay sa akin, ang hustisyang matagal na nilang ipinagkakait sa akin.

***

Makalipas ang isang buwan ay tuluyan na akong naka-recover mula sa aking pagpapahinga. Napagbulay-bulayan ko na ring bumalik sa aking pamilya.

Matapos ang mahabang b'yahe ay bumaba na ako sa kotseng sinasakyan ko. Pinagmasdan ko ang kapaligiran. Ito ang bahay na binili ko para sa kanila. Napakaganda pa rin nito, walang pagbabago.

Napansin ko ang isang dalaga na lumabas sa pintuan. Marahil ay ito na si Angela.

"Ate, tinatawag ka ni Nanay sa loob." Lumabas naman ang isa pang binata, si Nathan, ang bunso kong kapatid. Ang lalaki na nila, mga binata't dalaga na.

"Nathan, Angela! Pumasok na kayo rito!" sigaw ni nanay mula sa loob, maya-maya pa'y lumabas na ito.

Biglang dumako ang mga mata nila sa akin, ngumiti lamang ako sa kanila.

"Ah ineng, may kailangan ka ba sa amin?" tanong ni Nanay habang 'yong dalawa ay nakatingin lamang sa akin.

"Hindi n'yo ho ba ako natatandaan?" Maluha-luhang tanong ko sa kanila. Miss na miss ko na sila kahit na sila pa itong unang nagtakwil sa akin.

"Bakit? Sino ka ba iha? Kamag-anak ka ba namin? Kakilala?" tanong pa ni Nanay. Hindi na nila ako halos makilala dahil ibang-iba na ang hitsura ko noon kumpara ngayon.

"N-nay, ako ho ito. Si Harrietta." Hindi ko na mapigilan ang maluha sa harapan nila.

"Ate?" sabay na wika no'ng dalawa.

"H-Harrietta?" Naluluhang tanong ni Nanay. Agad n'ya akong niyakap ng mahigpit, sumunod na rin 'yong dalawa.

"Pasensiya ka na anak," wika ni nanay.

"Shhh. Nay tama na, hindi naman ako galit sa inyo e. Kalimutan na ho natin ang mga nakaraan," saad ko.

"Anak patawarin mo talaga kami." Patuloy na pagsusumamo ni nanay.

"Nay, ano ka ba? Okay na 'yon, mag-focus na lang tayo sa kasalukuyan okay? Miss na miss ko na kayo, nay."

"Ate kala namin hindi ka na ulit namin makikita. Miss na miss ka na namin. Si Nanay parating umiiyak kakaisip sa'yo. Pinagsisisihan ni Nanay na itinakwil ka n'ya," sambit ni Angela.

"Kalimutan na natin 'yon, ang mahalaga ay 'yong ngayon, okay? Miss na miss ko na rin kayo." Muli kaming nagyakapan.

Hindi nagtagal ay nagkaayos din kaming pamilya. Sino-sino pa nga ba'ng magdadamayan? Kundi ang sariling kadugo ko rin naman.

Matapos ang lahat ng masalimoot na nangyari sa'kin ay napag-alaman na rin kung sino ang tunay na pumaslang kay Don Emilio. Ang totoong kumitil ng kan'yang buhay ay ang sarili n'yang anak na si Señorita Donabelle dahil sa kagustuhan na mapasakan'ya ang lahat ng ari-arian ng kan'yang ama ngunit wala naman itong sapat na kaalaman upang magpatakbo ng negosyo. Ang tanging alam lamang nito ay ang gumasta nang gumasta. What a psychopathic woman?

Lumabas din ang katotohanang matagal ko nang inaasam-asam.

Nabunyag ang lahat ng lihim na iyon dahil sa isang taong hindi na nagtangkang magpakilala pa at dahil doon ay nakulong si Señorita Donabelle. Hindi sa normal na kulungan ng mga preso kundi sa mental dahil may problema na pala ito sa kan'yang pag-iisip.

***

"It's been a year, Luke. I miss you so much." Napangiti ako sa harapan ng kan'yang puntod bago tuluyang inilapag ang mga bulaklak na binili ko.

"Siguradong masaya ka na ngayon kung nasaan ka man. Sayang lang at hindi man lang tayo binigyan ng pagkakataong magsama nang matagal."

"S'ya nga pala, nabigyan na ng hustiya ang pagkamatay ni Don Emilio. Nalinis ko na rin ang pangalan ko at magiliw na akong tinatanggap ng mundong ginagalawan ko."

"Salamat sa lahat ng ginawa mo, Luke. Salamat sa lahat ng pagtulong mo sa'kin. Hinding-hindi kita makakalimutan. Mahal na mahal kita." Napangiti ako ng mapait.

"You made me hopeless again. Ikaw 'yong nagbigay sa akin ng pag-asang mabuhay ulit pero ikaw din yung dahilan kung bakit nararamdaman ko na naman ang sakit na ito." Humihikbing wika ko habang nakatanga sa puntod n'ya.

Nagpunas na ako ng mga luha ko at nagsimulang maglakad papalayo sa puntod n'ya. Hindi ko kaya.

Naging blurry na ang aking dinaraan kaya naman mabilisan kong pinahid ang mga luha ko.

Inangat ko ang aking ulo at agad na nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita.

Isang napaka-pamilyar na lalaki.

"L-Luke?"

•End•

***

A/N: Marami po akong binago sa story na ito pero naroon pa rin naman po ang pinaka-plot ng kwento. Once again, thank you so much for supporting and reading this work of mine!

Please do votes, comments and also share this to your friends!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top