GUNITA KABANATA 34
[Kabanata 34 - Ang lihim]
LUMIPAS ang pasko at bagong taon, isang bagong taon ang sumalubong sa akin na umaasa akong magiging mabuti sa akin. Noong pasko ko huling nakasama si Markus, nakalulungkot sapagkat hindi namin sabay na sinalubong ang bagong taon dahil nagbalik sina ama at ina. Kinailangan ko pang pakisamahan ang pamilya ng lalaking nakatakdang ikasal sa akin dahil sila ang nakasama ko noong bagong taon.
Hindi ako sumasaya sa tuwing ginugunita iyon kung kaya't aking palagi na lamang ginugunita ang pasko kung saan nakasama ko ang lalaking itinitibok ng puso ko, noong gabing iyon ay hindi ko pa sana nais humiwalay sa kanya ngunit dumating na si Mang Baluga at kinailangan akong sunduin...
Matapos naming magyakap ay sabay kaming napasandal sa hawakan ng tulay at tinanaw ang kalangitan kung saan naroon ang buwan, mga bituin, at mga ulap. Namutawi sa ang katahimikan sa pagitan naming dalawa, ang pag-alon ng tubig sa ilalim namin kung saan naroon ang ilog ay ang syang tanging nagbibigay ng ingay sa amin.
Paulit-ulit na umuugong sa aking pandinig ang mga salitang binitawan nya, ang mga iyon ay nagbibigay ng kataasan ng tingin ko sa aking sarili. Noong hindi pa sya muling dumadating sa buhay ko, palagi kong iniisip na wala akong silbi sa buhay na ito. Ngunit simula nang dumating sya, nagbago ang lahat. Ang madilim kong mundo ay unti-unting yinakap ng kanyang liwanag, ng kanyang pag-ibig.
Nilingon ko syang muli, alam kong malapit nang matapos ang sandaling ito kung kaya't nais ko na itong sulitin bago magtapos ang lahat. Nagbaba sya ng tingin sa akin at napatitig, napatigil ako nang maging pamilyar sa akin ang titig nyang iyan. Ganyan ang kanyang tingin bago nya ako halikan noon, bigla ay bumilis ang tibok ng aking puso matapos maisip iyon.
Pinagmamasdan nya ang bawat detalye ng aking mukha at hinawakan iyon, sobrang bilis ng tibok ng aking puso ngayon lalo na nang dahan-dahan nyang ilapit ang mukha nya sa akin. Napapikit ang aking mga mata, tila ako'y mawawalan na ng hininga ngayon!
Akala ko ay tuluyan nang mangyayari ang kapusukan naming dalawa ngunit sabay kaming napatigil nang may marinig na tunog ng kalesa, napadilat ang aking mga mata gulat na nilingon ang kalesang iyon. Nararamdaman ko ngayon ang pamumula ng aking pisngi. Bumaba roon si Mang Baluga at mabilis na lumapit sa amin.
"Ginoo at Binibini, kailangan nang umuwi ni Binibining Linang sapagkat ngayon din ay umuwi si Don Mendozo at Doña Mendoza! Nananatili ngayon si Ligaya sa inyong silid upang isipin nilang naroroon ka ngunit alam kong hindi magtatagal ay matutuklasan din nilang hindi ikaw iyon Linang kung kaya't umuwi na tayo," mahabang salaysay ni Mang Baluga na ikinagulat ko, nilingon ko si Markus na ngayon ay mahinang tumatama ang kamao sa hawakan ng tulay.
"Markus, kailangan na naming umalis..." Dahan-dahan syang nag-angat ng tingin sa akin at ilang segundo lang ay nginitian na nya ako nang mahinahon.
"Paalam, Linang. Mag-iingat kayo," saad ni Markus, halatang dismayado sya ngunit tulad ko ay kailangan na lang nyang tanggapin ang sitwasyon. Yayakapin nya sana ako ngunit naririto ngayon si Mang Baluga, kinuha nya na lang ang aking kamay at mabilis na hinalikan iyon.
