HIWAGA SIMULA

[Ang Simula]

NAPATIGIL ako sa paglalakad nang may magsalita mula sa likuran ko. "Yvonne! Thanks for being with us. Where would you go na?" Napalingon ako kay Jane na syang nagtanong, kaibigan ko.

O kaibigan ko nga ba?

"Kayo?" Imbis na sagot ay tanong din ang binigay ko sa kanila, nagkatinginan si Jane at Mary na kasama rin namin ngayon.

Nandito kami ngayon sa isang mall, sa tingin ko ay four o'clock na ng hapon at paparating na ang sunset. Sabay silang naglalakad at nauuna ako dahil ang bagal nila, hindi ko nga alam kung bakit ako sumama sa dalawang 'to.

Tinext lang ako ni Jane na magkita kami sa mall of asia, ako naman 'tong mag-isa at naghahanap ng makakausap ay sumama. Ang akala ko naman ay mapupunan ang pag-iisa na nararamdaman ko sa loob ng bahay namin pero hindi naman pala, parang may kulang pa rin.

"Girl, uuwi na kami ng sis ko. Uuwi ka na rin?" Tanong ulit ni Jane, mas matanda sya kay Mary at magkapatid sila.

Napakurap ako ng dalawang beses at tinignan silang dalawa. Matapos nila akong yayain, makalipas lang ang ilang minuto, after kong mag-effort na pumunta dito, uuwi na agad sila?

Parang hindi naman 'yon big deal sa kanila, sinubukan ko na lang ngumiti. "Sige, uuwi na rin ako. Ingat kayo," pilit ang ngiting saad ko, iyon na naman ang pakiramdam na umasa ako tapos hindi naman pala mangyayari.

"Bye, girl!" Pamamaalam na ni Mary at nakipag-beso sa akin, maging si Jane ay ganoon din. Napatulala na lang ako hanggang sa tuluyan na silang makaalis sa aking harapan.

Ilang sandali pa ay napahinga ako ng malalim at ilinibot ang aking paningin, andami pa ring tao na patuloy sa paglalakad mula sa kaliwa't kanan. Nag-angat ako ng tingin sa kalangitan, sunset na nga. Color orange ang kalangitan, malapit nang maggabi. Kahit naman umuwi ako ng late, walang mag-aalala dahil wala namang tao sa bahay.

Nagbaba na ako ng tingin at inalis na ang ngiting pinipilit ko lang naman, naisip ko na umuwi na lang talaga. At sa oras na umuwi ako, mararamdaman ko na naman ang pamilyar na pag-iisa. Pag-iisa na palagi ko namang nararamdaman pagdating sa aking mundo.

PINASADAHAN ko ng tingin ang mansyon naming nababalot ngayon ng dilim dahil walang nakabukas na ilaw, napahinga ako ng malalim at naglakad na papasok doon. Ako lang naman ang palaging nandito sa napakalaking mansyon na ito dahil lumisan na silang lahat.

Para saan pa ang malaking tahanan kung mag-isa lang naman ang taong naninirahan dito?

Nang makapasok sa loob ay hindi na ako nag-abala pang buksan ang mga ilaw dahil nasanay na ako sa dilim at sa mismong dilim ng buhay ko. Wala si daddy para gabayan ako dahil busy sya sa trabaho, 'yong mga kapatid ko naman ay may kanya-kanya nang pamilya, at ang mommy ko naman ay matagal nang pumanaw.

Dumiretso na ako sa kwarto ko sa second floor, pagbukas ko ng ilaw ay napapikit ako dahil sa biglaang pagdating ng liwanag. Muli naman akong napadilat nang marinig ang pagtunog ng cellphone ko.

Kinuha ko na 'yon mula sa aking bulsa at tinignan kung sino ang nag-text, baka mamaya ay nag-chat na naman ang mga so called friend ko. Ngunit napatigil ako matapos makita kung kanino nagmula ang text.

From Angela:
Happy 25th birthday, Mariella! Sorry kasi malayo ako sa 'yo at hindi kita mababati ng personal :(

From Angela:
Enjoy your day, keep safe always! Kapag nagkita ulit tayo, sana nakangiti ka na. Ily!

Unti-unting namutawi ang emosyon sa mga mata ko matapos mapagtanto na kaarawan ko pala ngayon. Napahinga muli ako ng malalim at napangiti ng kaonti, mabuti pa sya at naalala na birthday ko ngayon.

Si Angela, kaibigan ko sya since high school pero simula noong lumipat sila ng bahay ay hindi na muli kaming nagkita. Nagpapasalamat ako dahil hindi nya pa rin ako kinakalimutan at maging ang birthday ko, salamat dahil kahit isa ay may nakaalala.

