HIWAGA KABANATA 18

[Kabanata 18 - Maling Akala]

HABANG nakatingin ng diretso sa mga mata niya, sa hindi malamang dahilan ay hindi ko na nagawang umiwas pa sa kanya. Nagawa ko lang iyon nang tumikhim na sya at umiwas ng tingin sa akin.

Napayuko ako upang maiwasan ang titig n'ya at napaatras, parang nababaliw na naman ang puso kong dumadagungdong ngayon. Tinalikuran ko na sya at dali-daling umalis sa harapan n'ya.

Pumunta ako sa pwesto kung nasaan si Anita kanina, sa pinakagilid at sa tapat ng bintana kung saan matatanaw ko ang labas. Napapikit ako ng mariin upang pakalmahin ang sarili ko. Bakit ba kasi sya biglang dumating?

Kung kailan naman sinasaisip ko na hindi sya darating ng kusa para sa akin. Hindi ko alam pero parang may kakaiba talaga akong nararamdaman sa puso ko pagdating sa presensya n'ya, tulad ngayon na halos mahimatay na ang puso ko.

Kumalma ka, Mariella. Si Yuan lang 'yan, ang boss mong masungit. Nandito sya hindi dahil sa 'yo, okay? Nandito sya kasi... Para kumain! Oo, tama 'yan. So kumalma ka, si Sir lang 'yan...

Pasimple kong nilingon ang kinaroroonan ni Yuan makalipas ang ilang sandali at natagpuan ko syang nakasandal sa upuan at mukhang naiinip na sya. Nasa gilid n'ya si Anita na nakatayo at nagsasalita pero hindi ko maintindihan dahil may kalayuan sila sa akin.

Nakatulala lang si Yuan sa kawalan, ang isang kamay n'ya ay nakapatong sa lamesa at linalaro ang daliri n'ya. Malayo nga sya sa akin at hindi ko marinig ang sinasabi ni Anita pero hindi nakatakas sa aking paningin ang maugat n'yang kamay.

Hindi ko namalayang parang pinagnanasaan ko na pala ang kakisigan ng katawan n'ya. Hindi ko maiwasan dahil sa lakas ng dating n'ya, tutulo na 'ata ang laway ko sa kakatingin sa kanya kaya agad kong tinakpan ang bibig ko.

Bumuka ang bibig ni Yuan at feeling ko ay nagsalita sya pero hindi n'ya tinitignan si Anita. Napatigil ako nang mapasulyap sa akin si Anita, tinanguhan n'ya si Yuan bago ako nagmadaling lapitan.

"B-bakit?" Tanong ko nang makalapit sya sa akin, napatingin sya kay Yuan na hindi pa rin nagbabago ng pwesto bago muli sa akin.

"Patay, ate Liling. Ikaw daw ang magsilbi sa kanya," pag-iinform sa akin ni Anita na ikinatigil ko, parang bigla akong kinabahan dahil parang sinasabi n'yang lagot na ako.

Napalunok ako. "S-sige, wait." Parang biglang nawala ang makapal kong mukha at kinakabahan ngayon. Ano na, Mariella? Bakit ka kinakabahan ngayon sa kanya?

Napapikit na lang ako at napahinga ng malalim bago lakas loob na lumapit kay Yuan. Kaya ko 'to, tao lang 'yang kakausapin ko kahit suplado. You got this girl!

Nang tuluyang makarating sa tapat n'ya ay napatigil ako nang mag-angat na sya ng tingin sa akin. Himala at hindi seryoso ngayon ang mukha n'ya, ang kalmado lang ng ekspresyon n'ya at pinagmamasdan ako.

Sinubukan kong ngumiti kahit na masama ang loob ko kay Manang Sol dahil sinabi niya kay Yuan kung nasaan ako, pero lumipas ang ilang saglit at naging awkward ang ngiti ko dahil nakatingin lang sya sa akin.

Malapit na talaga akong matunaw habang pilit linalabanan ang titig niyang parang kumikiliti sa puso ko ngayon. Nakahinga ako ng maluwag nang kumurap na sya at sumenyas na umupo ako sa katapat n'yang upuan.

Maingat akong umupo sa tapat n'ya, lamesa ang pumapagitna sa aming dalawa. Umalis na sya sa pagkakasandal sa upuan, pinagsalikop nya ang kanyang mga daliri bago iyon ipatong sa baba n'ya at nang-uusisa akong tinignan.

"Anong ginagawa mo rito?" Tanong n'ya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, napatulala ako sa kulay brown n'yang mata. Pa-fall sya, ang pa-fall n'ya!

Napatikhim ako at umayos din ng upo, sinubukan kong ibalik ang makapal kong mukha. "N-nagtatrabaho?" Patanong na sagot ko sa kanya at sinubukan syang ngitian pero naglaho iyon nang bumalik na naman ang seryoso n'yang mukha.

Ginalit ko na naman 'ata ang dragon, galit na naman si Sir. Walang reaksyon niya akong tinignan at tila nagtatanong kung seryoso ba ako sa sagot ko. Napahinga ulit ako ng malalim, na-stress na talaga ako sa presensya n'ya.

"Sir, joke lang po. Nagtatrabaho nga ako rito kasi gusto kong ibalik 'yong pera mo na basta mo na lang ibinigay sa amin. Alam kong rich kid ka pero hindi pa naman ganoon kakapal ang mukha ko para hindi magbayad sa 'yo," pagiging honest ko at ipinatong ang kamay ko sa lamesa, 'yon naman talaga ang totoo.

