TADHANA KABANATA 9

[Kabanata 9 - Pagtingin]

BUWAN ng oktubre, nakatulala kong pinagmamasdan ang talulot ng rosas na kulay kahel. Noong isang araw ay hindi ko na nasauli ito sa kanya, noong araw na iyon ay tinakbuhan ko sya at iniwan sa gitna ng kalsada.

Hindi ko rin alam kung bakit ko ginawa iyon, wala na akong mukha na maihaharap pa sa kanya dahil sa sobrang hiya. Bata pa kami noong huli akong tumakbo sa harapan nya, ngayong malaki na ako ay hindi na iyon kaaya-aya pa at sobrang nakakahiya!

"Bakit mo ba kasi ginawa iyon?" Nanlulumong tanong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang isang pirasong talulot, narito ako ngayon sa tapat ng bintana ng aking silid at dapit-hapon na.

Itinapat ko sa kalangitan ang talulot na hawak ko, kakulay na kakulay nito ang kahel na kalangitan. Inihalintulad ko na ito sa rosas na nakaipit sa aking talaarawan at magkaamoy ito, mas lalong nanaig ang katotohanang sya nga ang nag-iwan ng rosas sa bangko noong isang araw.

Ngunit bakit naman? May nais talaga syang iparating ngunit hindi ko maunawaan kung ano, kung naiintindihan ko lang sana ang salitang nakasulat sa kapirasong papel na kasama ng rosas. Hindi nya na lang kasi ako diretsuhin.

Galit kaya sya? Nagtatampo? Naiinis sa akin? Ngunit bakit may kasamang rosas? Hindi ba't binibigay lang ito sa taong iyong iniibig? Ngunit imposible rin, ang sabi ni Sergio ay si Khalil ang nagpasimula ng kasal na kanyang kinahaharap ngayon. Ang binibining pakakasalan nya ang tunay nyang iniibig at hindi ako.

Napabuntong hininga na lang ako at idinikit na sa aking kwaderno ang talulot na ito, sa tabi no'n ay isinulat ko ang aking nararamdaman at iba pa tungkol sa talulot na ito. Sa totoong lang ay halos si Khalil na ang nilalaman ng talaarawan kong ito, irinegalo sa akin ito ni ina bago sya mawala kung kaya't ang talaarawang ito ay labis kong pinahahalagahan.

Pumunta ako sa pinakadulong pahina kung saan nakaguhit doon si Khalil, sa likod no'n ay nakaguhit naman kaming dalawa. Nakasuot ng unipormeng pang heneral si Khalil habang ako naman ay nasa kanyang tabi. Noon ko pa iginuhit ito, nagkatotoo na ang kanyang pangarap na maging heneral ngunit hindi ang pangarap kong maikasal sa kanya.

Ang ibigin nya rin ako.

ARAW ng linggo, kinakabahan akong naglalakad ngayon papasok sa loob ng simbahan at kasama si ama. Umaabot na sa aking lalamunan ang pagkabog ng puso ko dahil sa labis na kaba, nababalisa na ako ngayon dahil sa kanya. Sya talaga ang perwisyo ngunit saya rin ng aking buhay.

"Aking kerubin, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong sa akin ni ama nang makitang kanina pa ako palingon-lingon, agad ko namang nginitian si ama upang hindi sya maghinala.

"Ah, wala po ama! Ayos lang po ako," nakangiting pagsisinungaling ko ngunit napakamot ako sa aking tainga nang tinignan ako ni ama nang hindi mo ako maloloko na tingin.

"Hinahanap mo ba ang mga Santiago?" Nakangiting tanong ni ama na ikinagulat ko, hindi ko akalaing malalaman ni ama kung sino ang hinahanap ko!

"P-po? H-hindi po," pagtatanggi ko habang ang aking ngiti ay nanginginig na, natawa lang si ama at ilinibot ang kanyang paningin. Napapikit na lang ako habang nakakapit sa braso ni ama, kinakabahan ako dahil baka tawagin nya ang mga Santiago na kalapit ng aming pamilya!

"Mi amigo! (Aking kaibigan!)" Rinig kong tawag ni ama kay Don Flavio, nais ko nang magpalamon ngayon sa lupa dahil sa sobrang hiya.

"Amigo! Cómo estás? (Kaibigan! Kumusta?)" Rinig kong tanong ni Don Flavio, pigil ang hiningang nag-angat ako ng tingin sa pamilya Santiago.

Si Don Flavio, Doña Cecilia, Cresensia, Sergio, at Khalil. Nang magtama ang mga mata namin ni Khalil ay dali-dali kong inalis ang tingin sa kanya at tinignan si ama na inakbayan ako ngayon.

"Hinahanap kasi ng aking anak si Sergio," nakangiting pang-aasar sa akin ni ama na ikinagulat ko! Nanlaki ang mga mata ko at gulat na pinagmamasdan ang pamilya Santiago na nakangiti sa akin ngayon nang nang-aasar.

Si Don Flavio, Doña Cecilia, at Cresensia! Si Sergio naman ay napayuko at napangiti, si Khalil naman ay tinalikuran kami at ilinibot ang kanyang paningin. Naramdaman ko ngayon ang pag-iinit ng aking pisngi dahil sa hiya! Hindi ko akalaing ganito na lang ako aasarin ni ama sa harap nilang lahat!

