HIWAGA KABANATA 30
[Kabanata 30 - Ang Kaniyang Nais]
BUWAN ng enero, lumipas na ang pasko at bagong taon. Totoo nga ang sinabi ni Agustin na magbabalik sya bago magtapos ang taon. Tuloy, sya ang nakasama ko noong bagong taon at hindi ang taong nais ko.
Wala naman akong ibang nagawa dahil may iba ring kasama si Yuan noong bagong taon, si Carolina. Hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman patungkol doon.
Kung dapat ba akong magselos? O kung may karapatan ba akong magselos? Gayong wala namang malinaw na namamagitan sa pagitan namin ni Yuan.
May mga salita lang syang binibitawan na nagbibigay motibo. Sya talaga ang lalaking itinutukoy ko noong unang beses kaming nagkita. Makikipagkaibigan at magbibigay motibo tapos sa huli, iiwan ka lang sa ere.
Pero sya, hindi naman nakipagkaibigan sa akin. Nagbibigay motibo lang pero ayaw linawin. Sya talaga ang dakilang paasa ng Santa Prinsesa. Hindi ko nga lang masabi kung mang-iiwan ba sya sa ere gayong patuloy naman syang bumabalik ng biglaan.
Pasko at birthday ni Liliana no'ng huli kaming nagkita. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang kaniyang mga salita at ang itinawag n'ya sa akin bago tuluyang lumubog ang buwan.
Aking sinta.
Hanggang ngayon din, hindi ako makapaniwala na nangyari ang sandaling 'yon. Hindi ako makapaniwalang kahit papaano ay may sweet part din pala si Yuan.
Tahimik at walang emosyon sa paningin ng lahat pero pagdating sa akin, matamis at nagawa pang ngumiti. Hindi ko na mabura pa sa isip ko ang ngiti niya. Sa tuwing iniisip ko sya, pakiramdam ko ay lumulutang ako sa mga bituin.
"Ate Liliana! Mukhang masaya ang iyong araw." Napalingon ako kay Anita nang magsalita sya mula sa likuran ko, napangiti ako.
Bakas din sa mukha niyang masaya sya ngayon. Ang totoo niyan ay kasama ko sya sa barrio Kalinaw noong bagong taon. Kasama ko ang buong pamilya ko at maging ang family in laws ko na rin.
Alam kong 'yon ang dahilan kung bakit sya masaya ngayon. Dahil sa wakas, nakasundo na muli niya ang pamilya n'ya. Nalaman ko na kaya pala nag-stay dito sa panciteria si Anita ay dahil nagtatampo sya sa pamilya niya kasi sa lahat, sya ang least favorite.
Sya ang shadow at bihira lang mapansin sa pamilya kaya naisipan niyang lumayo muna, pero alam kong napagtanto niya na walang kasiyahan sa pag-iisa. Masaya ako na bumalik na muli sya sa pamilya niya at masaya na rin sya.
"Siguro nga. Mga kalahati," nakangiting tugon ko sa sinabi n'ya at nagbalik ng tingin sa labas, payapa at tahimik ang kapaligiran.
Pinagmamasdan ko kasi ang marahang pagbuhos ng ulan, ang sarap ding damhin ng malamig na ihip ng hangin na tumatama sa balat ko. Maliban sa mga bituin ay paborito ko rin ang light rain.
Tinabihan naman ako ni Anita. "Kalahati? Bakit? Hindi ba buo ang kasiyahan sa puso mo?" Tanong niya, ngumiti ako ng marahan.
Masaya naman ako pero hindi kumpleto dahil hindi ko pa rin nakikita si Yuan. Aaminin kong na-mi-miss ko na sya kahit na nakatakda na syang ikasal sa iba. Minsan tuloy ay hindi ko mapigilang maisip na ako ang kabit.
Si Carolina ang mapapangasawa niya at hindi ako. Ang weird tignan na hinahanap ko sya kahit na wala namang malinaw na namamagitan sa aming dalawa. Ang Yuan naman kasing 'yon, palagi akong pinapaasa.
Pero kahit anong sabihin ko, umaasa pa rin ako na may iba na ring dahilan ang mga matamis na salitang binibitawan niya sa akin.
"Minsan na nga lang ako magkagusto, roon pa sa komplikado. Ang gulo ko, 'no?" Tanong ko rin at bumuntong hininga, nakakainis dahil na-mi-miss ko na talaga sya.
Gusto ko na syang puntahan ngayon pero ayoko namang magmukhang desperada sa paningin niya. Nakakahiya rin. Hindi pa naman gano'n kakapal ang mukha ko.
