TADHANA KABANATA 25
[Kabanata 25 - Bagong Kapalaran]
NAKATULALA ako sa kawalan habang patuloy na nararamdaman ang paninikip ng aking dibdib, makulimlim pa rin ang kalangitan at umaambon. Nakasakay ako ngayon sa aming kalesa, maging si Mang Andres ay tahimik lang at rinerespeto ang aking pagdadalamhati.
Ako na lamang ang natitira sa pamilya De Leon, wala naman akong ibang kapatid. Wala na nga akong Inang kinalakihan, ngayon naman ay wala na rin ang aking nag-iisang Ama. Kay hapdi na ng aking mga mata dahil sa walang katapusang pagluha na ngayon ay hindi pa rin matigil tulad ng ulan na bumubuhos hanggang ngayon.
Hindi pa rin matanggap ng aking puso na wala nang natitira sa akin ngayon, hindi ko na alam ngayon and sunod kong gagawin. Hindi ko na alam ngayon kung ano ang mangyayari sa aking buhay gayong hindi ko na makita pa ang kulay doon.
Nang makarating sa kalye kung saan nakatayo ang aming hacienda, napatigil ako nang makitang kay raming tao sa tapat ng aming tahanan. "M-mang Andres, ano po ang nangyayari?" Kinakabahang tanong ko, maging si Mang Andres ay napatigil matapos makita ang nagkukumpulang tao sa tapat ng aming hacienda.
Akmang paaandarin ni Mang Andres ang kalesa paalis ngunit huli na ang lahat dahil may nakakita na sa amin. "Si Binibining Anastacia!" Sigaw ng isang lalaki, napatingin sa amin ang lahat. Dahil sa kanilang pagkilos ay nagbigay daan ito upang makita ko ang aking mga gamit na nagkalat ngayon sa sahig.
Nanlaki ang aking mga mata, tila binuhusan ako ng nakakalamig na tubig matapos iyong makita. "Binibining Taciang!" Sigaw ni Mang Andres sa aking pangalan ngunit huli na ang lahat dahil dali-dali akong tumakbo papunta sa tapat ng aming hacienda at kinuha ang aking mga gamit.
Lumakas ang bulungan ng mga tao na nakapalibot sa akin ngayon, patuloy na naninikip ang aking dibdib habang isa-isang kinukuha ang aking mga gamit at sinubukang ilagay iyon sa aking bagahe na humagis din sa sahig. Naramdaman ko na lang ang luhang tumulo sa aking pisngi.
Nanginginig na ako'y nag-angat ng tingin sa isang Doña na nagtungo sa aking harapan ngayon, kagagaling nya lamang sa loob ng aming hacienda. Tinignan nya ako ng matalim at tinaasan ng kilay.
"A-ano po ang ginagawa nyo?" Nanginginig ang boses na tanong ko at tumayo upang pumasok sana sa loob ng aming hacienda ngunit laking gulat ko nang hawakan nya ng mahigpit ang aking braso upang pigilan ako.
"Wala ka nang karapatan pang pumasok sa mansyong iyan dahil ang haciendang ito ay pagmamay-ari ko na mula ngayon," matalim ang tingin na saad nya, tila gumuho ang mapait kong mundo matapos marinig ang sinabi nya.
"P-po? P-paumanhin ngunit ang hacienda na ito ay pagmamay-ari ng aking p-pamilya," nanginginig ang labing saad ko, sumama bigla ang timpla ng Doña. Hindi ko alam kung ano ba ang problema nya sa akin at tinatrato nya ako ng ganito.
"Ang lahat ng inyong salapi ay nagmula sa akin! Ang kapal talaga ng mukha ng iyong Ama, mabuti na lang at wala na sya ngayon." Namutawi ang poot sa aking mga mata habang nakatingin ng diretso sa Doña na hinahamak ngayon ang aking Amang namayapa na, kumuyom ang aking kamao.
"W-wala kang karapatang sabihin iyan," nanginginig sa galit na saad ko at pinigilan ang aking sarili na gumawa ng masama, nangilid muli ang mainit na luha sa aking mga mata.
"Wala ka ring karapatang sagot-sagutin ako ng ganyan dahil simula ngayon, ikaw na dating prinsesa ay aking magiging alipin na. Ikaw ay magsisilbi sa amin hanggang sa aking nanaisin!" Sigaw nito na muling ikinatigil ng aking mundo, ang kanyang mga salitang binitawan ay diretsong sumampal sa akin at hindi ko magawang paniwalaan.
Napatulala na lang ako sa Doña hanggang narinig ko ang tunog ng kalesang paparating, namumuo ang luha sa aking mga mata nang lingunin ang kalesa kung kaya't malabo ang aking nakikita. Ngunit nagawa ko pa ring makilala ang dalawang lalaki na bumaba ngayon sa kalesang ipinapatakbo kanina ni Mang Andres.
Si Sergio at Khalil.
Dali-dali silang binigyan ng daan ng mga taong nakapalibot ngayon sa akin dahil ang dalawang lalaking ito ay ang anak ng gobernadorcillo ng bayang ito. Nang makalapit ay dali-daling hinawakan ni Sergio ang kamay ko habang si Khalil naman sinulyapan ako bago ang Doña na taas kilay silang pinagmamasdan ngayon.
"Wala akong ginagawang masama sa kanya. May nakikita ba kayong sugat mga ginoo?" Sarkastikong tanong nito at binigyan si Khalil nang nang-aasar na ngisi, agad namang hinawakan ni Sergio ang balikat ng kapatid upang pigilan ito sa kung anong maaari nitong magawa.
