TADHANA KABANATA 28
[Kabanata 28 - Umaasa]
MABIGAT sa loob na sinimulan ko ang paglalampaso sa sahig ng mansyon ng mga Garcia, kagabi ay lininis ko na ito at walang iniwang bakas ng kahit anong dumi ngunit ngayon ay napakadumi na naman ng sahig. Nasayang lang ang pinaghirapan ko.
Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman sa sitwasyon kong ito, hindi ko rin alam kung nananadya ba sila o sadyang madumi lang ang kanilang mamahaling mga sapatos. Palalagpasin ko na lamang ito sapagkat ito naman ang aking trabaho.
Dahil sa suot kong baro't saya ay kahit papaano ay hindi sumasakit ang aking tuhod mula sa pagkakaluhod nito sa sahig, pinupunasan ko ang sahig gamit ang aking kamay. Napatigil ako matapos maramdaman ang muling pagkulo ng aking sikmura, napapikit na lang ako at pilit hinihiling na huwag muna itong sumuko ngayon.
Napahinga ako ng malalim at nagpatuloy na lang kahit ako'y labis na napapagod at pinagpapawisan na, nakataas ang aking mahaba at kulot na buhok upang kahit papaano ay mabawasan ang init na aking nararamdaman.
Habang linalampaso ang kanilang sahig ay nag-angat ako ng tingin sa tagasilbi ni Aurora na si Oriana nang mapadaan sya sa aking harapan, napasulyap sya sa akin at tinanguhan ako bago pumanik sa mahabang hagdan ng mansyon na ito.
Napangiti ako ng kaonti dahil tinanguhan nya ako, tinatanggap ko iyon bilang kanyang pagbati sa akin. Matagal-tagal na rin simula noong may bumati sa akin at binigyan ng respeto. Naalala ko tuloy si Maribel dahil kaedad nya lang ito, naalala ko rin ang aming mga trabahador na magiliw akong binabati palagi noon.
Kamusta na kaya sila? May nahanap na kaya silang trabaho na buong puso silang tinanggap tulad ng aking ginawa? May trabaho pa kaya sila? Umaasa akong mayroon pa sapagkat sa kanila umaasa ang kanilang mga pamilya.
Nasa kalagitnaan ako ng pagtatanong sa aking sarili nang ako'y mapatingin muli sa hagdan, bumaba roon si Aurora at nakasunod sa kanya si Oriana. Iniwasan ko na lang sila ng tingin dahil baka mapansin nya na naman ako, nagpatuloy na ako sa aking paglalampaso.
"Sino ba kasi ang panauhing iyan? Ako ay nagbuburda pa kaya!" Rinig kong reklamo ni Aurora, bakas sa kanyang boses ang pagka-irita.
"Si Heneral Leviano po," magalang na sagot ni Oriana na ikinagulat nya at maging ako, napasulyap ako kay Aurora na ngayon ay nanlaki ang mga mata.
"A-ano?! Si Heneral Leviano?!" Hindi makapaniwalang tanong nya habang nakatingin kay Oriana, nang tumango ang kanyang tagasilbi ay napasigaw sya na ikinapikit ko dahil sobrang lakas niyon.
"Oriana! Maayos lang ba ang aking hitsura?!" Nagmamadaling tanong ni Aurora at hindi na mawala ngayon ang ngiti sa labi, agad namang tumango si Oriana.
"Maayos na maayos po," nakangiting saad ni Oriana, napahawak si Aurora sa tapat ng kanyang puso at napahawak din sa kanyang pisngi. Tila nakamit nya ang matagal na nyang pinapangarap.
"Halika na!" Tila isang kiti-kiti na sigaw ni Aurora at muling inayos ang kanyang sarili bago mahinhin na naglakad palabas ng kanilang mansyon, bago sya tuluyang lumabas ay tumigil sya saglit sa aking harapan at nginitian na naman ako nang nang-iinggit.