"Bakit? Anong komplikado sa inyo ni kuya Agustin?" Napatigil ako at napatingin sa kaniya dahil sa tanong n'ya. Alam niya ring may namamagitan kay Liliana at Agustin?
"Ah, wala. Kalimutan mo na ang sinabi ko," segway ko at sinubukang ngumiti muli, napakurap sya ng dalawang beses.
Nagbalik ako ng tingin sa kalangitan at tumigil na pala ang mahinang pagbuhos ng ulan. Unti-unti nang lumilisan ang mga ulap upang bigyan ng daan ang sinag ng araw.
Magsasalita pa sana muli si Anita pero sabay kaming napatingin sa mga grupo ng ale na papasok ngayon sa panciteria, sinulyapan ko sya.
"Anits, punta lang ako sa palikuran. Ikaw muna ang mag-serve sa kanila, please?" Pakiusap ko, dahil good mood ngayon si Anita ay tumango na lang sya.
Muli akong ngumiti at maingat na naglakad sa gilid palabas ng panciteria dahil may palikuran din sa likod no'n, mas malinis kumpara sa ginagamit ng mga costumers.
Dire-diretso na sana akong maglalakad papunta sa palikuran pero nagulat ako nang may yumakap sa akin mula sa likuran ko. Napatigil ako at magsasalita na sana pero tinakpan n'ya ang bibig ko at hinatak papalayo roon.
Dinala n'ya ako sa lugar kung saan wala masyadong tao. Hindi ko alam pero hindi naman ako kinabahan dahil sa pamilyar nitong paghawak.
Binitawan na niya ang labi at balikat ko at tuluyang pinakawalan. Napalunok ako bago lingunin kung sino 'yon. Naramdaman ko ang dahan-dahang pagkabog ng aking puso matapos makilala kung sino sya.
"Yuan..." Matapos kong sambitin ang pangalan niya, sa hindi malamang dahilan, sa kauna-unahang pagkakataon, nagawa kong lapitan sya at yakapin ng mahigpit.
Napapikit ako at napangiti. Tinapik n'ya ang likod ko at yinakap na rin pabalik. Parehong hindi maunawaan ng aming mga isip kung bakit namin ito ginagawa.
Gayong nakatakda na syang ikasal sa iba at may kasintahan akong iba sa paningin ng lahat.
Tanging ang mga puso lang namin ang nakakaalam.
"A-anong ginagawa mo rito? Bakit ngayon ka lang?" Sunod-sunod na tanong ko sa kaniya matapos bumitaw sa aming yakap na hindi ko kailanman malilimutan.
Sumandal sya sa pader habang ako naman ay nasa gilid niya. Nanatili syang nakatitig sa akin at tila kinakabisado ang bawat detalye ng mukha ko. Nakakabaliw talaga ang titig niya.
"Ngayon lamang ako nakahanap ng tamang pagkakataon," sagot n'ya at napaiwas ng tingin, kakatwang nagpapaliwanag sya ngayon.
"Paumanhin," dagdag niya, napatulala ako sa mukha n'ya. Bakit sya humihingi ng tawad?
"Bakit ka pa kasi umalis sa aking hacienda?" Tanong n'ya at nag-angat ng tingin sa akin, napatigil ako.
Umalis ako sa hacienda Enriquez matapos malamang nakatakda na syang ikasal sa iba. Umalis din ako dahil sa katotohanang naaalala n'ya lang pala sa akin ang dating iniibig. Hanggang ngayon kaya?
"Ano nga ba ang nangyari kay Mariella?" Wala sa sariling tanong ko at nag-angat ng tingin sa kaniya, napatigil sya at napaiwas ng tingin.
"Mahal mo pa rin ba si Mariella?" Tanong ko muli at sa pagkakataong ito ay napangiti ako ng mapait, muntik ko nang makalimutan na may nakaraan pa nga pala sya maliban sa pagkatakdang ikasal sa iba.
Mula sa pagkakayuko ay nag-angat na muli sya ng tingin sa akin. "Oo..." Ang diretsong sagot niya na nagpaguho ng aking mundo.
Napaatras ako dahil sa pagkabigla, ngunit nagulat ako nang umalis sya sa pagkakasandal at humakbang papalapit sa akin. Nang tuluyang makalapit ay yumukod sya upang pantayan ang mga mata ko.
"Ngunit hindi na sya ang Mariella na itinutukoy ko," dagdag niya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, halo-halong emosyon ang namutawi sa mga mata ko habang nakatingin din ng diretso sa kaniya ngayon.
Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang muling pagkabuhay ng puso kong kay tagal nang napag-iwanan ng panahon ngunit nagawa niya muling buhayin dahil sa init ng kaniyang titig at mga salitang hindi ko kailanman magagawang kalimutan.
TAHIMIK ang kapaligiran. Sabay kaming naglalakad ngayon ni Yuan patungo sa may kung saan. Matapos ang pag-uusap namin kanina ay kakatwang magkasama pa rin kami hanggang ngayon. Iba talaga ang kaya niyang gawin sa akin.
Napatingin ako sa malawak na palayan na malapit lang sa hacienda Enriquez. Oras ng siyesta, may mga magsasakang nagtatanim do'n ngayon.
"Yuan, sa inyo ang palayan na 'yan?" Tanong ko at nag-angat ng tingin sa kaniya, nakatingin na sya sa akin at tumango.
Parang hindi naman big deal sa kaniya na may sobrang lawak silang taniman, rich kid nga naman. Nagbalik ako ng tingin sa palayan, mga nakasuot ng salakot ang mga nagtatanim.
Habang isa-isa silang tinitignan ay napatigil ako matapos makilala ang isang pamilyar na lalaking buong sikap na ginagawa ang kaniyang nakapapagod na trabaho, makasama lang ang iniibig.
"Si Lazaro 'yon, hindi ba?" Gulat na tanong ko kay Yuan at nagbalik na naman ng tingin sa kaniya, base sa information na natanggap ko ay Lazaro ang name n'ya.
Nakatingin si Yuan ngayon sa sahig. Mabagal lang syang maglakad at chill lang talaga. Parang may iniisip sya ngayon sa aking sinabi.
"Hindi Lazaro ang tunay niyang ngalan," mahinahong saad ni Yuan na ikinagulat ko, nagbalik sya ng tingin sa akin. "Sya si Markus... Ang aking kababata," dagdag niya, sabay kaming napatingin sa lalaking Markus pala ang tunay na pangalan.
"Hindi na sya maaaring makatapak pa sa bayang ito ngunit para sa pag-ibig ay nagawa niya itong suwayin. Kamangha-mangha," rinig kong saad muli ni Yuan, andami niya pa lang nalalaman tungkol sa mga bagay-bagay.
Ngayon, napagtanto ko na nagbalik pala sya para sa kaniyang pag-ibig at sa salitang pag-ibig. Sana'y balang araw, mapunta sila sa isang mundo kung saan malaya na nilang ibigin ang isa't isa at wala nang makapipigil pa sa kanila.
Hindi ko namalayang nakalagpas na pala kami ro'n. Lumulutang akong nagbalik ng tingin sa kaniya. Diretso ang kaniyang tingin sa daan at tila may iniisip din.
"What makes you bothered-ano palang bumabagabag sa 'yo?" Tanong ko sa kaniya. Grabe, na-miss kong maging english person. Ilang buwan nang purong tagalog ang naririnig ko.
"Iniisip ko lamang si Carolina," sagot n'ya habang ang mga mata ay nasa harapan pa rin, napahawak ako sa tapat ng puso ko. Ano 'to? Bastusan?
"Grabe, sobrang tapat mo naman. Natutuwa ako sa 'yo," sarkastikong saad ko at napasiring. Napatigil sya at natauhan, mukhang nakalimutan niyang ako pala ang kasama n'ya.
"Ako'y pinagbantaan n'ya," dagdag niya at tila nais iparating na mali ang iniisip ko. Dahil marupok ako ay nawala na agad ang pagtatampo ko sa kaniya.
"Pinagbantaan? Ano, death threat ba?" Tanong ko pero napatakip ako sa bibig ko dahil hindi n'ya pala ma-ge-gets ang sinabi ko dahil english 'yon.
Mukhang hindi naman niya pinagpapapansin ang sinabi ko, mabuti naman. "Humahanga lamang ako sa kaniyang tapang na puntahan ako sa aking tahanan at pagbantaan ako patungkol sa kaniyang iniibig," pagbabahagi niya, napakurap ako ng dalawang beses.
Seryoso ba syang sabihin talaga sa akin na humahanga sya sa ibang babae?
Napasimangot tuloy ako. "Edi pakasalan mo na," pabalang na tugon ko sa sinabi n'ya at nauna na sa paglalakad.
Nakakasama talaga sya ng loob. Ilang saglit lang ay hindi na ako nagulat pa nang maabutan niya ako. Nag-expect akong magsasalita sya pero makalipas ang ilang saglit ay hindi naman n'ya ako sinuyo. Wow!