Bumitaw ako sa kamay ni Sergio na nakakapit sa akin at sinubukang pumasok sa tarangkahan ng aming hacienda ngunit agad akong hinarang ng dalawang guardia personal ng Doña, sinubukan kong lusutan sila ngunit laking gulat ko nang hawakan nila ang magkabila kong braso upang pigilan ako.
Nakita ko nang mamutawi ang galit sa mga mata ni Khalil, dali-dali nya akong linapitan at hinatak ako paalis sa pagkakahawak sa akin ng dalawang guardia. "Isang kapangahasan ang inyong ginawa," seryosong saad ni Khalil habang hawak ng mahigpit ang aking kamay.
"Ngunit hindi na ho sya maaaring makatapak sa haciendang ito Heneral," nakayukong saad ng isang guardia, hindi na sya pinansin pa ni Khalil at nag-aalala akong nilingon.
Magsasalita na sana sya ngunit humakbang muli ang Doña papalapit sa amin. "Bakit Heneral Leviano, hindi ba kapangahasan ang iyong ginagawa ngayon? Hindi naman kayo mag-asawa upang hawakan mo ang kamay nya hindi ba?" Nakangising tanong nito kay Khalil at nagbaba ng tingin sa kamay naming magkahawak ngayon.
Napahinga ng malalim si Khalil at dahan-dahang binitawan ang kamay ko. Mas lalong lumawak ang ngisi ng Doña at patuloy na ginagalit si Khalil na ngayon ay pinipigilan ang kanyang sarili, matalim ang kanyang tingin sa Doña na ito ngayon at lumalim ang kanyang pag-iisip.
"Ipagpaumanhin nyo Doña Facunda ngunit kayo ay sumosobra na, wala kang karapatan na basta na lang tratuhin si Anastacia nang ganito. Isang kawalan din ng respeto ang basta mo na lang paghagis sa mga gamit nya na alam mo at alam kong nakita ng lahat," seryosong saad bigla ni Sergio na ikinatingin ng lahat sa kanya, nagsimula muling magbulungan ang mga tao dahil ang Doña na ito ay nakikita pa naman lagi sa simbahan.
Kumpara kay Khalil ay mas mas kayang habaan ni Sergio ang kanyang pasensya, napipikon na si Khalil at kailangan nya munang huminahon. Napatingin naman ang lahat kay Doña Facunda nang tumawa ito ng sobrang lakas, tawa na puno ng sarkastiko.
"Ginoong Sergio, ipinagtatanggol mo ang babaeng ito? Na kailanman ay hindi ka nagawang ibigin pabalik sapagkat hindi ikaw ang linalaman ng puso nya," nang-aasar na saad ng Doña at sinulyapan si Khalil na ngayon ay seryosong nakatingin sa kanya, mukhang hindi na talaga ikinatutuwa ni Khalil ang mga salitang binibitawan nito.
Nakita ko nang masaktan si Sergio dahil sa katotohanang isinampal sa kanya ni Doña Facunda, napaiwas na lang sya ng tingin at malungkot na tinignan ako. Napapikit na lang ako ng mariin, hindi na sana sila pumunta rito sapagkat madadamay lang sila.
"P-pakiusap, hayaan nyo na po akong makapasok sa aming hacien-" hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil agad itong pinutol ni Doña Facunda.
"Aking, munting De Leon. Aking hacienda," madiing pagtatama nito sa aking sinabi, kumibot ang aking labi dahil sa kanyang sinabi. Sobrang bigat na ngayon ng aking pakiramdam.
"Hayaan nyo na sya," seryosong saad ni Khalil, sinulyapan ko sya bago sinubukang pumasok sa tarangkahan ngunit pinigilan na naman ako ng dalawang guardia.
Laking gulat ko nang ilabas ni Khalil ang kanyang rebolber na nakasuksok sa kanyang pantalon at itutok iyon sa dalawang guardia, napatigil din ang lahat at nanahimik dahil sa takot na baka tumama iyon sa kanila. Ako'y kinakabahan para kay Khalil dahil baka akusahan sya nang pagiging mapagsamantala sa kanyang pagiging mataas na Heneral.
"Kuya," rinig kong pagtawag ni Sergio kay Khalil ngunit hindi ibinaba ni Khalil ang hawak nyang baril, hindi ko na pinalagpas pa ang pagkakataon at dali-daling tumakbo papasok sa aming Hacienda.
Bumuhos ang aking luha nang tuluyang makatakbo papasok sa aming mansyon, napakatahimik na nito at napakadilim. Binabalot na ng dilim ang aming mansyon na kung dati ay binabalot ng liwanag at saya, ngayon ay mamamatay na rin ang Hacienda na ito sa kamay ni Doña Facunda.
Ang bawat sulok na dinadapuan ko ng tingin sa aming mansyon ay nagdudulot ng paninikip ng aking dibdib, ang bawat ala-alang nabuo sa mansyong ito na ngayon ay nagtatapos na kasama kong nag-iisa. Dumiretso ako sa aking cuarto sa ikalawang palapag at kinuha ang aking talaarawan sa ilalim ng aking kama.
Humihikbi kong ilinibot ang aking paningin sa aking silid sa huling pagkakataon, ito na ang aking huling sandali kasama ang tahanang nakasama ko mula pa noon. Ito na ang aking huling pagkakataon, dito na nagtatapos ang aking nakasanayang buhay na buong akala ko ay habang buhay kong makakamtan.
Dito na nagsisimula ang aking bagong Tadhana.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top