TADHANA KABANATA 32
[Kabanata 32 - Masamang Hangarin]
NAKATULALA akong nakaupo ngayon sa labas ng hacienda Garcia at malalim na nag-iisip, nakaupo ngayon sa isang batong aking inupuan din kahapon kung saan kasama ko si Sergio. Sya rin ang aking iniisip ngayon.
Hindi ako makapaniwalang imumungkahi nya rin sa akin iyon tulad ni Khalil, hindi rin ako makapaniwalang handa nyang pakasalan ako upang ako'y makaalis lang sa lugar na ito. Paano nya nagagawang ibigay sa akin ang isang bagay na napakahalaga sa kanyang buhay sapagkat kasal iyon?
Hindi biro ang magpakasal sa isang tao, kaakibat nito ay ang pagbibigay nya sa akin ng kanyang buhay. Ako'y nahihirapang magdesisyon ukol doon, kailangan ko na nga bang tanggapin ang alok ni Sergio upang matulungan ang aking sarili?
Ngunit bakit ganoon? Si Khalil pa rin ang nananaig sa aking puso. Para saan pa ang kanyang halik? Bakit nya ginawa iyon? Bakit hindi na lamang sya ang magpakasal sa akin?
Napabuntong hininga ako at napayuko, isa lamang ang sagot at dahilan upang ako'y hindi nya pakasalan.
Sapagkat hindi nya ako mahal.
Hindi nya ako iniibig.
At kailanman ay hindi.
Kay labo nya talaga...
Natauhan ako mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang malakas na pagkumpas ng abaniko, napaangat ako ng tingin at napatayo ako matapos makita si Aurora na taas kilay na nakatingin sa akin ngayon. Nakasakay sya sa kanyang kalesa at kasama nya na naman ang kanyang tatlong kaibigan.
"¿Por qué estás sentado ahí? (Ano't ikaw ay nakaupo lang diyan?)" Mataray na tanong ni Aurora at dahil nakapag-aral ako ay naintindihan ko ang kanyang tinanong, napahinga ako ng malalim.
"Paumanhin. Ako'y babalik na sa aking trabaho," paghingi ko ng tawad at akmang aalis na sa kanilang harapan ngunit agad akong pinigilan ni Aurora.
"¡Sandalias! (Sandali!)" Sandali akong napapikit at muling napahinga ng malalim upang habaan ang aking pasensya bago sila lingunin muli, nagkatinginan ang tatlong señorita na kasama nya.
"¿Qué le pasó a la princesa? (Anong nangyari sa prinsesa?)" Rinig kong tanong ng isang binibining nasa likuran ni Aurora, tinakpan nila ng abaniko ang kanilang mga mukha at tinago ang kanilang tawa.
Natawa rin si Aurora dahil sa sinabi ng kanyang kaibigan, ako ay hinahamak na naman nila. Tinatagan ko na lamang ang aking hitsura upang ipakita sa kanila na hindi ako basta bibigay sa kanilang pangungutya, kahit na ang puso ko ay kumikirot na naman ngayon.
"Ito, kuhanin mo ang mga bakol na iyan. Labhan mo at iyong siguraduhin na malinis na ito pagbalik sa amin," nakangiting utos ni Aurora at itinuro gamit ang kanyang abaniko ang dalawang bakol na ibinaba ngayon ng kutsero sa sahig, napatingin ako sa kutsero na malungkot na napatingin din sa akin.
Nakikita ko ang awa sa kanyang mga mata at mukhang labag sa kanyang loob ang kasamaan ng kanyang amo kung wala syang magagawa, napayuko na lang ang kutsero at muli nang sumampa sa kalesa. Naalala ko tuloy si Mang Andres na syang aming kutsero noon. Kumusta na kaya sila?
Napahinga ako ng malalim at napatingin sa dalawang malaking bakol na naglalaman ng kanilang mga damit, mukhang pinuntahan sila ni Aurora upang ipalaba lamang sa akin ang kay dami nilang damit.
"Adiós, princesa! (Paalam, prinsesa!)" Nakangising pamamaalam ni Aurora sa akin at siniringan ako, ang kanilang mga tawa ang umugong sa aking pandinig hanggang sa tuluyan nang lumisan ang kalesa sa aking harapan at ang alikabok na lamang ang tanging naiwan sa akin.
