TADHANA KABANATA 14

[Kabanata 14 - Kakaiba]

KATAPUSAN na ng oktubre at matapos kong yayain si Doña Cecilia sa simbahan sandali upang humingi ng tawad para sa akin at sa anak nya na rin ay nagtungo naman kami ngayon sa panciteria sapagkat kami ay nagugutom na. Kalapit lang ito ng simbahan.

Nang makababa sa kalesa ay sabay kaming pumasok ni Doña Cecilia sa loob, hapon na at nakasilip pa rin ang liwanag ng araw. Tinanong ko si Doña Cecilia kung nasaan si Cresensia at hindi sya kasama, ang sagot nito ay kasama ni Cresensia ang kaibigan nya at pumasok sa eskuwela.

Tinuturuan sila roon ng iba't ibang bagay tulad ng pagbuburda, pagsasalita ng wikang espansyol, kung ano ang tama at hindi tamang gawin ng isang binibini, kung paano tumugtog, at iba pa. Magkahiwalay ang paaralan ng mga kalalakihan at kababaihan, iba rin ang tinuturo nila sa mga lalaki kumpara sa mga babaeng tulad ko.

Napatingin ako sa isang binibini na pinupunasan ngayon ang lamesa, malinis na naman ito ngunit pinupunasan nya pa rin. Nang maramdaman ang presensya namin ni Doña Cecilia ay nag-angat na sya ng tingin sa amin, matapos mapatingin kay Doña Cecilia ay tumigil ang kanyang mga mata sa akin.

Magsasalita na sana sya ngunit tila ang kanyang sasabihin ay napunta sa dulo ng kanyang dila at hindi na nasabi iyon, nilingon nya na lang ang kasamahan nyang serbidora tulad nya. "Pst!" Tawag nya rito at inunguso kami, nagtaka ako sa paraan ng kanyang pagkilos.

Lumapit na sa amin ang serbidora na tinawag nya ngunit ang aking mga mata ay nanatili sa kanya, pupunasan na nya muli sana ang lamesa ngunit mukhang napagtanto na nyang malinis na pala iyon. Napakamot sya sa kanyang ulo at naglakad na lang palabas.

Nagtataka ko syang sinundan ng tingin. Bakit ganoon? Bakit ganoon sya kumilos? Tila isang lalaki kung maglakad, walang bahid na pagkahinhin at tila may mali talaga sa kanya. Tila bigla akong nahiwagaan sa kanya dahil kumpara sa iba, kakaiba sya.

Pinaupo na kami ng serbidora sa lamesang pinupunasan kanina ng binibining iyon, napahinga na lang ako ng malalim at bumalik na sa aking mundo. Hindi na ako nakabili ng pluma at tinta dahil isinama ako ngayon ni Doña Cecilia sa kanyang lakad, minsan ay napapaisip na lang ako kung sino ba talaga ang kanyang manugang.

Nang masabi ni Doña Cecilia ang aming nais ay muli na nya akong nilingon, biglang may pumasok sa aking isipan na nakalimutan ko kahit na iyon ang iniisip ko magdamag. "Doña Cecilia... Nais ko lang po sanang itanong kung nasaan ngayon si... Si Khalil?" Nagdadalawang isip na tanong ko, napatigil ang Doña ngunit agad syang ngumiti ng kaonti.

"Si Leviano ay umalis kagabi papunta sa Cavite, sya'y nagtungo roon sapagkat ipinag-utos ng ating gobernador-heneral na sanayin at hubugin nya ang hukbo roon. Ako ay labis na humahanga talaga sa narating ng aking anak," nakangiting sagot at saad ni Doña Cecilia, napangiti naman ako dahil nakikita ko ngayon ang saya sa kanyang ngiti.

"Maging kay Sergio at Cresensia, ipinagmamalaki ko ang mga anak ko. Masaya ako dahil lumaki sila ng mabuti at may takot sa diyos," patuloy ng Doña habang nakangiti sa kawalan, napatango naman ako ng dalawang beses. Sadyang kahanga-hanga talaga ang kanilang pamilya.

