TADHANA KABANATA 22
[Kabanata 22 - Ang Balita]
Ika-labing walo ng enero, 1881.
LUMIPAS ang buwan ng disyembre, lumipas ito ng wala sya. Lumipas ang pasko at bagong taon ng wala si Khalil Leviano Santiago, malungkot na nagtapos ang taon sapagkat walang Khalil na dumating o nagparamdam man lang sa akin.
Sa paglipas ng buwan na iyon ay napakaraming nangyari, napakaraming balita na dumating. Mga balitang hindi ko kailanman inaasahan, mga balitang tila isang hangin na biglang dumaan.
Buwan na ng enero at isang bagong taon na naman ang dumating, hindi ko alam ang aking mararamdaman sa balitang tuluyan nang naputol ang nakatakdang kasal ni Khalil.
Kung dapat ba akong maging masaya dahil sa wakas ay nagkaroon na ako ng pag-asa na maikasal sa kanya? O maging malungkot? Dahil ang taong aking pinangakuan na babalikan ko noon ay hindi ko kailanman mababalikan pa ngayon.
Dumating na ang aking tamang pagkakataon upang mabalikan sya, ngunit dumating naman ang kanyang maling pagkakataon.
Ika-labing anim ngayon ng enero at narito ako ngayon sa simbahan upang kausapin sya, mabuti na lang at naririto pa rin sya upang makausap ko. Walang misa ngayon at ako'y sumaglit lang dito upang kahit papaano ay gumaan ang naninikip kong dibdib.
Pagkalabas ko ng simbahan ay kakaibang ihip ng hangin ang sumalubong sa akin, napahawak ako sa tapat ng aking puso at ilinibot ang aking paningin. Kay raming tao ngayon sa labas ng simbahan at sa buong kalye.
Humigpit ang hawak ko sa suot kong balabal at lumapit sa mga binibining nag-uusap ngayon habang pinapaypayan ang kanilang mga sarili. "Ipagpaumanhin nyo mga Binibini ang aking pang-iistorbo ngunit maaari ko bang malaman kung ano ang nangyayari?" Tanong ko sa kanila, napatingin silang tatlo sa akin.
"Hindi rin namin alam, Binibining Anastacia. Ang tanging alam lang namin ay tila may masamang mangyayari," tugon ng isang binibini sa aking katanungan, napahinga naman ako ng malalim at napatango.
"Salama—" hindi ko na natapos ang aking pasasalamat nang sumulpot sa aming harapan ang isang dalagitang may dala-dala ngayong bagahe, pinagmamasdan ko sya at tila pamilyar sya.
Kayumanggi ang balat, kulot ang mahabang buhok, mapupungay ang mga mata at may manipis at magandang labi. Sa aking palagay ay labing lima o anim na taong gulang lamang sya, mukhang kararating nya lang dahil may dala syang bagahe.
"Alam nyo po ba kung nasaan ngayon si Binibining Carolina Mendoza?" Tanong nya, tinignan sya ng masama ng tatlong Binibini na ito dahil biglaan nyang pagsabat.
Napahinga ako ng malalim at tumango, napuntahan na namin sya noon ni Ama sa Hacienda Mendoza. Kilala ko na noon pa si Binibining Carolina, sya ang binibining nakita ko noon sa tulay noong nahulog kami ni Khalil sa bangka.
Isang binibining nagtataglay ng pambihirang kagandahan, isang masiyahin at palangiting binibini ngunit sa isang iglap ay naglaho iyon. Nararamdaman ko ang kabutihan ng kanyang puso sa kabila ng lungkot na nakita ko noon sa kanyang mga mata, tinakasan nya nga lang ako noong araw na nagkita kami sa kanilang Hacienda sapagkat matapos kong magtungo sa palikuran ay nawala na sya.
Iyon ang huling araw na nakasama ko si Ama sapagkat umalis muli sya para sa kanyang kaaba-abalang trabaho, masipag talaga ang aking Ama noon pa man. Bumalik na ako sa reyalidad at muling tinignan ang dalagitang ito.
