GUNITA KABANATA 30
[Kabanata 30 - Kasunduan]
"BINIBINI, ayos lang po ba kayo?!" Nag-aalalang tanong ni Ligaya, nanatili akong gulat na nakatingin sa kanya. Totoo ba ang narinig ko? Si Danyiel na aking kaibigan ang itinakdang ikasal sa akin?! Hindi maaari, hindi pwede!
"A-ano ang ang iyong sinabi?" Hindi makapaniwalang tanong ko at dahan-dahang napatayo, nakita ko nang kabahan si Ligaya matapos makita ang gulat kong mukha.
Sobrang bilis ngayon ng tibok ng aking puso, maaaring sya nga ang itakdang ikasal sa akin dahil sa usap-usapang aking nagawa noong nagdaang buwan. Hindi ko alam kung hanggang ngayon tampulan pa rin kami ng usap-usapan ngunit umaasa akong humupa na ito matapos ang nagdaang buwan na ako'y lumisan sa Santa Prinsesa.
"Binibini, ang aking sinabi po ay si ginoong—" hindi na natapos ni Ligaya ang kanyang sinasabi sapagkat bumukas na ang pinto at bumungad sa amin si ina na naglakad padiretso sa akin, naglakad na si Ligaya palakad sa tabi ng dalawang kasambahay.
Tinignan ako ni ina mula ulo hanggang paa, ang suot kong baro't saya ay hinalintulad ni ina sa kanyang suot noong una silang nagkita ni ama at iyon ay ang ang araw ng pamamanhikan. Itinakda lang ding ikasal ang aking ama at ina, hindi ko na alam pa ang kwento ng kanilang nakaraan sapagkat mailap si ina sa katanungan kong iyon simula noong ako'y bata pa. Hindi ko alam kung bakit ngunit hinayaan ko na lamang sapagkat kapag ako'y nagtanong pa, malamang ay iinit na ang ulo nya.
Hinawakan ni ina ang aking pisngi at inusisa ang aking mukha, tinitignan kung may makikita syang mali. Mabilis nyang inayos ang aking buhok at hinawakan ang aking pulso. Sa totoo lang, ang ginawang paghawak ni ina sa aking pisngi at pulso ay nagbabalik sa akin patungo sa nakaraan. Sa aking isip ay ginugunita ko muli ang mga panahong nagagawa pa akong hawakan ni Markus sa aking pisngi, kamay, at pulso.
Nanginig ang aking labi sapagkat pinipigilan ko na maluha, huminga ako ng malalim upang labanan ang paninikip ng aking dibdib. "Narito na sila, ngumiti ka lang palagi. Naiintindihan mo?" Tanong ni ina, tumango na lamang ako at kinuha ang aking abaniko upang magawa kong takpan ang aking mukha.
Humigpit ang hawak sa akin ni ina dahil sa gulat nang kumulog ng malakas, maging ako ay napapikit dahil doon. Hindi ko pa sana nais na umalis sa aking silid ngunit hinatak na ako ni ina paalis doon, wala akong ibang nagawa kung hindi ang harapin ang nakatakda kong kapalaran.
NANG tuluyan kaming nakababa ay sumalubong sa amin si ama, nanatili akong nakayuko. Nanghihina ang aking buong katawan sapagkat nanghihina ang aking pusong nangungulila para sa kanya, wala akong lakas na sa ano mang oras ay maaari akong mahimatay. Nang tumigil kami sa paglalakad ay dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanila.
Sa dami ng kaibigang don at doña ng aking mga magulang ay hindi ko na nakilala ang mag-asawang aking tinitignan ngayon, tinanguhan ko sila. Hindi ko alam kung paano sila babatiin, ako'y nabibigla pa rin dahil sa isang iglap ay nakatakda na akong ikasal sa iba. Tila nabunutan ako ng tinik sa aking puso matapos mapagtanto na hindi si Don Samuel at Doña Luzvimida ang kaharap ko ngayon, ang ibig sabihin ay hindi si Danyiel ang nakatakdang ikasal sa akin!
Dumapo ang aking tingin sa isang lalaking nakatayo ngayon malapit sa mag-asawang don at doña na sa aking palagay ay magulang nya, at ang lalaking tinitignan ko ngayon ng diretso sa mga mata ay ang lalaking nakatakdang ikasal sa akin. Nakatingin din sya sa akin ngayon, walang reaksyon ang kanyang mukha. Hindi ko matukoy ang kanyang iniisip habang pinagmamasdan ako dahil sa kawalan ng kanyang emosyon.
Matangkad, maputi ang balat, maganda ang tindig, makapal ang kilay, may makapigil-hiningang tingin, matangos ang ilong, manipis ang labi, at nakasuot ng kulay itim ang lalaking nasa harapan ko ngayon. Hindi maitatanggi ang kagandahan nyang lalaki, lahat naman ay may natatanging kagandahan ngunit may isa talagang tao na mamumukod-tangi sa iyong paningin.