Pinagmamasdan n'ya lang ang makintab niyang sapatos habang patuloy na naglalakad. Napatingin ako sa harapan. Kahit masama ang loob ko sa kaniya at tumikhim ako bago lakas loob na hawakan ang braso n'ya, napatingin sya sa akin dahil doon.
Pinunta ko ang aming mga sarili sa gilid dahil naglalakad na kami sa gitna ng daan, may padaan pa namang kalesa pero mukhang hindi n'ya 'yon napansin dahil lutang sya sa Carolina niya. Andami talagang babae sa buhay n'ya, naguguluhan na rin ako kung kanino dapat magselos.
Napansin kong ang laki pala ng braso n'ya. Itinatago lang 'yon ng suot niyang coat. Kahit masama ang loob ko ay aaminin kong kinikilig ako dahil hinayaan niyang hawakan ko ang braso niya at nakatitig pa sa akin ngayon.
Kung anong ikinabilis kong magtampo ay syang ikinabilis ko ring bumigay sa kaniya.
Nang matauhan ay binitawan ko na ang braso niya, pero nagulat ako nang abutin n'ya ang kamay ko at hawakan 'yon ng mahigpit. Nabibigla kong tinignan ang kaniyang mga matang tila kumikislap ngayon.
"Tayo na, sinta..." Ang kaniyang bulong na kahit ibinulong niya pa ay nagawa pa ring marinig ng buong mundo.
Dahil sya ang aking mundo.
NAMAMANGHA kong pinagmasdan isa-isa ang mga kabayo na may iba't ibang kulay. Nandito kami ngayon sa lugar na sa palagay ko ay kuwadra ng kabayo at pagmamay-ari n'ya.
"Wow. Parang ngayon lang ako nakapunta sa kuwadra ng kabayo," namamanghang saad ko at hinawakan ang isang kabayong kulay puti, napangiti ako nang lambingin n'ya ang kamay ko.
Tinapik ko ang ulo n'ya bago sulyapan si Yuan na pinagmamasdan na pala ako ngayon. Ang kamay n'ya ay nakasuksok sa magkabila niyang bulsa. Umihip ang sariwang hangin. Kakaiba talaga sya pagdating sa paningin ko.
"Akin ang hawak mong kabayo ngayon," saad niya habang patuloy na umiihip ang sariwang hangin, napangiti tuloy ako lalo dahil mukhang mahal na mahal ako ng kabayo n'ya.
"Mabuti pa sya, mahal ako," pabulong na pasaring ko at linaro na lang ang kabayo niya na hindi na ngayon magkamayaw sa paghalik sa kamay ko.
Nang lihim na sulyapan si Yuan ay nakita kong nakaiwas sya ng tingin at kagat ang kaniyang ibabang labi, parang may iniisip sya ngayon pero nagdadalawang isip na sabihin o gawin 'yon.
Muli ko na lang tinignan ang cute niyang kabayo. "Ang dapat na pangalan mo... Yvonne," saad ko at napangisi pero napatingin ako kay Yuan nang lapitan n'ya ako.
"Isa syang lalaki at ang kaniyang ngalan ay Enrique," saad ni Yuan at bakas sa kaniyang pananalita na tutol sya sa pinangalan ko sa kabayo n'ya.
Napasimangot ako. "Bakit? Ayaw mo ba ng Yvonne? Ang cute kaya!" Nakangiting saad ko pero umiling sya ng paulit-ulit.
Ang kulit talaga ng lalaking 'to. "Ayaw mo no'n?" Nakangusong tanong ko sa kaniya pero ngumiti rin. "Yuan," nakangiting pagsambit ko sa pangalan n'ya at itinuro sya, nagtataka n'ya akong pinagmasdan.
"Yella," pagsambit ko naman sa pangalan ko at itinuro ang sarili ko. Matapos no'n ay ang kabayo naman niya. "Yvonne. Oh, 'di ba?! Ang ganda!" Tuwang-tuwang saad ko at niyakap si Yvonne dahil tumango-tango sya.
"Ang pangit." Napahawak ako sa tapat ng puso ko at sinamaan sya ng tingin dahil sa pagiging basher na naman niya.
"Hoy! For your information, pinaghirapan kong isipin 'yon tapos sasabihin mo lang ng pangit?! Wow, ha! Ayaw mo ba sa partners na mga pangalan?" Nakasimangot na pang-aaway ko na naman sa kaniya dahil inaaway n'ya ako, napakurap sya ng dalawang beses.
Alam kong hindi n'ya na-gets ang sinabi ko dahil tuloy-tuloy 'yon at taglish pa. Tumalikod na lang sya. Siguro ay dahil malapit nang dumugo ang ilong n'ya sa ka-e-english ko.