Binigyan ko sya ng isang ngiti upang mapanatag ang loob nya, tinanguhan ko sya bago nanghihinayang na sumakay sa kalesa. Nagsimula na iyong umandar at ang tanging nagawa ko na lamang ay tanawin sya, habang tinatanaw ang kalesang aking sinasakyan ay nakita kong bumuka ang kanyang bibig. May ibinulong sya.
May sinabi sya ngunit hindi ko iyon narinig dahil malayo na sya sa akin. Ngunit hindi man iyon narinig ng aking tainga, naunawaan naman ito ng aking puso. Naunawaan ko na bago ako tuluyang mawala sa kanyang paningin, nais nyang sabihin na...
Mahal kita.
Masaya ako na nagawa kong intindihin ang kanyang nais iparating, nais ko ring malaman nya na mahal ko sya. Lumipas na ang pasko't bagong taon, buwan na ng enero at ngayong araw ay iniisip ko pa rin si Markus. Sya na nga ang nilalaman ng aking puso, maging ang aking isipan ay sinakop na nya rin.
Naririto si ina sa aming tahanan ngunit wala si ama, gayonpaman ay hindi pa rin ako makalalabas ng malaya dahil naririto ngayon si ina na kontrolado ang lahat ng aking ginagawa. Malamang ay uusisain nya nang mabuti ang lahat ng aking sasabihin, kailangan kong mag-ingat.
Napahinga ako nang malalim at lumabas na sa aking cuarto, hindi ko kayang tumunganga na lang doon. Maingat akong bumaba, naabutan ko si ina na nakaupo sa kanape (sofa) at nagbabasa ng dyaryo. Agad nyang natunugan ang aking presensya kung kaya't dumapo ang kanyang tingin sa akin, ang natural na talim na tingin ni ina ay nagdudulot ng pagkasindak sa akin at sa kung sino man.
"Saan ka pupunta?" Usisa ni ina at ilinapag ang hawak nyang dyaryo sa lamesa, mabilis akong nag-isip ng dahilan. Tila biglang nawala sa aking isipan ang kinabisado kong palusot kanina, ano nga ulit iyon?
"M-magdidilig po ako ng halaman," pagsisinungaling ko at sinubukang ngitian si ina nang nangungumbinsi, nagtaka si ina. Umaasa ako na mapapaniwala ko sya kahit na labing dalawang taon na ang nakalilipas simula noong huli kong ginawa iyon sa aming hacienda.
"Magdidilig ka ng halaman?" Nagtatakang tanong ni ina at tumayo, tinignan nya ako ng diretso at pilit na hinanap ang ikinukubli ng aking mga salita.
"Ito po ang aking naging gawain simula noong ako'y pansamantalang lumisan sa bayang ito," dagdag ko upang makumbinsi sya, ang hirap talagang magsalita kay ina. Ang lahat ng iyong gagawin ay kahina-hinala sa kanya, kahit nga maligo ay tatanungin nya kung bakit.
Hindi ko rin alam kung bakit ganito si ina, ako'y nasanay na lang sa ganitong klaseng ugali nya. "Sige, magpasama ka kay Ligaya." Nanlaki ang mga mata ko matapos marinig ang agarang pagpayag ni ina! Totoo ba ito?!
"Sige po," nakangiting saad ko at nagbigay galang sa kanya bago tanguhan si Ligaya na nasa gilid at naunang lumabas, kahit ganoon si ina ay hindi maitatanggi na mahalaga sya sa akin. Umaasa lang ako na balang araw, lumambot din sya sa akin dahil kailanman ay hindi sya naging ganoon.
Bakit kaya?
HUMUHUNI kong diniligan ang mga halamang nakapalibot sa aming mansyon na halos mamatay na sa uhaw, paulit-ulit akong napapatikhim at napapahawak sa aking lalamunan dahil ang pangit talaga ng aking boses. Magagawa ko pang pumasa sa paghiging ngunit pagdating sa aking boses ay huwag na lang nating pag-usapan ito.
"Binibini, tila kay saya po ng inyong ngiti. Si ginoong La-" hindi na natapos pa ni Ligaya ang kanyang sinasabi dahil dali-dali akong sumenyas na sya'y tumigil sa pagsasalita, natauhan si Ligaya at napatakip sa kanyang bibig nang mapagtanto na hindi nya dapat banggitin ang pekeng pangalan ni Markus na Lazaro.