At hindi sya iyon.
Umupo na ang lahat sa aming kay habang hapag, naging sarado ang aking tainga sa lahat ng kanilang sinasabi. Maging ang kanilang pangalan at apilyedo ay hindi ko ninais alamin sapagkat hindi pa ako handang tumanggap ng bagong tao sa buhay ko, hindi ko pa kaya.
Sa tuwing kinakausap nila ako ay tanging tango, iling, at tipid na sagot ang aking itinutugon. Kwinestyon ito ng doña ngunit agad itong hinanapan ng lunas ni ina, kanyang idinahilan na masama ang aking pakiramdam. Agad naman akong sumang-ayon doon kahit alam kong napilitan lang si ina na gawin iyon, hindi naman ito maitatanggi sapagkat namumutla ang aking mukha.
Maging ang lalaking nakatakdang ikasal sa akin ay tahimik lamang sa buong pag-uusap, pareho lamang kami ng paraan ng pagsagot. Tanging ang aming mga magulang lang ang nagsasalita at nag-uusap, wala akong kapatid at wala rin naman silang kasamang kapatid kung kaya't kaming anim lang ang naririto at tanging silang apat lang ang nag-uusap.
Ayon sa aking narinig, ang paglisan ko sa Santa Prinsesa ay ang syang pagdating ng lalaking ito na galing sa Siam (Thailand). Matagal syang namalagi roon ngunit napauwi lang dahil sa kasal na ito. Kahit hindi nya sabihin ay alam kong pareho naming hindi ninanais ang kasal na ito lalo na't hindi naman namin kilala ang isa't isa.
Muli kong sinulyapan ang lalaking nakatakdang ikasal sa akin na tatawagin ko muna sa tawag na hiwaga, iyon ang kabaligtaran nya sa aking buhay ngunit hindi ko naman sya nais tawaging malas kung kaya't hiwaga na lamang. Umihip ang malamig na hangin at kasabay no'n ay ang pagtatama ng aming tingin.
Kahit hindi nya sabihin, aking nararamdaman na tulad ko ay may ikinukubli rin ang kanyang damdamin.
TUMILA na ang ulan, hapon na at muli ay naghahari ang mga ulap sa kalangitan. Malapit nang matuyo ang sahig, malakas ang ihip ng hangin. Narito ako ngayon sa labas ng aming hacienda at nakaupo sa isang mahabang upuan, masaya ako dahil muli akong nakabalik sa aking tahanan ngunit hindi pa rin mawala ang lungkot sa aking puso.
Nakahinga nga ako ng maluwag matapos malaman na hindi si Danyiel ang nakatakdang ikasal sa akin ngunit nananatili ang bigat sa aking dibdib dahil sa katotohanang nakatakda pa rin akong ikasal sa iba, ang salitang kasal na kailanman ay hindi ko pinangarap.
Noong bata pa ako, ang akala ko ay napakasayang ikasal sa isang tao. Habang ako ay lumalaki naman, hindi ko na ginusto pa ang maikasal. Ngunit ngayon naman, wala ni-isa ang natupad sa aking pag-aakala at pagnanais na maging masaya at hindi maikasal sa iba. Sa loob ng dalawampu't pitong taon na aking pamumuhay sa mundong ito, bibigat lamang ang aking damdamin sa oras na gunitain ko ang isang bagay.
Umihip muli ang napakalakas na hangin na syang humawi sa namumuo kong luha, naninikip ang aking dibdib dahil sa katotohanang wala na akong takas pa sa kapalaran kong ito. Napahinga ako ng malalim at nag-angat ng tingin sa mga ulap, hindi tulad ni Markus ay nagagawa pa nilang magpakita sa akin. Alam kong imposible na makatapak muli si Markus sa bayang ito dahil matagal na silang pinatapon sa malayong lugar.
Kumibot ang aking labi, pilit na pinipigilan ang pagtulo ng aking luha. Mabuti na lang at nakatakas ako sa nakasasakal na sandali sa loob ng mansyon, hindi ako makahinga ng maayos habang kaharap silang lahat. Nagbaba na ako tingin kung kaya't bumagsak na ang aking luhang kanina ko pa pinipigilan, pupunasan ko na sana ito ngunit napatigil ako nang may panyong nakalahad sa tapat ko.
Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa lalaking iyon, laking gulat ko nang makita ang lalaking nakatakdang ikasal sa akin. Wala pa ring emosyon ang kanyang mukha habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, hindi ako makapaniwalang magagawa nya ito sa kabila ng kawalan ng kanyang emosyon.