Ilang sandali pa ay dahan-dahan akong tinignan muli ni Doña Cecilia at mukhang napaisip. "Sandali. Tila may bagay na kay tagal ko nang naririnig ngunit ngayon ko lang napagtanto sa iyo," saad ni Doña Cecilia habang nakatingin sa akin, nagtaka naman ako at napaisip din bago magtanong.

"Ano naman po iyon?" Interesadong tanong ko. Tungkol daw sa akin?

"Ikaw lang pala ang tumatawag sa aking panganay na anak ng kanyang unang pangalan. Ang pangalan nyang Khalil," pagpupuna ni Doña Cecilia na ikinatigil ko, ngayon ko lang din napagtanto na sa lahat ay ako lang ang tumatawag sa kaniya noon.

"Wala ba syang ibang sinasabi sa pagtawag mo sa kaniya ng Khalil?" Tanong ni Doña Cecilia, ilang segundo kong binalikan ang nakaraan bago umiling. Sya pa nga ang nagsabi sa akin noon na tawagin ko syang Khalil.

"Kataka-taka, kamangha-mangha para sa iyo. Kami nga at ang lahat ay hindi nya pinahintulutang tawagin sya sa pangalang ako nga ang nagbigay," rinig kong reklamo ng Doña at napahalukipkip, hindi ko alam kung matatawa ba ako gayong napaisip din ako sa katotohanang iyon.

Bakit nya kaya ipinagbabawalan ang lahat na tawagin sya sa kanyang unang pangalan maliban sa akin?

Hindi ko tuloy mapigilang maramdaman na espesyal ako sa kanya dahil ako lang ang tumatawag sa kanya ng 'Khalil', sadyang kay ganda nga ng kanyang pangalan at hindi ko pinagsasawaang pakinggan at sambitin.

"Sa tuwing nagpapakilala ang anak kong iyon, Leviano Santiago lang ang sinasabi nya. Kami lang na kanyang pamilya ang tanging nakakaalam sa unang pangalan nya ngunit pati ikaw din pala," saad muli ni Doña Cecilia at marahan akong nginitian bilang pagtanggap, napangiti naman ako at tumango.

Ngunit nagulat ako nang hawakan nya ang kamay kong nakapatong sa lamesa. "Wala na akong problema pa sa buhay ni Leviano, sapat nang makita syang may maayos na trabaho at maayos na magiging pamilya. Ngunit ang anak kong si Sergio..." Dahan-dahang naglaho ang ngiti sa aking labi nang maintindihan ang nais iparating ni Doña Cecilia.

Sa totoo lang ay bumigat ang aking dibdib dahil sumampal na naman sa akin ang katotohanang maayos na ang buhay ni Khalil kahit wala ako sa buhay nya, sa oras na tuluyang magkaroon ng asawa si Khalil ay maaari na syang magsimula kasama ang kanyang bagong pamilya.

Nang wala ako.

"Kasama mo si Sergio mula pagkabata, alam mong mabuti syang tao. Magkalapit lamang kayo ng edad at ang inyong edad ay nararapat lang na magkaroon na ng asawa. Wala ka bang ibang nararamdaman para sa kanya? Kahit kaonti?" Malungkot na tanong ni Doña Cecilia, napayuko naman ako.

Hindi ko nais makasama si Sergio habang buhay nang dahil sa awa at kunsensya, hindi ko sya nais mapangasawa kung hindi ko naman sya iniibig. Hindi ko nais na masaktan syang minamahal ako dahil may minamahal din akong iba. Ayokong pareho kaming masaktan kung kaya't hindi ang tanging sagot ko.

"Hindi ko alam kung nararamdaman mo na rin ba ang pagtingin nya sa iyo, sapagkat nararamdaman na iyon ng lahat. Isang pakiusap lang na maaari mo bang turuan ang iyong puso na mahalin sya?" Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin kay Doña Cecilia at nahihirapan syang tinignan, pinakiramdaman ko ang tibok ng aking puso ngunit hindi ko mahanap si Sergio roon.

