TADHANA KABANATA 29

[Kabanata 29 - Tanging Siya]

"A-ANO?" Nabibiglang tanong ko sa kanya matapos marinig ang kanyang kasagutan sa aking katanungang nagbibigay na ng masakit na kasagutan, nakatingin ako ngayon ng diretso sa kanyang mga mata at pilit na binabasa ang isinisigaw ng kanyang mga mata.

Habang nakatingin din ng diretso sa aking mga mata ay napatigil sya at mukhang napagtanto ang kanyang diretsong mga salita, sobrang bilis ng pagkabog ng aking puso habang pinagmamasdan ang kanyang maamong mukha na hindi ko kailanman pagsasawaang pagmasdan.

Nakita ko ang paggalaw ng kanyang lalamunan at napaatras ng kaonti dahil ang lapit pala namin sa isa't isa, maging ako ay hindi namalayan iyon sapagkat ang aking mga mata ay tanging nasa kanya lamang.

Binasa nya ang kanyang labi at napaiwas ng tingin. "Hindi bilang kaibigan o ano man. Mahalaga ka sa akin," saad nya na ikinagulo ng aking isipan, hindi ko maunawaan ang nais nyang iparating. Hindi bilang kaibigan at hindi rin bilang iniibig?

Magsasalita na muli sana ako upang tanungin sya ngunit napatigil ako nang mula sa likod ni Khalil ay bumungad doon si Aurora na tinaasan ako ng kilay, nang lingunin sya ni Khalil ay agad nyang ibinalik ang kanyang mayuming ngiti.

Hindi naman sya binigyan ng reaksyon ni Khalil na kung kanina ay ibinibigay nya sa akin. "Ano ang inyong ginagawa rito?" Usisa ni Aurora at sinulyapan ako na nasa likuran ngayon ni Khalil.

"Ako'y maghahanap sana ng maiinom," sagot ni Khalil, nagsisinungaling. Dahil ang katotohanan ay nagtungo sya rito upang humingi ng tawad, mga bagay na tanging kaming dalawa lang ang nakakaalam.

"Ganoon ba, sige! Bibigyan kita ngunit sa ngayon ay magtungo muna tayo sa sala sapagkat napakadilim dito," tugon ni Aurora sa palusot ni Khalil, muli akong nilingon ng taong tanging isinisigaw ng aking puso.

Nginitian ko sya ng kaonti, umaasa na maintindihan nyang pinapatawad ko na sya. Tinanguhan nya ako bago maglakad paalis sa cocina, agad syang sinundan ni Aurora na tila isang hibang ngunit bago iyon ay matalim nya akong tinignan at tuluyan nang sinundan si Khalil.

Nang tuluyan silang mawala sa aking paningin ay napasandal na lamang ako sa lamesa at napahawak sa tapat ng aking puso, napapikit ang aking mga mata habang patuloy na nararamdaman ang pagkabog ng aking pusong patuloy syang isinisigaw.

MAINGAT at walang ingay akong humakbang papunta sa salas kung saan doon ay may naririnig akong nag-uusap, alam kong si Aurora at Khalil iyon. Nang makalapit ay mabilis akong sumandal sa malaking pader na syang nagtatago sa akin ngayon, ilang sandali pa ay lihim ko silang sinilip.

Natagpuan ko si Khalil na nakaupo sa kanape at nakaharap sa aking direksyon, habang si Aurora naman ay nasa mahabang kanape at malapit kay Khalil. Naririto rin ngayon si Oriana ngunit malayo sya sa dalawa. Ako'y napatitig na lang kay Khalil na tila walang kagana-gana ngayon at nakasandal sa upuan.

Sinimulan kong pakinggan ang kanilang pag-uusap. "Heneral Leviano, ano ba ang iyong nais hilingin?" Abot langit ang ngiting tanong ni Aurora, namumula pa rin ngayon ang kanyang pisngi habang titig na titig kay Khalil.

Napahinga naman ng malalim si Khalil habang ang mga mata ay wala kay Aurora, laking gulat ko nang biglang dumapo ang mga mata nya sa akin. Nanlaki ang mga mata ko at agad napaalis ng tingin sa kanya, napasandal ako sa pader at napahawak sa aking bibig.

May narinig muli akong nagsalita at sa aking gunita ay kay Khalil iyon dahil sa malalim nitong boses ngunit hindi malinaw sa akin ang kanyang sinaad sapagkat napasandal ako sa pader. Napapikit na lang ako at muli silang sinilip.

Nagtama ang aming paningin ni Khalil ngunit mabilis pa sa hanging inalis nya rin ang kanyang mga mata sa akin, pakiramdam ko ay dahil upang hindi rin mapatingin sa akin si Aurora. Napatigil si Aurora at tila biglang nadismaya, ngunit agad nyang itinago iyon gamit ang kanyang ngiting nagkukubli ng kanyang tunay na pagkatao.

