TADHANA KABANATA 8
[Kabanata 8 - Talulot]
"ANG sabi ni Itay, kamukha ko raw po sya. Ang sabi naman ni Inay, kamukha ko raw po si lolo. Ngunit ang sabi po ng aking mga kapatid, kamukha ko raw po ang alaga naming baka. Ano po ba talaga?" Reklamo ni Tonyo, naglalakad kami ngayon sa gitna ng kalsada at papunta sa Barrio Kalinaw.
Hindi ko mapigilang matawa dahil sa mga ikinekwento nya, ngayon naman ay natawa rin ako sa tanong nya. Hindi ko akalaing kay giliw pala ng batang ito, maging si Khalil ay bigla na lang matatawa ng mahina dahil sa pinagsasasabi nito. Mabuti na lang at naririto ngayon si Tonyo kung kaya't hindi nakakailang.
Ilang sandali pa ay tumigil si Tonyo sa isang munting bahay kubo kung kaya't napatigil din kami ni Khalil, nagkatinginan kami bago mapatingin sa bahay kubo na mukhang tahanan ni Tonyo. Lumabas doon ang isang matandang babae na sa tingin ko ay nasa edad tatlumpu't pataas na, nagulat sya nang makita kaming kasama ang anak nya.
"Susmaryosep, anak! Saan ka ba nanggaling bata ka?" Tanong ng kanyang inay at hinatak ang anak nya papalapit sa kanya, hinawakan at tinignan nya ang mukha ng anak nya bago mapatingin sa amin.
"Naku, pasensya na. May nagawa bang masama ang anak ko?" Tanong ng Inay ni Tonyo, sabay kaming umiling ni Khalil kung kaya't napatingin kami sa isa't isa.
"Inay Tanya, mabuti nga po akong bata. Wala po akong ginawang masama," nakangiting saad ni Tonyo at hinawakan ang kamay ng kanyang Ina na ang pangalan pala ay Tanya, napangiti ako dahil sa kanyang kalambingan. Napangiti naman ang kanyang Ina at tinapik ang kanyang ulo, naalala ko tuloy ang aking inang namayapa na.
"Tama sya, wala pong ginawang masama ang anak nyo. Isa syang mabuti at magiliw na bata," nakangiting saad ni Khalil at sumulyap sa akin, napatango naman ako bilang pagsang-ayon.
"Mabuti naman, maraming salamat sa paghatid nyo sa anak ko. Alam kong magiging mabuti kayong magulang sa inyong anak," nakangiting saad ni Aling Tanya na ikinagulat ko, nanlaki ang aking mga mata at nagugulat na nilingon si Khalil na ngayon ay nagulat din.
Hindi ba nila nabalitaan na nakatakda nang ikasal si Khalil sa iba?!
"Oh? Bakit? Ikaw ba ay hindi nagdadalang tao hija?" Tanong ni Aling Tanya na ikinagulat ko muli, napatingin ako sa ibaba ng aking dibdib at bigla akong nakaramdam ng kilabot dahil doon!
"Mag-asawa po pala kayo? Kaya naman pala ikaw ang bukang bibig ni kuya Leviano," sabat naman ni Tonyo at napatango-tango, naramdaman ko ang muling pag-iinit ng aking pisngi at nilingon si Khalil na mukhang pinagsisihan ang pagkekwento nya kay Tonyo.
"Ah, h-hindi po kami mag-asawa. Ang totoo po n'yan ay malapit na syang ikasal ngunit hindi po sa akin," pagiging tapat ko at sinubukang ngumiti, ngiti na may halong pait. Nag-angat ako ng tingin kay Khalil na nanahimik bigla.
"Ah, ganoon ba? Naku, pasensya na. Akala ko kasi talaga ay mag-asawa kayo," paghingi ni Aling Tanya ng pasensya, tinanguhan ko naman sya at nginitian ng kaonti.
"Sige, papasok na kami. Mag-iingat kayo pauwi," nakangiting pamamaalam na ni Aling Tanya na ikinatigil ko, naglakad na ito papasok sa loob kasama ang kanyang anak. Kinawayan kami ni Tonyo bago tuluyang sumara ang pinto.
Naiwan kaming dalawa ni Khalil sa gitna ng kalsada na walang katao-tao, gabi na at namumutawi ang buwan at mga bituin sa kalangitan. Hindi tumitigil ang marahang pag-ihip ng hangin, tanging ang pagtibok lang ng puso ko ang aking naririnig ngayon.
Nakakailang na katahimikan ang bumalot sa aming dalawa, hindi ko sya magawang lingunin dahil nakararamdam ako ngayon ng hiya. Hindi ko rin alam kung nakatingin ba sya sa akin ngayon dahil nakatalikod ako sa kanya. Naisip ko na mukhang totoo nga ang mga sinabi ni Tonyo kanina.
Ano naman kaya ang sinabi nya sa bata tungkol sa akin? Sinabi nya kaya ang sikreto naming dalawa? Ngunit hindi, hindi iyon basta pwede. Naalala ko kanina ang pagiging aminado nya sa pagsabi sa akin ng maganda, bigla na lang gumuguhit ang ngiti sa aking labi habang inaalala ang bawat salitang binitawan nya tungkol sa akin.
Hindi ko na kaya pang tumalikod na lang kung kaya't mabilis ko syang nilingon at mabilis ko ring nahuli ang kanyang mga matang nakatingin sa akin, agad lumipat ang kanyang tingin sa sahig at tinalikuran ako. Nagtaka ako sa kanyang ginawa kung kaya't naglakad ako pasilip sa mukha nya, nakita ko ang ngiti sa kanyang labi.
