GUNITA KABANATA 9

[Kabanata 9 - Madilim na ulap]

"OH? Ano ang dahilan upang kayo'y mapunta rito?" Tanong ni Nay Lilang, nagkatinginan naman kami ni Puring ngunit sa huli ay umiwas ako ng tingin ay ipinaubaya kay Puring ang lahat. Ito ang plano namin ni Puring, kagabi namin ito pinag-isipan at ngayon ay buo na ang plano.

Hindi man ako ang nagpabagsak sa kanyang pamilya, hindi ko pa rin mapigilang makunsensya dahil isa rin akong Mendoza. Sa loob ng dalawampu't anim na taon ay tinamasa ko ang napakasarap at halos perpektong buhay habang si Markus naman ay hinarap ang totoong buhay sa murang edad, ako'y nahahabag sa kanyang sitwasyon. Sa unang tingin ay hindi mo aakalaing may madilim syang mundo dahil kalmado lang naman ang kanyang hitsura, ang gandang lalaki nga, eh.

Lahat ata ng kababaihan ay napapatulala na lamang sa kanyang nakahahalinang mga mata na kay hirap alisan ng titig, maging ako ay nabiktima na rin no'n ngunit kaya ko pa namang pigilan. Ako'y namangha lang naman sa kagandahang lalaki nya ngunit hindi naman ibig sabihin no'n ay iniibig ko na rin sya. Naiintindihan mo ba?

"K-kami po ay nagtungo rito ni Binibining Carolina dahil..." Rinig kong sagot ni Puring ngunit mukhang hindi nya alam ang ipalulusot, may naisip na ako ngunit kay babaw naman no'n. "Dahil?" Rinig kong tanong muli ni Nay Lilang, sabihin ko na bang magdidilig kami ng halaman ni Puring kung kaya't naririto kami?

"M-magpapahangin po kami ni Binibining Carolina, hindi po ba Binibini?" Napalingon ako sa kanila matapos marinig na kinakailangan ni Puring ng tulong, agad akong tumango at nginitian si Nay Lilang nang nangungumbinsi. Sa huli ay tumango na lamang si Nay Lilang ay pumasok sa loob ng kanilang bahay kubo dahil may gagawin pa sya, nagpaalam naman ni Puring na tutulungan nya ang kanyang Ina.

Naiwan akong mag-isa rito sa labas ng kanilang tahanan, hapon na at namumutawi ang mga ulap sa kalangitan. Malamig at sariwa ang ihip ng hangin na yumayakap sa akin, muli na akong sumulyap sa tahanan ni Markus. Hindi ko alam kung may tao ba roon o wala ngunit walang kailaw-ilaw, mukhang wala na sya sa kanyang tahanan at nagtungo sa pamilihan upang magtrabaho.

Napatango ako dahil roon, tumingin ako sa magkabilang gilid ng aking paligid bago maingat na naglakad patungo sa kanyang bahay kubo. Walang tao sa buong kalye at tanging ako lang ang naririto ngayon, maingat kong binuksan ang pinto. Bumungad sa akin ang malinis na bahay kubo, madilim sa loob dahil nakasara ang mga bintana. Sinara ko na ang pinto dahil sa takot na may makahuli sa akin, maingat akong naglakad at inilibot ang aking paningin.

Simple lang ang loob ng kanyang bahay, tulad ng karaniwang mga bahay ay mayroong palikuran na syang tanging pintong mabubuksan sa loob ng kanyang tahanan. May lamesang gawa sa kahoy at dalawang upuan, may nakatuping banig at doon marahil natutulog si Markus. Nakaramdam ako ng awa para sa kalagayan nya, marahil ay naging mahirap ang biglaang pamumuhay nya sa kahirapan gayong nagmula sya sa mayamang angkan.

Gusto ko sanang buksan ang bintana ngunit naririnig ngayon ng dalawa kong tenga ang ingay sa labas dahil sa mga boses na aking naririnig, mga batang naglalaro at mga aleng nag-uusap tungkol sa iba't ibang bagay at tao. Sa oras na makita nila akong naririto sa loob ng bahay ni Markus, malamang ay kung anu-anong papasok sa kanilang isipan.