Napapikit ako at pinigilan ang pangingilid ng luha sa aking mga mata. Aking napagtanto na lumalapit lang sila sa akin noon dahil sa aking katanyagan ngunit ngayong bumagsak na ako, kinalimutan na rin nila ako. Lahat ng aking mga kaibigan noon ay tinalikuran na ako, nakita ko na rin ngayon kung sino ang mga tunay na taong nariyan para sa akin.
Ang aking dalawang matalik na kaibigan, si Sergio at Khalil...
NANGHIHINA kong ilinapag ang dalawang bakol sa sahig, napahawak ako sa tapat ng aking puso at pinunasan ang pawis na tumutulo ngayon mula sa aking noo at pababa sa gilid ng aking pisngi.
Tapos ko nang isampay ang mga damit ni Aurora at mga kaibigan nya na tila walang katapusan. Napatingin ako sa aking mga palad na kusang nanginginig ngayon, kay sakit ng aking kamay sa kakakuskos at nagsusugat ito ngayon.
Nagugutom na ako ngunit ako'y inaantok na rin, hindi naman ako maaaring matulog ngayon sapagkat maghuhugas pa ako ng pinggan at may kailangan pa akong gawin sa loob ng mansyon. Wala akong ibang magagawa kung hindi ang pilitin ang aking sarili kahit ako'y pagod na pagod na.
Ito na ang araw-araw kong kapalaran ngunit hindi ko pa rin magawang masanay at matanggap ang tadhana kong ito, hindi pa rin ako masanay sa lahat ng gawaing bahay at ako'y nahihirapan pa rin sa biglaang pagbabago ng aking makulay na buhay.
Pinakiramdaman ko ang aking kamay at napapikit ako ng mariin dahil sa sakit na bumalot sa akin ngayon, napayakap na lang ako sa aking kamay at napahinga ng malalim bago tuluyang maglakad papasok sa loob ng hacienda Garcia.
Gabi na, namumutawi ang buwan sa kalangitan na syang nagbibigay ng liwanag sa buong kapaligiran. Tuluyan na sana ako papasok sa malaking pinto ng mansyon ngunit napatigil ako nang marinig ang tunog ng kalesa na tumigil ngayon sa harap ng hacienda Garcia.
Inaninag ko ang lulan ng kalesang iyon at nanlaki ang mga mata ko nang makitang si Khalil iyon! Dali-dali akong nagtungo sa gilid ng mansyon na nababalot ngayon ng dilim at doon nagtago.
Napatingin ako sa pinto ng mansyon nang bumukas iyon at bumungad sa akin si Aurora na nakasuot ngayon ng puting bestida at balabal, bumaba na sya ng hagdan at pinagbuksan ng tarangkahan si Khalil.
Napatingin ako kay Khalil na nakasuot ngayon ng kanyang uniporme at diretso lang ang tingin, tulad ng dati ay seryoso ang kanyang mukha. Napatago ako nang lumibot ang kanyang paningin at tila may hinahanap, nang-uusisa ang kanyang tingin hanggang sa tumigil iyon kay Aurora.
"Ano ang iyong ulat?" Walang emosyong tanong ni Khalil at napatigil ako nang biglang gumalaw ang kanyang mga mata papunta sa direksyon kung saan nagtatago ako ngayon.
Agad akong napaalis ng tingin sa kanila at napasandal sa pader ng mansyon, bumilis ang tibok ng aking puso at napapikit. "Tulad ng dati ay hindi ko napapayag si Ina, masyado nyang kinamumuhian ang pamilya De Leon dahil sa mga utang nila sa aking pamilya. Paumanhin," rinig kong saad ni Aurora gamit ang kanyang pinakamahinhing boses, nanikip ang aking dibdib matapos muling sumampal sa akin ang masakit na katotohanang iyon.
"Salamat, nawa'y tinutulungan mo nga ako. Ako'y mauuna na binibining Aurora," rinig kong pamamaalam na ni Khalil kung kaya't muli ko silang sinilip. Akmang tatalikod na si Khalil ngunit agad naalerto si Aurora at pinigilan si Khalil sa pag-alis.
