TADHANA KABANATA 4

[Kabanata 4 - Kailan?]

MAKALIPAS ang ilang sandali ay natuyo na ang luha sa aking pisngi dahil sa malakas na ihip ng hangin, ang paglubog ng araw at kulay kahel na kalangitan ang aking pinagmamasdan ngayon. Tulala ako ngayon doon, wala na akong balak na pumasok sa loob sapagkat bibigat lang naman ang aking pakiramdam habang nakikita si Khalil na may kasamang iba.

Simula noon ay tanawing ito na ang aking pinagmamasdan habang hinihintay ang muling pagbabalik ni Khalil, ngayon ay wala nang saysay ang aking paghihintay dahil nakatali na sya sa iba at hindi sa akin. Kanina pa ako humihinga ng malalim upang kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam ngunit patuloy itong naninikip.

Habang ang aking mga mata ay nasa kalangitan, gulat na napababa ang aking tingin nang maramdamang may tumabi sa akin. Nakahinga ako nang maluwag matapos makitang si Sergio lang pala iyon, nagmimistulang kahel ang kanyang kulay dahil sa kulay ng kalangitan ngayon. Hindi naman ako naiinitan dahil sa malamig na ihip ng hangin.

"Bakit lumuluha ang aking binibini?" Tanong nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, nakasandal ang kanyang kamay sa hawakan na kulay puti at nagbibigay gabay papunta sa loob ng mansyon.

Muli akong napatigil nang marinig ang kanyang sinabi na tila inaangkin na nya ako, simula bata kami nina Khalil at Sergio ay iyan na ang tawag nila sa akin. Normal lang naman talaga iyon sa amin bilang magkakaibigan ngunit sa paglipas ng panahon at aming paglaki ay nagiging iba na ang dating nito sa akin.

Tinignan sya ng tingin na kunwari ay hindi maunawaan ang sinasabi nya. "Ha? Ako ay lumuluha? Parang hindi naman," palusot ko at hinayaan na syang tabihan ako. Nang makuha ni Sergio ang kanyang certifico ay tuluyan na syang naging ganap na doktor.

Sya ay tumutulong ngayon sa klinikang ipinatayo ng mga Villanueva, maraming dayong mga doktor ang nagtutungo roon upang tumulong at makisapi. Matagal ko nang nakakasama si Sergio at sya ay pinagkakatiwalaan ko naman, isa syang mabuting ginoo na pinapangarap ng lahat ngunit hindi ko alam sa aking sarili kung bakit hindi ko magawang buksan ang aking puso sa kanya.

"Anong tawag mo riyan?" Tanong nya at tinuro ang aking panga, hinawakan ko iyon at naramdaman ko ang tubig na sumama sa aking daliri. Napaikot na lang aking mata.

"Umambon kasi kanina ngunit sandali lang. Hindi ko alam na may pumatak pala sa aking mukha," hindi magpapatalong saad ko at nginitian sya, napangiti naman sya matapos makita ang aking ngiti bago tumango ng dalawang beses.

"Oo na lang," nakangiting saad nya at tinanggap ang kanyang pagkatalo, dahil sa sobrang tuwa ay natawa na ako. Isa talaga syang mapagparayang ginoo!

"Sa wakas ay tumawa ka na," saad nya muli na tila ba hindi sya masayang makita ang lungkot sa aking ngiti, sumilay ang malumanay kong ngiti. Dahil sa kanya ay bigla kong nakalimutan ang aking lihim na idinaramdam.

"Salamat. Bakit ka nga pala lumabas?" Tanong ko at ilinibot ang aking paningin, malapit nang sumapit ang dilim at nagsisimula na ring bumukas ang mga ilaw.

"Oo nga pala, ikaw ay hinahanap na ng iyong ama. Tayo'y magbalik na sa loob," sagot ni Sergio at ilinahad ang kanyang palad sa akin, hindi ko nais na sya ay umasa ngunit nais kong tanggapin ang kanyang kamay bilang isang kaibigan na hinahangad kong malaman rin nya.