Naglakad ako patungo sa bintana at sumilip doon, tama nga ako dahil kay daming tao sa labas ngayon. Kung kailan ba naman naririto na ako sa loob ng tahanan nya, malamang ay mananatili muna ako rito ng mahabang oras. Ngayon pa lang ay kinakabahan na ako sa oras na makita ako ni Markus sa kanyang tahanan, malamang ay kung anu-anong iisipin nya. Sa oras na mangyari iyon, ako'y tuluyan na talagang maglalaho sa probinsyang ito.

Sa kalagitnaan ng malalim na pag-iisip ay napatigil ako nang marinig ang pagbukas ng pinto, alam kong sa palikuran iyon dahil kinandado ko ang pinto kung saan ako pumasok. Naririnig ko ngayon ang pagbilis ng tibok ng puso ko, may tao sa palikuran?

"H-huwag kang lilingon-" huli na nang mapagtanto ko ang kanyang sinabi nya dahil tuluyan na akong nakalingon paharap sa kanya, nanlaki ang mga mata ko matapos makitang nakatuwalya lang sya ngayon!

Dali-dali akong tumalikod at napatakip sa aking bibig, nararamdaman ko ngayon ang pag-init ng aking pisngi. Nais ko nang lumabas ngayon din ngunit kay raming tao sa labas, tila nanigas ako sa aking kinatatayuan dahil tanging ang tuwalya lang na suot ni Markus ang tanging suot nya. Hindi ko na alam ang gagawin ko!

Sana pala ay hindi na lang ako nagpadalos-dalos ng desisyon at nag-isip muna bago pasukin ng mag-isa ang tahanan nya, nanatili lang akong nakatalikod sa kanya dahil sa labis na kaba at hiya. Kinikilabutan na ako ngayon, nais ko na lamang magpalamon sa lupa!

"M-maari ka nang lumingon," ilang sandali pa ay rinig kong saad nya, tapos na syang magbihis? Dahan-dahan akong napalingon sa kanya at nahihiyang nginitian sya, nanatiling kalmado ang kanyang mukha. Nakasuot na sya ngayon ng damit at bakas pa roon ang basa dahil mukhang nagmadali syang magbihis, basa rin ang kanyang buhok at may tumutulo pang tubig roon.

"Anong ginagawa mo rito?" Seryosong tanong nya habang ang tingin ay wala sa akin, tinutupi nya ngayon ang malinis nyang tuwalya. Napansin ko na kay linis ng bahay nya at kaamoy nya ito, mag-isa lang kaya sya rito?

Tila umurong ang aking dila at hindi nakapagsalita, naririnig ko pa rin ngayon ang malakas na pagkabog ng aking puso. Hindi ko akalaing naririto ako ngayon sa sitwasyon kung saan kaming dalawa lang ang nasa kanyang tahanan, ang nais ko lang naman ay bumawi ng kaonti dahil sa kasalanang nagawa ng aking pamilya sa kanya.

Napalunok ako nang magtama ang aming paningin, nakuha ko na ang kanyang atensyon. "A-ako'y..." Hindi ko na natapos ang aking sasabihin sanang palusot dahil sa labis na kaba, sinubukan kong ngitian sya ngunit nanginginig ngayon ang aking labi. Napatabi ako sa gilid nang maglakad sya papunta sa bintana at binuksan iyon, nagtataka ko syang tinignan.

"B-bakit mo binuksan?" Nagtatakang tanong ko, hindi nya ba naisip na maaaring may makakita sa akin?

"Bakit ka nagtungo sa aking tahanan nang walang pahintulot sa akin?" Tanong nya pabalik, napakamot na lamang ako sa aking noo. Anong palusot ang aking dapat sabihin? Dahil magdidilig ako ng halaman?

Napahinga na lamang ako ng malalim bago tignan sya ng diretso sa mga mata, sasabihin ko na lamang ang totoong adhikain ko patungo sa kanya. Nais kong makabawi sa kanya kahit kaonti lang man, huminga muli ako ng malalim bago lakas loob na nagsalita.

"N-nagbabakasali lamang ako kung maaari ko bang maging kaibigan si Ginoong Markus Esguerra? Nais kasing bumawi ni Binibining Carolina dahil hindi sya masaya na makita ang mga taong binabalot ng madilim na ulap," sinseryong saad ko habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, nakatingin din sya ng diretso sa mga mata ko ngayon. Nais kong mawala ang madilim na ulap sa buhay nya kahit pa maging iyon ay bumabalot sa akin.

Nais kong sabay kaming makawala sa madilim na ulap.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top