GUNITA KABANATA 32

[Kabanata 32 - Iniibig]

HINDI pa rin ako bumibitaw kay Markus nang may marinig akong kalesang paparating, napadilat ang aking mga mata at mabilis na kumawala sa pagkakayakap sa kanya. Alam kong naalerto rin si Markus ngunit nanatiling kalmado ang kanyang mukha tulad ng dati, nagulat ako nang hawakan nya ang aking kamay at hatakin patago sa likod ng malaking puno.

Sabay kaming napasandal doon at nanahimik hanggang sa tuluyan nang makalagpas ang kalesang nakilala ko kung sino ang sakay, si heneral Santiago. Sya ang anak ng gobernadorcillo ng bayang ito, diretso lang ang tingin nito sa daan at seryoso ang kanyang mukha. Malalim ang kanyang iniisip. Kahit hindi nito sabihin ang kanyang iniisip at nararamdaman, alam kong galit sya at nais maghiganti.

Mabuti na lang at nakapagtago agad kami ni Markus at hindi nakita ng heneral, nang tuluyan syang mawala sa aking paningin ay lakas loob akong nag-angat kay tingin kay Markus na nakatitig sa akin ngayon. Sinubukan kong labanan ang kanyang titig na nagdudulot ng panghihina sa akin ngunit hindi ko ito kinaya, sa huli ay napaiwas na lang ako ng tingin at umupo sa damuhan.

At dahil magkahawak ang aming kamay ay napasama sya sa akin, maaari naman nyang bitawan ang aking kamay ngunit hindi nya ginawa. Umupo sya sa aking tabi at sumandal sa punong ito bago ipikit ang kanyang mga mata, doon ko sya napagmasdan ng malapitan. Napakaamo ng kanyang mukha sa tuwing nakapikit, umaasa ako na balang araw ay magiging mapayapa rin ang kanyang mukha tulad ng kanyang hitsura ngayon habang nakapikit.

Naalala ko tuloy ang sandali kung saan naligaw ako sa gitna ng kagubatan, ako'y susuko na sana ngunit nakita ko sya. Kahit sinungitan nya ako, sinamahan nya pa rin ako pauwi at inalalayan patawid sa tulay. Ang mga panahon na buong akala ko ay isa lamang syang ginoo na darating at aalis din sa aking buhay, akala ko lang pala iyon.

Napatingin ako sa kamay naming magkahawak pa rin ngayon, nakapikit ang kanyang mga mata ngunit wala naman syang balak matulog. Mahigpit pa rin ang hawak nya sa aking kamay na tila ba ikinatatakot nyang ako'y lumisan muli at tumakbo papalayo sa kanya, nakararamdam ako ng kiliti sa aking puso dahil nararamdaman ko ang kanyang kamay na hindi nais bumitaw sa akin.

Napahinga ako ng malalim at sumandal na rin sa puno, wala pa ring nagsasalita sa amin. Nais ko sanang magsalita at kausapin sya ngunit wala akong lakas ng loob, natatakot ako na baka hindi nya ako pansinin dahil hindi ko nagawang bumalik para sa kanya. Nag-angat na lang ako ng tingin sa kalangitan, naghahari ngayon ang mga ulap doon. Tulad ng dati ay naririto muli ang mga ulap upang masilayan ang mga sandali sa pagitan namin ni Markus.

"M-markus."

"Linang."

Sabay kaming napatingin sa isa't isa matapos sabay na sambitin ang pangalan ng isa't isa, napaiwas ako ng tingin. Napatikhim ako at napakagat sa ibaba kong labi, sabay pa talaga naming naisip na tawagin ang pangalan ng isa't isa. Muli kong tinignan ang nakahahalina nyang mga mata, halo-halong emosyon ang aking nararamdaman sa tuwing pinagmamasdan ang mata nyang may itinatagong lungkot.

"I-ikaw... ay nakatakda nang ikasal sa iba." Napayuko ako matapos marinig ang kanyang sinabi, hindi ko na nagawa pang tignan sya ng diretso sa mga matapos magbitaw ng salitang hindi ko magagawang itanggi dahil isa iyong katotohanan. Katotohanang hindi ko ginusto, katotohanang hindi ko kailanman ninais.

"P-paumanhin," paghingi ko ng tawad at mabigat sa loob na nag-angat ng tingin sa kanya, umihip ang malamig na hangin na syang yumakap sa aking nanlalamig na damdamin.

