GUNITA KABANATA 7

[Kabanata 7 - Pagtanggi]

"BINIBINI, ano nga po kasi ang nangyari?" Tanong ni Puring sa muling pagkakataon, naglalakad na kami ngayon pauwi sa bahay at kanina nya pa ako kinukulit matapos akong makitang tumakbo. Maging ang aking pagtakbo ay hindi kaaya-aya sa paningin ng lahat ngunit nagawa ko iyon dahil sa labis na hiya, huwag nga silang ano diyan.

"Basta nga," pagtatanggi kong sabihin ang nangyari, patawid na kami ngayon sa tulay. Sa tuwing tatawid ako sa tulay na ito ay hindi ko mapigilang mapangiti dahil tila damang-dama mo ang sandali sa pagtawid, ang aking kamay ay nasa lubid hanggang sa makatawid ako. Sa Puring naman ay dire-diretso lang sa paglalakad na tila ba hangin lang ito sa kanya, marahil ay dahil matagal na syang dumadaan sa tulay na ito.

"Aking nakita po si kuya Markus na nakahabol sa atin ng tingin bago tayo tuluyang lumisan sa pamilihan," pagbibigay impormasyon nya, nagpanggap ako na walang pakielam sa sinabi nya. Mukhang hindi nya nakita ang pangyayari sa pagitan namin ni Markus dahil abala sya sa pagpili ng disenyo ng baro't saya tulad ng aking ibinilin sa kanya, dala-dala na nya ngayon ang mga gamit na ibinili ko sa kanya at sa mga kapatid nya na labis nyang ipinagpapasalamat.

"Binibini, maaari po ba akong dumaan sa aming tahanan sandali? Ibinibigay ko lang po ito sa aking mga kapatid," pakiusap ni Puring, napalingon ako sa kanya at nagsalita. "Sasama na ako," saad ko, tumango naman si Puring at sabay kaming naglakad patungo sa tahanan nilang malapit lang sa tulay.

Pagkarating namin doon ay sumalubong sa amin ang Inay ni Puring na si Nay Lilang, sunod na lumabas ang kambal na si Lito at Lita. Babae at lalaki ang kasarian ng kambal at masasabi kong magkahawig na magkahawig sila, sampung taong gulang na sila at sa murang edad ay nawalan agad sila ng ama. Napatingin ako kay Nay Lilang, kahit pa nakangiti sya ngayon ay nakikita ko pa rin ang lungkot sa kanyang ngiti dahil sa katotohanang wala na ang haligi ng kanilang munting tahanan.

"Oh, anak! Naririto pala kayo ni Binibining Carolina," nakangiting sabi ni Nay Lilang at nagbigay galang sa akin, nagbigay galang din ako sa kanya bilang nakatatanda sa akin. "Inay! Nagtungo lang po talaga kami ni Binibining Carolina rito upang iwan sa inyo ang mga gamit na ibinili nya para sa atin. Maraming salamat po muli, Binibini." Napangiti ako at tinanguhan si Puring bilang tugon, nagsisimula nang sumapit ang dilim.

"Naku! Nakakahiya naman, maraming salamat Binibining Carolina!" Nakangiting pasasalamat ni Nay Lilang sa akin, nginitian ko rin sya at tumango. Habang pinagmamasdan ko ang pamilyang ito na nagtulungang ilagay sa loob ang aming mga pinamili ay hindi ko mapigilang mangulila sa aking mga magulang, ako'y nangungulila na sa aking pamilya.

Napaiwas ako ng tingin sa kanila matapos maramdaman ang pamumuo ng luha sa aking mga mata, kay babaw talaga ng aking luha. Mabilis ko itong pinunasan upang ikubli ang aking nararamdaman sa lahat. "Kuya Markus!" Tila nanigas ako sa aking kinatatayuan matapos marinig ang sinabi ni Puring, hindi ko nagawang lumingon sa kanila at nanatiling nakatingin sa ilog.

Napapikit na lamang ako, aking nakaligtaan na dito nga rin pala nakatira si Markus. Bahala na, basta't hindi ako lilingon hanggang sa malagpasan na nya ako. Ilang sandali pa ay palihim akong sumulyap sa direksyon kung nasaan sila Puring at napatigil ako nang magtama ang paningin namin ni Markus, nagtataka ngayon ang mukha nya habang nakatingin sa akin.

