TADHANA KABANATA 19
[Kabanata 19 - Ngiting Mapait]
Pilipinas, 1868
NANG makalapit sya sa akin ay may ngiti pa rin sa aking labi, lihim kong pinagmasdan ang bawat detalye ng kanyang mukha. Labing apat na taong gulang na sya at hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang kagandahan nyang lalaki!
Labing dalawang taong gulang pa lang ako ngunit hindi ko maunawaan kung bakit tila pagdating sa kanya ay nagiging espesyal ang aking pakikitungo. Nakasuot sya ng itim na sapatos, pantalon, agribo, at sumbrelo maliban sa suot nyang panloob na kulay puti. Ako naman ay nakasuot ng puting baro at itim na saya, sinasadya na makapares sya.
"Kay tagal mo naman. Bakit? Isinama mo ba si Sergio?" Tanong ko at ilinibot ang aking paningin ngunit wala naman akong ibang nakitang tao kung hindi sya.
Nang ibalik ko ang aking tingin sa kanya ay masama na ang kanyang tingin sa akin, napahawak naman ako sa tapat ng aking puso. "Galit?" Nakangusong tanong ko at siniringan sya, agad din akong napangiti dahil hindi naman ako sanay na manaray ng tao.
"Bakit ba kasi tayo naririto?" Tanong ko muli, pasalamat sya at wala si ama kung kaya't madali akong nakatakas sa aming tahanan.
Linapitan nya ako at itinuro ang bangkang nasa ilog ngunit ang aking mga mata ay dumapo sa kanyang kamay na kumapit sa aking braso, talagang makulit ang kamay nya. Ibinalik na nya ang tingin sa akin nang hindi ako magsalita, napatingin din sya sa kanyang kamay na nakakapit sa aking braso.
Napatigil sya at mukhang napagtanto ang kanyang kapangahasan, ang sabi ni Ina ay masama raw na ako'y hawakan ng kung sino-sino lalo na ang mga kalalakihan. Binitawan na nya ang aking braso, iniwas ko na lang ang aking tingin sa kanya sapagkat hindi ko rin mapigilan ang aking pagngiti.
"Paumanhin," rinig kong paghingi nya ng tawad, pinigilan ko na ang aking pagngiti at muli syang nilingon. Tinanguhan ko sya bilang tugon, naglakad na ako patungo sa bangkang itinuro nya.
Pinagmasdan ko iyon at hinawakan. "Ano ang ating gagawin dito? Sasakyan?" Tanong ko at nilingon ko sya, natawa ako nang ako'y tignan nya ng kung seryoso pa ako sa sinasabi ko.
"Natural, Taciang. Ikaw ay sumakay na," kalmadong saad nya, ngitian ko sya. "Sige ho, Ginoong Khalil. Huwag ka na hong masungit," nakangiting pang-aasar ko sa kanya, ilang sandali pa ay napasimangot lang ako dahil hindi nya ako pinansin.
Sasakay na lang sana ako ngunit napatigil ako nang may pumasok na tanong sa aking isipan. "Sandali, ikaw ay marunong ba kung paano gamitin ang bangka na ito?" Usisa ka, nagulat ako nang makita ang pagngisi nya.
"Susubukan natin," malawak ang ngiting saad nya at inalalayan na ako pasakay sa bangka, wala sa sarili akong napaupo at napatulala. Tila tinamaan ang aking puso ng isang panang puno ng pag-ibig.
Nakasakay na rin sya at hinawakan ang isang sagwan, napakapit ako sa maaaring hawakan nang maramdaman ang dahan-dahang pag-andar ng bangka. Ilang sandali pa ay napangiti rin ako, ito ang aking unang beses na sumakay sa bangka at kay sarap pala sa pakiramdam!
"Ang galing! Marunong ka pala nito?" Namamanghang tanong ko at ilinibot ang aking paningin, napatingin ako sa malinaw na tubig ng ilog. Marahan kong ibinaba roon ang aking kamay, mas lalo akong napangiti habang dinarama ang lamig ng tubig.
"Aking sinusubukan lang kasama ka." Napatigil ako at dahan-dahang nilingon si Khalil nang sabihin nya iyon, nagtama ang aming paningin.
Tila biglang lumukso ang aking puso dahil sa sinabi nya, hindi ko kinaya ang kanyang titig kung kaya't napaiwas na ako ng tingin. Sabay kaming napatingin sa kalangitan na ngayon ay kulay kahel, papalubog na ang araw. Iyan din ang kulay ng kalangitan noong unang beses kaming nagkakilala ni Khalil, dalawang taon na ang nakalilipas.
