TADHANA KABANATA 18
[Kabanata 18 - Bangka]
Huwag niyong sabihin na silang dalawa ang makakatabi ko ngayon sa kalesa?
"TACIANG, hayaan mo silang dalawa na sumakay sa inyong kalesa. Sila na ang magbitbit ng aking mga dala upang ikaw ay magkasya na rito," saad ni Doña Cecilia, tila nabunutan ako ng tinik sa aking dibdib at nakahinga ng maluwag. Hindi ko kakayaning makasama ang dalawang Santiago na ito sa iisang kalesa!
Tumango naman si Khalil at Sergio, kinuha na nila ang mga dalang bayong ni Doña Cecilia. Sinundan ko silang dalawa nang tingin hanggang sa mailagay na nila ang mga bayong sa kalesang pagmamay-ari ng aming pamilya, nakaramdam ako ng kaba nang akmang lilingunin na nila ako.
Napahinga ako ng malalim at bago pa makatagpo ng tingin ang isa sa kanila at dali-dali na rin akong sumakay sa kalesa, alam ko namang kapag hindi pa ako sumakay ng kusa ay aalalayan pa nila ako at kinakabahan pa rin ako kung kaya't kailangan ko munang pahupain ito.
Nagulat si Doña Cecilia at Cresensia dahil sa ginawa kong hindi kaaya-ayang pagsampa ngunit hindi ko na lang sila pinansin at idinapo ang aking mga mata sa labas, si Cresensia ang aming nasa gitna na alam kong nagtataka akong pinagmamasdan ngayon at maging si Doña Cecilia na alam kong nakakatunog na.
Napapikit na lang ako sa halo-halong pakiramdam na nararamdaman ko ngayon, ang katotohanang makakasama ko ang lalaking iniiwasan ko at ang lalaking itinitibok ng puso ko ay nagdudulot ng pagkabaliw sa akin.
NANG makarating sa daungan ay ilinibot ko ang aking paningin, ang paglubog ng araw ang kapansin-pansin ngayon para sa akin. Napatigil ako mula sa pagtatanaw ng kalangitan at gulat na nagbaba ng tingin kay Sergio nang biglang syang sumulpot sa aking gilid.
Nginitian nya ako bago ilahad ang kanyang palad bilang pag-aalok na ako'y alalayan nya pababa ng kalesa, nilingon ko ang aking mga katabi at nakababa na pala si Doña Cecilia at Cresensia sa tulong ni Khalil na walang reaksyon ang mukha at nakatingin lang sa kahel na kalangitan. Galit sya?
Muli na lang akong nagbalik ng tingin kay Sergio, napahinga ako ng malalim at walang ibang nagawa kung hindi tanggapin ang kamay nyang nakalahad sa akin. Nakita ko nang mapangiti si Doña Cecilia at Cresensia dahil sa pangyayaring iyon sa pagitan namin ni Sergio, muli kong nilingon si Khalil at mukhang wala syang balak na tignan man lang ako kahit saglit.
Napaiwas na lang ako ng tingin at tinignan si Sergio, sinubukan ko syang ngitian at nagbaba ng tingin sa aming kamay na hawak nya pa rin ngayon. Nakuha nya naman agad iyon at mukhang hindi rin namalayang hawak nya pa rin ang aking kamay, maingat nya iyong binitawan at napaiwas ng tingin upang itago ang kanyang ngiti.
Napailing na lang ako at linapitan sina Doña Cecilia na nakangiti sa akin ng malawak ngayon. "Saan na po tayo sunod na pupunta?" Tanong ko, kasisimula pa lang ng paglubog ng araw at maaga pa naman kung kaya't matagal pa bago kami abutan ng gabi.
"Mamamangka tayo!" Nakangiting sagot ni Cresensia na ikinagulat ko, tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan nang maalalang nasa daungan pala kami ngayon!
Ito na ba ang kanilang plano? Na ihagis ako sa kalaliman ng lawa?! "M-mamamangka?" Nagugulat na tanong ko at napasapo sa aking noo, nilingon ko si Khalil na mukhang naintindihan ang aking gulat. Dahil kasalanan nya kung bakit takot akong sumakay ng bangka!
"Oo kaya tara na!" Nakangiting tugon ni Cresensia sa aking tanong, wala na akong ibang nagawa nang ako'y hatakin nya papunta sa isang bangkang naghihintay ng ilan pang pasahero at pasakayin doon!
"Ate Taciang, ayaw mo ba? Ako na nga ang mauuna," tanong at saad ni Cresensia nang makitang namumutla na ako ngayon, binitawan na nya ang aking kamay at walang takot na tumungtong sa umaalog na bangka.
Sabay namang inalalayan ni Sergio at Khalil ang kanilang ina pasakay sa bangko kung kaya't nakatungtong na rin sila, napatulala na lang ako sa kawalan. Anong gagawin ko?! Ayokong sumakay ng bangka!
Natauhan na ako at mabilis na tinignan ang bangka, ako na lang pala ang hinihintay. Nagkatinginan si Khalil at Sergio na nakatayo pa rin ngayon, umiwas na ng tingin si Khalil at umatras. Nang mapagtanto na ilalahad ni Sergio ang kanyang kamay sa akin ay agad akong nagsalita upang pigilan sya.
"Sandali! Kaya ko na," naaalertong pagpipigil ko sa kanya at sinubukan syang ngitian, napahinga ako ng malalim at napapikit saglit bago pagmasdan ang marahang pag-alog ng bangka dahil sa alon ng tubig sa lawa.
