HIWAGA KABANATA 16

[Kabanata 16 - Hindi Ako]

NAGSIMULA akong humakbang papunta sa lugar na hindi ko masyado napupuntahan, kahit sa mundo ko. Sobra akong abala sa trabaho, sa paggala, at sa kung anu-ano pa pero hindi ko nabigyan ng pagkakataon ang sarili kong makadalaw dito.

Pagkarating ko sa loob ay umupo ako sa pinakadulong helera ng mga upuan dito sa simbahan, walang misa ngayon at bukas ang simbahan para sa mga taong nais magdasal. May mga madre at ilang tao sa loob, ang iba ay nagdadasal at ang iba naman ay nakikipagbatian sa kani-kanilang kakilala.

At dahil wala akong kakilala sa mundong 'to ay loner ako sa likod at nagdasal na lang. Nagpasalamat ako dahil hindi n'ya hinayaang mawalan muli ako ng isang ina sa ikalawang pagkakataon, nagpapasalamat ako dahil may isang taong nagbukas palad para sa amin.

Humihingi ako ng tawad dahil ngayon lang muli ako nakadalaw dito at sa nakaraan pa, kung hindi ako napunta rito ay baka hindi na ako nakadalaw pa sa simbahan.

At sa lahat ng nakilala ko sa mundong 'to na may ikinukubling lungkot sa kanilang mga mata, sana ay mahanap din nila ang liwanag na kaakibat ng masakit na pag-ibig at tadhana. Sana rin, mahanap ko na ang saya sa puso ko habang nandito.

Mula sa pagkakayuko ay nag-angat na ako ng tingin sa harapan. Sana rin, makahanap na ako ng isa pang trabaho sa mundong 'to. Hindi sapat na sa hacienda Enriquez lang ako nagtatrabaho at kailangan ko ng pera!

Makalipas ang ilang araw ay umayos na muli ang kalagayan ni inay. Hindi na kumikirot pa ang puso n'ya pero kailangan n'ya pa ring magpahinga para makabawi ng lakas.

Nasa bahay ngayon sina itay at Luisa upang bantayan at alagaan si inay, tumigil muna sila sa pagtatrabaho para sa kanya. Si Leticia naman ay nasa hacienda Enriquez muli upang magtrabaho.

Sa totoo lang ay nagtatrabaho rin dapat ako ngayon pero naisip ko na mag-day-off muna kahit wala namang gano'n dito, ang daya nga dahil tuwing may bagyo lang pwedeng umabsent.

Wala na kaming pinoproblemang bayarin ngayon dahil si Yuan na ang nagbayad sa lahat, hindi ko alam kung sino ba kami sa buhay n'ya at ginawa n'ya 'yon. Wala syang ibang sinabi matapos magbayad, sinubukan syang kausapin ni itay ngunit ang sabi n'ya lang ay wala na raw kaming kailangang bayaran.

Nagpasalamat na lang kami ng paulit-ulit pero parang hindi naman 'yon big deal sa kanya, mayaman nga naman. Sya ang sumasakop ngayon sa isip ko, hindi ko mapigilang makaramdam ng paghanga dahil sa ginawa niya.

Hindi kaya may gusto sya kay Luisa? Napailing ako ro'n, imposible dahil mas matanda sa kanya si Luisa at may asawa't anak na ito. Hindi rin naman sya malapit kay inay at itay. Napatigil ako, kay Leticia?!

Napansin ko ang pagkabalisa ni Leticia matapos ang nangyari kay inay, sa dami ng nangyari ay hindi ko matukoy kung saan ba sya nababalisa. Magaling na si inay pero ang huling kita ko sa kanya ay balisa pa rin, marahil ay dahil sobra sya kung mag-alala.

Parang imposible rin namang may gusto sya kay Yuan dahil iwas sya sa lalaking 'yon, si Yuan naman ay walang pakielam sa lahat ng trabahador sa hacienda Enriquez. Snobber ang rich kid na 'yon at ako lang 'ata ang malakas ang loob na sumagot-sagot sa kasungitan n'ya.

Sandali, sa akin kaya? Agad akong napailing sa huling dahilan na naisip ko sa pagtulong n'ya sa amin, imposibleng-imposible namang may gusto sya sa akin dahil ang cold n'ya at parang ayaw pa nga akong makita sa hacienda Enriquez.

Siguro ay binantaan sya ng guardian angel niya na kapag hindi n'ya kami tinulungan, mapupunta sya sa impyerno kaya wala syang ibang nagawa kung hindi tulungan kami.

Siguro nga. Pero kahit gano'n, salamat pa din, Yuan.

Hindi kinaya ng mukha ko ang katotohanang sya ang nagbayad sa lahat-lahat kaya naisipan ko kahapon na maghanap ng bagong trabaho para kahit kalahati ay mabalik ko sa kanya ang pera n'ya.

Hindi na rin ako humihingi ng sweldo tulad ni Leticia sa pagsisilbi namin sa hacienda n'ya, iyon na lang ang magagawa ni Leticia para makabawi. Pero ako, ayoko talagang gano'n na lang 'yon. Parang may nag-uudyok sa akin na hindi pwedeng doon na lang magtatapos 'to.

Napahinga ako ng malalim at tinapos na ang pagdadasal ko. Tumayo na ako, aalis na rin sana palabas ngunit napatigil ako matapos makita syang nakaupo rin sa kabilang hilera sa dulo ng mga upuan tulad ko.

Nakapikit ang kanyang mga mata, nais ko sanang pagmasdan sya mula sa malayo pero may isa akong misyon na kailangan nang gawin. Kaya naman bago tuluyang lumisan, nagagalak pa rin akong malaman na rito ko pala matatagpuan si Yuan Enriquez.