NANG makarating sa loob ay nagbitiw na ang aming mga kamay, muli ko nang narinig ang nakaiindak na musika na nagmumula sa mga musikero. Tuluyan nang sumapit ang dilim, umupo na ako sa tabi ni ama. Si Sergio ay nagtungo muna sa palikuran, hindi ko nagawang kausapin si ama sapagkat iniisip ko ngayon ang isang lalaking nakita ko mula sa gilid ng hacienda Fernandez.

Hindi ko alam kung namalikmata lang ba ako ngunit nakita kong sinusubukan nyang akyatin ang isang cuarto kanina, ako'y kinakabahan sapagkat baka may masamang mangyari at sisihin ko pa ang aking sarili dahil wala akong ginagawa ngayon.

Napasapo ako sa aking noo, paano na 'to? "Anak, iyong batiin sina Leviano at Gwenaelle para sa kanilang nalalapit na kasal." Nag-angat ako ng tingin kay ama nang ako'y utusan nya, sinundan ko ng tingin ang direksyon na kanyang itinuturo at muling bumigat ang aking dibdib nang makitang magkatabi sila ngayon.

Hindi pala talaga nagpapakita ng emosyon ang anak ni Don Gillermo Fernandez, hindi ko malaman kung ano ba ang nararamdaman nya para sa kasal na ito. Si Khalil ang nagsasalita para sa kanilang dalawa, panay tango lang sya at tila isang lantang gulay. Napakaganda ng kanyang ayos ngunit namumutla sya, hindi rin nakatakas sa akin ang lungkot sa kanyang mga mata.

Nanatili lang ako sa tabi ni ama at hindi sinunod ang kanyang utos ngunit mukhang hindi nya naman ako napansin dahil labis syang abala ngayon sa pakikipagkwentuhan, mabuti na lang. Napatigil ako at sinundan ng tingin ang Binibining Fernandez na iyon nang pasimple syang tumayo at naglakad papanik nang hindi namamalayan ng lahat.

Maliban sa amin ni Khalil. Nakita ko nang habulin nya ng tingin ang kanyang mapapangasawa, susundan nya sana ito may dumating na namang mahalagang panauhin at kailangan nyang kausapin. Tuluyan nang nakapasok si Gwenaelle sa kanyang cuarto, napatigil ako nang mapagtanto na ang kanyang silid pala ang sinusubukang pasukin ng akyat bahay!

Muli kong ilinibot ang aking paningin at napakagat sa aking ibabang labi, paano na ito?! Baka may mangyaring masama sa binibining iyon! Muli kong inalala ang mukha ng lalaking aking nakita sa labas kanina, tila pamilyar sa akin ang kanyang mukha. Sino nga ba ang lalaking iyon?

Hindi ko namalayang nalunod na pala ako sa kaiisip at nakalimutan ang aking suliranin na baka mapahamak ngayon ang Binibining Fernandez, tatayo na sana ako upang pumanik sa taas ngunit dumapo ang aking tingin kay Khalil na tumayo na at nagsimulang maglakad papanik sa itaas.

Muling bumigat ang aking dibdib habang pinagmamasdan ang heneral na pumasok na ngayon sa silid ni Gwenaelle, alam kong nariyan na si Khalil upang iligtas ang kanyang sinisinta. Napayuko na lamang ako at tuluyan nang naglakad paalis sa pagdiriwang na ito, ang itinatawag na pagdiriwang na dapat ay masaya ka ngunit taliwas iyon sa aking nararamdaman ngayon.

Hindi ko akalaing ganito pala ang aking Tadhana pagdating sa pag-ibig, masasabing perpekto nga ang aking buhay ngunit malas naman ako sa salitang pag-ibig. Ang pag-ibig na magdadala nga ng ngiti sa iyong labi ngunit may kaakibat iyong sakit at mapait na tadhana sapagkat ito ang mundo.

Hindi ka sasaya ng malaya. Sa oras na ikaw ay sumaya, may kaakibat agad itong lungkot. Wala kang karapatan na maging masaya ng malaya sapagkat ikaw ay nabubuhay sa mundong mapait, ikaw ay nabubuhay sa mundong makasarili.

Kailan ba magiging patas ang mundong ito?

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top