Gusto ko na lamang maiyak dahil sa kaba ngunit kinain ko na lang iyon at buong tapang na sumampa sa kalesa, pagkasampang-pagsampa ko pa lang ay umalog na ang bangka dahil sa nanginginig kong tuhod. Nang subukan kong humakbang ay bigla akong nawalan ng balanse kung kaya't kusang kumapit ang aking mga kamay sa balikat ni Sergio dahil doon.
Nagulat sya dahil sa ginawa ko, napatingin ako kay Khalil na tuluyan nang nawalan ng emosyon sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ako. Agad akong napabitaw ngunit kailangan ko talaga ng tulong upang hindi mawalan ng balanse, hindi ko na nagawang tumanggi pa nang hawakan ako ni Sergio upang alalayan.
Lahat ng taong nakasakay ay nakatingin ngayon sa aming dalawa, ako'y natataranta na ngayon lalo na't nakatingin sa amin ang lahat at mukhang inaasar pa kami. Nag-angat ako ng tingin kay Sergio, nakikita ko ang kislap sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ako, hindi tulad ko.
Napaiwas na ako ng tingin, hahakbang na sana ako paupo ngunit laking gulat ko nang biglang umandar ang bangka. Ito ang naging dahilan upang magbitiw ang kamay namin ni Sergio, nagulat na lamang ako nang iba na ang kumapit sa akin paupo sa pahabang upuan ng bangka.
"Susmaryosep, hijo! Mag-ingat ka naman sa iyong pagsasagwan!" Rinig kong sermon ni Doña Cecilia sa binatilyong nagsasagwan, sumang-ayon naman ang lahat.
Ilinibot ko ang aking paningin at napaupo pala si Sergio sa tabi ni Cresensia na katabi rin si Doña Cecilia, mabilis kong nilingon ang kumapit sa akin kanina at nanlaki ang mga mata ko nang makitang si Khalil pala iyon!
Bumitaw na sya sa akin at dumistansya ngunit kaonti lamang iyon dahil napunan na rin ang mga upuan, maging ako ay napausog ngunit masyadong maangkin ang binibining katabi ko sa kabila at hindi na ako makausog pa. Napahinga ako ng malalim at napatulala na lang. May kasalanan na naman kami?
Lilipat sana ako ng pwesto ngunit napatingin ako sa binatilyong nagsasagwan nang magsalita sya. "Mga Binibini, Ginoo, Don, at Doña. Paumanhin ngunit manatili muna kayo sa inyong kinauupuan upang ating maiwasan ang aksidente," saad nito sa lahat na ikinatigil ko, nanlulumo kong nilingon si Khalil na tila mukhang pinagsisihan na naman ang kanyang nagawa.
Sinundan ko ang tingin ng kanyang mga mata ay naka'y Sergio iyon, nagtititigan silang dalawa at tila nag-uusap gamit ang kanilang mga mata. Nginitian sya ni Sergio at tinanguhan bago mapahinga ng malalim at sulyapan ako.
Napatingin ako kay Cresensia na abala ngayon sa paghahabol ng tingin sa mga isdang lumalangoy ngayon sa ilalim ng lawa, malinaw ang tubig ng lawa at ang sinag ng araw ay nagdadala ng kislap sa katubigan ng lawa. Si Doña Cecilia naman ay mukhang nadismaya sa nangyari at sinulyapan si Sergio at Khalil.
Nilingon ko naman muli si Khalil na ang mga mata ay nasa ilalim ng tubig ngayon, habang pinagmamasdan ko sya ng malapitan ay lihim akong napangiti. Sa kabila ng lahat, hindi man ito magustuhan ng lahat, masaya pa rin ako dahil sya ang nakatabi ko ngayon at hindi katapat.
Nag-angat ako ng tingin sa kalangitan nang dumaan doon ang grupo ng mga ibon, kulay kahel pa rin ang kalangitan at namumutawi roon ang mga ulap na kulay kahel din. Napahinga ako ng malalim at nagbaba ng tingin, bumaba ang aking mga mata sa malinaw na tubig ng lawa at marahang ibinaba ang aking kamay doon.
Lamig ng tubig ang aking naramdaman habang ang aking mga kamay ay nasa ilalim ng tubig, ito rin ang aking ginawa noon noong unang beses ako'y sumakay ng bangka. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin kay Khalil na ngayon ay nakatitig sa akin ngayon, ang araw na iyon kung saan kasama ko si Khalil at maging ang paglubog ng araw....
Pilipinas, 1868
"KHALIL!" Sigaw ko sa kanyang pangalan nang sya ay matanaw sa tulay at tumatawid doon, hinanap ako ng kanyang mga mata at hindi nagtagal ay nagtama na ang aming mga mata.
Kanina ko pa sya hinihintay dito, malapit nang maglaho ang mga ulap dahil sa tagal nya. Ako'y may nakita ngang isang ginoo na ka-edad lang ni Khalil na tinatanaw mula sa malayo ang isang binibining nanatili muna sandali sa gitna ng tulay habang tinatanaw ang mga ulap, hindi nya nga ako nakita dahil nasa ilalim ako ng puno at nakasuot ako ng itim.
Napangiti ako nang makita sya, napangiti rin sya at tumakbo na papalapit sa akin. Umihip ang malamig na hangin at tuluyan na rin syang nakalapit sa akin, tulad noon ay naramdaman ko dahan-dahang pagkabog ng aking puso na aking nararamdaman sa tuwing sya ay papalapit sa akin...
********************
#Tadhana #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top