NANG makalabas sa simbahan ay napahinga ako ng malalim at ilinibot ang aking paningin. Maraming nagtitinda sa labas, inaalok ang mga taong dumadaan na bumili. May ilang kalesa mga dumadaan.

Ito ang makalumang version ng pilipinas. Ang sarap sa matang pagmasdan, ang swerte ko dahil nakikita ko ngayon ang malinis na kapaligiran at nagdaang panahon na sa mundo ko ay ginugunita na lang.

Habang ilinilibot ang aking paningin ay napatigil ako at napatingin sa isang kuya na may dalang karwahe at nasagi ako. "Aray ko naman ho," nakasimangot na tanong ko, mabuti na lang at hindi ako nawalan ng balanse.

Pasalamat sya at kagagaling ko lang sa simbahan kaya mahinahon lang ako ngayon. Nagkibit balikat lang sya at nagpatuloy sa paglalakad kasama ang dala n'yang karwahe. Ang sama ng ugali, hindi man lang nag-sorry.

Nakahawak sa balikat na nadanggi n'yang napasulyap ako sa gilid ko, isang panciteria. Bigla ay nagliwanag ang mukha ko matapos mabasa ang paskil sa labas na for hire sila ng mga serbidora ngayon!

Nagbalik ako ng tingin sa lalaking ngayon ay lumiko na sa kabilang kalye, sinimangutan ko pa sya dahil hindi sya nag-sorry pero sya rin pala ang magtutulak sa akin sa oportunidad na 'to. Napangiti na lang ako.

Ang hiwagang pakinggan.

"EXCUSE me po, alam n'yo ba kung kanina magpapasa ng resume—bio data? Basta, kanino po mag-a-apply dito?" Tanong ko sa isang maliit na babaeng nagpupunas ng lamesa, napatigil sya sa pagpupunas ng lamesa at nag-angat ng tingin sa akin.

"Ewan ko. Gamitin mo kaya ang mata mo ate ganda?" Nakasimangot na saad niya at itinuro ang isang pinto, lumabas doon ang isang babaeng ka-edad lang ni mother earth at pak na pak ang kilay.

"Sige. Salamat, bulinggit," pagtataray ko naman sa batang 'to na parang 18 years old lang naman, siniringan n'ya rin ako at nagpatuloy sa pagpupunas ng lamesa.

Napahinga ako ng malalim at linapitan ang babaeng sa tingin ay ang syang boss ng panciteria na 'to. Kaya mo 'to, Mariella Yvonne. Para sa pamilya mo, para sa boss mong masungit. This is it, pancit!

Umupo sya sa upuan at nagsimulang magbilang ng salapi. "Uh, magandang hapon po. Pasensya na po dahil hindi ko dala ang resume ko pero marunong naman po akong makisama at mag-serve—maging serbidora," magalang na saad ko, nagpatuloy sya sa pagbibilang ng pera n'ya.

"Sige, tanggap ka na." Gulat akong napatingin sa kanya dahil sa bigla niya na lang pagtanggap sa akin, parang wala naman syang pakielam at go with the flow lang.

Napakamot ako sa ulo ko. Ano ba'ng klaseng mundo ang napasukan ko, ang weird ng mga tao. Pero bahala na, atleast, may trabaho na ako!

MASAYA akong naglakad papasok sa hacienda Enriquez nang maglaho iyon matapos makita si Leticia na nakatulalang nakasandal sa malaking puno at may hawak na walis tingting, 'yon na naman ang pagkabalisa sa mukha niya.

Dahil sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi niya namalayang linapitan ko na sya, nang hawakan ko ang balikat niya ay doon sya natauhan. Nagulat sya at nag-angat ng tingin sa akin, sinubukan niyang ngitian ako pero hindi ko na makita roon ang ngiti niya noon.

"L-liling, nandiyan ka pala. Bakit ngayon ka lang nakauwi?" Tanong niya, sinusubukang ibahin ang usapan.

Umalis na sya sa pagkakasandal at magpapatuloy na sana sa naudlot na pagwawalis pero pinigilan ko sya. "Ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ko, napatigil sya at napalunok bago ako lingunin.

"Bakit parang kinakabahan ka?" Tanong ko muli, napahinga sya ng malalim at hinawakan ang kamay ko.

"W-wala ito, Liliana. Alam ko namang napapansin mo na ang pagkabalisa ko ngunit hindi mo na kailangang alalahin pa ito. Ang totoo niyan, kinakabahan ako na masaya rin. Naalala mo pa ba ang lalaking ikinekwento ko sa iyo noon?" Tanong niya na ikinatigil ko, sa pamamalagi ko rito ay wala pa naman syang nababanggit na lalaki sa akin.

Marahil ay sa totoong Liliana niya 'yon nakwento kaya si Liliana lang ang makakaintindi sa kanya. Ako si Mariella at hindi si Liliana kaya hindi ko kailanman sya maiintindihan pagdating sa nakaraan at ala-ala.

Magsasalita na sana ako pero napatingin ako sa tarangkahan nang bumukas iyon at pumasok si Yuan na napasulyap sa akin bago kay Leticia na napatigil muli matapos makita si Yuan.

Parang ako naman ang biglang kinabahan dahil sa tinginan nilang dalawa. Parang biglang bumigat ang dibdib ko matapos maisip na baka si Yuan ang itinutukoy niyang lalaki na ikinekwento niya kay Liliana noon at hindi sa akin.

Dahil hindi ako si Liliana.

********************
#Hiwaga #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top