"N-ngunit may isang paraang inimungkahi si Ina at labis na nagpapayag sa kanya," lakas loob na saad ni Aurora at nginitian si Khalil, liningon sya ni Khalil at diretso syang tinignan. Mukhang napagtanto nya na ang paraan na iyon.
"Pakasalan mo ako, makakalaya sya..." Ang pagsambit ni Aurora sa paraang alam kong sya ang tanging may gusto. Muli na lang akong napasandal sa pader at napahawak sa tapat ng aking puso, napapikit ako at napahinga ng malalim.
Ang pagpapakasal na nga lang ba ang tanging paraan?
SINIMULAN kong punasan ang lamesa rito sa hapag kainan habang lumulutang ang isip, mas lalo pang bumigat at rumami ang aking iniisip ngayon kumpara kahapon kung saan si Sergio lang ang aking iniisip. Ako'y labis na nababahala sa maaaring maging desisyon ni Khalil.
Sa totoo lang, mas gugustuhin ko pang maikasal kay Sergio kaysa matali si Khalil sa isang masamang pamilya para lang sa akin at para sa aking nais na hindi maikasal sa kanyang kapatid at tanging sa kanya lamang.
Iyon naman talaga ang aking pangarap simula pa noong una, matagal na panahon na rin pa lang ipinagkait iyon ng tadhana. Bakit kaya ganoon? Para syang paglubog ng araw sa kalangitan, kay hirap abutin.
Nais kong kausapin ngayon si Khalil at bigyang linaw sya na hindi nya kailangang isuko ang kanyang sarili para lamang sa akin, labis-labis na ang kanyang tulong at pagmamalasakit.
Sa kabilang banda, hindi ko man ito nais, hindi man ako roon sasaya, ngunit hindi ko mapigilang maisip na tanggapin na ang alok ni Sergio kaysa naman sa inaalok ni Aurora kay Khalil. Hindi ko nga lang maisip ang aking magiging buhay kasama sya.
At pakiramdam ko, sa oras na isipin ko ang aking kaligtasan, aking tinalikuran na rin ang wagas kong pag-ibig na kay tagal nang dinadala ng aking puso.
Napahinga ako ng malalim at nagpatuloy sa pagpupunas ng lamesa, pilit kong linalabanan ang antok na bumabalot sa akin ngayon. Wala pa akong tulog at hindi pa rin ako nakakakain, ito na marahil ang araw-araw kong kailangan ngunit ipinagkakait sa akin.
Habang nagpupunas ng mesa ay napatigil ako nang maramdaman na tila may nakatingin sa akin ngayon, ilinibot ko ang aking paningin. Nang mag-angat ng tingin sa itaas ay napatigil ako nang makita si Don Solomon na umiinom ngayon ng alak at sinusundan ako ng tingin.
Bigla ay nakaramdam ako ng kilabot matapos makita ang malalim nyang tingin. Nakaramdam bigla ako ng kawalan ng respeto dahil doon, kailanman ay walang bumastos sa akin sapagkat ako ay labis na pinoprotektahan ni ama noong sya ay nabubuhay pa.
Napayuko na ako at dali-daling umalis sa lugar kung saan ako ay matatanaw nya, kaba ang aking nararamdaman hanggang sa tuluyan na akong nakalabas ng kanilang mansyon. Nais ko nang umalis sa lugar na ito!
Nais ko sanang lumabas na ng tarangkahan ngunit nakakandado iyon, kanilang sinisiguro talaga na hindi ako basta makakalabas ng kanilang hacienda. Napahinga ako ng malalim at napatingin sa aking kamay na nanginginig ngayon, pagtalikod ko ay tatakbo na sana ako papunta sa aking munting silid ngunit napatigil ako nang mabunggo si Aurora.
Napatumba sya sa sahig at nahulog din ang dala nyang baro't saya, nanlaki ang mga mata nya at hindi makapaniwalang tinignan ako. Tutulungan ko sana sya patayo ngunit dali-dali na syang tumayo at matalim akong tinignan.
"P-pauman-" hihingi pa lamang sana ako ng tawad ngunit laking gulat ko nang diretsong tumama ang kanyang palad sa aking pisngi, napahawak ako sa aking pisngi at gulat na tinignan sya!
