TADHANA KABANATA 35

[Kabanata 35 - Tadhana]

NAPADILAT ang aking mga mata matapos marinig ang mga hakbang na padaan sa aking selda ngayon, tulad ng dati ay wala akong ibang nagawa kung hindi ang hintayin na sila ay magpakita sapagkat hindi ako malaya sa loob ng kulungang ito.

"Talaga? Nakatakda na muli syang ikasal?" Rinig kong tanong ng isang guardia, napatigil ako at napahawak sa rehas. Buong gabi akong hindi nakatulog dahil sa mga salitang binitawan ni Aurora kagabi, ako'y nalunod na sa kaiisip.

"Oo, iyan ang aking nabalitaan mula sa aking kapatid. Ikakasal na muli ang heneral sa iba," rinig kong sagot naman ng isang guardia civil na muling ikinatigil ko, dumating na sila sa tapat ng aking selda.

Ikakasal na muli?

"S-sinong heneral ang inyong itinutukoy?" Nanginginig ang boses na tanong ko at sinubukang labanan ang kabang naghahari ngayon sa aking puso.

Nagkatinginan ang dalawang guardia. "P-pakiusap. Isang katanungan lamang," lakas loob na pakiusap ko dahil tila nag-aalinlangan silang sabihin sa akin ang kanilang nalalaman.

"Paumanhin binibini ngunit hindi kami maaaring magbigay ng impormasyon sa isang bilanggong tulad mo," seryosong saad ng guardia at umayos na silang dalawa ng tindig, sila ay nagmartsa na paalis sa aking harapan at tila napagtantong mali na mag-usap sila rito.

"S-si heneral Leviano ba?" Kinakabahang pahabol na tanong ko sa kanila ngunit nagpatuloy na sila sa paglalakad at hindi na nag-abalang lingunin pa ako.

Kumibot ang aking labi at humigpit ang pagkakahawak sa rehas ng selda na ito, nais kong lumabas at kausapin si Khalil ngunit walang kalayaan pagdating sa kulungang ito. Ang tanging magagawa ko lang ay hintayin ang kanyang muling pagbabalik.

Napayakap ako sa aking tuhod at napatulala sa kawalan. Si Khalil nga kaya ang nakatakda nang ikasal sa iba? Ngunit hindi, hindi nya iyon gagawin. Hindi lang naman si Khalil ang heneral na namamalagi rito, hindi sya ang heneral na tinutukoy nila...

Ngunit bakit ganoon? Hindi ko pa rin mapigilang maisip na baka nakatakda na nga syang ikasal sa iba. Ngunit bakit nya gagawin iyon? Bakit sya magpapakasal sa iba? Mga tanong na hindi ko alam kung karapatan ko bang malaman sapagkat wala namang malinaw na namamagitan sa aming dalawa.

Napakalabo nya.

KINABUKASAN, matapos kong kainin ang pagkain na dinala sa akin ng isang guardia civil ay nanatili na ako sa pinakasulok ng selda at isinandal ang aking noo sa aking tuhod. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa gayong mas maayos pa akong nakakakain dito kaysa noong ako'y malaya pa.

Sumandal ako sa maduming pader ng selda at malungkot na napatingin sa aking gilid na pader din, igagala ko muli sana ang aking paningin ngunit napatigil ako nang marinig ang mahinahong hakbang na papalapit sa aking selda.

Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at nagtulog-tulugan, wala pa akong lakas upang makipag-usap ngayon. Kung si Aurora man ang dumalaw sa akin ngayon ay ipipikit ko na lamang ang aking mga mata at hindi na mag-aaksaya pa ng lakas upang sagutin sya.

"N-natutulog ka pala, mahal ko..." Napatigil ako matapos marinig ang pamilyar na boses ni Khalil, nanatili akong nakapikit at nagtulog-tulugan. Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa itinawag nya sa akin, tila biglang naglaho ang lahat ng namumuong hinanakit ko sa kanya.

Narinig ko ang malalim nyang paghinga, hindi ko alam kung nakatingin pa sya sa akin ngayon gayong nakatalikod ako sa kanya. Pakiramdam ko ay napakabigat ng kanyang dinadala dahil sa lalim ng kanyang buntong hininga.

"H-hindi ko na alam ngayon ang aking gagawin, labis na akong pinahihirapan ng Tadhana nating ito. N-nais ko lang namang sumaya ka," rinig kong saad nya, nahihimigan ko sa kanyang boses ang lungkot.

Tila ngayon ko lang napagtanto na sinasabi nya lang ang kanyang tunay na nararamdaman sa tuwing nakapikit ang aking mga mata. Bakit sya ganito? Itinatago nya palagi sa lahat ang kanyang tunay na nararamdaman.

Hindi ko na napigilan pa at idinilat ko na ang aking mga mata, nagpanggap akong kagigising lang at marahang ginalaw ang aking ulo paharap sa kanya. Pagkaharap nya sa akin ay naroroon na ang ngiti sa kanyang labi, tila biglang naglaho ang lungkot na aking naririnig kanina sa kanyang mga sinabi.