"Paumanhin po," pabulong na paghingi nya ng paumanhin, muntik nang mawala ang boses nya dahil sa sobrang hina ng kanyang pagkakasabi. Nginitian ko sya at tumango bilang pagpatawad, ang pagtawad na hindi mo alam kung hanggang kailan mo mabibigay sa iba.
Didiligan ko na sana muli ang halaman ngunit narinig ko ang tunog ng kalesang paparating, dumapo ang aking tingin sa tarangkahan (gate) at doon ay natanaw ko ang isang kalesang may sakay na isang Don at Señorita. Inabot ko kay Ligaya ang hawak kong pandilig at naglakad papalapit doon, binuksan na ng isang guardia personal ang tarangkahan at lumabas doon.
"Sino ho sila at ang kanilang sadya?" Tanong ng aming guardia nang makalapit sa kalesa, pinagmamasdan ko ang dalawang iyon na mukhang mag-ama.
Nakararamdam ako nang kalinawan nang makilala ang sakay ng kalesa, hindi ko alam ang kanilang mga pangalan ngunit pamilyar sila sa akin. Ang kanilang pamilya na kilala sa bayan ng Santa Prinsesa bilang pinakamayamang angkan sa bayang ito, marami na silang ambag at nabigay na donasyon sa bayang ito kung kaya't tinitingala sila ng karamihan.
Makalipas ang ilang minuto at binuksan na nang tuluyan ng guardia personal ang tarangkahan kung kaya't malaya nang nakapasok sa loob ang kalesa, tumigil ang kalesa sa harap ko at napatingin silang dalawa sa akin. Sandali kong pinagmamasdan ang Don bago ang binibining nakangiti sa akin ngayon.
Ang binibining pinagmamasdan ko ngayon ay kilala sa bayang ito bilang pinakakaibig-ibig na binibini dahil sa tinataglay nitong kabaitan at kagandahan, ngayon ko lang sya nasilayan nang malapitan at masasabi kong nagtataglay nga sya ng pambihirang kagandahan. Maraming ginoo ang pinapangarap sya.
Kung makilala sya ni Markus, magugustuhan kaya nya ang binibining ito? Na 'di hamak na mas maganda at kaibig-ibig sa akin.
Heto na naman ang pakiramdam ng panliliit sa sarili, huminga ako ng malalim at peke silang nginitian. "M-magandang hapon sa inyo, sino ang inyong sadya sa aming hacienda?" Tanong ko, tahimik lang ang Don habang ang binibini namang kanyang anak ay nakangiti pa rin sa akin. Kay ganda ng ngiti nya. Ano kaya ang iniisip nya sa akin?
"Si Doña Mendoza ang aming sadya rito, Binibining Carolina." Napatigil ako nang marinig ang pagsambit nya sa aking pangalan. Kilala nya ako?
Bumaba na ang makapangyarihang Don na iyon at inalalayang bumaba ang kanyang anak, nginitian nya ito at pinagsilbihan bilang kanyang prinsesa. Muli ay nakaramdam ako ng paninibugho dahil kailanman ay hindi iyon ginawa ni ama para sa akin, kailanman ay hindi nila pinaramdam sa akin na mahalaga ako sa kanila.
Ang aming pamilya na aakalain mong sa una ay perpekto ngunit puno ng kalungkutan sa likod ng katotohanan nito, marangya nga ang buhay ngunit hindi naman masaya. Mahalaga sila sa akin ngunit hindi ko iyon maiparamdam sa kanila, malayo kami sa isa't isa at isang pamilya na nabubuhay sa pekeng mundo.
"Binibini, ayos ka lang ba?" Natauhan ako nang marinig ang kanyang katanungan, hindi ko namalayang namumuo na pala ang luha sa aking mga mata. Pilit akong ngumiti at agad na tumango.
"A-ayos lang ako. Salamat," sinseryong pasasalamat ko, inilibot ko ang aking paningin at wala na pala ang kanyang ama. Hindi ko alam kung saan sya nagtungo ngunit nakita ko ang kalesa nila sa labas, pinapakain ngayon ng kutsero ang kabayo nila.