Kusang namuo ang luha sa aking mga mata dahil sa lakas ng kanyang sampal, nag-aalab ang mga mata nya akong tinignan. "Ikaw! Nananadya ka talaga ano?!" Sigaw nya sa akin at dinampot ang baro't saya na nahulog sa sahig.
"Nakikita mo ba ang ginawa mo sa aking baro't saya?!" Galit na sigaw nya muli at pinakita sa akin ang mantsang naiwan sa mamahalin nyang baro't saya, napatigil ako. Totoong ako ang naglaba ng baro't sayang iyon.
Ngunit hindi ko naman sinasadya na may maiwang mantsa sa kanyang baro't saya, ako'y labis na napagod na sa napakaraming baro't saya na kanyang ipinalaba sa akin noong nakaraang araw at hindi ko namalayang may naiwan pa lang mantsa sa loob ng kulay puti nyang saya.
"Tanga ka talaga! Estupida!" Sigaw nya sa akin at nagulat muli ako nang hatakin nya ang aking buhok, napasigaw ako sa sakit nang kaladkarin nya ako patungo sa may kung saan.
"Aurora! P-pakiusap! B-bitawan mo ako!" Nasasaktang sigaw ko, pahagis nyang binitawan ang aking buhok kung kaya't napatumba ako sa lupa.
"Wala kang kwenta! Malas!" Namumula sa galit na sigaw nya sa akin at napasigaw bago dire-diretsong naglakad patungo sa loob ng mansyon.
Naiwan akong mag-isa sa labas, kumuyom ang aking kamao sa lupang aking pinagbagsakan ngayon. Namuo ang luha sa aking mga mata at pilit na pinigilan ang pagbuhos ng aking luha na kay tagal ko nang pinipigilan.
Napahawak muli ako sa tapat ng aking pisngi na namumula na rin ngayon sa hapdi, agad kong pinunasan ang bumuhos kong luha ngunit nahirapan ako sa pagpunas niyon sapagkat naging tuloy-tuloy ang pagbuhos nito. Marahil ay napagod na silang magpigil sa pagbuhos.
Napahawak na lamang ako sa tapat ng aking puso at humihikbing napayuko, narinig ko ang biglang pagkulog. Ilang sandali na lamang at bubuhos na ang ulan ngunit sa pagkakataong ito ay naunahan sya ng aking mga luhang hindi na matigil ngayon sa pagbuhos.
Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang paghawi nito sa aking luhang puno ng sakit at pagdadalamhati, tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan at maging ang aking pusong naninikip ngayon sa sakit.
Pagod na ako.
MABIGAT sa loob kong pinupunasan ngayon ang mahabang hagdanan ng mansyon ng mga Garcia, alas sais na ng umaga at patuloy na nagdadalamhati ang aking puso. Walang katao-tao ngayon sa hacienda Garcia ngunit hindi iyon sapat upang gumaan ang naninikip kong dibdib.
Nakarating na ako sa pinakataas ng hagdan, kahit papaano ay nakahinga na ako ng maluwag dahil natapos ko na ring punasan ang napakahabang hagdan na ito. Tumayo na ako at tumungtong sa punong hagdan, ilalapag ko muna sana ang basahan ngunit nabitawan ko iyon nang bigla ay may humatak sa akin mula sa likod.
Nanlaki ang mga mata ko at akmang lilingunin ito ngunit agad nitong tinakpan ang aking bibig kung kaya't hindi ako nakasigaw, ang katotohanang hindi pamilyar ang kanyang amoy at hawak ay nagdudulot ng kilabot sa akin.
Tila tumigil ang pagtibok ng aking puso nang ako'y dalhin nya sa isang madilim na cuarto, sinubukan kong kumawala ngunit mas malakas sya sa akin. Nang masara na nya ang pinto ay tinulak nya ako sa kama na ang dahilan upang ako'y sumubsob doon.
Mabilis kong nilingon ang walang hiyang gumawa sa akin nito at nanlaki ang mga mata ko nang makilala sya. "Ang iyong kagandahan ay hindi dapat pinagmamasdan lamang..." Nakangising saad ni Don Solomon na ikinatigil ng aking mundo.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top