HIWAGA KABANATA 21

[Kabanata 21 - Bulong]

"MALIGAYANG kaarawan, Yuan..." Ang pagbati ko sa kanya, tumingin ako ng diretso sa mga mata n'ya at nakita ko ang gulat na namutawi sa kanyang mga mata sa kauna-unahang pagkakataon.

Napangiti ako. "Sabi ko sa 'yo, eh. Isa nga akong mahiwagang tao sa buhay mo," nakangiting saad ko at kinindatan sya, napatigil sya dahil sa ginawa kong 'yon.

Napatigil din ako, naisip ko na baka iniisip n'ya ngayong inaakit ko sya. Kaya naman... "Hep! Sabihin mo, thank you. Ay, hindi. Salamat pala," nakangiting saad ko na naman. Akala ko ay matutuwa sya pero ilang saglit lang ay bumalik na naman ang walang emosyon niyang mukha.

My gosh! Hirap na hirap na ako rito, ah? "Sige, kung ayaw mo, edi don't. Pinipilit ka?" Pagtataray ko naman, para na akong baliw na paiba-iba ng emosyon pero hindi n'ya pa rin ako pinapansin.

"Sir, saan mo ba gustong pumunta ngayon?" Tanong ko, nagulat ako nang talikuran n'ya ako at nagsimulang humakbang paalis.

"Sir!" Sigaw ko sa pangalan n'ya at dali-dali syang hinabol dahil sa takot na ako naman ang habulin ng engkanto, nagsialisan ang mga ibon na nagtatago sa puno dahil sa sigaw kong nag-eco pa sa buong kapaligiran.

"Grabe, ah? Biglang nang-iiwan? Sinasabi ko na nga bang mang-iiwan kayo," nakasimangot na saad ko habang nakasunod sa likod n'ya pero muntik na akong tumama sa likod n'ya nang tumigil sya sa paglalakad at harapin ako.

"Kami?" Malamig na tanong n'ya, sa wakas ay nagsalita na sya. Dahil birthday n'ya ngayon ay agad kong binura sa isipan ko ang sagot na 'kayong mga suplado'.

Agad kong 'yong pinalitan ng... "Kayong mga may pambihirang kagwapuhan," nakangiting sagot ko sa kanya. Ayan, ha! Pinuri ko na ang physical appearance niya para hindi na sya high blood d'yan.

Muli na n'ya akong tinalikuran at nagpatuloy sa paglalakad, syempre sinundan ko ulit sya dahil highper ako ngayon at gusto syang kulitin. Nag-isip ako ng topic para hindi naman boring ang paglalakad namin.

Napangiti ako nang may maisip na tanong. "Sir," highper na pagtawag ko sa kanya at sinabayan sya sa paglalakad, hindi naman n'ya ako nilingon at mukhang inabala ang sarili n'ya sa pag-iisip ng iba.

Pero dahil makulit ako ay nagsalita pa rin ako. "Bakit ang lamig mo? Simula noong una kitang nakilala, no emotions ka na talaga. Bakit kaya?" Tanong ko na lang sa sarili ko, hindi naman sya broken family at ayos lang ang trabaho n'ya.

Sa wakas ay nakuha ko na ang atensyon n'ya. "Hindi mo na kailangang malaman pa," malamig na saad n'ya. Sa tuwing nababanggit ang topic na 'to, mas lalo syang lumalamig.

Feeling ko, nasasaktan sya. Napahinga ako ng malalim, hindi dapat sya malungkot sa birthday n'ya. Naisipan kong utusan na lang sya. "Sir, april 25 ang birthday ko. Dapat maalala mo 'yon, ah?" Request ko, napapikit sya.

Mukhang napipikon na sya sa kaingayan ko. Magsasalita na sana muli ako upang humingi ng sorry pero nauna na sya. "Ayon kay Manang Soledad ay disyembre raw ang buwan ng iyong kaarawan," saad niya habang nakatingin lang sa harapan, napayuko ako.