Matapos ko syang pasalamatan ay binitawan ko na ang cellphone at sling bag ko sa kama, nagagandahan pa rin ako sa suot kong puff button down top na kulay black at white wide leg pants kaya hindi muna ako nagpalit. Hinubad ko lang ang suot kong high heels na kulay beige at sinuot ang tsinelas kong pang-bahay.

Umihip ang malakas at malamig na hangin na syang naging dahilan upang mapatingin ako sa balcony na nakabukas at maging ang kurtina, nagsimula akong maglakad papunta roon.

Nang tuluyang makapunta sa balcony ay sumalubong sa akin ang malamig na hangin na tila yumakap sa akin, malungkot akong napangiti at humawak sa railings. Sa totoo lang, habang tumatanda ako, patagal nang patagal, mas natatanggap ko na lang ang birthday na walang handa.

At mag-isa.

Nag-angat naman ako ng tingin sa kalangitan kung saan doon ay namumutawi ang milyong-milyong bituin sa kalangitan, tila biglang sumabay ang aking mga mata sa pagkislap nila.

Payapa na ang madilim na gabi, muling umihip ang malamig na hangin ngunit sa pagkakataong ito ay humawi na sa namumuong luha sa aking mga mata. Mga luha na nagsisimulang mamuo dahil sa lahat ng pakiramdam na aking itinatago na lamang.

Habang pinagmamasdan ang mga bituin na nagniningning at kumikislap para sa akin ay napasunod ako ng tingin sa isang shooting star, wala sa sarili akong napangiti. Ito na siguro ang magsisilbing cake para sa madilim kong kaarawan. Ipinikit ko na ang aking mga mata at hiniling ang isang bagay na naghahari ngayon sa puso ko.

Na sana, maramdaman ko rin ang tunay na pag-ibig...

KINABUKASAN, itinaas at iwinagayway ko ang aking kamay bilang pagsenyas na gusto kong sumakay sa taxi. Tumigil naman ang isang taxi sa harapan ko, agad kong binuksan ang pinto at sumakay.

Maaga pa lamang at tirik na tirik ang araw kung kaya't init na init din ako ngayon. Nang makapasok sa loob ay agad kong pinaypayan ang aking sarili gamit ang aking kamay, kahit sobrang hina ng buga ay pwede na rin.

Tapos na ang day off ko kaya papasok na ako ngayon sa bangko, as usual ay suot ko rin ang uniform kong navy blue ang kulay. Napatigil ako nang lingunin ako ni manong driver at iabot sa akin ang isang abaniko.

"Ate ganda, oh. Mukhang init na init ka," natatawang saad nya, napatigil ako nang makilala sya.

"Tito?" Patanong na saad ko at napangiti, napahalakhak naman sya. Napailing na lang ako at sumandal sa upuan.

Si Tito Jose talaga, napakamaloko. Kapatid sya ni Mommy, kumpara kay daddy ay nagmula lang sa mahirap na pamilya si mommy. Sa kabila no'n ay nagawa pa ring mahalin ni dad si mommy, bitter at hindi ako naniniwala sa pag-ibig pero nahiwagaan pa rin ako sa love story ng mga magulang kong hindi nagtapos sa masaya.

Bumalik na ako sa reyalidad at kakausapin sana si Tito Jose ngunit nanlaki ang mga mata ko matapos makita ang isang malaking truck na papasalubong sa amin ngayon, paliko-liko ang gulong at kay tulin ng takbo!

"Tito Jose!" Sigaw ko ngunit huli na ang lahat, nataranta sya at biglaang iginilid ang sasakyan.

Hindi namin nakabungguan ang malaking sasakyan ngunit muling nanlaki ang mga mata ko at napasigaw nang magdire-diretso kami sa kakahuyan, ang huli kong natandaan ay tumama kami sa isang malaking puno bago magdilim ang lahat.

NAGISING ang aking diwa, dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata. Unti-unti kong naramdaman ang sakit na aking natamo mula sa aksidente, napahawak ako sa tapat ng aking noo at ilinibot ang aking paningin.

Napatigil ako matapos makita ang mga taong nakapalibot sa akin, ang nagpagulat sa akin ay ang kanilang mga suot. Ang mga kababaihan ay nakasuot ng baro't saya at ang mga kalalakihan naman ay kamiso at pantalon, ang iba ay nakasuot ng abrigo.

Napatingin ako sa aking kasuotan at laking gulat ko nang makitang nakasuot din ako ng baro't saya, ilinibot ko ang aking paningin sa aking kapaligiran at nanlaki ang mga mata ko matapos makitang hindi na ako nakasakay sa isang taxi.

Napatulala na lamang ako matapos mapagtantong nabunggo nga ako ngunit sa pagkakataong ito ay nakasakay na ako sa isang kalesa!

********************
#Hiwaga #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top