"Taciang..." Ang pagsambit nya sa aking pangalan, habang nakatingin ng diretso sa kanya ay hindi nakatakas sa aking paningin ang lungkot sa kanyang ngiti. Nakaupo pala sya ngayon sa labas ng aking selda at pilit akong tinatanaw sapagkat nasa pinakasulok ako ng selda.

"Ikaw ay kumain na ba?" Tanong nya, nanatili akong nakatitig sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman ngayong naririto na sya sa aking harapan at nagpanggap na ayos lang ang lahat.

Napatingin sya sa aking pinagkainan na iniwan ko sa pinakasulok ng rehas, napangiti sya ng kaonti. "Sa aking palagay ay oo," nakangiting saad nya at tinignan na ako ng diretso sa aking mga mata, hindi ko magawang maalis ang aking titig sa kanya.

Bakit ganoon? Iba ang kanyang sinasabi sa tuwing kaharap ako at sa tuwing nakapikit ako, iba ang mukhang kanyang ipinapakita sa tuwing kaharap ko sya at sa tuwing ako'y nakatalikod. Bakit ka ganiyan, mahal ko?

Natauhan ako nang mapahinga sya ng malalim. "Taciang, may mahalagang balita nga pala ako para sa iyo," saad nya muli at sa pagkakataong ito ay nakita ko ang lungkot na namutawi sa kanyang mga mata.

Naramdaman ko na naman ang kaba na pinaka-ayoko sa lahat dahil sa paraan ng kanyang pagsabi sa balitang nais nyang ipabatid sa akin ngayon, napahinga ako ng malalim at nanatili syang tinignan upang hayaan syang magsalita muli.

"Makakalaya ka na..." Ang pagsaad nya sa balitang dapat ay ikasaya ko ngunit taksil ang puso ko. Napatingin ako ng diretso sa mga mata nya, hindi ako basta maaaring makalaya rito nang walang kapalit.

"M-maaari ka nang makalaya bukas, Taciang. Huwag kang mag-alala sapagkat ikaw ay tuluyan na talagang malaya mula sa kadilimang ito," dagdag nya at sinubukan akong ngitian, itinutukoy ang aking pagkakatali sa mga Garcia.

"Nais mo bang lumabas?" Tanong nya muli, sa pagkakataong ito ay nakita ko na ang pagkabahala sa kanyang mga mata dahil kanina pa ako hindi nagsasalita.

Nais ko syang tanungin kung paano iyon nangyari, kung paano ako makakalaya basta-basta ngunit natatakot ako sa maaari nyang isagot. Sa huli ay dahan-dahan na lamang akong tumango, bigla syang nabuhayan ng loob dahil sa wakas ay tinugunan ko na ang kanyang mga sinasabi.

Tumayo na sya at tinanggal ang kandado sa aking rehas, nang mabuksan ang pinto ay dali-dali syang naglakad papalapit sa akin at paupong niyakap ako. Tuluyan nang namuo ang luha sa aking mga mata matapos maramdaman ang higpit ng kanyang yakap na puno ng pangungulila.

Napapikit ako at niyakap sya pabalik, sa wakas ay may mainit nang yumakap sa aking nilalamig na puso. Magkadikit ang aming dibdib kung kaya't nararamdaman ko ngayon ang bilis ng pagkabog ng kanyang puso, ang aking mga luha ay tumulo na sa kanyang uniporme.

Hindi ko alam kung gaano katagal kaming nagyakap ngunit hindi ko nagawang magsawa sa higpit ng kanyang yakap, nais ko mang makita ang reaksyon ng kanyang mukha ngunit nakatalikod sya sa akin. Matapos ang mahabang sandali ay dahan-dahan na syang kumalas sa aming yakap.

Nang makalayo ng kaonti ay pinagmamasdan nya naman ang bawat detalye ng aking mukha. Kay lapit ng aming mukha sa isa't isa kung kaya't napagmamasdan ko rin ang kanyang hitsura na kailanman ay hindi ko pinagsawaang pagmasdan, mula sa malayo o malapitan man.

"T-tayo na," saad nya nang makuntento, hinawakan nya ang aking kamay at inalalayan akong tumayo. Hindi ko magawang maalis ang aking tingin sa kanya dahil tila may kakaiba sa himig ng kanyang boses.

Napatulala na lamang ako hanggang sa tuluyan kaming makalabas sa selda, tila nabunutan ako ng tinik sa aking dibdib dahil sa wakas ay nakaalis na ako sa kulungang kailanman ay hindi ko inaasahang mananatili ako.

Sumalubong sa akin ang malakas at malamig na ihip ng hangin matapos makarating sa pinakadulo ng hukuman kung saan malaya kong mapagmamasdan ang karagatan. Napayakap ako sa aking sarili at pinagmasdan ang kahel na kalangitan, alas singko na pala. Hindi ko namamalayan ang oras na loob ng selda.

"Taciang... Ayos ka lang ba? Bakit kanina ka pa tahimik?" Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya matapos marinig ang kanyang katanungan, mukhang tuluyan na syang nabahala sa bigla kong pananahimik.