Muli kong inilibot ang aking paningin, nagambala ang aking plano dahil sa kanilang pagdating. Napatigil ako sa paglilibot ng tingin nang mamataan si Markus na nagtatago ngayon sa gilid ng isang malaking mansyon na malapit lang sa akin, nagtama ang aming paningin. Nais ko sana syang senyasan na huwag lumapit dahil may ibang tao, hindi ko alam kung nakikita nya ba ang binibining itinutukoy ko.
"Walang anuman, Binibini. Kung ano man ang dahilan ng iyong pagluha, umaasa akong balang araw ay gagaling ang sugat na natamo nito sa iyong puso at hindi ka na lumuha pa." Muli akong napatingin sa kanya dahil sa sinabi nya, ang mga salitang binitawan nya ay diretsong tumama sa aking dibdib. Nginitian ko sya at sa pagkakataong ito ay totoo na ang ngiting aking ibinigay sa kanya.
"Ang kasiyahang iyong tinatamasa ay karapat-dapat para sa iyo sapagkat napakabuti ng iyong puso," nakangiting saad ko, sandaling nawala ang tunay na ngiti sa kanyang labi ngunit agad nyang ibinalik iyon ngunit sa pagkakataon namang ito ay hindi ko na makita pa ang katotohanan doon.
Hindi ko alam ngunit nang una ko pa lang silang makita ay may kakaiba talaga sa kanila, sa kanilang pamilya na sa paningin ng lahat ay perpekto. Ang salitang perpekto na kahit sino ay hindi matatawag sapagkat walang perpektong tao, hindi rin perpekto ang buhay. Walang perpekto sa mundong ito, ang katotohanang kailangang tanggapin ng bawat isa.
Nasa kalagitnaan ako nang malalim na pag-iisip nang muli syang magsalita. "Binibining Carolina, maaari mo bang ituro sa akin ang inyong palikuran? Kailangan ko munang magtungo roon sandali," nakangiting tanong at saad nya, tumango ako.
Magsasalita pa lang sana ako ngunit hinawakan na nya ang aking kamay at dinala papasok sa loob ng mansyon, sa huling pagkakataon ay nilingon ko ang direksyon kung nasaan si Markus ngunit wala na sya roon. Marahil ay natunugan na nyang may ibang tao dahil sa kalesang nasa labas.
Napabuntong hininga na lamang ako, gustong-gusto ko na syang makita ngunit kailangan ko munang makatakas sa sitwasyong ito. Tila biglang nagliwanag ang aking mukha nang maisip na ngayong may mga bisita si ina, maaaring mawala ang kanyang atensyon sa akin!
TUMINGIN ako sa magkabilang gilid bago maingat na humakbang patungo sa kabilang daan palabas ng aming hacienda at iyon ay sa likod. Sinadya kong dalhin ang binibining iyon sa palikuran sa ikalawang palapag upang matagal syang makababa, nang maihatid sya ay dali-dali kong bumaba at naririto na ako ngayon sa daan patungong kusina.
Nais ko sanang magpatulong kay Ligaya ngunit mas makabubuti kung ako na lamang mag-isa ang tatakas, labis akong nababahala sa kung anong iniisip at nasaan na ngayon si Markus. Ako'y didiretso na sana palabas sa pintuan ngunit napatigil ako nang may marinig na mga boses, sumilip ako sa loob ng kusina at nagulat ako nang makita si ina at ang Don na aking nakita lang kanina.
Alam kong wala namang nakagugulat na makita silang magkasama dahil ayon sa Don ay kakausapin nya si ina ngunit ang labis na nagpapagulat sa akin ngayon ay ang makitang may hawak na kutsilyo si ina at nakatapat sa matandang lalaki. Dali-dali akong napasandal sa pader upang makapagtago, kay tahimik ng paligid at tanging ang pagkabog lang ng aking puso ang naririnig.