Lumibot ang aking tingin at napagtanto ko na nakaharang pala ako sa kanilang dadaanan, may dalang karwahe ang mga kasamahan ni Markus sa pangingisda at hindi sila makadaan dahil nakaharang ako. Napatikhim na lang ako at nakayukong napaatras upang makadaan sila, huli na nang masilayan ko ang gulat nilang mga mukha nang mawalan ako ng balanse dahil pababa na pala sa ilog ang atras ko.

Akala ko ay tuluyan na akong mahuhulog ngunit mabilis na tumakbo si Markus papalapit sa akin at hinawakan ang aking likod upang saluhin ako, lahat ay nagulat dahil sa nangyari at sa ginawang paghawak ni Markus sa akin. Maging kaming dalawa ay nagulat sa nangyari, mabilis nya akong hinatak patayo at mabilis ding binitawan. Kahit pa hinawakan nya ako ay nagpapasalamat pa rin ako dahil kung hindi nya ako sinalo, malamang ay naaksidente na ako.

"Susmaryosep," rinig kong saad ni Nay Lilang, mahihimigan sa kanyang boses ang pagkabigla. Nararamdaman ko ngayon ang muling pamumula ng aking pisngi, nakayuko akong sinulyapan sila at kitang-kita ko ngayon ang gulat na namumutawi sa mga mata ni Nay Lilang, Puring, Markus, at ang ilang mga kasamahan nya. Sa aking palagay ay pito ang mga ito.

"D-diyan nagsimula ang aking lolo at lola," saad ng isang matabang lalaki na naistorbo sa kalagitnaan ng pagkain nya ng kamote, nagsitanguhan ang mga kasamahan ni Markus. Bumilis ang pagkabog ng aking puso dahil sa sinabi ng lalaking iyon.

"A-anong pong sunod na nangyari?" Napatingin ako kay Puring na syang nagtanong, bakas din sa kanyang mukha ang pagkabigla dahil muntik na akong mahulog sa bangin at sa kapangahasan ni Markus na ngayon ay tila napipi at hindi rin makapaniwala sa kanyang nagawa.

"Pinakasalan ng aking lolo si lola dahil sa kapangahasang kanyang ginawa." Nabitawan ko ang hawak kong abaniko dahil sa sagot ng matabang ginoo na iyon, napanganga ang lahat sa gulat at napatingin sa aming dalawa ni Markus na ngayon ay magkalapit lang. Lumayo muli kami sa isa't isa.

"A-ang ibig sabihin ba nito ay may kasal na magaganap sa ating bayan ngayong taon?" Nakangangang tanong ni Nay Lilang, sinubukan kong umiling at ipaglaban ang aking sarili ngunit hindi ko magawa dahil sa pagkabigla. Pakiramdam ko ay nadarama ko pa rin ngayon ang kamay nya sa aking likod, ang bilis din ng pagkabog ng aking puso ngayon.

"A-anong pandesal? Maaari ba iyong maging pagdiriwang ngayon taon?" Napatingin kami sa isang binatilyong kasama rin ni Markus at syang may hawak na gasera na nagbibigay liwanag sa mukha naming lahat, maging si Puring ay may dalang gasera na kumunot ang noo matapos marinig ang sinabi ng binatilyo.

"Anong pandesal? Kasal ang sinabi ni Inay. Bingi lang?" Naiiritang tanong ni Puring, gusto kong humagalpak ng tawa dahil sa pabalang na sagot ni Puring ngunit wala ito sa sitwasyon. Napatingin ang lahat kay Markus ng sya na ang nagsalita, at naging saksi ang mga ulap na namumutawi ngayon sa madilim na kalangitan sa mga salitang binitawan nya.

"Hindi mangyayari iyon... Dahil sya si Carolina Mendoza," walang emosyong saad pagtatapos nito at sinulyapan ako bago nagpatuloy sa paglalakad papalayo sa aming lahat, naiwan kaming tahimik at kahit isa ay walang nakapagsalita. Naiwan akong tulala sa direksyon kung saan sya naglakad paalis. Ang mga salitang binitawan nya ay nagdulot ng malaking palaisipan sa akin.

Paano nya nalaman ang buong pangalan ko?

Bakit tila sya'y nagagalit?

At bakit tila sinasabi nya na kailanman, hindi nya pakakasalan ang isang binibining tulad ko.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top