"Oo, nasa kanilang tahanan binibini. Ngunit pakiusap, sa susunod ay huwag kang sasabat kung nakikita mong may kausap ang isang tao," pagpapagalitan ko sa kaniya, alam kong hindi nya ako kaano-ano ngunit mahalaga na malaman nya ang kanyang pagkakamali.
Nakita ko nang mapatulala na lang sya at napakamot sa kanyang ulo, muli syang nag-angat ng tingin sa akin at tinanguhan ako. "Paumanhin po," sinseryong paghingi nya ng paumanhin, napangiti naman ako at tinanguhan din sya.
Akmang aalis na sya sa aming harapan ngunit agad ko syang pinigilan. "Sandali!" Pagpipigil ko sa kanya, muli nya akong nilingon at linapitan bago tinignan ng nagtatanong na tingin.
"Maaari ko bang malaman kung ano ang iyong ngalan?" Nakangiting tanong ko, nais ko syang makilala sapagkat noon ay nakita ko sya sa Hacienda Fernandez. Napangiti naman sya.
"Purificasion po, paalam na rin po!" Nakangiting sagot at pamamaalam nya, kinawayan nya ako bago nagmadaling umalis sa aking harapan. Napangiti naman ako sapagkat hindi sya mapagmatigas na tao at gigiitin pa ang kasalanang kanyang nagawa.
Nagkamali man si Purificasion, ang mahalaga ay agad nyang napagtanto ang kanyang pagkakamali at hindi na iyon kinailangang tanggihin pa. Agad humingi ng tawad na syang isa sa pinakamahalagang bagay sa pagitan ng bawat tao sa mundo.
Ang salitang paumanhin, patawad, at pasensya. Mga salitang kay hirap sabihin para sa iba ngunit madali lang para sa kanya, kahanga-hangang binibini. May iniibig na kaya sya?
Napahinga ako ng malalim at wala sa sariling napangiti, napatingin ako sa tatlong binibini na nakatingin sa akin ngayon. Nginitian ko na lang ang nakasimangot nilang mga mata. Sa gitna ng dilim, kailangan mo pa ring magbigay ng liwanag na kailangan ding makita ng lahat.
Ilang sandali pa ay nagpatuloy na ako sa paglalakad, kailangan ko nang umuwi sapagkat baka ako'y abutan pa ng ulan. Makulilim ang kalangitan, hindi ako sakay ng kalesa ngayon at wala rin akong dalang payong de hapon.
Nang makalabas ng simbahan, magpapatuloy na sana ako sa paglalakad sa mahabang kalye na napapalibutan ng mga tao ngunit napatigil ako sa paglalakad nang matanaw si Sergio na papalapit sa akin ngayon.
Mabuti pa sya, kailanman ay hindi nagawang umalis sa aking tabi. Sya ang nakasama ko noong pasko at kasama ring sinalubong ang bagong taon, sa kabila ng lahat ay hindi pa rin nagawang bumukas ng aking puso para sa kanya.
Tuluyan na syang nakalapit sa akin, nginitian nya ako at itinapat ang kanyang sumbrelong itim sa tapat ng kanyang dibdib bilang pagbati. Magsasalita na sana sya ngunit sabay kaming napatingin sa aming harapan nang tumigil doon ang isang kalesa, ang kalesang pagmamay-ari ng mga De Leon.
Nag-angat ako ng tingin kay Mang Andres na ngayon ay nagmamadaling bumaba sa kalesa, nakaramdam ako nang makita ang kinakabahan nyang mukha. "Binibining Taciang, nasa hukuman po ngayon si Don Filimon!" Nagmamadaling saad nito na ikinagulat ko, napalingon ang mga tao sa amin matapos marinig ang sinabi ni Mang Andres.
"Po? Nakasisiguro po ba kayo sa inyong nakita o narinig?" Kinakabahan ding tanong ko, napalingon ako kay Sergio na noo'y nagulat din.
