TADHANA KABANATA 15

[Kabanata 15 - Kapangahasan]

BUWAN ng nobyembre, tulad ng dati ay hinihintay ko pa rin ang kanyang pagbabalik sa kabila ng katotohanang wala naman ako sa lugar upang gawin iyon. Mabigat man sa dibdib ngunit lihim kong hihintayin pa rin ang kanyang pagbabalik, malaman man iyon ng lahat ngunit ang katotohanan lang doon ay magkaibigan kami.

Matalik na magkaibigan mula noong pagkabata pa, ang pagkakaibigan na hindi ko nais masira nang dahil sa salitang pag-ibig. Naisip ko tuloy bigla ang aking kaibigan na si Sergio, nanghihinayang ako sapagkat sa akin nya inalay ang kanyang pusong kailanman ay hindi ko magagawang matanggap.

At ganoon din si Khalil sa akin.

Marahil ay kaibigan lang talaga ang tingin nya sa akin, sa kabila ng kanyang mga kilos na nagbibigay pag-asa sa akin. Pag-asa sa wala, ang pag-asa ko lagi sa wala.

alas kuwatro na ng hapon at papalapit na ang pagsapit ng dapit-hapon, ako ay nabuburyo na naman sa aming tahanan kung kaya't naisipan kong lumabas muli. Wala naman muli si ama sa aming tahanan, sya ay palaging abala sa mga bagay na ayon sa kanya ay ukol sa aming negosyo.

Wala akong makausap sa bahay at malapit ko nang kausapin ang aking sarili mula sa pagkukulong sa cuarto. Kaya naman ilinilibot ko ngayon ang Santa Prinsesa upang may magawa sa buhay, bakit ba naman kasi hindi pinahintulutan ang mga babaeng tulad ko na magtrabaho rin tulad ng mga kalalakihan.

May kakayahan din naman kami, wala nga lang karapatan.

Tulad ng dati ay naglalakad muli ako, nais ko ring makasanayan ang paglalakad upang hindi ako masanay na nakaupo lamang kahit pa hindi nais ni Ama na ako ay nahihirapan. Lihim lamang ang ginagawa kong ito ngayon, hindi rin naman magsasalita ang aming mga trabahador dahil iyon ang pinakiusap ko at ipinangako nila sa akin.

May dala akong bayong dahil nais kong magdala, wala itong kalaman-laman kung kaya't walang kahirap-hirap na binibitbit ko ito ngayon. Naglalakad ako ngayon sa gitna ng malinis na kalsada, nakarating at narito na pala ako ngayon sa tapat ng Jardín de Santa Prinsesa.

Maaliwalas ang kapaligiran at marahang sumisimoy ang hangin, payapa ang paligid dahil ako lang ang tanging naglalakad ngayon sa gitna mg kalsada at sa tapat ng malawak na hardin. Ilang sandali pa ay napatigil ako sa paglalakad at napatingin sa malawak na hardin.

Naalala ko tuloy ang leon na itinutukoy ni Mang Pepito noon sa loob ng hardin, wala ngayon ang leon na iyon kung kaya't sa paglipas ng araw ay naging lantang gulay ako. Kahit na nasasaktan ako sa tuwing naririto si Khalil at iniiwasan ako, sya pa rin ang nagbibigay ng kalakasan at ngiti sa aking puso.

Napahinga na lang ako ng malalim at naisip na huwag na lang tumungo roon, nagsimula na muli akong humakbang ngunit napatigil ako nang maramdamang may nakasunod sa akin. Bigla ay siniklaban ng takot ang aking dibdib, tinuro sa akin ni Ama noon pa man na pakiramdaman ko palagi ang aking paligid dahil baka may masamang taong nagmamasid na pala sa akin.

Nagpatuloy ako sa paglalakad dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay magpapatuloy din sa paghakbang ang taong sumusunod sa akin, nang maramdaman ang maingat nyang paghakbang ay dali-dali kong nilingon ang likuran ko ngunit wala akong nakitang ibang tao. Hindi kaya'y guni-guni ko lang iyon?

Napahinga na lang muli ako nang malalim at muling nagpatuloy sa paglalakad ngunit napapikit ako nang maramdaman muli ang presensyang nakasunod sa akin, hindi talaga ito basta guni-guni. May sumusunod talaga sa akin!

Alas singko na at namumutawi na ngayon sa kalangitan ang dahan-dahang paglubog ng araw, tumigil na lang ako sa paglalakad at matalim na tinignan ang direksyon sa aking likuran. Nais ko lang namang maglibot ng mapayapa ngunit may umiistorbo na naman sa akin.

Lumipas ang ilang sandali at naging payapa na muli ang kapaligiran, hindi pa rin ako napanatag kung kaya't dahan-dahan kong pinuntahan ang malaking punong malapit lang sa akin. Hinanda ko ang aking bayong upang ipanghampas ito kung sakaling may tao nga roon.

Nang mabilis na silipin ang likod ng puno ay bumagsak ang aking balikat dahil mukhang ginuguni-guni lang talaga ako, wala namang tao roon at sa buong kapaligiran. Mabuti na lamang at walang katao-tao sa buong kapaligiran, walang nakakita sa kahihiyan kong ito.