Napaiwas ako ng tingin at tinanggap ang panyo nya, mabilis kong pinunasan ang aking luha at pinigilan ang muling pagtulo nito. Huminga ako ng malalim at muling nag-angat ng tingin sa kanya, tumayo na ako mula sa aking kinauupuan habang nakatingin pa rin sa kanya. Ano kaya ang dahilan ng kawalan nya ng emosyon?
"S-salamat," sinseryong pasasalamat ko habang ang aking mga mata ay punong-puno ng kalungkutan, tumango lang sya at humakbang ng kaonti sa harapang direksyon. Ang kanyang kamay ay nasa kanyang likod, umihip ang malamig na hangin.
"Ang iyong mga mata ay punong-puno ng kalungkutan, ano ang dahilan nito?" Tanong nya at dahan-dahan akong nilingon, sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig ko ang kanyang kalmado at malalim na boses. Ako ay nakikipag-usap ngayon sa taong itinakdang ikasal sa akin, sa pagkakataong ito ay dahan-dahang namutawi ang liwanag sa aking mata nang may pumasok sa aking isipan.
"Dahil sa kasal na ito, alam mo at alam ko na hindi natin nais ito. Ngunit maaari itong mawala kung magkakaroon tayo ng kasunduan," tugon ko sa kanyang tanong at tinignan sya ng diretso sa mga mata, ang mga salitang aking binitawan ay tila nagdulot ng interes sa kanya.
"Anong kasunduan?" Tanong nya, sa pagkakataong iyon ay humina ang kanyang boses dahil baka may makirinig sa amin. Tumingin ako magkabilang gilid bago sya hatakin patungo sa gilid ng aming hacienda kung saan walang tao, kailangan ko syang mapapayag sa kasunduang ito.
"NGAYON, sabihin mo sa akin. Pumapayag ka ba?" Tanong ko habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, umaasa na mapapayag sya. Tumikhim ang hiwagang ito, kapag pumayag sya ay tuturingin ko talaga syang hiwaga ng aking buhay.
Mukhang malalim ang kanyang iniisip, humakbang sya ng dalawang beses papalayo sa akin bago muli akong nilingon. Napahinga ako ng malalim dahil sa kaba, paulit-ulit kong hinihiling sa aking isipan na pumayag sya. Napahinga rin sya ng malalim, umihip ang malamig na hangin at kasabay no'n ay nagtama ang aming paningin.
"Pumapayag na ako," kalmadong tugon nya na ikinalaki ng mata ko, bigla ay tila nagliwanag ang aking buong kapaligiran matapos marinig ang kanyang pagpayag na aking pinakahihintay!
"T-talaga?! Maraming salamat!" Nagagalak na pasasalamat ko at napangiti, tinanguhan nya muli ako. Wala pa ring reaksyon ang kanyang mukha ngunit nakikita ko ang saya sa kanyang mga mata.
"Mauuna na ako, siguraduhin mong tayong dalawa lang ang makakaalam ng kasunduang ito. Paalam na, Binibining Carolina..." Ang kanyang pamamaalam bago itapat ang itim nyang sumbrelo sa kanyang dibdib at tuluyang naglakad papalayo sa akin.
Habang tinatanaw ko syang papalayo sa akin ay hindi ko mapigilang mapangiti dahil sa katotohanang may pag-asa pa, may pag-asa pang makalaya ako sa kalungkutang ito. Nagpapasalamat ako dahil hindi na nya ako pinahirapan pa. Napahawak ako sa tapat ng aking puso at inilibot ang aking paningin bago lisanin ang lugar na ito upang makasiguro na walang nakakita sa aming tagpo.
Ngunit napatigil ako nang makita ang isang lalaking nakatagpo ko ng tingin, bigla ay bumilis ang tibok ng aking puso habang pilit na tinatanaw ang lalaking nagtatago mula sa malaking puno. Napakurap ako ng dalawang beses habang gulat pa ring nakatitig sa lalaking pinakahihintay ng puso ko, hindi na sya nagtatago ngayon sa likod ng puno at diretso ring nakatingin sa akin.
Hindi ako pwedeng magkamali, ang lalaking aking pinagmamasdan ngayon ay walang iba kung hindi si Markus!
Unti-unting naging malinaw sa akin ang lahat, hindi ako makapaniwalang magagawa ko syang tignan muli ng diretso sa kanyang mga mata. Ang buong akala ko ay masisilayan ko ang saya sa kanyang mga mata ngunit nakikita ko ang lungkot doon, ang kanyang mukha ay walang emosyon ngunit ramdam na ramdam ko ngayon na nasasaktan sya matapos makitang may kasama akong iba.
Si Markus na kailanman ay hindi na pinahintulutan pang makatapak sa bayang ito ngunit nagawa nyang magbalik upang masilayan muli ang aking ngiti, ang ngiti na nagawa kong ibigay sa iba at hindi sa kanya.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top