Bakas ngayon sa kanyang mukha ang pag-aalala, hindi ko sya nais mabahala ngunit iyon na mismo ang nararamdaman ng aking puso ngayon. "Galit ka ba sa akin?" Dagdag nya at sa pagkakataong ito ay hindi na nya naitago pa ang ikinukubling lungkot ng kanyang mga mata.

"T-totoo bang nakatakda ka nang ikasal sa iba?" Nanginginig ang boses na tanong ko na ikinatigil nya, sa pagkakataong ito ay namuo na ang luha sa aking mga mata na kanina ko pa pinipigilan.

Sinubukan nyang hawakan muli ang aking kamay ngunit agad kong ilinayo iyon sa kanya at napaatras. "H-hayaan mo muna akong magpaliwa-" hindi na nya natapos ang kanyang sinasabi dahil agad na akong nagsalita.

"T-totoo nga?!" Nasasaktang tanong ko at sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan pa ang pagtaas ng aking boses, tila paulit-ulit na dinudurog ngayon ang aking puso habang pinagmamasdan syang nahihirapan ngayon.

"P-pakiusap, Taciang. Makinig ka muna," pakiusap nya at hinawakan ang kamay ko, nakikita ko ngayon ang takot sa kanyang mga mata dahil sa poot na namumutawi ngayon sa aking mga mata.

"P-pinaglalaruan mo ba ako?" Nasasaktang tanong ko, tuluyan nang nabasag ang aking boses dahil sa labis kong pagpipigil na huwag nang lumuha pa ngunit patuloy na namumuo ang luha sa aking mga mata.

Sya ay labis kong iniibig mula pa noon ngunit sa pagkakataong ito ay napagod na ang aking puso, bumitaw ako sa kanyang kamay at mabilis na naglakad papalayo sa kanya. Kasabay ng aking pagtalikod ay ang tuluyang pagbuhos ng luha sa aking mga mata.

"Taciang!" Rinig kong pagtawag nya sa akin ngunit hindi ko na sya nilingon pa, patuloy na naninikip ngayon ang aking dibdib dahil sa katotohanang nakatakda na naman syang ikasal sa iba.

Malapit na akong makarating pabalik sa pasilyo ng mga selda nang hawakan nya ang aking kamay at naabutan ako, dahil sa poot na namumutawi ngayon sa aking puso, dahil sa sakit na aking nararamdaman ngayon, hindi ko napigilan ang aking kamay na diretsong tumama sa kanyang pisngi.

Nakita ko ang gulat na namutawi sa kanyang mga mata dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa ko syang saktan ng pisikal, nasasaktan nyang ibinalik ang kanyang paningin sa akin dahil tila sa pagkakataon ito ay dahan-dahan na akong bumibitaw sa aking pag-ibig na buong akala ko ay hindi kailanman bibitaw sa kanya.

"M-manloloko ka! Simula noon ay wala kang ibang ginawa kung hindi paglaruan ang damdamin ko!" Nasasaktang sigaw ko, matapos kong sabihin iyon ay unti-unting pumasok sa aking isipan ang lahat-lahat ng motibong ipinakita nya sa akin ngunit sa huli ay iiwanan lang din pala.

Sinubukan nyang hawakan ang aking kamay at paulit-ulit na umiling ngunit malinaw na sa akin ngayon ang lahat. "A-ang iyong panloloko ay hindi isang pagkakamali, ito ay iyong desisyon mismo!" Lumuluhang sigaw ko sa kanya na puno ng hinanakit dahil matagal na nyang pinahihirapan ang aking puso.

"P-pagod na pagod na ang aking puso, Khalil. Pagod na pagod na akong ibigin ka," nasasaktang pagsambit sa isang bagay na naghahari ngayon sa akin.

Sa huling pagkakataon ay nasasaktan ko syang tinignan, tumalikod na ako at tumakbo pabalik sa aking selda. Narinig ko pa ang pagsigaw nya sa aking pangalan ngunit pinigilan na sya ng mga guardiang nagbabantay sa pasilyo ng mga selda.

Matapos makabalik sa aking selda ay napaupo na lamang ako sa pinakasulok at yumuko sa aking tuhod, naghari sa buong kapaligiran ang aking hikbi ngunit wala na akong pakielam pa.

Ilang sandali pa ay narinig ko na ang malakas na pagbuhos ng ulan mula sa labas, lumisan na ang araw at dilim na ang bumalot sa kalangitan tulad ko. Habang patuloy na bumubuhos ang ulan at maging ang aking luha ay hindi ko mapigilang masaktan dahil sa aking sitwasyon ngayon.

Umasa pa naman ako na magkakaroon na ng pag-asa para sa aming dalawa ngunit tila ipinamukha sa akin ng kapalaran ang katotohanang sya ay hindi para sa akin, ipinagkakait sya ng Tadhana sa akin.

Dumating na ang panahon kung saan sumuko at napagod na ang aking puso. Aking napagtanto na hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagawang manaig ng pag-ibig, dahil sumusuko na ako...

Hindi ko na kaya pang ipaglaban ang pag-ibig na kailanman ay hindi naman ako naging bahagi.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top