"P-paumanhin Leviano ngunit hindi basta maaaring makaalis dito si Anastacia, si Ina lamang ang maaaring magdesisyon para sa kanya. Kung ako lamang sana ang masusunod ay pinalaya ko na sya sapagkat ako'y nahahabag din sa kanyang sitwasyon," saad ni Aurora na tila ba nalulungkot sya, biglang sumama ang timpla ng aking mukha dahil ramdam na ramdam ko ngayon ang kanyang pagsisinungaling.

Kung iisa-isahin ko ang lahat ng kanyang masasakit na salita at pananapak sa aking pagkatao ay baka sumampal iyon sa kanyang kasinungalingan ngayon, tila biglang uminit ang aking dugo lalo na nang hawakan nya ang kamay ni Khalil. Nagulat si Khalil dahil sa kanyang ginawa.

"Huwag kang mag-aalala, Leviano. Aking susubukang kumbinsihin si Ina na palayain na ang iyong kaibigan," malambing sa saad ni Aurora at binigyan ng pekeng ngiti si Khalil, kumunot ang aking noo dahil sa mga salitang binitawan nya.

Hindi ko mahanap ang katotohanan sa kanyang mga sinabi at bakit nya tinatawag si Khalil sa mismong pangalan nito? Ano ang kanyang karapatan? At nasaan ang kanyang pahintulot?

Walang emosyong inalis ni Khalil ang kamay ni Aurora na nakakapit sa kanya at tumayo na, mukhang nasaktan si Aurora dahil sa ginawang iyon ni Khalil ngunit agad din syang tumayo at muling nginitian si Khalil. Kanina nya pa hindi inaalis ang kanyang mga mata sa mukha ni Khalil, tila tulad ko ay humahanga rin sya rito.

"Ako'y mauuna na, Binibining Aurora. Umaasa ako na ako'y matulungan mo nga sapagkat walang kasalanan at kinalaman si Anastacia sa kasalanan ng kanyang ama," seryosong saad ni Khalil, bumuntong hininga naman si Aurora at tumango na lang.

"Hanggang sa muli, Heneral. Umaasa rin ako na muli kang magbalik dito," nakangiting saad ni Aurora at nagbigay galang kay Khalil, sandali syang tinignan ni Khalil ng walang emosyon bago syang tanguhan nito.

Naglakad na si Khalil papunta sa pinto ngunit bago sya tuluyang lumabas ay sinulyapan nya ako gamit lang ang kanyang mga mata upang hindi ito mahalata ng sino man. Bigla ay dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa aking labi matapos makita ang kanyang ngiti na labis nagpagaan sa aking mabigat na loob.

Tila nais nyang ipahiwatig na ipanatag ko lang ang aking loob at sya na ang bahala sa lahat, umiwas na sya ng tingin at nagpatuloy na rin sa paglalakad paalis upang hindi na kami mahalata pa.

Tuluyan na syang lumisan ngunit nagpapasalamat ako dahil may iniwan syang ngiti na hanggang ngayon ay nagpapapanatag sa aking loob, nagpapasalamat ako dahil naririto pa rin sya sa akin hanggang ngayon.

Nagpapasalamat ako dahil dumating sya sa buhay ko.

KINABUKASAN, papasikat pa lang ang araw ngunit ako'y gising na upang ipaghanda ng almusal ang señora. Ako'y nagpapasalamat din sapagkat hindi pa rin umuuwi hanggang ngayon si Doña Facunda, kahit papaano ay nakakahinga ako ng maluwag.

Nang matapos magluto ng kaldereta ay ilinagay ko na iyon sa malaking mangkok at inihain sa mahabang mesa, pinunasan ko ang pawis na namumuo ngayon sa aking noo at naglakad na papunta sa gilid dahil alam kong pababa na ngayon si Señora Aurora Garcia.

Ilang sandali pa ay hindi nga ako nagkamali dahil bumaba na si Aurora, nang mapatingin sya sa akin ay sumama na naman ang timpla ng kanyang mukha kahit na palagi naman talaga syang nakasimangot. Padabog syang umupo sa kabisera at tinignan ang mga pagkain sa lamesa.

Sinulyapan nya ako. "Iyong pagsandukan nga ako upang magkaroon ka naman ng pakinabang," naiiritang saad nya, napahinga ako ng malalim. Ako na nga itong nagluto at ako pa ngayon ang walang pakinabang.

Naglakad na ako papalapit sa kanya at maingat na sinandukan sya. Kailanman ay hindi ko pinagawa ang ganitong kasimpleng bagay sa aking mga tagasilbi noon, hindi ko rin sila sinasabihan ng masasakit na salita dahil alam ko ang salitang respeto.

