TADHANA KABANATA 20

[Kabanata 20 - Ang Nalalapit]

ILANG sandali pa ay bumagal na ang pag-andar ng bangka, ito ang naging dahilan upang makatayo si Cresensia at tabihan ako. Nagtataka ko syang tinignan dahil sa kanyang ginawa, sya na ngayon ang nasa gitna namin ni Khalil.

Kumapit sya sa aking braso. "Sa totoo lang, Ate Taciang, nais na kitang maging kapamilya!" Nakangiting saad nya na ikinataka ko lalo ngunit napangiti rin.

"Tayo ay magkapamilya naman talaga, ah?" Nakangiting tanong ko, sa totoo lang ay nagtataka nga ako kung bakit ako ang isinama nila rito gayong hindi naman ako ang magiging bago nilang pamilya.

"Bakit nga pala hindi ang mapapangasawa ni Khalil ang isinama nyo rito?" Tanong ko muli, mukhang narinig ni Khalil ang aking tinanong dahil napalingon sya sa akin. Napakamot naman sya sa kanyang ulo at napailing.

"Nakakatakot kasi sya. Iyon bang susubukan ko pa lang syang lapitan ngunit ang kanyang matalim na mga mata ay agad dadapo sa akin, para syang galit palagi. Ipinaglihi kaya sya sa sama ng loob?" Tanong ni Cresensia, agad naman namin syang sinuway ni Khalil.

"Basta. Ikaw ay nais ko nang maging kapamilya," paglalaban ni Cresensia sa kanyang gusto, natawa at napangiti na lang ako ngunit dahan-dahan iyong naglaho nang tignan nya si Sergio na hindi nagsawa sa katititig sa akin hanggang ngayon.

Nais nyang ipahiwatig na aking pakasalan na ang kanyang kuya Sergio nang sa gayon ay tuluyan na talaga kaming maging magkapamilya. Sinubukan ko na lang ngumiti upang hindi sya mapahiya, hindi na lang ako nagsalita pa.

"Mga Doña, Don, Binibini, at Ginoo. Naririto na ho tayo sa ikalawang pamilihan ng Santa Prinsesa," ilang sandali pa ay pag-aanunsyo ng taga-sagwan na kasing edad lang ni Cresensia, nakahinga na ako ng maluwag dahil ligtas na kaming nakarating sa kabilang pamilihan ng bayan.

Isa-isa nang nagbabaan ang lahat at unti-unti na ring gumaan ang bangka, ako ay nagpahuli na sapagkat hindi ko nais makipagsiksikan sa kanila. Mukhang ganoon din ang nais ni Khalil dahil katabi ko pa rin sya ngayon, sandali ko syang nilingon bago tumayo.

Kami ay hinihintay na nina Sergio na bumaba rin ng bangka, dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kanila. Sa sobrang bagal kong maglakad ay naunahan na ako ni Khalil, bago sya tuluyang bumaba ay nagulat ako nang ako'y lingunin nya.

Hahakbang sana sya papalapit sa akin ngunit agad nyang napigilan ang kanyang sarili, napahinga sya ng malalim bago tapunan ng tingin si Sergio. Alam ko ang nais nyang mangyari kung kaya't bago pa mangyari iyon ay mabigat sa loob na akong bumaba sa bangka.

Tila bigla kong nakalimutan ang aking takot dahil tila nawala ang aking gana. "Tayo na," saad ni Doña Cecilia at nauna na sa paglalakad, susundan ko na sana sya ngunit napatigil ako nang sa ibang direksyon pumunta si Cresensia.

Tatawagin ko na sana sya ngunit laking gulat ko nang hawakan ni Khalil at Sergio ang magkabila kong pulso, susundan sana ni Sergio ang kanyang Ina habang si Khalil naman ay ang kanyang kapatid ngunit sabay silang napatigil at maging ako nang sabay din nilang hawakan ang aking pulso.

Napatikhim si Khalil at agad bumitaw sa aking pulso, nauna na rin sya sa paglalakad. Naiwan kaming dalawa ni Sergio sa tapat ng bangka, ang aking mga mata ay nanatili kay Khalil na hanggang ngayon ay iniiwasan pa rin ako. Umihip ang malamig na hangin na syang dumadagdag sa panlalamig ng aking pusong nag-iisa.

Napatingin ako kay Sergio nang dahan-dahan nyang bitawan ang aking pulso, naguguluhan ko syang tinignan. Sinubukan nya akong ngitian. "T-tayo na," mapait na saad nya at tinanguhan ako bago mauna rin sa paglalakad.

Naiwan na naman akong mag-isa sa kalagitnaan ng paglubog ng araw, napahinga na lang ako ng malalim at mapait ding napangiti tulad ng mundong mapait pagdating sa salitang pag-ibig.

INAANTOK na ako'y naglakad patungo sa loob ng mansyon matapos makapasok ng kalesa sa loob ng Hacienda De Leon. Gabi na at payapa na ang gabi, malakas ngayon ang sinag ng buwan na nagbibigay liwanag sa aking kapaligiran.

Kanina sa kabilang pamilihan ay nananahimik bigla kaming tatlo, nais ko ring maging maingay ngunit pinakikiramdaman ko sina Sergio at Khalil. Aking ramdam na ramdam talaga ang pag-iwas ni Khalil dahil tanging si Doña Cecilia at Cresensia lang ang sinasabayan nya sa paglalakad.

Palaisipan sa akin ang pagiging tahimik bigla ni Sergio gayong hindi naman talaga sya ganoon, sa tuwing kasama nya ako ay hindi nya pinapalagpas ang pagkakataon na ako'y makausap. Ngayong paglubog ng araw ay sinabayan nya pa rin ako sa paglalakad ngunit hindi man lang ako kinausap.