December pala ang original birth month ni Liliana. Pero 'tulad ng sinabi ko, hindi ako si Liliana. Sinubukan ko na lang ngumiti. "Siguro nga," nakatulalang saad ko, pakiramdam ko tuloy ay hindi na ako maging ako.

Nang mag-angat ng tingin sa kanya ay nakababa na sya ng tingin sa akin, napatingin kami sa isa't isa. Hindi ko alam kung gaano 'yon nagtagal, ang alam ko lang ay naputol 'yon matapos muntik na mawalan ng balanse dahil iba na ang natapakan ko.

Agad naman n'ya akong linapitan upang tulungan sana pero dali-dali ko syang nilingon at nginitian. "Nag-aalala ka ba?" Pang-aasar ko sa kanya at hinatak patayo ang paa kong lumubog sa buhangin.

Gusto ko pa sana syang asarin 'tulad ng ginawa n'ya sa akin sa panciteria pero napatigil ako matapos makita ang ganda ng dalampasigan na napuntahan na pala namin ngayon.

Puti ang buhangin, umuugong sa aking pandinig ngayon ang paghampas ng alon, marahang umiihip ang malamig na hangin habang namumutawi ang buwan at mga bituin sa kalangitan.

Hindi ko mapigilang mapangiti at mapapikit upang damhin ang malamig na hangin na tumatama sa aming mga balat ngayon. Ngayon lang ulit ako nakapunta sa beach at ang nostalgic sa pakiramdam.

Nang muling idilat ang aking mga mata ay nilingon ko si Yuan na tila pinagmamasdan ako ngayon. Dahil sa sobrang saya ay gusto ko na sanang tumakbo papunta sa katubigan pero kasama ko nga pala sya. Hinawakan ko ang kamay n'ya na syang ikinagulat n'ya.

"Sir! Pumunta tayo ro'n, bilis!" Excited na sigaw ko at hinatak sya patakbo sa kinaroroonan ng waves pero ilang saglit lang ay nakaramdam ako ng pagod dahil lumulubog talaga ang paa ko sa white sand.

Binitawan ko ang kamay n'ya at kinuha sa paa ko ang bakyang suot ko na pahirap lang naman sa akin, linagay ko 'yon sa kaliwa kong kamay. Hahawakan ko muli sana ang kamay n'ya pero napatigil ako matapos mapagtantong hindi nga pala kami lovers para gawin 'yon.

In shock pa rin sya hanggang ngayon, narealize ko na mali pala ang nagawa kong paghawak sa kamay n'ya dahil conservative nga pala ang mga tao sa panahong 'to. Grabe, andami ko na palang nagawang mali sa kanya.

"Sorry. Sige, ako na lang ang pupunta ro'n. 'Wag kang aalis, ah?" Pakiusap ko, tatakbo na sana ako papunta sa tubig ng beach pero laking gulat ko nang may humawak sa kamay ko.

Nabibigla ko syang nilingon na hawak ngayon ang kamay ko, nakaiwas sya ng tingin at mukhang hindi rin n'ya inaasahan ang galaw ng kamay n'ya. Aba! Mapusok pala sya, noted 'yan sa utak ko.

"Sasamahan na kita dahil baka ikaw ay malunod pa at ako ang sisihin mo," nakaiwas ng tingin na pagdadahilan n'ya, lumawak ang ngiti ko. Asus, palusot pa si mister right.

"Sasamahan daw pero hawak ang kamay ko," bulong ko na alam kong narinig n'ya, napabitaw tuloy sya sa kamay ko. Parang binugbog ngayon ng puso ko ang utak ko dahil sinabi n'ya pa 'yon. Ayan tuloy, bumitaw!

"Joke-biro lang! Halika na nga," napapakamot sa ulong saad ko at hinatak na talaga sya. Pero dahil hokage ako, hawak ko muli ang kamay n'ya.

Hindi na sya umalma pa, hindi ko alam kung ano ang reaksyon ngayon ng mukha n'ya dahil nauuna ako sa paglalakad. Ang sinasabi ng isip ko ay normal lang naman 'to pero kung magwala ngayon ang puso ko ay parang kakaiba na.

