TADHANA KABANATA 3
[Kabanata 3 - Pagdiriwang]
NARITO na muli ako sa loob habang nakikinig sa mga sinasabi ni Don Flavio sa harapan naming lahat, ang haba ng kanyang sinabi ngunit kahit isa ay wala akong naintindihan dahil lumulutang ang aking isip sa pagyakap namin ni Khalil kanina.
Hindi ko na maramdaman pa ang bakas ng kanyang yakap sapagkat hindi naman iyon mahigpit. Nang matapos magsalita si Don Flavio ay nagsimula nang mamaalam ang lahat sa isa't isa. Gabi na't buwan at bituin na ngayon ang namumutawi sa kalangitan na kung kanina ay mga ulap at paglubog ng araw.
Nilingon ko si Sergio na syang aking katabi pa rin ngayon, hindi ko alam kung bakit ngunit bigla na lang syang nawalan ng gana makipagusap kung kaya't hinayaan ko na lang sya. Ngayong nilingon ko naman sya ay nagliwanag ang kanyang madilim na mukha, pumanik si Khalil sa ikalawang palapag at hindi ko alam kung bababa pa ba sya.
Nagulat ako nang tumayo si Sergio at ilahad ang kanyang palad sa akin, ilinibot ko ang aking paningin at lahat ng mga taong naririto ay nakatingin sa amin ngayon. Napatingin din ako kay Khalil na kabababa lang sa hagdan at muling napangiti nang makita ang kanyang kapatid na nagbibigay motibo na naman sa akin ngayon.
Muling bumigat ang aking damdamin, ako'y nahihirapan na namang magpakatotoo. Wala akong pagtingin kay Sergio, hindi sya ang gusto ko. Ang mga salitang hindi ko magawang sabihin sa kanya sapagkat pinahahalagahan ko sya, malamang ay masasaktan sya sa oras na sabihin ko iyon sa kanya. Ano ba ang dapat kong gawin?
Sa huli ay napahinga na lang ako ng malalim at tinanggap ang kanyang kamay na nakalahad sa akin, napangiti sya at nakahinga ng maluwag dahil sa aking pagtanggap. Ito naman ang hindi ko nagugustuhan sa aking pagtanggap sa kanyang kamay at mga salita, umaasa sya.
Tuluyan na akong nakatayo mula sa aking kinauupuan at pilit na nginitian si Sergio bago dire-diretsong naglakad papalapit kay ama na malapit nang makatulog ngayon dahil sa kalasingan. Marami pa ring tao sa loob at hindi ko naman nais na makipagsiksikan sa kanila palabas, maghihintay na lang ako.
"Sya nga pala mga kaibigan, kayo ay iniimbitahan ko rin sa hacienda Fernandez bukas. Naroon ang pamilya Santiago at may mahalaga muling pagdiriwang na magaganap sa bayang ito." Lahat kami ay napatingin kay Don Flavio matapos syang may ianunsyo, muli akong napatingin kay Sergio nang lumawak ang kanyang ngiti.
Tila nagliwanag ang aking mukha nang maalalang may anak na babae si Don Gillermo Fernandez, biglang gumaan ang aking damdamin nang mapagtanto na mukhang may mangyayari ngang habang buhay na samahan sa pagitan ng mga Santiago at Fernandez.
ISANG magarbong pagdiriwang ang sumalubong sa amin mula sa labas pa lang ng hacienda Fernandez, kay daming tao ngunit ang mga mayayaman lang ang pinahintulutang makapasok. Kawawa naman ang mga naiwan sa labas, hindi talaga patas ang sistema.
Bumaba na kami ni ama sa kalesa at madaling nakapasok sa loob, walang kulay ang Haciendang ito ngunit dahil sa pagdiriwang na nagaganap ngayon ay nagkaroon. Habang patuloy kaming naglalakad ni ama ay pilit kong inaalala kung ano nga ulit ang pangalan ng anak ni Don Gillermo.
Kay dami ko nang nakasalamuha sa dalawampu't apat na taon na pagkabuhay ko sa mundong ito at hindi ko masisisi ang aking sarili na makalimutan ang pangalan ng iba, pakiramdam ko ay tumatanda na ako. Sandali, ang ibig sabihin ba no'n ay isa na akong lola?!
"Magandang hapon amigo," nakangiting pagbati ni ama kay Don Flavio at binati rin ang pamilya Santiago, isa-isa kong pinagmamasdan ang kasapi ng kanilang pamilya. Si Don Flavio, si Doña Cecilia, si Cresensia, si Sergio, at si Khalil.
Hindi ko na narinig pa ang kanilang pag-uusap dahil tumigil na ang aking paningin kay Khalil na hindi man lang nag-abala na sulyapan ako. Galit ba sya? Ayos naman kami kahapon ah? Niyakap nya pa nga ako, bilang kaibigan.
"Ate Taciang!" Dumapo ang aking tingin kay Cresensia na kinakalabit ako ngayon, napangiti ako dahil muli na nya akong pinansin. Tinapik nya ang kanyang tabi bilang pagsenyas na umupo ako sa tabi nya, tumango naman ako at umupo sa tabi ni Cresensia.