"Yvonne... Pangalan mo rin iyan, hindi ba?" Tanong niya na ikinagulat ko, dahan-dahan n'ya akong nilingon at tumingin ng diretso sa mga mata ko.
"P-paano mo nalaman?" Hindi makapaniwalang tanong ko. Minsan ay hindi ko maiwasang mahiwagaan din sa kaniya.
May kinuha sya sa bulsa n'ya, nanlaki ang mga mata ko nang makita ang bagay na kinuha n'ya. Dali-dali ko syang nilapitan at kukuhanin dapat sa kaniya 'yon pero inilayo n'ya naman sa akin ang picture ko!
Ang hawak n'ya ngayon ay isang instant film kung saan nakabalandra ang pagmumukha ko. Sinasabi ko na nga ba at nasa kaniya 'yon at maging ang cellphone ko na rin. Mabuti na lang at hindi n'ya ako pinakulam.
Ipinakita n'ya sa akin ang likuran no'n. Napatigil ako matapos makabasa ang nakasulat doon. Mariella Yvonne. Gamit ang handwriting ko sinulat ang pangalan ko ro'n at may heart pa sa dulo. D'yan n'ya pala nalaman ang totoong pangalan ko. Magaling, Yuan.
Natauhan ako nang tignan niya ako ng diretso. "Sino ka nga ba?" Tanong n'ya habang nakatingin ng diretso sa mga ko, napatigil ako.
Maniniwala ba sya kung sabihin ko man ang totoo? Isang katotohanan na kay hirap paniwalaan. Na si Mariella Yvonne Soriano ay napunta sa makalumang mundo bilang si Maria Liliana Gonzaga.
"H-hindi mo na kailangang malaman pa," sagot ko at umiwas ng tingin, 'yan ang mga linyang palagi ring sinasagot sa akin ni Yuan.
"Kakaiba mang pakinggan ngunit nais kong maniwala na ikaw si Mariella..."
Napatigil ako at gulat na nag-angat ng tingin sa kaniya dahil sa mga salita niyang hindi ko inasahan. Sa totoo lang, kanina pa namumutawi ang kakaibang usapan sa pagitan naming dalawa.
Kaya naman napaiwas na sya ng tingin at napahinga ng malalim bago lagpasan ako at naglakad papunta kay Yvonne. Pinagmasdan ko syang pakawalan ito sa kulungan at muling isarado iyon habang hawak ang lubid ni Yvonne.
Sinulyapan niya ako. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil maging si Yvonne ay nilingon din ako. Dahil mahal ko sya ay sya ang linapitan ko at linagpasan si Yuan. Yinakap ko si Yvonne bago bigyan si Yuan nang nang-iinggit na ngiti.
Walang emosyon niya akong tinignan. 'Yan na naman ang malamig na si Yuan na hindi ko nais pang makita sapagkat alam kong may ikinukubli 'yong sakit.
Kahit linalambing din ako ni Yvonne ngayon at hindi sinisipa ay pinakawalan ko na sya. Nahihiya akong naglakad papalapit kay Yuan bago mag-angat ng tingin sa kaniya. Sya naman ang nginitian ko ng abot langit bago tumingkayad upang yakapin sya.
Nagdikit ang aming mga dibdib kaya naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso n'ya. Hindi ko maiwasang mapangiti lalo na nang maramdaman ang kaniyang kamay na pumulupot sa baywang ko.
Naramdaman ko ang pag-iinit ng aking pisngi, bumilis din tuloy ang pagkabog ng puso ko. My gosh, ang harot namin!
Nang bumitaw kami sa yakap namin ay pigil ang ngiti akong umiwas ng tingin at tinignan na lang si Yvonne na palipat-lipat ang tingin sa amin ngayon ni Yuan at napapakurap pa.
Ang issue n'ya naman. Wala naman kaming ginagawang masama, ah? "Marunong kang magpatakbo ng kabayo?" Bigla ay tanong ko sa kaniya. Bigla tuloy akong may naisip.
Nilingon ko sya at bigla tuloy akong nahiya nang makitang pinagmamasdan na n'ya pala ako mula sa likuran. Tumango na sya at umiwas ng tingin upang pigilang mapangiti.
Napahinga sya ng malalim at lumapit kay Yvonne. "Nais mo ba?" Tanong n'ya at tinignan si Yvonne bago ako.
"H-huh? Ng alin?" Natatamemeng tanong ko. Sa totoo lang, nagwawala na ngayon ang puso ko sa kilig!