"Tayo'y huwag nang maglokohan, Mendoza. Alam mo at alam ko ang katotohanan tungkol sa pagiging Mendoza ng iyong anak," rinig kong saad ng Don, ang kanyang malalim at seryosong boses ay nagdudulot ng takot sa akin. Napahawak ako sa tapat ng aking dibdib at naguguluhang napaisip.
Tungkol sa akin? Anong mayroon sa akin?
"T-tumahimik ka! Huwag mo nang ungkatin pa ang nakaraang nabaon na sa limot!" Rinig ko namang pasigaw na bulong ni ina, kahit pa pabulong iyong sinabi ni ina ay rinig na rinig ko ang panginginig ng kanyang boses.
"Lumayas ka sa aking pamamahay! Hindi kita tinatanggap dito!" Sigaw ni ina, nais kong silipin kung ano na ang nangyayari ngunit natatakot akong ako'y mahuli nila. Nanginginig na ngayon ang aking kamay, ako'y naninibago sa pagsigaw ni ina. Tahimik at seryoso lang sya sa harap naming lahat at ngayon ko pa lamang sya narinig nang ganito.
"Pamamahay mo?" Tanong ni Don Filimon at tumawa, tawa na puno ng sarkastiko. "Naging pamamahay mo lamang ang haciendang ito sapagkat ginamit mo si Mendozo sa iyong madilim na plano!" Natatawang dagdag ng Don, napaawang ang aking labi. Ako'y labis na naguguluhan sa mga salitang kanilang binibitawan!
"Wala kang karapatang sabihin iyan dito mismo sa aking teritoryo! Umalis ka na!" Sigaw naman ni ina, nanlaki ang mga mata nang marinig ang pagbagsak ng kutsilyo sa sahig.
Nais kong humingi ng tulong sa aming guardia ngunit tila napako ang aking mga paa mula sa kinatatayuan ko. Walang katao-tao ngayon sa loob at ang kusina ay nasa bandang likuran ng mansyon kung kaya't malabong may makarinig sa sigawan nilang ngayon ay palakas na ng palakas.
"Aminin mo na lamang ang iyong kasalanang magtatatlong dekada mo nang ikinukubli. Ang katotohanang hindi tunay na Mendoza si Carolina..." Tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan matapos marinig ang mga salita ng Don na diretsong tumusok sa aking puso.
"Hindi tunay na Mendoza ang iyong anak sapagkat sya ay anak ni Gillermo Fernandez! Hindi ba, Mendoza? Inako lamang ni Mendozo ang iyong anak dahil sa iyong kasinungalingan na anak nya ang idinadala mong bata, walang kaalam-alam si Gillermo na nagbunga pala ang inyong sikretong relasyon."
"Dahil sa iyong madilim na plano, tinatamasa mo na ang kayamanan nya kasama ang iyong anak. Nagawa mong itago sa lahat ang dungis ng iyong pangalan sa madungis ding paraan. Ngayon, sino ang masama sa ating dalawa?" Seryosong tanong ng Don, ang mga salitang binitawan nito ay nagdulot ng pamumuo ng luha sa aking mga mata.
"S-sa oras na na isiwalat mo sa lahat ang katotohanang iyon, papatayin kita." Tila gumuho ang madilim kong mundo matapos marinig ang sinabi ni ina, ang mga salitang nagbigay linaw na totoo ang lahat ng sinabi ng kausap nya.
Nanikip bigla ang aking dibdib, dahil sa labis na pagkabigla ay nabitawan ko ang abanikong hawak. Alam kong maging sila ay naalerto dahil sa ingay na nagawa ko kung kaya't nanghihina man ay dali-dali akong tumakbo palabas ng aming mansyon habang dala-dala ang katotohanang dalawampu't pitong taon nang itinatago ni Doña Mendoza.
Ang katotohanang may kapatid pala ako at sya ay walang iba kung hindi si Gwenaelle Fernandez, ang aking kaibigan na ngayon ay hindi ko na magagawang makasama pa.
NAKATULALA akong umupo sa puno ng narra na kalapit lang ng tulay at ipinikit ang aking mga mata, sa labis na pagkagulo ng aking isip ay tila nais ko na lamang maiyak. Naramdaman ko ang kanyang pagtabi sa akin, marahang umihip ang hangin.