"Oo binibini kung kaya't halika na!" Nagmamadaling saad nya, narinig ko ang pagbubulungan sa buong kapaligiran. Napapikit na lang ako at tumango kay Mang Andres.
Inalalayan na nya ako papanik sa kalesa at sumakay na rin doon, paandarin na nya sana ang kalesa ngunit nagsalita si Sergio. "Sandali. Sasama ako," saad nya, agad naman akong tumango at umusog para bigyan sya ng pwesto.
Nang tuluyang makasakay si Sergio ay matalim na ipinatakbo ni Mang Andres, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang pagkaseryoso ni Mang Andres na kailanman ay hindi ko pa nakikita.
Napahawak sa aking kamay na nanginginig na ngayon, nanlalamig na ito sa kaba dahil sa kung anong maaaring nangyari kay Ama. "M-mang Andres, ano po ba ang nangyayari? Bakit nasa hukuman si Ama?!" Natatarantang tanong ko, naramdaman ko ang paghawak ni Sergio sa aking kamay.
Nang mag-angat ako ng tingin sa kanya ay may namumuo ng luha sa aking mga mata, tinapik nya ang aking likod at nag-aalala rin akong pinagmasdan. Hindi na nagawa pang sagutin ni Mang Andres ang aking katanungan hanggang sa makarating na kami sa hukuman.
Hindi na ako nagdalawang isip pa at dali-daling lumundag pababa ng kalesa, nahulog sa sahig ang suot kong balabal ngunit hindi ko na iyon inintindi pa. Nakababa na rin si Mang Andres at Sergio. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakasuot si Ama ng kulay itim at nababalot ng dugo sa katawan.
"Ama!" Sigaw ko na naghari sa buong kapaligiran, dali-dali akong tumakbo papalapit sa kanya ngunit agad akong pinigilan ng mga sandalo at hindi hinayaang malapitan ko si Ama.
Nagsidatingan na rin ang mga tao at nagulat matapos makita si Ama na hawak ngayon ng tatlong sundalo at napapalibutan ng mga sundalo, nanginginig kong ilinibot ang aking paningin at nahagip ng aking mga mata si Khalil na diretsong nakatingin ngayon sa harap ni Ama.
Sinubukang magpumiglas ni Ama sa pagkakahawak ng mga sundalo sa kanya ngunit napatigil ang lahat nang kuhanin ni Khalil ang kanyang rebolber at diretsong itutok iyon kay Ama, sandaling tumigil ang pagtibok ng puso ko matapos makita ang nag-aalab na mga mata ni Khalil na diretsong nakatingin ngayon kay Ama.
"Tulungan nyo ako!" Sigaw ni Ama, namuo ang luha sa aking mga mata matapos marinig ang paghingi ng tulong ni Ama ngunit kahit isa ay walang lumapit.
"Ama!" Sigaw ko muli at sinubukan syang lapitan ngunit hinawakan ni Sergio ang magkabila kong balikat at pinigilan ako, napatingin sa akin ang lahat at maging si Ama na nagulat matapos akong makita.
Sunod-sunod na bumuhos ang luha sa aking mga mata nang magtama ang paningin namin ni Khalil, agad nyang iniwas ang kanyang mga mata sa akin. Umigting ang kanyang panga dahil sa sobrang galit, tila dahan-dahang dinurog ang aking puso nang lapitan nya si Ama at kwelyuhan ito.
"Huwag ka nang magsinungaling pa, Filimon De Leon. Sumisigaw ng katarungan ang lahat ng buhay na kinitil mo at kay tagal nang itinatago ng matatamis mong ngiti," galit na bulong ni Khalil na kahit ibinulong nya ay narinig ng lahat.
Tila tumigil ang pag-ikot ng mapait kong mundo matapos marinig ang mga salitang binitawan nya. Tuluyan na nga syang nagbalik, ngunit dala-dala ngayon ang masamang balitang nasasangkot ang aking ama na si Don Filimon De Leon.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top