Nakita ko nang may mamutawi sa kanyang mga mata, hindi ko matukoy kung ano 'yon. Agad naman syang umiwas ng tingin, pagbalik n'ya ng tingin sa akin ay bumalik na ang normal n'yang reaksyon na mas wala pa kaysa sa pera ko ngayon.

Muli n'ya akong tinignan ng nagtatanong, napahinga ako ng malalim. Mukhang sasalang na naman ako sa Q&A portion. "Ayon kay Manang Soledad ay masama raw ang iyong pakiramdam," tipid na saad n'ya pero alam ko naman ang nais n'yang ipahiwatig.

Na kung masama ang pakiramdam ko, bakit ako ngayon nandito sa panciteria at nagtatrabaho? "Masama nga ba ang pakiramdam mo?" Tanong n'ya at muling tumingin ng diretso sa mga mata ko, napapikit ako dahil ang pa-fall n'ya talaga.

Hindi ko na kinaya pa ang titig n'ya kaya dali-dali akong tumayo at seryosong tinignan ang nanlalaro n'yang tingin, ayoko sa lahat ay ang mga paasa. Kung nag-e-exist lang ang mga dinosour ngayon, matagal ko na syang pinakain sa kanila.

"Ginoo, paumanhin ngunit huwag kang mapaglaro riyan. Sabihin mo na lang kung kakain ka ba o hindi dahil kung hindi naman ay makakaalis ka na," seryosong saad ko sa kanya, napangisi sya at inayos ang manggas ng polo niya.

"Ganito ba kayo mantrato ng mga parokyano?" Nang-aasar na tanong n'ya, napahinga ako ng malalim at napapikit saglit. Kailangan kong habaan ang pasensya ko para hindi matanggal sa trabaho.

Kaya naman nang idilat ko ang mga mata ko ay nanggigigil ko syang nginitian. "Hindi ho, ginoo. Ngunit nais ko lang malaman kung ikaw ay kakain ba?" Nanggigigil na tanong ko, na-test pa ngayon ang pagsasalita ko ng malalim dahil sa kanya.

"Oo," sagot n'ya habang nakatingin sa labas. "Bigyan mo ako ng alak," dagdag n'ya, napasimangot ako. Panciteria 'to tapos iinom sya? Wow, lasinggero pala ang lalaking 'to.

Nang nanatili sa harapan n'ya ay napasulyap sya sa akin, umayos na ako ng tayo at linabas ang listahan ko. "Iyon lang ba?" Atat na tanong ko, napahawak sya sa kanyang labi at tila iniisip kung may oorder-in pa ba sya.

Sinulyapan n'ya muli ako. "Ang ikaw ba ay ipinagbibili rin dito?" Tanong n'ya, nanlaki ang mga mata ko at hinampas sya ng menu. Nagulat sya dahil sa ginawa ko. Bastos 'to, ah?!

"Hoy ikaw pervert ka! Ang gwapo mo pa naman tapos manyak ka rin pala?!" Inis na sigaw ko at hahampasin sana muli sya ng menu pero pinigilan na ako ni Anita at ng boss namin dito na si Doña Isabel.

"Liliana! Anong ginagawa mo?!" Gulat na sigaw ni Doña Isabel, kunot noo ko syang pinagmasdan. Ako pa ang inaawat nila?!

"Madam, bastos ho kasi ang lalaking 'yan! Tinanong ba naman kung may ikaw ba na ipinagbibili rito?! Mukha po ba akong binebenta?!" Halos magwala nang sigaw ko, parang biglang uminit ang dugo ko at namula ang buong mukha ko.

Salubong ang kilay kong sinulyapan si Yuan na tila naistatwa sa kanyang kinatatayuan at hindi nakagalaw. Pati ako rin naman ay hindi makapaniwalang bastos pala sya. Ayoko na sa kanya! Pervert! Bastos—

Nagulat ako nang ako naman ang hampasin ni Doña Isabel ng menu sa braso, hindi naman masakit pero na-shock pa rin ako dahil ako ang hinampas n'ya at hindi si Yuan.

"Bakit ako po ang hinampas n'yo? Grabe, ha? Favoritism?!" Nanggigigil na tanong ko, kunot noo akong pinagmamasdan ni Doña Isabel at maging ni Anita.

"Ano ka ba naman, Liliana! Hindi ikaw ang itinutukoy ni Señor Enriquez kung hindi ang alak nating ikaubah!" Sigaw ni Doña Isabel na ikinatigil ko, pakiramdam ko ay tinalikuran ako ng mundo matapos mapagtantong brand pala ng alak ang itinutukoy ni Yuan!

Dahan-dahan kong sinulyapan si Yuan na seryosong nakatingin sa akin ngayon habang hawak ang balikat n'yang hinampas ko. Napayakap na lang ako sa hawak kong menu at sinubukang mag-peace-sign.

Nakakahiya! Hindi ako makapaniwalang maling akala pala ang pagkakaintindi ko sa sinabi ni Yuan Enriquez na inakusahan ko na nga, sinaktan ko pa!

********************
#Hiwaga #PagIbigSerye

12/12/2021,

Hello! Iyong ‘ikaubah’ na nabanggit sa chapter na 'to na brand daw ng alak ay imbento ko lang, hindi po 'yan totoo. Ang totoo sa kabanata na 'to ay nahiya ako sa pinagagawa ni Mariella. T^T

Thank youuu so much for reading, cess forever loves youu. ♡

ᜑᜒ ᜏ ᜄ <3

Nagmamahal,
Cess. (12:28 AM)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top