Sa isang pagdiriwang kami unang nagkita, nakilala ko roon ang pamilya Santiago. Sina Don Flavio, Doña Cecilia, Cresensia, Sergio, at Khalil. Mga tao na dumating din sa aking buhay tulad ng iba ngunit sa pagkakataong ito ay nagkaroon ako ng Khalil na matalik kong naging kaibigan... At hinahangaan sa lahat.
Ilang sandali pa ay napatigil ako nang unti-unting maglaho ang ginintuang tanawin, naging makulimlim bigla ang kalangitan. Mas lalo akong napatigil nang lumakas ang alon na ang dahilan upang umalog ang bangka, nanlaki ang aking mga mata at kinakabahang nilingon si Khalil na ngayon ay napatigil din ngunit nanatiling kalmado.
Sinubukan nyang igilid ang bangka ngunit laking gulat naming dalawa nang mabitawan nya ang sagwan, sinubukan nyang abutin ito ngunit tuluyan na itong linamon ng katubigan. Gulat kaming napatingin sa isa't isa.
"Khalil! Anong gagawin natin?!" Natatarantang tanong ko, naglakad sya patabi sa akin at ilinibot ang kanyang paningin. Napasigaw ako nang maramdaman ang muling pag-alog ng bangka dahil lumalaki na ang alon, napakapit ako sa kanyang braso dahil malapit na akong mawalan ng balanse.
"Khalil! Ayoko pang mamatay!" Tila maiiyak nang saad ko habang pinagmamasdan ang malaking alon na papasalubong sa amin ngayon.
Akala ko ay tuluyan kong sasalabungin iyon ngunit naramdaman ko ang mabilis nyang pagyakap sa akin bago kami tuluyang mahulog sa bangka na tumaob na ngayon, nakaramdam ako ng takot nang magkahiwalay kami ni Khalil.
Sinubukan kong idilat ang aking mga mata ngunit malabo ang aking nakikita, malapit nang maubos ang aking hininga. Akala ko ay tuluyan na rin akong lalamunin ng katubigan ngunit naramdaman ko ang kamay na kumapit sa aking kamay at dalhin ako paahon sa kalaliman ng tubig.
Nang tuluyang makaahon ay agad kong hinabol ang aking hininga, dinala nya ako patungo sa kalupaan at sabay kaming napahiga roon. Hinihingal kong nilingon si Khalil na nakatingin din sa akin ngayon, hindi ko na naisip pa ang ginawa nyang pagyakap at paghawak ng aking kamay dahil nananaig sa akin ngayon ang pasasalamat na nailigtas nya ako.
Napaupo na sya kung kaya't napaupo na rin ako, basang-basa na kami ngayon. Mabuti na lang at marunong syang lumangoy dahil kung hindi, marahil ay tuluyan na kaming nilamon ng katubigan ngayon.
Tinignan nya ako ng diretso sa mga mata ko. "P-paumanhin, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong nya at tinignan ang aking kabuoan, agad naman akong tumango upang hindi na sya mag-alala pa.
Ngunit laking gulat ko nang ako'y yakapin nya, tila naistatwa ako mula sa aking pwesto ngunit sa huli ay napangiti ako at niyakap sya pabalik. Ipinikit ko ang aking mga mata habang dinarama ngayon ang pagtibok ng kanyang puso na umaasa akong may lugar para sa akin.
Simula noong araw na iyon ay hindi ko na ninais pang sumakay ng bangka, ako ay nagkaroon na ng takot dahil baka ako'y mahulog na naman. Matapos balikan saglit ang nakaraan ay muli akong nag-angat ng tingin kay Khalil, malaki na talaga ang kanyang pinagbago ngunit sya at sya pa rin ang Khalil Leviano Santiago na minahal at minamahal ko.
"Hindi ba't nahulog din kayo noon ni Binibining Taciang sa bangka?" Sabay kaming napatingin kay Doña Cecilia nang magtanong sya na sa palagay ko ay sa amin tinatanong ng Doña, napatingin sa amin ang iba pang nakasakay sa bangka upang makiusosyo.
Sabay naman kaming tumango ni Khalil. "Nahulog sila noon sa bangka? Bakit tila wala naman akong maalala?" Sabat naman ni Cresensia.
"Dahil wala ka pang isip noong mga panahong iyon. Mabuti na lang at may sakit noon si Sergio at hindi nadamay sa pangyayaring iyon na ang kuya mo ang pakana," napapailing na saad ni Doña Cecilia, natango naman si Cresensia.
Nakita ko nang mapangiti si Sergio at pinigilang matawa, maging ako ay pinipigilang matawa dahil ilinantad ng Doña ang kakulitan ng kanyang anak na Heneral na ngayon. Nag-angat ako ng tingin kay Khalil na tumango na lang at tinanggap ang kanyang pagkatalo.
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top