Napatulala na lang ako sa malaking pinto kung saan sila lumabas. Anong ginagawa rito ni Khalil? Nagbago na naman ba ang isinisigaw ng kanyang puso at hanggang ngayon ay hindi pa rin ako iyon?
Napapikit ako sandali at napahinga ng malalim bago nagtungo sa tapat ng bintana at silipin sila sa labas, napatigil ako matapos makita si Khalil na naghihintay ngayon sa labas ng tarangkahan. Wala akong makitang emosyon sa kanyang mukha, hindi rin ako makapaniwalang naririto nga sya ngayon. Ganito pala sya manligaw?
Umihip ang malamig na hangin at nakarating na si Aurora sa tarangkahan, magiliw nyang sinalubong at pinagbuksan si Khalil. Hindi ko marinig ang ibinubuka ng kanilang bibig dahil malayo sila sa akin, hindi ko alam ang dapat kong maramdaman habang nakikita syang may kasama na namang iba.
At hanggang ngayon, wala pa rin akong karapatang manibugho kahit iyon na ang mismong nararamdaman ko ngayon. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanila at muling napahinga ng malalim upang pigilan ang pamumuo ng luha sa aking mga mata.
Nanatili akong nakatalikod sa tapat ng bintana hanggang sa marinig ko ang pagbukas ng malaking pinto, nanatili ang aking mga mata sa sahig at pilit na linalabanan ang emosyon na namumutawi ngayon sa aking mga mata.
"H-heneral Leviano, ito ay aking karangalan na makaharap ka ngayon. Maraming salamat sa iyong pagbisita sa aming hacienda," rinig kong mahinhin na saad ni Aurora, dahan-dahan na akong nag-angat ng tingin sa kanila at sabay silang naglalakad ngayon ng mabagal.
Ilinilibot ni Khalil ang kanyang paningin hanggang sa magtama ang mga mata matapos ko syang sulyapan.
Hindi ko na alam pa ang aking mararamdaman ngayon, ang tanging alam ko lang ay mas lalong bumigat ang aking nararamdaman ngayon.
Inalis nya ang kanyang tingin sa akin at muling ilinibot ang kanyang mga mata sa kapaligiran, tila may inuusisa sya. "A-ano nga pala ang nagdala sa iyo rito, Heneral?" Tanong ni Aurora na ikinatingin sa kanya ni Khalil, napatigil ako nang lumipat iyon sa akin.
"Ikaw," sagot ni Khalil sa katanungan ni Aurora habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, hindi ko alam kung dapat ba akong masaktan gayong ang kanyang mga mata ay diretsong nakatingin sa akin ngayon.
Kung si Aurora pala ang ipinunta nya rito, bakit sa akin sya nakatingin?
Tila may nais syang ipahiwatig na diretsong tumatama ngayon sa aking puso, may nais syang ipadama sa akin gamit ang kanyang titig. Habang nakatingin din ng diretso sa mga mata ay hindi ko pa rin mapigilan ang aking pusong patuloy na mahulog sa kanya kahit kailanman ay hindi sya nagbitiw ng matatamis na mga salita at tanging mga kilos lang sa akin.
Napatingin na rin sa akin si Aurora na ngayon ay namumula ang pisngi matapos makitang nakatingin sa akin ngayon si Khalil, sumama ang kanyang tingin at sinulyapan si Khalil bago muli ako. Linakihan nya ako ng mata at tila nais ipahiwatig na umalis na ako sa kanilang harapan ngayon.
Hindi inalis ni Khalil ang kanyang tingin sa akin kahit alam kong alam nyang nakatingin ngayon sa kanya si Aurora, napahinga ako ng malalim at tinanguhan si Aurora bago kuhanin ang basahan na aking naiwan sa sahig at umalis sa kanilang harapan.
Alam kong sinundan ako ng tingin ni Khalil ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ko muna sya maaaring lingunin.