Napangiti ako nang makatapak na sa basang sand, muli akong bumitaw sa kamay n'ya at itinaas ang saya ko para hindi 'yon mabasa. Napatakip ako sa bibig ko matapos maramdaman ang alon na humampas sa paa ko, ang lamig ng tubig!

Sayang, gusto ko sanang mag-swimming pero sa pagkakataong ito ay mas malamig na ang tubig kaysa kay Yuan. Nagbalik ako ng tingin sa kanya at nakatalikod na sya sa akin ngayon.

"Oh? Galit ka na naman sa akin?" Nakasimangot na tanong ko, ang gulo naman ng mood n'ya. Minsan kalmado, madalas suplado.

Ibinaba ko na ang saya ko at naglakad papunta sa harap n'ya, nakapikit ang kanyang mga mata. Nang kalabitin sya ay dumilat na sya, napatigil ako dahil seryoso n'ya akong tinignan.

"B-bakit?" Kinakabahang tanong ko, muli syang napapikit ng mariin at sa huli ay umupo na lang sa buhangin.

Sa tuyong buhangin sya umupo. Napahinga ako ng malalim at umupo na sa tabi n'ya dahil nangangalay na ang paa ko, kanina pa kaya kami naglalakad!

Napatingin ako sa kanya nang dumistansya sya ng kaonti, ang arte n'ya talaga. Seryoso muli syang nag-angat ng tingin sa akin.

"Iyong nakalimutan na ba ang patakaran ng mundong ito?" Seryosong tanong n'ya, napatingin ako sa pinong-pinong white sand na inuupuan namin ngayon.

"Hindi pa naman, bakit?" Inosenteng tanong ko, sumama ang timpla ng mukha n'ya at pinagmasdan na lang ang kalangitan.

Napatingin din ako roon, napangiti ako matapos makita ang mga bituing nakapalibot ngayon sa buwan. Ang buwan na nagbibigay liwanag ngayon sa aming dalawa, ang mga bituin na ang dahilan kung bakit gusto ko sa gabi.

Muli na akong napatingin sa kanya at napatigil ako matapos makitang may ilinabas syang alak at babasaging baso mula sa abrigo n'ya, napanganga ako. Mukhang naramdaman n'ya ang titig ko sa kanya dahil napatingin sya sa akin saglit.

"Isara mo ang iyong bibig," utos n'ya at binuksan ang alak na nasa bote, color black ang kulay ng bote at napatigil ako matapos mabasa ang
nakasulat sa harap nito.

Ikaubah.

Napatakip na lang ako sa bibig ko, kasalanan ng alak na 'yan kung bakit napahiya ako sa harap n'ya. Napalunok ako nang mapasulyap naman sya sa akin, mukhang iniisip din n'ya ngayon ang bagay na nasa isip ko.

Bago n'ya pa ako sumbatan ay inunahan ko na sya ng tanong. "Sir! 'Yong cellphone ko nga pala?" Maagap na tanong ko, napakurap sya ng dalawang beses.

Nakaharap kami ngayon sa isa't isa. Hindi ko mapigilang mamangha habang pinagmamasdan ang mukha n'ya. Dahil sa marahang pag-ihip ng hangin ay marahan ding hinahangin ang kanyang buhok na tumama sa kanyang makapal na kilay. Ang ganda n'ya lang pagmasdan.

Mukhang inalala niya kung kailan ko nabanggit ang cellphone ko bago ako ilingan. Parang hindi ako na-satisfied at napaniwala sa napakasimpleng sagot n'ya gayong alam kong nasa kanya ang picture ko.

Nagsalin na sya ng alak sa baso at ininom 'yon, alcoholic pala sya. "Sir, ano bang gusto n'yong gawin bago matapos ang birthday—kaarawan mo?" Tanong ko sa kanya, feeling ko ay papasapit na ang 12 AM pero hindi pa naman ako inaantok.