"Bakit ka humihingi ng tawad? Sino ba ako sa iyong buhay... Linang?" Tanong nya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko, napatigil ako dahil sa tanong nyang hindi ko inaasahan. Napagtanto ko na tila may mali sa pagitan naming dalawa.

Wala namang umaamin ng kanyang pag-ibig sa aming dalawa, sinabi ko lang sa kanya at sa lahat noon na humahanga ako sa kanyang kagwapuhan ngunit hindi naman iyon paghayag ng damdamin. Hindi malinaw ang namamagitan sa aming dalawa, ang alam ko lang ay mahal ko sya ngunit hindi ko naman alam kung ganoon din ang nararamdaman nya para sa akin.

Ngayon ay magkasama na naman kaming dalawa at nangangapa sa kung anong dapat naming sabihin at aminin, ang kanyang mga salitang binibitawan ay nagbibigay ng motibo sa akin simula pa noon ngunit hindi ko magawang aminin ito sa aking sarili. Ako ay takot nang umasa sapagkat maaari lamang itong magdulot ng kabiguan sa akin, ilang beses ko na nga iyong naranasan.

"I-isa kang napakahalagang tao sa akin, Markus." Nanatili syang nakatitig sa akin, tila masaya sya sa aking sinabi ngunit may kulang. Ang kulang na aking pinag-iisipan ngayon kung dapat ko bang sabihin sa kanya, muli ay naramdaman ko ang pagkabog ng aking puso na aking nararamdaman sa tuwing kasama ko sya.

Ako'y nagdadalawang isip kung dapat ko bang sabihin sa kanya ang ikinukubli ng aking damdamin, kailangan kong pag-isipan ito nang mabuti. "Isang kaibigan," paglilinaw nya sa aking sinabi at napatango sa sarili, napahinga sya ng malalim at nginitian ako ng kaonti. Ngiti na alam kong puno ng pait, dali-dali akong umiling.

"H-hindi—" dahil sa aking adhikain na malaman nyang hindi lang sya basta kaibigan sa akin, sinabi ko na rin sa kanya na mahalaga sya sa akin hindi lang bilang kaibigan kung hindi iniibig. Imposible namang maging mahalaga sya sa akin bilang isang estranghero, kaibigan o minamahal lang ang tanging dahilan.

Napatigil sya matapos marinig ang aking sinabi, napakurap sya ng dalawang beses habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko. Nagulat ako nang muling humigpit ang hawak nya sa aking kamay, nakalimutan ko na magkahawak pa rin ang aming mga kamay. Namamawis na ang aking kamay dahil kaba at sa lahat ng emosyong nararamdaman ko ngayon.

"Pakiusap, Linang. Linawin mo ang iyong mga sinasabi," pakiusap nya, nakikita ko ngayon na naguguluhan sya. Maging ako ay naguguluhan na rin sa kanya. Tila pareho kaming takot na ipagtapat ang katotohanang isinisigaw ng aming mga puso.

Napahinga ako ng malalim at pilit na linabanan ang kabang aking nararamdaman ngayon, maingat kong kinuha ang kanyang kamay at hinawakan iyon ng mahigpit habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya. Nanatili syang nakatitig sa akin na tila pinag-aaralan ang aking mga galaw, ako ay kinakabahan na rin sa aking ginagawa.

"Magpapaliwanag ako sa iyo ngunit bago iyon, linawin mo rin muna ang iyong mga kilos. Ang sabi mo ay nagbalik ka para sa akin, kay rami nang nangyari sa pagitan nating dalawa. Ang iyong kamay ay hindi pa rin bumibitaw sa akin. Ngayon, m-maaari mo bang ipaliwanag sa akin ang lahat?" Lakas loob na tanong ko, sobrang bilis na ngayon ng pagtibok ng aking puso at tila ito ay umaabot na hanggang sa lalamunan.

"Ikaw ay manhid ngang talaga," ngiti nya at napatango sa sarili, napanganga na lamang ako dahil sa sinabi nya.

"A-ano?" Naguguluhang tanong ko sa kanya, huminga sya ng malalim at napatingin sa kamay naming magkahawak bago muling mapatingin sa akin. Hindi ko magawang alisin ang aking tingin sa kanya, ang kanyang mukha na ngayon ay kay amo at hindi ko pagsasawaang gunitain kailanman.