Napakurap sya ng tatlong beses, tila iniisip kung saan banda ang alin sa sinaad n'ya. Napapikit ako saglit bago muli syang sulyapan.
"Uh, o-oo pala. Yes the best!" Makulit na sigaw ko at abot langit syang nginitian, napailing na lang sya.
Pero nagulat ako nang lapitan n'ya ako at hawakan ang pulso ko. My gosh, ang pusok n'ya talaga. Ano ba akala n'ya sa amin? Mag-asawa? Eh no label pa nga kami, e!
Magsasalita pa lang sana ako ngunit ilinapit na n'ya ako kay Yvonne at tinulungang sumakay doon. Muntik nang mahulog ang puso ko nang hawakan n'ya ang baywang ko upang tuluyan akong makasakay!
Nang tuluyang makasakay ay sya naman ang sumakay sa likuran ko, hindi ako makapaniwalang nasa likuran ko sya ngayon! Naramdaman ko ang biglang pag-iinit ng kapaligiran kahit umiihip naman ang malamig na hangin.
Nanatili akong nakatingin sa harapan at hindi na alam ngayon ang gagawin dahil sa halo-halong pakiramdam. Napatigil ako nang kuhanin n'ya ang lubid na nasa harapan ko at para n'ya akong yinakap dahil doon!
Nabibigla ko syang nilingon at lalo akong nabigla nang muntikan nang magtama ang aming mga labi. Bumilis na naman tuloy ang pagkabog ng puso ko sa kaba at sa ginagawa n'ya!
Nakatingin din sya sa akin ngayon at magkatapat ang aming mga mukha. Sumenyas sya na tumingin na ako sa harapan at dahil hibang ako sa kaniya ay agad akong napasunod.
Naramdaman ko na lang ang kaniyang labi na lumapit sa aking tainga. "Eres hermosa... (Kay ganda mo)" Ang kaniyang bulong bago ako ikulong sa bisig n'ya at patakbuhin ang kabayo.
Hindi ko man naintindihan ang sinabi n'ya, sapat naman na sa akin ang kaniyang mga kilos upang maunawaan kung ano iyon.
SUMILAY ang ngiti sa aking labi matapos matanaw ang lugar na sa palagay ko ay pagtitigilan namin. Tuluyan nang lumubog ang araw. Gabi na at tulad ng dati ay naghahari ang mahiwagang mga bituin sa kalangitan.
Bumagal na ang takbo ng kabayo ngunit patuloy ko pa rin namang nararamdaman ang kaniyang hininga sa aking leeg na nagdudulot ng labis na kiliti sa puso ko.
Iginilid n'ya na si Yvonne sa tapat ng isang malaking puno na nakatayo mismo sa dalampasigan. Narinig ko ang malalim niyang paghinga at mukhang napagod sya sa pagpapatakbo ng kalesa.
Napapikit ako ng mariin. Gusto ko sana syang lingunin pero labis na akong nababaliw sa presensya n'ya. Kaya naman lulundag na sana ako pababa ng kabayo pero napatigil ako nang hawakan n'ya ang kamay ko upang pigilan ako.
Hinahabol ang hininga n'ya akong tinignan. "S-sandali. Pakiusap," pakiusap n'ya at napahawak sa tapat ng kaniyang puso, napatigil ako.
Nakakapanibago, nakikiusap na sya sa akin ngayon para sa ganitong bagay lang. Nag-aalala ko naman syang tinignan dahil mukhang mabilis lang pala syang mapagod at hingalin.
"Ayos ka lang?" Sinseryong tanong ko at nagbaba ng tingin sa kamay naming magkahawak, hindi ako makapaniwalang mangyayari ang sandaling 'to kung saan sya mismo ang hahawak sa kamay ko.
Pinisil ko ang kamay n'ya na napakalambot at makinis, halatang 'di nagawa ng gawaing bahay. Nagbalik ako ng tingin sa maamo n'yang mukha. Maging ang reaksyon ng mukha n'ya ay mayroon na rin, hindi tulad noong una.
"Ayos lang," tugon n'ya sa tanong ko at tinignan ako sa mga mata ko bago bumaba ng kalesa, hawak n'ya pa rin ang kamay ko.
Hindi ko na napigilan pang mapangiti nang alalayan n'ya ako pababa ng kalesa. Hindi ko maiwasang kiligin nang maging sa pagbaba ay hawak n'ya ang kamay ko, ng mahigpit.
Ngunit sandali n'ya iyong binitawan nang kinailangan n'yang itali si Yvonne dahil akma ay muntik na itong mag-walk-out. Dahil binigay ko ang pangalan ko sa kaniya, sya naman ang bitter ngayon.