"Nais kong uminom at mapag-isa," simpleng sagot n'ya at muling lumagok ng alak, napasimangot ako at inagaw ang basong hawak n'ya sa kanya.

Nagulat sya dahil sa ginawa ko, nginitian ko sya. "Kung nais mong uminom, nais ko ring uminom! At kung nais mo namang mapag-isa, sorry pero mag-dalawa tayo forever," nakangiting saad ko sa kanya at in-straight ang laman ng basong hawak ko.

Narinig ko ang tawa n'ya at hindi ako makapaniwalang tinignan. Pumait ang mukha ko dahil ang pait ng lasa ng alak, isinaoli ko na ang baso sa kanya. Grabe, ang tapang pala ng ikaubah.

Nagsalin ulit sya sa baso habang ako naman ay napatingin muli sa kalangitan. Kumislap ang mukha ko nang may makitang shooting star, agad ko syang kinapa at nahampas ko pala ang dibdib n'ya.

Napapikit ako saglit bago umarte na parang walang nangyari, ang kapal na talaga ng mukha ko pero kailangan ko talagang gawin 'to. Parang wala naman syang pakielam sa nangyari dahil tinamaan na yata sya ng alak.

Nagbalik ako ng tingin sa kalangitan, sunod-sunod na shooting star ang dumadaan ngayon sa kalangitan. "Sir, pareho pala tayong mag-celebrate ng birthday, mag-isa..." Nakatulala ako sa kalangitan habang sinasabi ang mga bagay na hindi ko alam pero nagdadala pa rin ng kirot sa puso ko.

Dahil kailanman, hindi na naging masaya pa ang birthday ko. Ganito siguro kapag tumatanda ka na at wala ka sa masayang pamilya.

Nang magbalik ng tingin sa kanya ay sa akin naman sya nakatingin, parang nais n'yang basahin ang ikinukubli ng puso ko. "Dahil pareho naman tayo ng birthday, gusto kong pareho rin tayo ng birthday cake. Kaya maaari ka bang humiling sa mga bituin ngayon?" Tanong ko sa kanya at itinuro ang mga shooting star na namumutawi ngayon sa kalangitan.

Nilagok n'ya ang natirang laman ng baso bago saglit na pagmasdan ang mga bituin sa kalangitan. Matapos no'n ay nagbalik na sya ng tingin sa akin. Nag-wish kaya sya? Sana ay oo.

Lumipas ang ilang sandali ay nanatili kaming nakatitig sa isa't isa. Hindi ko alam kung bakit at para saan, hindi ko nga rin alam kung bakit sinamahan ko sya ngayon. Dulot nga lang ba ng kunsensya ang ginawa kong ito? O may iba na?

Habang umiihip na malamig na hangin, dahan-dahang bumagal ang pagpikit ng kanyang mga mata. Ngunit bago tuluyang ipikit ang kanyang mga mata ay napatigil ako nang hawakan niya ang aking pisngi.

"Mariella..." Ang kanyang bulong bago tuluyang ipikit ang kanyang mga mata, tila naistatwa ako sa aking pwesto dahil sa mga pangyayari.

Hindi ako nagulat dahil sa pagtumba n'ya sa balikat ko at pagyakap sa akin kung hindi dahil sa pangalang kanyang sinambit bago tuluyang ipikit ang kanyang mga mata.

Paano n'ya nalaman ang totoong pangalan ko?

********************
#Hiwaga #PagIbigSerye

12/13/2021,

Ang pangyayari sa kabanata na ito ay tila ang nasa larawan ng book cover ng hiwaga, ipakita ko sa inyo ang original picture ('yong walang fonts). <3

Photo credits to the rightful owner! Maraming salamat po sa paggawa ng obra na ito, napakaganda. ✧

Sunod-sunod na pala ang author's note ko huhu. Salamat muli sa pagbabasa! Ikaw ang bituin na syang dahilan kung bakit patuloy akong nagsusulat. Ily! <3

Nagmamahal,
Cess.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top