Si Cresensia Santiago na ang pinakabata sa pamilya Santiago ay isang binibini na may itinataglay na katahimikan at kasungitan, mabait naman sya ngunit minsan ay bigla na lang hindi mamamansin kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanya. Labing anim na taong gulang pa lang sya at nagtataglay din ng kagandahan.
"Ate Taciang, ano ang iyong masasabi sa buwan?" Tanong ni Cresensia sa hindi malamamg dahilan, inisip ko naman ang hitsura ng buwan na nagpapakita tuwing gabi.
"Maganda! Kasing ganda mo," nakangiting saad ko at kinurot ang kanyang baba, agad nya namang iniwas ang kanyang mukha na palagi nyang ginagawa sa tuwing kinukurot ko ang kanyang baba at pisngi.
Natawa na lang ako at napatingin sa magkapatid na si Sergio at Leviano, agad inalis ni Khalil ang kanyang titig sa akin habang si Sergio naman ay napangiti nang magtama ang aming paningin. Palangiti talaga sya, simula noong bata kami ay kay sarap nyang pagmasdan sapagkat kay ganda ng biloy ng kanyang pisngi.
"Sya nga pala, ako'y nananabik nang malaman ang inyong iaanunsyo ngayon. Ano kaya ito?" Napatingin ako kay ama nang marinig ang kanyang katanungan, maging ako ay hindi na rin makapaghintay na malaman iyon kahit na alam ko namang may ikakasal kay Binibining Gwenaelle Fernandez mula sa mga Santiago.
"Sa aking palagay ay panahon na rin upang inyong malaman," nakangiting tugon ni Don Flavio kay ama at tumayo mula sa kanilang kinauupuan, taas noo syang naglakad papalapit kay Sergio at Khalil.
May ibinulong ito ngunit hindi ko narinig, ang aking mga mata ay naka'y Khalil hanggang sa makatayo sya at naglakad papanik sa mahaba at malawak na hagdan. Napasandal ako sa aking kinauupuan at napaisip. Bakit si Khalil ang pumanik?
Sa pagpatak ng segundo ay unti-unti kong napapagtanto ang maaaring katotohanan sa pagitan ng mga Santiago at Fernandez, dahan-dahan kong naramdaman ang kaba sa aking puso matapos maisip na maaaring hindi naman pala si Sergio ang ikakasal.
Ilang sandali pa, tumigil ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa matapos matanaw ang dalawang taong pababa ngayon ng hagdanan. Muntik na akong masilaw dahil sa kinang ng suot na baro't saya ng binibining kasama ngayon ni Khalil sa pagbaba, tila unti-unting dinurog ang puso ko matapos makita ang kamay nilang magkahawak ngayon.
Tama nga ang aking hinala na magkakaroon ng habang buhay na pagsasama sa pagitan ng mga Santiago at Fernandez dahil may ikakasal mula sa kani-kaniyang angkan, tama ako sa hinala kong iyon ngunit ako ay nagkamali sa taong aking naisip na ikakasal.
"Aking mga kaibigan, ito ang balita na aking nais ipagbigay alam sa inyong lahat. Na ang aking anak na si Heneral Leviano Santiago at ang anak ni Don Gillermo Fernandez na si Binibining Gwenaelle ay habang buhay nang magsasama mula sa araw na ito." Tila tumigil ang pag-ikot ng aking mundo matapos linawin ni Don Flavio ang lahat, ang katotohanang hinihiling ko na sana ay hindi na lang totoo.
Nasasaktan man ay muli akong nag-angat ng tingin kay Khalil at ang kanyang mapapangasawa na walang emosyon ang mukha, ngayon pa lang ay nasasaktan na ako dahil tila wala namang pakielam ang binibining iyon sa kasal na kay tagal ko nang pinapangarap simula noong inibig ko sya.
Nang maramdaman ang pangingilid ng aking luha ay agad akong tumayo at mabilis na naglakad paalis, hindi naman nila ako napansin dahil ang mata ng lahat ay naka'y Khalil at sa babaeng pakakasalan nya. Nang tuluyang makatakbo palabas ay doon ko ibinuhos ang aking luhang hindi ko na mapigilan pa.
Nasayang lamang ang ilan taon kong paghihintay at pag-asa na balang araw ay maikakasal din ako kay Khalil Leviano Santiago, dahil ngayon ay nakatakda na syang ikasal sa isang taong kailanman ay hindi magiging ako.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
11/14/2021,
hiii, inform ko lang kayo na ang pagkabasa sa palayaw ni anastacia na ‘taciang’ ay ‘ta-syang’ or mas maganda kung ‘ta-shang'. Ang pagkabasa naman sa pangalan ni Anastacia ay ‘a-nas-ta-sya’ or ‘a-nas-ta-sha’, okie?
thank youuu so much for reading, cess forever loves youu. ♡
ᜆᜇ᜔ᜑᜈ <3
Nagmamahal,
Cess.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top