"Nakakatuwang marinig iyon amigo," nakangiting saad ni Don Flavio at nakipagkamay kay ama, nagkatinginan naman ang mag-inang si Cecilia at Cresensia na malapit na ngayong tumalon sa tuwa dahil nagtagumpay sila sa kanilang misyon.

Napatingin kami sa kararating lang na si Don Gillermo Fernandez at ang anak nyang si Gwenaelle Fernandez na walang kagana-ganang naglalakad ngayon papalapit sa amin, ngayon ay aking napagtanto na kung sino ang hinahanap ni Khalil.

Kay Don Gillermo Fernandez naman makipagkamay si Don Flavio, muli nyang nilingon si ama. "Kami ay uupo na amigo kasama ang mapapangasawa ng aking anak, mauuna na kami. Kayo naman ang susunod," nakangiting bulong ni Don Flavio kay ama at nagtawanan sila, umalis na sa aming harapan ang mga Santiago at Fernandez.

Sumama ang aking mukha nang makitang magkatabi si Khalil at Gwenaelle sa upuan, napasiring na lang ako ngunit nang mapatingin sa altar ay agad akong humingi ng tawad sa aking isip. Kumapit na lang muli ako sa braso ni ama kahit nagtatampo rin ako sa kanya.

Tama nga sya na may hinahanap ako sa mga Santiago ngunit nagkamali sya ng pangalang binanggit. Kung sa bagay, bakit nya babanggit ang pangalan ni Khalil gayong nakatakda na itong ikasal sa iba?

"Anak, ikaw ay huwag nang magtampo. Sa susunod ay tayo na ang tatabihan ng mga Santiago," nakangiting bulong sa akin ni ama at pinaupo na ako, malapit na akong maiyak dahil mali talaga ang iniisip ni ama tungkol sa pagsama ng aking mukha.

Umusog naman ako upang makaupo rin si ama ngunit napatigil ako nang may madanggi. "Pasensya-" hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang makilala ang nadanggi ko!

"Ginoong Danyiel?" Nagugulat na tanong ko, napatigil din sya nang makita ako ngunit agad nawala ang emosyon sa kanyang mukha.

Marahil ay alam ko na kung bakit.

Magrereklamo sana ako kay ama dahil isang hindi naman kapamilyang lalaki ang katabi ko ngunit nagsimula nang magsalita ang padre, tumahimik na ang lahat at napatahimik na lang din ako. Nakikinig nang mabuti si ama sa sinasabi ng padre kung kaya't hindi na nya nabigyan ng pansin ang katabi ko ngayon.

Nais ko rin sanang gayahin si ama at makinig ng mabuti sa padre ngunit inaabala talaga ni Danyiel ang aking atensyon. Napahinga ako ng malalim at nilingon si Danyiel na nakayuko ngayon at pinagmamasdan ang kanyang kamay, hindi ko alam kung nakikinig ba sya sa sinasabi ng padre gayong nakayuko sya.

Katabi nya ang mag-asawang Villanueva na parehong matamlay. Ang pamilyang ito na kung dati ay makulay, ngayon ay wala nang kabuhay-buhay. Nag-angat na ng tingin si Danyiel at dumiretso sa direksyon kung nasaan ang mga Santiago, napalingon din ako roon at ang malungkot nyang mga mata ay naka'y Khalil at Gwenaelle pala.

Napabuntong hininga na lang ako at makikinig na sana sa isinasalaysay ng padre ngunit nahagip ng aking mga mata si Khalil na nakatingin ngayon sa direksyon ko, hindi na nga maganda ang timpla ng kanyang mukha ngunit mas lalong pumangit iyon nang makita ang katabi ko. Napahinga na lang sya ng malalim at ibinalik ang tingin sa altar.

Napatingin ako kay Danyiel na muli nang napayuko ngunit nang maramdaman ang aking tingin sa kanya at nag-angat sya ng tingin sa akin. "Bakit?" Pabulong na tanong nya kung saan kaming dalawa lang ang nakakarinig.

"Bakit din?" Tanong ko pabalik sa kanya dahil tinignan ko lang naman sya at nagtatanong sya riyan kung bakit, mabuti na lang at maamo ang kanyang mukha kung kaya't hindi ako mabilis na mainis sa kanya.

"Anong bakit?" Naguguluhang tanong nya, napahinga naman ako ng malalim.

"Anong bakit din?" Tanong ko muli pabalik sa kanya, sya naman ang napahinga ng malalim. Hindi talaga maganda ang mga pag-uusap namin.

Magsasalita na sana sya ngunit sumenyas si Doña Luzvimida na tumahimik kami riyan dahil nasa loob kami ng simbahan, nakapikit ang kanyang mga mata habang may hawak na rosaryo. Pareho kaming napatahimik na at hindi na lang pinansin ang isa't isa.

Muli na lang akong nagbalik ng tingin sa direksyon kung nasaan si Khalil, hindi na nya ako nilingon pa. Nagsimulang bumigat ang aking dibdib habang pinagmamasdan ang likod ni Khalil, marahil ay hanggang tingin na lang talaga ang aking pagtingin sa kanya.

Aalisin ko na sana ang tingin ko sa kanya ngunit napatigil ako nang makita si Gwenaelle na malapit nang magdugtong ang kilay ngayon habang pinagmamasdan si Danyiel na katabi ako, napahinga na lang ako ng malalim at napasandal sa aking kinauupuan at napahalukipkip.

Pambihirang Tadhana ito.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top