Hindi ko alam kung bakit ba hinahawakan ni Yuan ang kamay ko, ang tanging alam ko lang ay masaya ako at hindi ko 'yon magagawang tanggihan.
Itinali n'ya ang kabayong si Yvonne sa malaking puno na pinagtigilan namin upang hindi na ito mag-walk-out pa. Upang hindi na sya ma-bitter pa ay yinakap ko muli sya.
"Yvonne, huwag ka nang malungkot d'yan. Dapat ay masaya't maganda ka 'tulad ko," nakangiting pakikipag-usap ko kay Yvonne pero nanatili lang syang nakatingin sa akin.
"Lalaki si Enrique-Yvonne." Napangiti ako at napatingin kay Yuan matapos n'yang sambitin na rin ang bagong pangalan ni Yvonne. Ang cute!
"Ganito na lang para hindi unfair. Sya si Enrique Yvonne. Oh, 'di ba?!" Tuwang-tuwang saad ko, mas lalo akong natuwa nang tumango-tango si Yvonne.
Mukhang gusto n'ya talaga ang original name n'ya. Sorry, ginawa kong pambabae. Ang cute kasi sa kaniya ng second name ko!
Muli na akong nagbalik kay Yuan at nakangiti pala sya ngayon habang nakatulala. Napangiti na naman ako matapos makita ang dimple n'ya sa kaliwang pisngi. Sorry Yvonne pero mas cute at gwapo ang amo mo sa 'yo.
Ipinagtama ko ang kamay ko sa tapat n'ya na syang naging dahilan upang matauhan sya. Napapikit sya at napailing bago muling magbalik ng tingin sa akin, mukhang lumulutang ngayon ang isip n'ya.
"Bakit nga pala tayo nagpunta rito? Dahil favorite-paborito kong lugar 'to, 'no?" Nakangising hirit ko. Kalmado n'ya akong pinagmasdan bago magsimulang maglakad at nagulat na lamang ako nang hawak na n'ya ang kamay ko.
Kinawayan ko si Yvonne na sinundan kami ng tingin at tumango ng dalawang beses bago tuluyang kumapit din sa kamay ni Yuan. Ang sarap talaga sa pakiramdam na hawakan ang kamay n'ya.
Tumigil kami sa tapat ng puno. Umupo na ako sa buhangin, at dahil magkawak ang kamay namin ay napasama sya. Napahinga ako ng malalim at wala sa sariling napangiti.
Umihip ang malamig na hangin at kasabay no'n ay ang pag-angat ko ng tingin sa kalangitan kung saan naroon ang buwan at mga bituin, hindi talaga sila naghihiwalay. Tulad ng mga ulap na palagi kong nakikita sa tuwing papalubog ang araw.
Nandito na naman ulit ako sa aesthetic view na hindi nakasasawang pagmasdan. Ang dalampasigan, ang tunog ng paghampas ng alon, ang mga bituin, at sya.
Napabalik ako ng tingin sa kaniya nang tumikhim sya. Mukhang seryoso sya ngayon at nag-iisip. "Bakit mo ako dinala rito?" Inosenteng pag-uulit ko sa tanong ko kanina at sinubukan syang ngitian, ang seryoso n'ya kasi.
Nakita ko ang paggalaw ng lalamunan n'ya. "Naaalala mo pa ba ang ating naging paligsahan noon sa hacienda Enriquez?" Pagsisimula n'ya, napakurap ako ng dalawang beses bago tumango.
Naalala ko pa noong nag-inuman kami sa opisina n'ya at naglaro ng isang lagok, isang katotohanan tungkol sa 'yo. Isa pang laro na kung sino ang unang tumumba sa inuman ay ang syang hihiranging talo at ang nanalo ay puwedeng magbigay ng isang dare sa natalo.
Napatakip ako sa bibig ko. Huwag mong sabihing gagamitin na n'ya 'yon ngayon? Anong ipapagawa n'ya sa akin? Uutusan n'ya ba akong magpakalunod kaya sa dalampasigan kami pumunta?! Or makikipag-24 hours jowa challenge talaga sya sa akin?
"U-uh, bakit? May ipapagawa ka na ba sa akin ngayon? Bakit sa dalampasigan pa? Huwag mong sabihing gusto mo talagang magpakalunod ako sa tubig? Hanggang ngayon ay masama pa rin ba ang loob mo sa akin?" Sunod-sunod na tanong ko, napatulala sya sa akin at napakurap ng tatlong beses.