Nakapapanibago sa kanya ang ganoon. Sa kabila ng lahat, hindi ko man sya itinatangi, ngunit ang makita syang umiiwas sa akin ay nagpapabigat din ng aking damdamin sapagkat kaibigan ko sya. Iba nga talaga kapag iyong nakasanayan ang isang bagay at bigla na lang itong mawawala sa isang iglap.

Hinayaan ko na lamang ang nakakailang na sandaling iyon, tanging si Doña Cecilia lang ang nagsalita at maging si Cresensia. Hindi naman nagtagal ang aming pamamasyal at nang sumapit ang dilim ay nakabalik na kami sa daungan ng Santa Prinsesa.

Matapos ang mahabang sandali na walang nagsalita sa pagitan namin ay inalok na ako ni Sergio na ako'y samahan na nya pauwi, nais ko na sanang pumayag upang kahit papaano ay makausap sya ngunit tumanggi na rin ako sapagkat alam kong pagod na sya at kaming lahat.

Bago ako tuluyang umalis ay sinulyapan ko si Khalil na hindi na ako sinulyapan pa, napahinga na lang ako ng malalim at sumakay sa aming kalesa na kung kanina ay sinasakyan ng magkapatid na Santiago.

Sa totoo lang, hawak ko ngayon ang isang panyo na kulay kahel. Hindi na ako nahirapan pang malaman kung kanina ito dahil nang maamoy ang pamilyar na pabango ni Khalil sa panyong ito ay alam kong sa kanya ang bagay na ito, mukhang nahulog nya sapagkat nasa lapag ito ng kalesa.

Madilim na sa labas at tanging ang buwan lang ang nagbibigay liwanag sa buong kapaligiran. Nagpaalam na ako kay Mang Andres at nang makapasok sa loob ay bukas ang mga gasera kung kaya't nakikita ko ang daan sa mahabang pasilyo, muli akong napahinga ng malalim at nagpatuloy sa paglalakad.

Dire-diretso na sana akong maglalakad paakyat sa mahabang hagdan ngunit napatigil ako nang may makitang tao na nakaupo sa kanape rito sa sala ng aming mansyon, nanlaki ang mga mata ko nang makilalang si ama iyon!

Nakapikit ang kanyang mga mata at mukhang umidlip na, nakaramdam tuloy ako ng kaba dahil sa biglaang pag-uwi ni ama. Ako ay gabi na umuwi at hindi pa nagpaalam sa kanya! Hindi ko naman alam na sya ay uuwi ngayong araw! Paano na ito?!

Tahimik akong napahinga ng malalim at nag-angat ng tingin sa mahabang hagdanan, paumahin po talaga ama kung ako ay nagkakasala na sa inyo. Nagsimula na akong umakyat ng walang tunog ngunit nasa ikatlong palapag pa lang ang aking paa nang biglang magsalita si Ama.

"Taciang, aking anak." Nanlaki ang mga mata ko matapos marinig ang pagtawag sa akin ni Ama, napapikit na lang ako sa kaba. Nagising ang aking Ama!

Pigil ang hininga akong lumingon at sinubukang ngitian si Ama na ngayon ay huling-huli na ako. "P-po?" Nanginginig ang ngiting tanong ko, sumenyas si Ama na ako'y tumabi na sa kanya.

Napakamot ako sa aking ulo at mabilis na naglakad patungo sa tabi ni Ama, mukhang pagod si Ama at hinintay pa ang aking pagbabalik. Hindi ko tuloy mapigilang makunsensya dahil ako'y nagiging pasaway na, malamang ay nabatukan na ako ni Ina kung sya'y nabubuhay pa.

"Anak, alam kong umalis ka. Huwag kang mag-alala sapagkat ako'y hindi naman galit lalo na't ang mga Santiago naman ang kasama mo. Hindi mo na kailangan pang magtago sa akin sapagkat ang lahat ng iyong ginagawa ay alam ko," nakangiting saad ni Ama na ikinagulat ko, muli na lang akong napakamot sa aking ulo at niyakap si Ama.

Napangiti ako nang ako'y yakapin nya pabalik, mahal ko talaga ang aking Ama. "Ama, ipagpaumanhin nyo po ang aking mga pag-alis ng walang paalam. Kayo po kasi ay palaging wala naman dito sa ating Hacienda," saad ko ngunit napatakip din ako sa aking bibig dahil tila sinasabi ko pa na kasalanan ito ni Ama.

Natawa naman si ama at tinapik ang aking likod, kumawala na ako sa pagkakayakap sa kanya at nginitian sya. "Huwag kang mag-alala anak, ako ay may mga inaasikaso lang talaga. Sa susunod na taon ay mapapadalas na ako sa iyong tabi sapagkat kailangan ko na ring paghandaan ang iyong nalalapit na kasal," nakangiting saad ni Ama, dahan-dahang naglaho ang ngiti sa aking labi matapos marinig ang kanyang sinabi.

"Hindi pa maaari ngayon sapagkat baka tayo ay masukob," dagdag ni Ama at nginitian ako bago ako muling yakapin, napatulala na lang ako nang mapagtanto ang nais iparating ni Ama.

Na hindi ako maaaring maikasal ngayong taon sapagkat ang taong ito ay ang taon kung saan ikakasal din si Khalil na syang kapatid ni Sergio, si Sergio na nais nilang lahat na pakasalan ko kahit hindi iyon ang nais ko.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top