TADHANA KABANATA 27

[Kabanata 27 - Ang Paraan]

MATAPOS kumain ay agad akong bumalik sa loob ng mansyon upang hugasan na ang mga plato at kubyertos na ginamit ni Doña Facunda at Aurora kanina, sa totoo lang ay kapiranggot lamang ang aking nakain ngunit ang mahalaga sa akin ngayon ay may nakain ako.

Pagkapasok ko sa loob ng mansyon ng mga Garcia ay napatigil ako nang makita ang tatlong binibini na kasama ngayon ni Aurora at nakaupo sa kanape, lahat sila ay napatingin sa akin at nagulat matapos makita ang aking hitsura na kay layo mula sa aking hitsura at kasuotan noon.

Namumutla ang aking mga mukha, namamalat ang aking labi, at ako'y namayat din. Napatingin ako sa makukulay na baro't sayang suot nila, kumpara sa makukulay nilang suot ay kupas naman sa akin. Kupas na luntiang baro at kayumangging saya ang aking suot ngayon, sira na rin ang aking panyapak at pinipilit ko na lang ito.

Nanikip na naman ang aking dibdib matapos makita ang pangungutya sa kanilang mga tingin, may ibinulong si Aurora habang nakatingin sa akin at nagtawanan silang tatlo. Napayuko na lang ako at kinuha na ang bakol, maglalakad na sana ako paalis ngunit napatigil ako nang ako'y tawagin ni Aurora.

"Anastacia, kuhanin mo na rin ang bakol na iyong lalabhan din kay Manang Dolores. Pakibilis," nakangiting utos nya, ang kanyang ngiti ay puno ng pangungutya. Nagsikuhan naman ang kanyang mga bisita at pinigilang matawa.

Napahinga ako ng malalim at tumango, nagsimula na akong maglakad paalis nang ako'y may marinig. "Kakaiba ka talaga, Aurora! Utusan mo na lang si Anastacia na kung dati ay tinitingala ng lahat," rinig kong saad ng isang binibining katabi nya, natawa naman si Aurora.

Kumibot ang aking labi at nagpatuloy na lang sa paglalakad paalis upang hindi na marinig pa ang mga salitang binibitawan nila. Nang makarating sa silid ni Manang Dolores ay nasa tapat na ng kanyang pinto ang bakol na pinapakuha sa akin ni Aurora kanina, hindi ko talaga makita ang liwanag at pag-asa sa tahanang ito.

Puro kadiliman na lamang.

NANG makalabas sa Hacienda Garcia ay tila nabunutan ako ng tinik mula sa aking dibdib at nakahinga ng maluwag, sumalubong sa akin ang malamig na ihip ng hangin. Nagtali ako ng panyong kulay puti sa aking ulo sapagkat kay tirik ng araw.

Ipinatong ko na ang isang bakol sa aking ulo at ang isa naman ay binitbit ko na lang, muli na akong nagpatuloy sa paglalakad at tulad noon ay napatingin muli ang mga tao sa akin. Hindi ko na lamang pinansin ang paghahabol ng kanilang mga mata sa akin dahil natatakot ako na ito ay magdulot na naman ng kirot sa aking puso.

Makalipas ang isang oras ay narating ko na rin ang tabing-ilog ng Santa Prinsesa, hindi nga ako napatapon sa malayong lugar ngunit hindi ko naman maramdaman ang kalayaan sa bayang ito. Mayroong parte sa akin na nais na lamang lumayo ngunit hindi ko rin magawang iwan ang bayang ito at hindi rin maaari sapagkat sa oras na ako'y tumakas ay tutugisin din ako ng mga tauhan ni Doña Facunda.

Nanghihina akong umupo sa malaking bato at ilinapag sa aking tabi ang dalawang bakol na kay bigat kung kaya't ako'y hinihingal na nang makarating sa tabing ilog, mabuti na lang at malamig ang simoy ng hangin. Napatingin ako magkabilang gilid, ako lang ang tao rito sapagkat tapos nang maglaba ang ibang mga kababaihan na timatawid ngayon sa tulay.

Kukuhanin ko na sana ang plato upang magsimulang maghugas ngunit bigla na lamang akong napatulala sa malinaw na tubig ng ilog, umihip muli ang malamig na hangin at napayakap ako sa aking tuhod.