Napatikhim sya at napaiwas ng tingin. "Mali," tipid na saad n'ya, nagtataka ko syang tinignan.
"Mali? Ano ba talaga ang dare mo sa akin?" Tanong ko. Ang totoo ay kinakabahan na talaga ako dahil baka seryosohin n'ya ang idea na ibinigay ko, sana pala ay hindi ko na lang sinabi.
Pinagmasdan n'ya ang mga bituin sa kalangitan. "Kailanman ay hindi ko inasahan ang pagdating mo sa aking buhay. Hindi ko inaasahang may ganitong klaseng binibini pala na naninilbihan sa aming hacienda, isang mahiwagang binibini." Napatingin ako ng diretso sa kaniya dahil sa mga salitang binitawan n'ya.
"B-bakit ganiyan ka magsalita? Nagpapaalam ka ba?" Kunwaring mataray na tanong ko pero ang totoo ay kinakabahan na talaga ako.
Nakita ko ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang labi. Tila isa-isa n'yang ginugunita ngayon ang lahat ng ala-alang nabuo sa pagitan naming dalawa. Maging ako tuloy ay napagunita sa mga 'yon.
Mula no'ng una kaming nagkita sa hacienda Enriquez, ang pagsusungit n'ya palagi sa akin, ang pangungulit ko sa kaniya, ang paglisan ko sa hacienda Enriquez dahil sa kaniya, ang magkasama naming pasko, ang birthday n'ya, at lahat-lahat na.
"Sana pala ay matagal na akong umuwi, kung alam ko lang na mayroong ikaw na darating sa aking buhay," saad n'ya muli, napatigil ako. Kung matagal na syang umuwi, ibang Liliana ang makakasama n'ya.
"Ngunit ang tanging mahalaga sa akin ngayon ay nakilala ko kung sino ka. Hindi man talaga ngunit ang mahalaga ay kasama kita," dagdag n'ya, humigpit ang hawak ko sa kamay n'ya dahil kinakabahan na talaga ako sa pagsasalita n'ya ng ganito.
"Kapag ikaw talaga... nawala kinabukasan, magdadabog ako," nakasimangot na saad ko, nakita ko nang mapangiti sya at pinigilang matawa.
"Hindi ako basta mawawala sa iyo hangga't hindi ka rin nawawala sa akin," saad n'ya na nagpapanatag sa loob ko, emosyonal akong napangiti.
Sa kabila ng aming nakaraan at mga problemang kinahaharap, sa kabila ng pagkatakda niyang ikasal sa iba at pagkakaroon ko ng ibang kasintahan sa paningin nila, nagpapasalamat ako dahil nagawa pa rin naming magsama ngayong gabi.
"Mabuti naman at naaalala mo pa ang iyong pakikipaglaro sa akin noon," saad n'ya at sa pagkakataong ito ay nagbaba na sya ng tingin sa akin, sa wakas ay nasilayan ko na muli ang nakahahalina niyang mga mata.
"Naman! Bakit? Ano ba ang nais mong gawin ko?" Nakangiting tanong ko sa kaniya, hindi ko alam ngunit ang tamis ngayon ng ngiti kong hindi na mapigilan pa sa pagkawala.
Ngunit napatigil ako nang hawakan n'ya ng mahigpit ang kamay ko, napatingin kami ng diretso sa mga mata ng isa't isa.
"Nais kong ibigin mo rin ako..." Ang kaniyang sagot bago maingat na hawakan ang mukha ko at diretso akong halikan sa labi.
Gulat akong napapikit at napakapit sa kamay niyang nakakapit ngayon sa aking pisngi dahil sa hindi inaasahang pagtatama ng aming mga labi. Hindi nagtagal ay sabay din kaming napatumba sa buhangin dahil tila nanghina ako sa init ng halik n'ya.
Habang naghahari ang mga bituin sa kalangitan, habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin, habang hawak niya ng mahigpit ang magkabila kong balikat ay hindi ko mapigilang mapangiti dahil sa katotohanang mahal ko sya.
Mahal kita, aking sinta...
********************
#Hiwaga #PagIbigSerye
Ika-labing siyam ng disyembre, 2021.
'Magkunwari' by December Avenue for this chapter. Sa Gunita (Pag-ibig Serye 2) talaga ang kantang 'to pero ang gandaaa kasi huhu. Mas feel ko 'yong slowed kaya 'yan hehe. <333
Maraming salamat ng hard sa pagbabasa! Muah! ( ˘ ³˘)♡
ᜀᜃᜒᜅ᜔ ᜐᜒᜈ᜔ᜆ <3
Nagmamahal,
Cess.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top