Ngunit nang mapatingin sa kabilang kalye ay napatigil ako nang mahagip ng aking mga mata ang isang lalaking nakasuot ng pamilyar na unipormeng kulay asul, ang bilis ng kanyang pagkahakbang ngunit kahit tinatanaw ko lamang sya ay agad syang naging pamilyar sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala sya!

Hindi na ako nagdalawang isip pa at dali-daling tumakbo upang habulin si Khalil na nagmamadali ring maglakad ngayon, tinatangay ng hangin ang aking buhok at maging ang hawak kong bayong na walang kalaman-laman. Ako ay natatapilok pa dahil mataas ang suot kong bakya ngunit hindi ko na iyon inisip pa at nagpatuloy sa pagtakbo.

Malapit ko na syang malapitan ngunit laking gulat ko nang matapakan ko ang mahaba kong saya na sumasayad sa sahig, ito ang naging dahilan upang diretso akong mapabagsak sa sahig at makuha ang atensyon ng lahat!

Sa tulong ng aking kamay ay hindi tumama ang aking mukha sa sahig ngunit natalisod at bumagsak pa rin ako sa sahig, nagulat ang mga taong nasa paligid ko nang makitang madapa ang binibining hinahangaan ng karamihan. Maging si Khalil ay napalingon na rin sa akin at nagulat nang makitang nahulog ako sa harap nya!

"Taciang!" Pagsambit nya sa aking palayaw at dali-daling lumapit sa akin, nais ko nang magpalamon ngayon sa lupa dahil sa labis na kahihiyang aking natamo ngayon.

Nagulat ako nang hawakan nya ang magkabila kong balikat at alalayan patayo, gulat akong napatingin ng diretso sa mga mata nya. Hinawakan nya ako! Hinawakan nya na naman ako!

Napatigil din syang nang mapagtanto ang kanyang kapangahasan, dali-dali nya akong binitawan ngunit hindi nakatakas sa paningin ng lahat ang maghawak nya sa akin. Napayuko sya at mukhang nagsisi sa biglaan nyang mga kilos, malamang ay itatakwil na sya ng simbahan dahil biniktima nya na naman ako ng kapangahasan nya!

"Mi amiga! Nakita mo ba iyon?"

"Ha? Ang alin?"

"Hinawakan ng Heneral ang binibining Anastacia, oh!"

"Ano ba kayo, matalik na magkaibigan ang dalawang iyan."

"Ngunit may mapapangasawa na si Heneral Leviano, hindi ba?"

"Magsitigil kayo, lahat na lang ay ginagawa nyong usap-usapan."

Ang narinig ko mula sa iba't ibang taong nakatingin sa aming dalawa ngayon, naramdaman ko ang biglang pag-iinit ng aking pisngi dahil sa hiya at kaba. Bumilis ang tibok ng aking puso, ano na ang gagawin ko?!

"Paumanhin." Nag-angat ako ng tingin kay Leviano nang sabihin nya iyon sa akin at sa lahat, nagsigawan ang mga binibining magkakasama habang mabilis na pinapaypayan ang kanilang mga sarili nang sulyapan sila ni Khalil.

Muntik na silang mahimatay at malapit na rin akong mahimatay dahil hindi ko inaasahang nandito na muli ang pinakahihintay ko!

"Oo mananahimik lang kami," rinig kong sambit ng isang binibini at nakipagtulakan sa kanyang mga kaibigan, pumangit bigla ang timpla ng aking mukha dahil sa kalandian nila.

Nag-angat na muli ako ng tingin kay Khalil na nakatitig sa akin ngayon at mukhang hinihintay na lingunin ko sya, tinanguhan nya ako at nauna na sa paglalakad. Naintindihan ko ang nais nyang ipahiwatig na sundan ko sya, napalunok ako at ilinibot ang aking paningin.

Tumama ang aking mga mata sa mga magkakaibigang binibini na tila pinagsukluban ngayon ng langit at lupa habang sinusundan ng tingin si Khalil na malapit nang maglaho ngayon sa aming paningin, muli nang nagpatuloy ang lahat sa paglalakad maliban sa apat na binibining iyon na tinignan ako ng matalim ngayon.

Pumasok bigla sa aking isipan ang sinabi sa akin ni Ama na Kailanman ay huwag kong hahayaan na ako'y apihin nila. Kaya naman inayos ko ang aking tindig at tinignan silang apat, tinaasan ko sila ng kilay na ikinagulat nilang lahat.

Nagpatuloy na muli ako sa paglalakad at nang makarating sa harap nilang apat ay tinignan ko rin sila ng matalim bago sundan ang kinaroroonan nila Khalil, naiwan silang nakanganga roon at hindi makapaniwalang ang isang binibining tulad ko ay magagawa silang tarayan.

Tama si Ama na hindi sa lahat ng pagkakataon, ang mga mabait ay magagawa pa ring maging mabait habang buhay. May hangganan ang pasensya at ngiti ng bawat isa, at ang lahat ng iyong ginagawa ay syang babalik din sa iyo sa huli.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top