Hindi rin nagtagal ay napapikit din ako at napahinga ng malalim, hindi maaaring tumunganga na lamang ako rito. Napapagod man ngunit sinimulan ko nang hugasan ang mga plato, habang maingat na kinukuskos ang hawak kong plato ay hindi ko mapigilan ang pangingilid ng aking luha dahil sa sobrang pagod at maging sa mga ala-alang aking naaalala sa ilog na ito.

Mabuti pa noon, wala akong iniisip na problema. Payapa lamang ang aking buhay at masaya, ngunit marahil nga ay walang permanente sa mundo. Kailangan ko ring harapin ang tunay na mundo upang ako'y matuto at maging matatag, kailangan kong magpakatatag.

Agad kong hinawi ang luha sa aking pisngi nang bumuhos iyon, hindi ko alam kung hanggang kailan ko makakayanan ang buhay na ito. Habang patuloy na kumikislap ang tubig sa ilog at maging ang luha sa aking mga mata dahil sa paglubog ng araw ay napatigil ako nang mapasulyap sa tulay at mahahip ng aking mga mata ang isang lalaking nakasuot ng unipormeng pang heneral.

Tulad ng dati ay lumilibot ang kanyang paningin at tila may hinahanap, ngayon ay hindi ko na napigilan pa ang pagbuhos ng aking luha matapos makilala ang heneral na iyon. Ilang sandali pa at nagtama na ang aming paningin, tulad din ng dati ay bumilis ang pagkabog ng aking puso ngunit sa pagkakataong ito ay naninikip din iyon.

Napatigil sya matapos makita ang luhang bumubuhos ngayon sa aking mga mata, dali-dali syang tumakbo papalapit sa akin at hinawakan ang aking kamay. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayong sa wakas ay muli na syang nagbalik sa aking piling, dinala nya ako sa kalupaan.

"T-taciang," pagsambit nya sa aking pangalan at hinawi ang aking luha na hindi na maawat ngayon sa pagbuhos, huli ko syang nakita noong araw na tinulungan nya akong makapasok sa aming hacienda sa huling pagkakataon.

Hindi ko alam kung saan sya nagtungo at nawala ng ganoong katagal, ngunit ang mahalaga sa akin ngayon ay nandito na muli sya at napagmamasdan ko ngayon ng malapitan. Agad ko syang sinunggaban ng yakap dahil sa labis na pangungulila sa kanya.

Naramdaman ko ang kanyang gulat dahil sa aking ginawa at pareho kaming bumagsak ngayon sa sahig, nakadikit ang kanyang dibdib sa akin kung kaya't nararamdaman ko ngayon ang bilis ng pagtibok ng kanyang puso. Hindi nagtagal ay niyakap nya rin ako pabalik habang ang mga mata ay nasa kahel na kalangitan ngayon.

Hindi ko mapigilan ang aking hikbi na kay tagal ko nang itinatago sa harap ng lahat, naramdaman ko ang pagtapik nya sa aking likod. Mabuti na lang at kaming dalawa lang ang naririto ngayon sa tabing-ilog kung kaya't hindi na ako nababahala pa, hindi ako kumawala sa mahigpit kong yakap sa kanya.

"Taciang... Patawarin mo ako sapagkat wala akong ibang nagawa upang tulungan kang makawala sa kamay ng mga Garcia." Napapikit ako matapos marinig ang kanyang sinabi, mukhang iyon ang inasikaso nya sa nagdaang araw na kanyang pagkawala. Matapos marinig ang malungkot nyang boses ay tila bumalot iyon sa aking puso.

"H-hindi mo naman kailangang tulungan ako. Hindi mo iyon obligasyon, Khalil. A-ang mahalaga ay naririto ka na muli ngayon," nababasag ang boses na saad ko, maingat nya kaming itinayo mula sa pagkakahiga at hawak ang aking likod upang alalayan ako.

Dahan-dahan akong kumawala sa kanyang yakap at lumuluha syang pinagmasdan, kitang-kita ko ngayon ang awa sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ako. Hawak nya pa rin ng mahigpit ang aking kamay, hindi ko alam kung bakit nya ginagawa iyon gayong magkaibigan lang naman kami.

