TADHANA KABANATA 24
[Kabanata 24 - Kaparusahan]
"BINIBINING Carolina Mendoza, maaari mo bang ituro sa amin kung sino ang pinuno ng samahang Itim Na Bandila?" Tanong ng punong hukom habang nakababa ng tingin kay Carolina.
Dahan-dahan syang nag-angat ng tingin sa direksyon namin, napatingin ako sa kanyang kamay nang hawakan nya iyon dahil nanginginig ito. Napatingin ako sa purselas na suot nya, kulay luntian ito. Napansin ko rin na may mga mantsa ng dugo sa kanyang suot na baro't saya.
Dumapo ang kanyang tingin sa akin bago kay Ama na diretso ring nakatingin ngayon sa kanya, namutawi ang takot at galit sa kanyang mga mata habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Ama.
Nanginginig nyang itinaas ang kanyang kamay at diretsong tumutok kay Ama, ang aking Ama ang itinuro nya. Lumakas ang bulungan ng mga tao sa buong kapaligiran, humigpit ang aking pagkakahawak sa braso ni Ama.
"A-ama..." Nanginginig ang boses na saad ko, mabigat ang kanilang ebidensya laban kay Ama ngunit patuloy akong nagbubulag-bulagan dahil hindi pa rin ako sumusukong magtiwala kay Ama.
Napatingin ako kay Carolina nang kumuyom ang kanyang kamao. "P-pinatay mo sya, p-pinatay mo ang aking kapatid. K-kasalanan mo ang lahat!" Sigaw ni Carolina na naghari sa buong kapaligiran, lalapitan nya sana si Ama ngunit agad syang pinigilan ni Khalil.
Napasulyap ako kay Don Mendozo na ngayon ay nagulat matapos marinig ang sinabi ni Carolina, napatingin din ako sa mga Villanueva at Fernandez. Ang pangalan ng kanilang mga anak ay nabanggit sa usaping ito at humihingi rin ng katarungan.
Nagsimula nang magsulat si Hukom Valencio at nagkanya-kanyang usap naman ang mga taong nakikinood sa litis na ito. "A-ama, hindi po kayo maaaring makulong. S-sabihin nyo po sa lahat na wala kayong k-kasalanan," nanginginig ang boses na pakiusap ko, napatingin ang mga taong malapit sa akin.
Nilingon ako ni Ama, nang makita ang pangingilid ng kanyang luha ay bumuhos na rin ang aking luha. Nagsimula akong humikbi habang pilit na nakikiusap kay Ama ngunit ang lahat ng sisi ay nasa kanya na ngayon, ang kanyang hindi pagsasalita ay mas lalong nagbibigay ng pangamba sa akin na baka totoo nga ang lahat ng kanilang sinabi.
Habang namumuo ang luha sa aking mga mata ay nag-angat ako ng tingin kay Khalil, umaasa ako'y matulungan nya kahit alam kong imposible iyon dahil sya mismo ang tumestigo laban kay Ama. Nakatingin din sya sa akin ngayon habang nakatayo pa rin sa harap ng kabilang panig.
Napaiwas sya ng tingin at napapikit sandali bago mapahinga ng malalim, nag-angat sya ng tingin sa punong hukom at lakas loob na nagsalita. "Punong hukom, aking hinihiling na huwag na sanang madamay pa ang anak ni Filimon De Leon sapagkat wala naman syang kasalanan," diretsong saad ni Khalil na ikinatigil ng lahat.
Nakita ko sa kanyang mga mata ang pakikipaglaban nya sa kanyang emosyon, dahan-dahan syang tinignan ni Hukom Valencio. "Ano ang iyong dahilan upang iligtas ang anak ni Filimon De Leon?" Tanong ni Hukom Valencio at dinapuan ako ng tingin.
Nanginginig ang labing pinagmamasdan ko si Khalil na diretso pa ring nakatingin ngayon kay Hukom Valencio at nakaayos ng tindig, napatingin sa akin ang lahat matapos marinig ang pakiusap ni Khalil para sa akin. Hindi ako makapaniwalang magagawa nya iyong sabihin sa harap nilang lahat.
Nakita ko nang nabuhayan ng loob si Ama matapos marinig iyon, napahinga ng malalim si Khalil at tila iniisip kung ano ang dapat nyang sabihin. Napatingin sya kay Sergio na nag-aalala pa ring nakatingin sa akin ngayon, muli na syang nagbalik ng tingin sa punong hukom.
"Inyong dinggin na lamang ang aking pakiusap," sagot ni Khalil at tila may iniiwasan, tinignan sya ng diretso ni Hukom Valencio at tila binabasa kung ano ang nasa isip ngayon ni Khalil.
"Paumanhin Heneral Leviano Santiago ngunit ang kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat," seryosong tugon ni Hukom Valencio na ikinatigil ng aking mundo, napayuko na lang si Khalil at napapikit.