"Tama na iyan, umalis ka na. Mas lalong pumapangit ang aking araw dahil sa iyo," saad nya habang nakatingin sa akin ng matalim, hindi ko na lang sya pinansin at binitawan na ang sandok na aking hawak.

Maglalakad na sana ako paalis ngunit muli syang nagsalita. "Manang Dolores, kay Anastacia mo na ipaubaya ang iyong pagbili ngayon sa pamilihan. Tutal ay magaling naman sya, sya naman palagi." Dahan-dahan kong nilingon si Aurora na matalim pa ring nakatingin sa akin ngayon.

Kahit ilihim nya pa sa mundo, isinisigaw naman ngayon ng kanyang mga mata ang labis na paninibugho. Hindi ko alam kung bakit ganito sya, nasa kanya na ang perpektong buhay ngunit hindi pa rin sya makuntento ay kinakailangan pang tapakan ang aking pagkatao.

Nagtitimpi ko syang sinulyapan bago maglakad papunta kay Manang Dolores at kinuha sa kanya ang listahan ng mga bibilihin. Napatingin ako kay Aurora nang matawa sya, tawa na puno ng inis at inggit.

"Kita nyo na, magaling nga sya!" Natatawang saad ni Aurora at napopoot akong nilingon, napahinga ako ng malalim at naglakad na paalis ngunit bago iyon ay tumigil ako sa harap nya at seryoso syang tinignan.

"Alam mo? Hindi galit ang nararamdaman ko sa iyo, kung hindi awa," seryosong saad ko, hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na pagsalitaan sya.

Namutawi ang gulat sa kanyang mukha matapos marinig ang hindi inaasahang pagsagot ko sa kanya, maging si Oriana at Manang Dolores. Tila nasindak sya ngunit sinubukan nyang labanan ang aking titig upang hindi maramdaman na sya ay talo, ngunit kahit anong gawin nya ay iyon pa rin ang mangyayari sa huli.

Inalis ko na ang aking tingin sa kanya at dire-diretsong naglakad palabas sa kasumpa-sumpang hacienda na ito, naiwan syang tulala roon at walang ibang nagawa kung hindi ang umiyak.

MASAMA ang loob akong naglalakad ngayon patungo sa pamilihan, kahit na nababahala ay hindi ko pinagsisihang sinabi ko kay Aurora ang mga bagay na iyon upang malaman nyang nagmumukha lamang syang kaawa-awa sa kanyang ugali.

Ako'y nababahala lang na magsumbong sya kay Doña Facunda, ako'y natatakot na baka saktan nila ako. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang dala ang bayong at ang listahan na aking kinuha kay Manang Dolores kanina. Nakalista rito ang mga kailangan sa hacienda.

alas diyes na ng umaga, maaliwalas ang kalangitan na nababalot ngayon ng mga ulap. May ilang mga tao akong nakakasalubong na may kani-kaniyang buhay tulad ko, kaonti lamang ang tao sa kalye at marahang sumisimoy ang sariwang hangin.

Habang patuloy akong naglalakad ay napatigil ako nang may kumapit sa akin, nanlaki ang mga ko nang makita ang kanyang kamay na nakakapit sa aking braso. Nakaramdam ako ng kilabot dahil yakap nya ako ngayon mula sa aking likuran.

Sisigaw na sana ako humingi ng tulong ngunit agad nyang tinakpan ang aking bibig at hinatak papalayo sa lugar na iyon, sinubukan kong kumawala mula sa kanyang pagkakahawak ngunit mas malakas sya sa akin. Ang tanging alam ko lang ay nakasuot sya ng kulay itim at lalaki ang may hawak sa akin ngayon.

Ilang sandali pa ay tumigil na kami sa isang na lugar at walang katao-tao, lumuwag na ang kanyang pagkakakapit sa akin kung kaya't nabigyan ako ng pagkakataong kumawala sa kanya.

Napahawak din ako sa aking labing tinakpan nya kanina kung kaya't hindi ako nakahingi ng tulong, nagsalubong ang aking kilay. "Ano ang iyong karapa—" hindi ko na natapos ang aking pagsigaw sa kanya matapos masilayan ang kanyang mukha.

Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan matapos makilala ang lalaking nakatingin ngayon ng diretso sa mga mata ko. "Paumanhin. Maligayang kaarawan, Taciang..." Ang kanyang pagbati na ikinatigil ko, nanlaki ang aking mga mata matapos mapagtantong ika-labing apat ngayon ng pebrero!

Bigla ay namuo ang luha sa aking mga mata matapos maisip na ang lahat ay nakalimutang kaaarawan ko ngayon at maging ako ngunit hindi sya. Emosyonal ko syang pinagmasdan bago lapitan at tumingkayad upang mahagkan si Khalil Leviano Santiago.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top