Sobrang bigat sa pakiramdam, mabuti na lamang at hindi basta nag-iisa ang puso ko ngayon. Kanina matapos kong tuluyang makalabas sa aming hacienda ay laking gulat ko nang makita si Markus na mukhang may hinihintay, nang ako'y makita nya ay huminahon na sya.
Nang makita ko sya ay tuluyang bumuhos ang aking luha, agad syang lumapit sa akin. Magsasalita pa lang sana sya ngunit narinig namin ang pagbukas ng pinto mula sa loob ng hacienda kung kaya't mabilis nyang hinawakan ang aking kamay at itinakbo papalayo sa lugar kung saan hindi ko matagpuan ang kalayaan at kasiyahan.
Ngayon ay naitakas na nya ako papalayo roon, ako'y nababahala dahil baka mapahamak pa sya ngunit hawak-hawak nya ngayon ang aking kamay at mukhang hindi nya nanaisin na ako'y bumitaw. Idinilat ko ang aking mga mata at pinagmasdan sya, nakatingin din sya sa akin ngayon. Mukhang nais na nya akong tanungin ngunit hinihintay nya muna akong magsalita.
Nakasuot na muli sya ngayon ng kupas na kulay ng damit at sumbrelong buri, ang sumbrelong iyon ang dahilan upang matago nya ang kanyang mukha. Totoong kay aliwalas nyang tignan sa suot nya noong pasko ngunit para sa akin ay mas bagay sa kanya ang ganito, ang magulong ayos ng kanyang buhok na mas lalong nagpapadagdag sa kalakasan nya ng dating sa aking mga mata.
Napahinga ako ng malalim at nagsimula nang magsalita. "H-hindi ako makapaniwala sa lahat nang aking narinig," nakatulalang saad ko, mahihimigan sa aking boses ang lungkot.
"Maaari ko bang malaman kung ano ito?" Tanong ni Markus, wala sa sarili akong tumango habang nakatulala pa rin sa kawalan. Nais kong ilabas ang nararamdaman kong ito, napakabigat at nagdudulot ito ng paninikip ng aking dibdib.
Nagsimula kong isalaysay sa kanya ang katotohanang aking narinig, taimtim syang nakinig at hindi pinaramdam sa akin na wala syang pakielam sa aking mga sinasabi. Isang bagay na labis kong nagugustuhan sa kanya, hindi nya kailanman nakakalimutang isipin ang damdamin ko at paano nya ito uunawain.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang may itinatago pa lang lihim si ina, nakararamdam ako nang awa kay Don Mendozo na buong akala ko ay aking ama dahil ginamit lang sya ni ina. Kahit na kadugo ko si ina ay hindi ko mapigilang kamuhian sya, hindi ko matanggap na ay tagal na pala kaming pinagsisinungalingan ni ina.
Naisip ko bigla si Don Gillermo, simula noong ako'y bata pa ay malapit sa akin si Don Gillermo dahil mahilig ito sa bata. Alam kong simula nang ako'y lumisan ay kinamumuhian na ako nang tunay kong ama, nakalulungkot sapagkat galit sya sa akin at alam kong binabalot ngayon ng lungkot ang kanyang puso.
Ano kaya ang magiging reaksyon nya sa oras na malaman nya na ako ay kanyang anak? Matutuwa kaya sya? Malulungkot? Masasaktan? Tatanggin nya kaya ako bilang kanyang anak sa kabila nang aking nagawa? Mamahalin nya kaya ako bilang isang tunay na anak? Mga bagay na kailanman ay hindi ko nagawang maramdaman sa aking kinilalang mga magulang.
Ngayon ay kaya pala malapit ako sa pamilya Fernandez simula pa noon ay dahil kadugo ko sila. Hindi pa rin ako makapaniwalang may kapatid pala ako na sa loob ng mahabang panahon ay inakala kong wala, nakasama ko si Gwen sa aking paglaki ngunit ngayong alam ko nang magkapatid kami ay ngayon naman kami pinaghiwalay ng tadhana.
Kay pait na kapalaran para sa akin at sa iyo, kapatid ko...