MATAPOS ang mahabang sandali na aking pag-iisip ng kung anu-ano ay napasabunot na lang ako sa aking sarili at nahihirapang bumuntong hininga, ipinagpatuloy ko na lang ang pagpupunas ng lamesa rito sa cocina (kusina) ngunit hindi pa rin ako linubayan ng labis na pag-iisip.
Ano kaya ang kanilang pinag-uusapan ngayon? Napusuan kaya ni Khalil si Aurora? Bakit sya nagtungo rito? Upang iparamdam na naman sa akin na hindi ako ang kanyang pinipili? Bakit ba ako'y patuloy nyang sinasaktan?
Ngunit hindi, hindi nya naman alam na sya ay lihim kong iniibig. Alam kong hindi nya alam at sinasadya na nasasaktan ako ngayon at hindi naman sya ganoong klaseng tao, hindi ganoon si Khalil Leviano Santiago.
Patuloy na naninikip ngayon ang aking dibdib, hindi ako makahinga ng maayos dahil sa sobrang bigat na aking nararamdaman ngayon. Kasalanan ko rin naman sapagkat kung saan-saan na napunta ang aking pag-iisip at iyon ay mas lalong nagpapabigat sa aking dibdib.
Habang patuloy kong pinupunasan ng mariin ang lamesa sa cocina ay napatigil ako matapos may maramdamang presensya sa aking likuran, idagdag mo pa ang kanyang anino na kitang-kita ko ngayon dahil nakabukas ang pinto at walang ilaw sa buong cocina.
Umihip ang malakas na hangin na syang pumasok sa loob ng cocina dahil nakabukas ang mga bintana, dahil sa malakas na pag-ihip ng hangin ay nakarating sa aking pang-amoy ang pamilyar nyang bango. Gulat ko syang nilingon habang nakakapit sa lamesa.
"K-khalil," nabibiglang pagsambit ko sa kanyang pangalan, seryoso na naman ang kanyang mukha at ito ay nagdudulot ng kakaibang kaba sa akin na aking nararamdaman simula pa noon.
"Ikaw ba ay napopoot sa akin?" Tanong nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, ako ay mas lalong kinakabahan dahil baka mahuli kami ngayon ni Aurora.
"B-bakit mo naman naitanong iyan?" Kinakabahang tanong ko, ramdam na ramdam ko ngayon ang bilis ng pagkabog ng aking puso. Malapit na akong matunaw sa kanyang titig na nagdudulot ng kiliti sa aking puso.
"Paumanhin, Anastacia. Hindi ko nais na ikaw ay magkaroon ng tampo o galit sa akin," sinseryong paghingi nya ng tawad na ikinatigil ko, marahil ay iniisip nya ngayong galit ako sa kanya dahil noong huli kaming nagkita sa tabing-ilog ay tinakbuhan ko syang muli.
"Bakit?" Wala sa sariling tanong ko, sa pagkakataong ito ay nais ko namang malaman kung bakit ganito sya sa akin.
"Dahil mahalaga ka sa akin." Tulad ng dati ay iyon na naman ang kanyang sagot, mahalaga ako sa kanya. Sya rin, mahalaga sya sa akin ng sobra sapagkat sya ang isinisigaw ng aking puso.
Habang sya naman ay... "Bilang kaibigan?" Tanong ko, pilit kong itinatago ang pait sa aking tanong ngunit namumutawi ito sa aking mga mata.
"Bilang minamahal."
"Na kaibigan?" Agad kong pagdugtong sa kanyang sagot, hindi ko nais umasa na naman sa kanyang mga sagot na ganiyan.
"Mas higit pa sa kaibigan," diretsong sagot nya na ikinatigil ko, tila bumagal ang takbo ng aking paligid at tanging sya lang ang aking nakikita.
Mahal kong talaarawan,
Umaasa ako na sa pagkakataong ito, tuluyan na ngang natupad ang aking pangarap na kay tagal ko nang hinihiling.
Na sabihin nyang ako'y mahal nya rin.
Umaasa,
Anastacia.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top