"Sya ay naririto po sa aking puso, minamahal ko po sya. Ngunit hindi ko po kayang mabago ang katotohanang ang lahat ng aking pagmamahal sa kanya ay bilang kaibigan lamang," malungkot na pagtatapat ko, pinipigilan ang panginginig ng aking boses.

"Sinusubukan ko po, Doña Cecilia. Ngunit pakiusap, huwag nyo na muna pong ipaalam kay Sergio ang pag-uusap nating ito," pagpapatuloy ko, nakita ko ang pamumutawi ng lungkot sa mga mata ng Doña dahil sa pagtanggi ko.

"T-tutungo muna po ako sa palikuran," mabigat sa loob na saad ko at tumayo bago dire-diretsong naglakad papalayo roon.

Iyon na naman ang pakiramdam na naiipit ka sa sitwasyon. Nais kong maging masaya si Sergio ngunit paano naman ako? Sa lagay bang ito ay isa na akong makasarili dahil hindi ko magawang ibigay ang kasiyahang hinihiling nya?

Kahit anong gawin ko ay si sya at sya pa rin ang isinisigaw ng puso ko, si Khalil pa rin sa kabila ng lahat.

Dinala ako ng aking mga paa sa labas at hindi sa palikuran, sumalubong sa akin ang malamig na pag-ihip ng hangin na tila yumayakap sa akin. Mabigat sa loob kong tinanaw ang kahel na kalangitan, nahihirapan na ako sa kung sino ba ang aking sundin.

Ang nais ba ng lahat na maikasal at ibigin ko si Sergio? O ang aking pusong patuloy pa ring isinisigaw si Khalil kahit na imposible nang maging akin sya dahil sa sitwasyon namin ngayon?

Ano ba ang dapat kong gawin? Ano ba ang nais ng Tadhana na gawin ko?

Napabuntong hininga na lang ako at uupo sana sa bangkong gawa sa kawayan ngunit napatigil ako nang makitang nakaupo roon ang serbidorang pumukaw ng aking atensyon kanina, mukhang hinihintay nya ang pagningning ng mga bituin sa kalangitan.

Nag-angat sya ng tingin sa akin, isa rin pala syang binibining nagtataglay ng kagandahan. Mukhang malalim ang iniisip nya ngunit sa kabila noon ay umusog pa rin sya at binigyan ako ng puwesto sa bangko. Napangiti ako ng kaonti at maingat na umupo sa tabi nya, nakita kong pinagmamasdan nya ang pagmumukha ko.

"Ayos ka lang?" Tanong nya at sasandal sana ngunit wala namang sandalan ang bangkong ito, munting na syang malaglag ngunit mabuti na lang at nakuha nya agad ang kanyang normal na balanse.

Ako ba ang itinatanong nya? "O-oo. May mga bagay lang talagang nagpapabigat sa aking dibdib ngayon," mapait ang ngiting saad ko at muling bumuntong hininga upang kahit papaano ay gumaan ang aking dibdib.

Napatingin ako sa kanya at nakita ko nang mapatulala sya, tila pinoproseso nya pa sa kanyang isip ang aking mga sinabi. Kakaiba talaga ng kanyang mga galaw ngunit pinili kong pakisamahan pa rin sya lalo na't ang binibining ito ay interesado.

"Sya nga pala binibini, nais ko sanang malaman kung ano ang iyong ngalan?" Nakangiting tanong ko, napahinga naman sya ng malalim at napahalukipkip.

"Maria Liliana. Iyon ang sabi nila eh," sagot nya na tila ba napipilitan sya sa pangalang iyon, nagtataka ko syang nginitian.

"Hindi ka ba sigurado sa iyong sariling pangalan?" Natatawang tanong ko, muli syang napakamot sa kanyang ulo at hinarap na ako.

"Oo, eh. Bigla lang kaya akong napadpad dito," sagot nyang muli at napahinga ng malalim, mukhang malalim din ang kanyang iniisip ngayon.

Ilang sandali pa ay nagulat ako nang hawakan nya ang aking kamay at nagsimulang magkwento. Nagsimula na muli syang magsalita ngunit sa pagkakataong iyon ay nagsimula na rin akong maguluhan dahil sa mga salitang binibitawan nya.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top