Nang makitang sinilip ko ang kanyang mukha ay umiwas muli sya ng tingin at pinigilan ang kanyang ngiti. "Ano ang iningingiti mo riyan?" Nang-uusisang tanong ko at napatingin sa paligid nang may marinig na kakaibang ingay, baka mamaya ay sinasapian na pala sya.
"H-hindi pa ba tayo uuwi?" Kinakabahang tanong ko at kumapit sa damit nya, napatingin ako sa nagtataasang mga puno sa buong kapaligiran. Baka mamaya ay may maligno rito!
"Huwag ka nang matakot," natatawang saad ni Khalil at hinawakan ang kamay ko pabitaw sa kanyang damit, pareho kaming napatigil at napatingin sa isa't isa nang hawakan nya ang kamay ko. Bumilis ang tibok ng puso ko nang mapagtanto na ang lapit pala ng mukha namin sa isa't isa!
Animo'y nakaramdam ako ng kuryente mula sa kanyang kamay na bumitaw na sa kamay ko ngayon, napaatras din sya. "Paumanhin," paghingi nya ng tawad, tinanguhan ko na lang sya bilang tugon. Nagbago na talaga ang pakikitungo namin sa isa't isa, may kakaiba na.
"Hindi maganda para sa isang binibining katulad mo na pumarito pa rin sa gitna ng kalsada ngayong gabi," pagpapaalala nya, muli akong tumango. Tila biglang nawala ang mga salitang aking nais sabihin sa kanya noong mga panahong wala pa sya sa aking tabi.
Ngayong naririto na sya ay ngayon naman ako kinapos sa mga salitang sasabihin sa kanya, kay gulo ko talaga. Dire-diretsong na sana akong maglalakad paalis sa kanyang harapan ngunit nakatatlong hakbang palang ako at agad nya na akong pinigilan.
"Sasamahan na kita," mahinang usal nya na ikinatigil ko, dahan-dahan ko syang nilingon at tinignan sya ng diretso sa kanyang mga mata. Ito na naman sya...
Pinapaasa na naman ako.
"Mas maganda kung sasamahan na kita dahil hindi ligtas na umuwi ka mag-isa," dagdag nya, dahan-dahan akong napatango at napahinga ng malalim.
O umaasa lang talaga ako?
Nagsimula na akong maglakad muli habang nakayuko at nakatingin sa aking kamay na hinawakan nya kanina, alam ko namang wala syang nais iparating. Naramdaman ko na ang kanyang presensya na nakasunod sa akin, kumpara sa akin ay mas malaki ang kanyang hakbang kung kaya't nasabayan nya pa rin ako kahit na nauna ako sa paglalakad.
Nang masabayan ako sa paglalakad ay nagsalita sya. "Baka mamaya ay habulin ka pa ng engkanto," saad nya na naman, nag-angat ako ng tingin sa kanya. Hindi ko alam kung tatawa ba ako gayong hindi naman nya iyon sinabi nang natatawa.
"Ikaw ang mag-ingat d'yan, baka mamaya ay may makakita pa sa atin. Hindi ba't may 'asawa' ka na?" Madiin na tanong ko, wala naman akong intensyon na magtunog galit iyon ngunit ganoon na nga ang nangyari. Nagmukha na akong may sama ng loob sa kanya.
"Mapapangasawa," pagtatama nya, hindi naman ako nagpatalo at tinaasan sya ng kilay. Napatigil kami sa paglalakad.
"Ganoon na rin iyon," hindi magpapatalong saad ko, napakurap sya ng dalawang beses habang pinagmamasdan ako. Mukhang hindi nya maunawaan kung saan nagmumula ang pagtatalo naming ito.
"Basta. Maglakad na lang tayo," walang gana nang saad ko at nagpatuloy na sa paglalakad, hindi ko na sya hinintay pa at dire-diretsong nang naglakad. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako.
Makalipas ang ilang sandali ay dahan-dahang bumagal ang lakad ko nang hindi na maramdaman pa ang kanyang presensya sa likod ko, napapikit ako at napahinga ng malalim. Bahala na.
Dahan-dahan ko syang nilingon at nakita ko nang may pinulot sya, nag-angat sya ng tingin sa akin at tumayo. Napatingin ako sa kanyang kamay na pumasok sa kanyang bulsa, naghihinala ko syang tinignan. Napahinga sya ng malalim at iniwasan ang aking mga matang nakatingin sa kanya, ilinagay na nya ang kanyang kamay sa kanyang likod.
"May itinatago ka ba sa akin?" Tanong ko habang nakatingin ng diretso sa kanya, umiling sya kahit halata namang mayroon. Nagtanong pa ako.
Hindi ko napigilan ang aking sarili na lapitan sya at sapilitang kinuha ang kamay nya sa kanyang likod at buksan iyon, nagmukha akong niyakap sya dahil doon ngunit nakatutok ang aking isip ngayon sa kanyang palad. Nagulat sya dahil sa kapangahasang ginawa ko, na ang mahinhing binibini na ito ay magagawa iyon sa kanya.
"Taciang," nagugulat na pagtawag nya sa akin ngunit huli na ang lahat dahil nakita ko na ang nakatago sa palad nya, kinuha ko iyon at pinagmasdan.
Isang talulot (petals) mula sa rosas, ang kulay nito ang nagbigay ng isipin sa akin. Kakulay nito ang rosas na kinuha ko kaninang umaga, kulay kahel. Habang hawak ko ang bagay na itinatago nya ay nag-angat ako ng tingin kay Khalil na ngayon ay gulat pa ring nakatingin sa akin.
Unti-unting nabuo ang hinala sa aking isipan na baka sa kanya nagmula ang rosas at papel na iyon. Ngunit para saan pa? Gayong nakatakda na syang ikasal sa iba.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top