"W-wala na akong takas sa kapalaran kong ito. H-hayaan mo na, h-huwag mo na akong tulungan pa. P-pakiusap," nanginginig ang labing pakiusap ko sa kanya, bigla naman syang napaisip habang hawak pa rin ang kamay at likod ko. Mukhang hindi na naman nya namamalayan ang kanyang kapusukan.

Ilang sandali pa ay napatigil sya, napapikit sya at napahinga ng malalim bago tumingin ng diretso sa mga mata ko. Tila may naisip na syang paraan ngunit mabigat iyon sa kanyang kalooban. "B-bakit? Ano ang iyong naisip na paraan?" Nababahalang tanong ko, napaiwas naman sya ng tingin at napatingin sa mga bakol na aking dala-dala.

Tumayo sya papalapit sa dalawang bakol kung kaya't napasunod ako sa kanya, sinilip nya ang laman ng mga bakol. "Lalabhan at huhugasan mo ang mga ito?" Tanong nya at nagbaba ng tingin sa akin, napahinga naman ako ng malalim at malungkot na tumango.

Nakita ko nang mapapikit sya sa sobrang dami niyon, muli na nyang idinilat ang kanyang mga mata. "Tutulungan na kita," diretsong saad nya na ikinagulat ko, wala akong ibang nagawa nang itaas nya ang kanyang manggas hanggang siko at kuhanin ang isang bakol.

"S-sandali, marunong ka bang maghugas ng pinggan?" Natatarantang tanong ko, umupo na sya sa isang batong katabi lang ng batong kinauupuan ko kanina.

"Hindi ko kukuhanin ito kung hindi," sagot nya at sinimulang hugasan ang mga plato, napatulala na lang ako sa kanyang abala ngayon sa paghuhugas ng pinggan. Nakasuot sya ng unipormeng pang heneral at nasasabitan pa ng mga medalya ngunit heto sya ngayon at naghuhugas ng pinggan.

Napasapo na lang ako sa aking noo at kinuha rin ang isang bakol na naglalaman ng mga damit, umupo na ako sa malapad na batong kinauupuan ko kanina at sinimulang labhan din ang mga damit nina Doña Facunda at Aurora.

Habang ako'y naglalaba ay hindi ko mapigilang mapasulyap kay Khalil na napapasulyap din sa akin habang hinuhugasan ang mga plato at kubyertos, malapit na syang matapos. Linabanan nya naman ang aking titig at pinagmasdan din ang bawat detalye ng aking mukha.

"Maganda ka pa rin sa kabila ng lahat." Tila lumukso ang aking pusong nananahimik dahil sa sinabi nya, nginitian ko sya ng kaonti. Umihip ang sariwang hangin habang ang araw ay papalubog pa rin, ang tanawin na pinakapaborito ko sa lahat.

Ilang sandali pa ay inalis na nya ang kanyang tingin sa akin at isa-isang linagay ang mga plato at kubyertos sa loob ng bakol, habang pinagmamasdan ko sya ay hindi ko mapigilang mapangiti. Labis akong nagpapasalamat dahil naririto sya ngayon, dahil sa kanya, kahit papaano ay gumaan ang aking naninikip na dibdib.

"Khalil?" Pagtawag ko sa kanyang pangalan, napalingon sya sa akin at tinignan ako nang nagtatanong na tingin.

"Maaari mo bang ibahagi sa akin kung ano ang iyong naisip na paraan upang makalaya ako sa kamay ng mga Garcia?" Mahinahon at nagbabakasaling tanong ko, napatigil muli sya at napatingin sa malinaw na tubig ng ilog.

Lakas loob kong hinawakan ang kanyang kamay na muling ikinatitig nya sa akin, napahinga sya ng malalim bago sabihin ang sagot na aking hinihingi sa kanya. "Pakasalan mo si Sergio..." Ang kanyang sagot na ikinatigil ng aking mundo.

Napabitaw ako sa kanyang kamay matapos malaman ang katotohanang kung ako'y ikakasal man ay hindi pa rin sa kanya at patuloy pa ring sa iba.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top