Tila namatay bigla ang pag-asang namumutawi kanina kay Ama, napayuko na lang din sya. Habang nakakapit kay Ama ay hindi ko mapigilang makaramdam ng kaba, wala akong alam tungkol sa mga kaparusahan ngunit ang tanging alam ko lang ay masalimuot ang bawat parusa na maaaring maipataw sa iyo.
Ano ba ang maaaring mangyari kay Ama at sa akin?
Napatingin ang lahat kay Hukom Valencio nang sya'y tumayo ng tuwid at ilinibot ang kanyang paningin bago magsalita. "Bilang punong hukom ng hukumang ito, aking pinapatawan ng parusang kamatayan si Filimon De Leon sa paraan ng garrote. Kamatayan na kanyang ginawa sa maraming tao!" Sigaw ni Hukom Valencio na ikinatigil ng pag-ikot ng aking mundo.
"At ang kanyang anak naman na si Anastacia De Leon ay mapapatapon sa malayong lugar at hindi na muli pang makakatapak sa bayang ito!" Dagdag ni Hukom Valencio na ikinagulat ko, napahawak ako sa tapat ng aking puso at kasabay no'n ay ang pangingilid ng aking luha.
Bakit ako mapapatapon sa malayong lugar? Anong kasalanan ang aking ginawa upang ako ay mapatapon sa malayong lugar? Sa malayong lugar kung saan alam kong kailanman ay hindi ko na makikita pa si Khalil at ang bayang kinalakihan ko.
Habang patuloy na kumakabog ang aking puso dahil sa labis na kaba ay napatingin ako sa isang Doña nang bigla syang tumayo. "Sandali! Hindi maaaring basta-basta na lang makatakas ang kanyang anak! Nararapat lamang na maging kabayaran sya sa lahat ng utang ng kanyang Ama sa amin!" Sigaw nito na muling ikinagulat ko.
Sumang-ayon naman ang mga Don at Doña na katabi nya, nanikip bigla ang aking dibdib nang mapagtanto ang nais nilang mangyari. Hindi napigilan ni ama na tumayo at tignan ang lahat ng mga Don at Doña na kumakalaban sa amin.
"Hindi nyo ito maaaring gawin sa aking anak! Wala syang kasalanan!" Sigaw ni Ama, kitang-kita ko ngayon ang labis na takot sa kanyang mga mata para sa akin.
"At ikaw, meron! Sana inisip mo ang lahat ng ito bago mo kami utangan at lokohin gamit ang iyong matatamis na salita!" Buwelta naman ng Doña, nakita ko nang mamutawi ang pagsisisi sa mga mata ni Ama at walang ibang nagawa kung hindi ang umiyak.
"A-ama, a-alam ko pong wala kayong kasalanan. P-pakiusap," lumuluhang pakiusap ko habang nakakapit sa kanya, umiiyak na napayuko si Ama at napailing.
"P-patawarin mo ako, anak ko. N-nais ko lang naman makamtan ang hustisya sa pagkamatay ng iyong Ina, h-hindi ko akalaing nagkasala na rin ako sa aking paghihiganti. H-hindi ko napansing may mga buhay na palang nadamay sa aking ginagawa, h-hindi muna ako nag-isip bago pumatay ng mga inosenteng tao."
"P-patawarin nyo ako..." Tila tumigil ang pag-ikot ng aking mundo matapos marinig ang pag-amin ni Ama sa kanyang kasalanan, tila may isang balisong na diretsong tumama sa aking dibdib matapos marinig ang kanyang pag-amin.
Lumakas ang bulong-bulungan ng lahat, napailing na lang si Hukom Valencio habang si Carolina at ang iba pang nagawan ng kasalanan ni Ama ay isinusumpa na sya ngayon. Sunod-sunod na bumuhos ang aking luha habang pinagmamasdan si Ama na lumuluha rin ngayon, ang lahat ng aking tiwala sa kanya ay tila biglang gumuho tulad ng aking mundo.
Kumapit na muli ang dalawang guardia sa braso ni Ama. "A-ama!" Sigaw ko at dali-dali syang yinakap ng sobrang higpit, pakiramdam ko ay tinalikuran ako ng mundo ngunit ang mundong iyon ay mahal na mahal ko pa rin.
"P-patawarin nyo ako ni Natacia..." Iyon ang paulit-ulit na sinasambit ni Ama habang pilit syang ilinalayo sa akin ngunit hindi pa rin ako kumakawala sa aking pagkakayakap sa kanya, binabalot ngayon ng kaba ang aking puso habang iniisip ang kaparusahang ipinataw sa kanya.
Garrote.
Naramdaman ko nang may kumapit sa magkabila kong balikat at ilayo ako kay Ama, paulit-ulit kong isinisigaw ang salitang 'Ama' ngunit tuluyan na syang ilinabas sa hukuman at muling dinala sa selda na nasa loob din ng hukuman.
Humihikbi akong nag-angat ng tingin kay Khalil na syang naglayo sa akin kay Ama, hindi ko magawang magalit kay Ama ngunit nadidismaya pa rin ako sa kanyang nagawa. Hindi ko rin magawang magalit kay Khalil dahil nasa kanyang panig ang katotohanan at kabutihan.