Nanikip muli ang aking dibdib at nangilid ang aking luha. Hinawakan ni Markus ang aking balikat, nag-angat ako ng tingin sa kanya. Alam kong nagulat din sya matapos malaman ang katotohanang aking ilinahad. Bakas sa kanyang mukha na nag-aalala sya para sa aking kalagayan.
Napapikit ako nang maramdaman ang kanyang yakap, napahikbi ako at ibinuhos ang aking luha na hindi na maawat pa. Umihip ang malamig na hangin na dumampi sa aking balat, kakaibang lamig na aking nararamdaman sa tuwing iniisip ko ang mga taong hindi ko na makakasama pa kailanman.
Nagsimula nang kumulog at dumilim ang kalangitan, nagsimula na ring yakapin ng dilim ang mga ulap tulad ko. Habang yakap ko sya ay kung anu-ano nang bagay ang pumasok sa aking isipan, labis na akong nagugulumihanan at tila sasabog na ang aking utak dahil sa labis na gulo.
Dahan-dahan akong kumawala sa pagkakayakap kay Markus at tumingin ng diretso sa mga mata nya, naalala ko ang kalmado nyang mukha simula pa noon. Hindi ko mapigilang mag-isip ng kung anu-ano, hindi ko na magawa pang kumalma at kinakabahan ako ngayon.
"H-hindi ka ba talaga nagagalit sa akin? Dumadaloy sa aking dugo ang pagiging sinungaling ng aking ina," nawawala sa sariling saad ko, ako'y labis na nahihiya ngayon sa lahat ng kasalanan ni ina. Hindi ko na alam pa ang gagawin ko, nais ko munang mawala sa mundong ito kahit sandali.
Hinawakan ni Markus ang aking kamay. "Linang, huminahon ka, pakiusap. Ang iyong kalusugan ay nadadamay na," pakiusap ni Markus, pilit na nagpapakatatag para sa aming dalawa. Napayuko na lamang ako sa aking tuhod at doon umiyak.
"S-sabihin mo na lamang ang totoo," naninikip ang dibdib na saad ko habang patuloy na humihikbi, hindi ko na maunawaan pa ang aking sarili at hindi na kinakaya pa ng aking isip ang mga lihim na aking nalaman.
Narinig ko ang malalim nyang paghinga, bigla akong nakaramdam ng kaba dahil baka ako'y iwanan nya na lang mag-isa. "Hindi ako galit sa iyo, hindi kailanman. Ikaw ay aking iniibig at hindi kinamumuhian kung kaya't pakiusap, magpakatatag ka. Naririto lang ako palagi sa iyong tabi, mahal na mahal kita..." Nangingilid ang luha akong nag-angat ng tingin sa kanya, ang mga salitang binitawan nya ay diretsong tumama sa aking dibdib.
Mula sa pangingilid ay tumulo na ang namumuo kong luha sa aking pisngi, tila dahan-dahang lumuwag ang naninikip kong dibdib matapos marinig ang kanyang sinabi. Ang kanyang mga mata ay diretsong nakatingin sa akin ngayon, kitang-kita ko sa kanyang mga mata na nais nya akong tulungan paahon sa dilim ng mundong ito.
Tumayo sya at hinawakan ang magkabila kong kamay bago maingat na hatakin patayo, hindi ko alam kung bakit nya iyon ginawa ngunit naglakad kami papunta sa tulay na malapit lang sa puno ng narra na aming sinasandalan kanina. Hawak nya pa rin ang aking kamay hanggang sa makarating kami sa gitna ng tulay.
"Hindi ko pa nababanggit sa iyo ito ngunit ang totoo n'yan ay labing dalawang taon ang nakakaraan noong una mo akong napahanga. Sa iyong kaarawan tayo unang nagkita, akala ko ay isa kang binibini na aalis at darating din sa aking buhay ngunit sa paulit-ulit na pagkakataon ay palagi kong nasisilayan ang iyong ngiti dito mismo sa tulay na ito," saad ni Markus habang hawak pa rin ang aking kamay, umihip ang malamig na hangin.