"Hindi mo pa rin ba maramdaman na mahal kita?" Tanong nya ikinatigil ko, tila biglang bumagal ang takbo ng aking mundo habang nakatingin ngayon ng diretso sa mga mata nya. Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa sinabi nya, tila nagwawala ito ngayon dahil sa katotohanang mahal nya ako!

"A-ako'y nananaginip ba?" Hindi makapaniwalang tanong ko, napangiti sya at kinagat ang ibaba nyang labi upang pigilan na matawa. Napasapo ako sa aking noo at pinisil ang kamay ni Markus, nanlaki ang mga mata ko matapos maramdaman ang pagpisil nya pabalik sa aking kamay. Hindi ito isang panaginip!

"Ngayon, ikaw naman ang magpaliwanag. Inamin mo noon sa akin at sa lahat na ikaw ay humahanga sa aking hitsura, nagawa mong tanggapin ang aking ha-" napatigil sya at napatikhim, hindi ko nagawang makaramdam ng hiya dahil nanatili akong tulala sa kanya. Hindi pa rin ako makawala sa katotohanang kanyang ipinagtapat, patuloy pa ring kumakabog ang aking puso dahil sa kanya.

"N-nakikita ko ang kislap sa iyong mga mata sa tuwing palihim akong pinagmamasdan. At higit sa lahat, nararamdaman ko ang pagmamahal sa iyong yakap. Ngayon, maaari mo bang ipaliwanag ito sa akin?" Pagpapatuloy nya, ginaya nya ang paraan ng aking pagtatanong kanina. Kumislap ang aking mga mata matapos yumakap sa aking puso ang katotohanang isinambit nya sa akin kanina.

Mahal kita.

Sa kabila ng sitwasyon naming dalawa, nakatakda man akong ikasal sa iba, pinahintulutan pa rin ng tadhana na magkita kaming muli. Kinuha ko ang kanyang kamay at itinapat iyon sa aking puso, alam kong naririnig at nararamdaman nya ang pagkabog niyon.

"May dahilan ba upang hindi ikaw ang isigaw ng puso ko?" Emosyonal na tanong ko at nginitian sya, bigla ay namuo na ang luha sa aking mga mata habang pinagmamasdan sya. Ang kanyang mukha na kung dati ay walang reaksyon, ngayon ay kitang-kita ko na ang emosyon sa kanyang mga mata.

"Te amo, Markus. No hay manera de que no pueda amarte... (Mahal kita, Markus. Walang paraan upang hindi kita magawang mahalin)" Ang aking pagbibigay linaw sa kanya bago hawakan ang kanyang pisngi, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata na kailanman ay hindi ko inaasahang masasaksihan ko at ako pa ang dahilan.

Umihip ang malamig na hangin na humawi sa nangingilid naming luha na puno ng saya, labis-labis na saya ang nararamdaman ko ngayon dahil sa wakas ay malinaw na sa amin ang lahat. Mahal nya ako at mahal ko sya, ang bagay na pinakamahalaga sa akin ngayon at hindi ko pagsasawaang gunitain habang buhay.

Ilinapit ko ang aking sarili sa kanya at niyakap sya ng mahigpit, nasa ilalim kami ngayon ng napakagandang puno na sumasayaw dahil sa sariwang ihip ng hangin. Naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking likod at ulo, nag-angat ako ng tingin sa kalangitan at naroon ang mga ulap na nagdidiwang din ngayon sa saya.

Ipinikit ko na ang aking mga mata at dinama ang init ng kanyang yakap, hindi ko na mapigilan pa ang aking luhang bumubuhos ngayon dahil sa labis na kasiyahan. Ilang sandali lang ay naramdaman ko ang basa sa aking balikat, umiiyak sya ngayon. Tinapik ko ang kanyang likod, naririnig ko ngayon ang pagtibok ng kanyang puso.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na sya pala ang lalaking pag-aalayan ko ng puso, ang lalaking buong akala ko ay darating at aalis din sa aking buhay. Sa kabila ng lahat, napakasaya ko dahil nagawa ko nang ipagtapat ang matagal nang ikinukubli ng aking damdamin. Napakasaya ko dahil nakilala ko sya, napakasaya ko dahil sya ay aking... Iniibig.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top