GUNITA SIMULA

[Ang Simula]

Pilipinas, 1880

Aking gugunitain na lamang ang ala-ala ng ating pagkakaibigan...

ANG aking sinabi at pamamaalam bago tuluyang iniwan ang aking kaibigan, nahihirapan at nasasaktan man ngunit kinailangan kong lumisan sa bayang ito dahil sa pagnanais ni Ama at Ina. Kailangan ko nang lumisan sa Santa Prinsesa upang hindi na rin masilayan ang poot sa kanilang mga mata habang pinagmamasdan ako, ang mga panghuhusga na walang pakundangan ngunit hindi man lang sila nag-abala na alamin ang katotohanan.

Tumigil na ang kalesa sa daungan, inalalayan na akong bumaba ni Mang Baluga na syang kutsero ng aming pamilya. Inabot nya na rin sa akin ang aking ilang mga bagahe. "Binibining Carolina, paalam na ho sa iyo. Hanggang sa muli," malungkot na pamamaalam ni Mang Baluga, maging ako ay nakaramdam na rin nang lungkot dahil kararating ko lang rito ngunit ako'y lilisan na naman. Ako'y maglalaho na sa kanilang paningin na tila isang bula.

Napahinga ako ng malalim bago magsalita, pinipigilan ang luhang namumuo ngayon sa aking mga mata. "M-maraming salamat po Mang Baluga, hindi man po kagandahan ang inyong pangalan ngunit kagandahan naman po ang inyong pusong totoo. P-paalam na rin po," pigil luhang pamamaalam ko bago tumalikod at nagsimulang maglakad papunta sa barko.

Sa bawat hakbang na aking ginagawa ay ang pagbigat ng aking damdaming kay daming itinatago ngunit hindi magawang sabihin ito, hindi ko ito magawang ilabas kung kaya't napupuno na lang ito sa aking loob at itatangis na lamang sa huli.

Nagpapasalamat ako dahil naririto pa rin ngayon si Mang Baluga para samahan ako, sa kabila ng panghuhusga nilang lahat ay hindi naniniwala sya naniniwala na masama akong tao. Hindi ko kadugo ang aming kutsero ngunit sya ang aking pangalawang Ama, hindi sumama sa akin si Ama at Ina dahil nadidismaya pa rin sila sa aking ginawang nagdulot ng kahihiyan sa aming pamilya.

Hindi ko na mapigilan pa ang pagtulo ng aking luha, nararamdaman ko ang mga matang nakamasid sa akin ngayon ngunit hindi ko sila magawang tignan dahil sa takot. Ang mga taong aking nakakasalubong ay may mga matang puno ng husga, hindi ko rin naman sila masisisi dahil hindi nila alam ang katotohanan.

Ako ang kahuli-hulihang tao na pumanhik sa barko, nang tuluyan akong makapanik sa itaas ay nagsimula nang umandar ang barko patungo sa norte. Sa norte muna ako pagsamantalang mamamalagi upang magpalamig at magpahangin hanggang sa humupa na ang usap-usapan sa buong bayan, sa tuwing nakikita ko ang mga taong aking pinagtaksilan ay sumisikip ang dibdib ko kahit pa alam kong mas nasasaktan sila.

Humawak ako sa baranda, naririto ako ngayon sa pinakadulo ng barko. Sa huling pagkakataon ay tinanaw ko ang bayang kinalakihan ko, labis ang sayang naramdaman ko nang ako'y makabalik sa bayan ng Santa Prinsesa ngunit ngayon ay lilisan na naman ako at iiwanan ang aking kaibigan. Kailangan kong gawin ito kahit pa ang kapalit no'n ay ang paglaho ng ngiti sa aking labi.

Umihip ang malamig na hangin, nagsisimula nang sumilay ang haring araw. Naglaho na ang mga ulap sa maliwanag na kalangitan tulad ko na naglaho na rin mula sa kasiyahan. Natanaw ko pa ang mga lalaking nakaitim na diretsong tinitignan ang aking galaw, sa huling pagkakataon ay hindi pa rin nila ako tinantanan. Sila ang dahilan kung bakit napawi ang matamis kong ngiti, sila ang dahilan upang mapilitan akong talikuran at magmukhang trahidor sa paningin ng lahat.

Sila ang nagbanta sa buhay ko at ng aking pamilya kung kaya't napilitan akong talikuran si Gwenaelle, sinabi rin nila na mamamatay si Gwenaelle at ang iba pang malapit sa aking buhay kung hindi ko sila susundin. Hindi ko alam ang kanilang hangarin ngunit ang tanging alam ko lang ay may masama silang Adhika.

Napahawak na lang ako sa tapat ng aking puso at tumalikod, nakayuko akong nagtungo sa aking silid na nasa loob ng barko. Hindi ko akalaing darating ang araw kung saan haharapin ko ang buhay ng mag-isa, haharapin ko ang mundong ito na puno ng pait. Ang katotohanang hindi ko maaaring linisin ang aking pangalan sa lahat at sabihin ang totoo ay syang nagpapadurog ng aking puso.

Tanging ako at ang aking sarili na lamang ang makakapagsabi kung ano ang totoo, kung sino ang tunay na may sala at hindi ako iyon. Hindi si Carolina ang syang sumira sa isang pag-ibig ng dalawang puso, hindi sya kailanman nagtaksil ngunit tanging ang katotohanan lang ang makakapagsabi. Ngunit ito lang ang katotohanang ikinukubli ng aking sarili...

Na hindi totoo ang lahat ng sinabi ko.

Hanggang kailan kaya mananaig ang kasinungalingan?

Kailan naman mananalo ang katotohanan?

Ako'y napapagod na sa mundong ito.

Sa mundong makasarili.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top