Kahit maraming tao ngayon sa buong kapaligiran ay niyakap ko pa rin si Khalil dahil sa sobrang bigat ng aking nararamdaman ngayon, hindi naman sya nagulat at bagkos ay niyakap din ako pabalik. "P-patawad Taciang," rinig kong paghingi nya ng tawad, nanlalabo na ang aking paningin dahil sa nangingilid kong mga luha.
Napapikit na lang ako, tila paulit-ulit na dinudurog ngayon ang aking puso dahil sa katotohanang malapit na ang katapusan ng aking Ama.
MAKULIMLIM ang kalangitan, malamig ang simoy ng hangin. Maraming tao ngayon sa labas ng hukuman at hinihintay ang susunod na mangyayari, nanlalamig ngayon ang aking buong katawan habang hinihintay ang pagdating ni Ama.
Hindi na maawat pa ang pagbuhos ng aking luha, pakiramdam ko ay mag-isa na lang ako. Nasa harapan ako ng maraming tao, ilang sandali pa ay natauhan na ako nang makita ang pagbaba ng dalawang guardia sa hukuman at dala-dala nila ngayon si Ama na nakatulala na lamang sa kawalan.
Kitang-kita ko ngayon ang lungkot sa kanyang mga mata, na ang kanyang paghihiganti para sa kamatayan ni Ina ay napunta na rin sa wala. Dahil ang katotohanang ang mga kasamahan nya pala mismo ang pumatay kay Ina at kapalit ng buhay nya ay ang kaligtasan ko.
Namatay na ang dalawang lalaking nakaitim na tanging ang natira sa kanilang samahan, pinatay sila kagabi sa loob ng kulungan. Ngayon ay si Ama naman ang susunod sa pamamagitan ng garrote, nang makarating sa tapat namin ay nagtama ang aming paningin.
Naninikip ngayon ang aking dibdib dahil sa katotohanang huli na ang lahat upang pagsisihan ni Ama ang lahat ng kasalanang nagawa nya dahil ngayong gabi ay magtatapos na ang kanyang buhay.
Sinubukan kong sambitin ang kanyang pangalan ngunit wala nang salita ang lumabas sa aking bibig, nakatali pa rin ang kanyang kamay kung kaya't sa huling pagkakataon ay hindi nya pa rin ako nagawang mahagkan.
Nanghihina akong linapitan sya at yinakap ng sobrang higpit, napakasakit sapagkat ito na ang huling pagkakataon kung saan mayayakap ko ang aking Ama. Sa kabila ng kasalanang kanyang nagawa, hindi ko pa rin maalis ang katotohanang sya ang Ama ko at hindi ko kayang mawala sya sa aking buhay.
"A-anak, h-huwag na huwag mong kalilimutan ang lahat ng itinuro ko sa iyo. M-mahal na mahal kita," nanginginig na bulong ni Ama sa akin bago sya hatakin papalayo sa akin.
"A-ama!" Umiiyak na pagtawag ko sa kanya ngunit hindi na nya ako nilingon pa, patuloy na naninikip ngayon ang aking dibdib dahil iyon na ang huling pagyakap ko sa kanya.
Pinaupo na sya sa garrote at itinali ang kanyang paa roon, paulit-ulit na pinipiga ngayon ang aking puso habang pinagmamasdan si Ama na nakatulala na lang sa kawalan. Sinubukan kong lapitan sya ngunit pinigilan ako ng mga guardiang nakapalibot din sa buong kapaligiran.
Nagsimula nang magsalita sa harapan ang isang padre, sya ang punong padre ng simbahan ng Santa Prinsesa. Ilang sandali pa ay natapos na rin sya at umalis na sa aming harapan, dumating na ang panahon upang simulan ang paggarote sa aking Ama.
Pilit akong nagpupumiglas at sumisigaw ngunit hindi pa rin ako hinayaan ng tadhanang malapitan si Ama at yakapin kahit sandali lamang, ngayon ay nanlilimos na ako ng segundo upang muling mayakap si Ama ngunit hindi na iyon maaaring mangyari pa.
"A-ama! P-pakiusap!" Lumuluhang sigaw ko, sa wakas ay nilingon na ako ni Ama sa huling pagkakataon. Lumuluha nya akong pinagmasdan sa huling pagkakataon, tinakpan na ang kanyang mukha kung kaya't hindi na muling nagtama pa ang aming paningin.
Nagsimulang kumulog at kumidlat, dumating na rin si Khalil na ngayon ay ang syang kumapit na sa akin. Napaluhod ako sa lupa nang unti-unting balutin ng dugo ang takip na linagay nila sa mukha ni Ama. Nagsimulang magdasal ang mga tao, nagsimula na ring bumuhos ang malakas na ulan.
Humihikbi akong napayuko at napakapit sa sahig habang patuloy na bumubuhos ang aking luha. Hindi ako makapaniwalang simula ngayon ay hindi ko na masisilayan pa ang matamis na ngiti ni Ama na aking nakikita noon sa tuwing ako'y nasisilayan.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top