Nanatili akong tulala sa kanya, totoo pala ang aking naisip na maaaring nagkita na kami sa mismong tulay na tinatapakan namin ngayon dahil noon ay palagi akong napaparito sa tulay upang pagmasdan ang pag-usad ng mga ulap. Hindi ko alam na may isa pa lang tao na pinagmamasdan ako noon mula sa malayo.
"Nais sana kitang lapitan noong mga panahong iyon ngunit sa paglipas ng bawat araw ay hindi ko iyon nagawa dahil kinakailangan kong bantayan si Marisol na may idinaramdam na malubhang sakit, ang sakit na iyon ay kanyang nadala hanggang sa mapatapon kami sa malayong lugar. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon na malapitan ka," pagpapatuloy nya, tatanungin ko pa lang sana sya kung bakit hindi nya ako linapitan ngunit nasagot na nya.
Sabay kaming napatingin sa kanilang madilim na mansyon na natatanaw mula rito, alam kong doon nya ako tinatanaw noon. Nakaramdam ako nang lungkot dahil may mabigat na obligasyon pala si Markus noong mga panahong iyon, habang ako naman ay nagpapakasaya at walang iniisip na problema.
Ngayon ay may problema akong kinahaharap ngunit nagagawa nya pa rin akong tulungan sa kabila ng lahat. Kakaiba talaga ang kanyang katatagan, labis akong nagpapasalamat dahil mayroong sya na dumating sa aking madilim na mundo.
"Nagpapasalamat ako dahil nagawang gumaling ni Marisol mula sa sakit na iyon at hindi ako iniwan, nang gumaling sya ay magkasunod na nawala sina ama ay ina sa akin. Naiintindihan ko ang naging desisyon ng ating panginoon, nagpapasalamat pa rin ako dahil may natira sa akin noong mga panahong iyon." Sa pagkakataong iyon ay namutawi na ang lungkot sa kanyang mga mata, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa nyang ikwento ang dilim ng kanyang buhay.
Pinangiliran sya ng luha matapos maalala ang kanyang namayapang mga magulang ngunit agad nyang pinigilan iyon, ngayon ay alam ko nang hindi tunay na wala syang idinadalang pasakit sa buhay. Napahinga sya ng malalim at nag-angat ng tingin sa kalangitan upang pigilan ang pagtulo ng kanyang luha, naramdaman ko ang paninikip ng aking dibdib habang nakikita syang nasasaktan.
Humigpit ang hawak ko sa kanyang kamay, sa pagkakataong ito ay ako naman ang kailangan nya. "L-labing dalawang taon na ang nakalipas nang nangyari ang trahedyang iyon, sa paglipas ng mahabang panahon ay nagawa kong palayain ang aking puso kahit walang ibang naririnig na kahit isang paumanhin man lang. Ang importante sa akin ay namatay si ama at ina nang hindi gawa ng isang tao at namatay sila nang payapa."
"At kung tayo ay babalik sa iyong katanungan, hindi ko nagawang magalit sa iyo sapagkat iniibig kita. Sa aking palagay ay sapat nang dahilan iyon," saad nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, habang nakatingin din ng diretso sa mga mata nyang kumikislap ay aking napagtanto kung ano nga ba ang magagawa ng pag-ibig para sa isang tao.
"N-nais ko na lamang mabuhay sa kapayapaan, Linang. Nais ko na lamang mabuhay kasama ka..." Sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang namuo ang luha sa mga mata nya, maging ako ay pinangiliran na rin ng luha. Umihip ang malamig na hangin at kasabay no'n ay ang pagyayakap naming dalawa.
Muling bumuhos ang luha sa aking mga mata, labis-labis akong humahanga sa kanyang katatagan. Nagsimula nang maubos ang mga ulap sa kalangitan ngunit hindi ang pag-asa at kapayapaan sa pagitan naming dalawa.
Ipinikit ko ang aking mga mata at dinadama ang higpit ng kanyang yakap, sa huling pagkakataon ay nagbitiw sya ng salitang hindi kailanman pagsasawaang gunitain ng aking puso. "At kung nais mo nang tumakbo papalayo sa mundong ito, sasamahan kita..."
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top