GUNITA KABANATA 3

[Kabanata 3 - Tulong]

"ANONG kailangan mo?" Kalmadong tanong nya, ang kanyang mukha ay magmimistulang kulay kahel dahil sa gaserang nagbibigay liwanag sa pagitan naming dalawa ngayon. Napatikhim naman ako at lumayo ng kaonti sa kanya, hindi ko alam kung bakit tila pamilyar ang boses nya.

"M-maaari mo ba akong tulungan makaalis sa kagubatang ito? Nakalimutan ko kasi ang daan pauwi sa aking tahanan kung kaya't inabot na ako ng dilim dito," pagpapaliwanag ko, alam kong magmumukha akong walang utak sa paningin nya dahil maging ang pauwi sa aking sariling tahanan ay nakalimutan ko. Napakurap sya ng dalawang beses.

"Bakit sa akin ka humihingi ng tulong?" Tanong nya, nagtataka ko namang tinignan ang kanyang kalmadong mukha. Walang reaksyon ang mukha nya, mukhang masungit ang ginoong ito.

"Malamang ay dahil ikaw ang naririto ngayon," pabalang na sagot ko ngunit napatigil ako nang mapagtanto na humihingi nga pala ako ng tulong sa kanya, umayos ako ng tayo at ikinumpas ang aking abaniko. "Nagbibiro lamang ako ngunit maaari bang ako'y tulungan mo na? Huwag kang mag-alala, babayaran naman kita bilang kapalit," pagpapabango ko sa aking naunang nasabi at nginitian sya ng nangungumbinsi, nanatiling walang reaksyon ang kanyang mukha. Naaalala ko sa kanya ang aking kaibigan.

"Ibinibigay mo ang tiwala mo sa akin?" Tanong nyang muli, napahinga ako ng malalim at napapaypay sa aking sarili. Ayaw na lang kasing pumayag at sabihing 'sige', masyadong matanong ang ginoong ito.

"Oo?" Hindi siguradong sagot ko, inalis na nya ang tingin sa akin at nagpatuloy sa paglalakad. Dali-dali ko naman syang hinabol dahil sa takot na ako'y habulin ng engkanto.

"Hindi mo ba ako tutulungan? Nakalimutan mo na bang hindi maganda para sa isang binibini ang lumabas sa gitna ng gabi?" Tanong ko habang pilit na sinasabayan ang kanyang lakad, tumigil sya kung kaya't napatigil din ako. Nagtataka ko muli syang tinignan, ang gulo nya naman.

"Hihingi ka ng tulong sa isang estrangherong tulad ko? Hindi mo ba naisip na maaaring isa akong masamang tao na may masamang balak sa 'yo?" Walang emosyong tanong nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, nanlaki ang mga mata ko at napaatras papalayo sa kanya. Ako naman ngayon ang napayakap sa aking sarili.

"S-sinasabi mo ba na ikaw ay isang mapagsamantalang ginoo?" Hindi makapaniwalang tanong ko, sandali nya akong tinignan bago muling nagpatuloy sa paglalakad. Mabuti na lamang ay kumpleto na muli ang suot nyang damit ngayon kung kaya't hindi na ako naiilang pa ngunit kinakabahan naman ako ngayon sa mga sinasabi nya.

"Sinasabi mo ba na-" tatanungin ko na sana muli sya dahil hindi sya sumagot ngunit muli syang tumigil sa paglalakad at seryosong tumingin sa akin, napalunok na lamang ako dahil sa kaba. Sana pala ay hindi ko na lang inulit ang aking tanong.

"Itikom mo na lamang ang iyong bibig," masungit na saad nya at sa pagkakataong ito ay nagpatuloy na talaga sya sa paglalakad, agad ko naman syang sinundan dahil alam kong paalis sya ngayon sa loob ng kagubatan. Nararamdaman ko rin na hindi sya masamang tao, ako'y naniniwala sa aking pakiramdam.

"Paano kita matutulungan gayong hindi ko nga rin alam kung saan ang iyong tahanan?" Palihim akong napangiti matapos marinig ang tanong nya. Sinasabi ko na nga ba, mabait sya!

"Alam mo ba kung saan ang daan patungo sa tulay?" Nagbakasakaling tanong ko, sa oras na marating ko ang tulay ay alam ko na kung saan ang pauwi. Hanggang doon nga lang ang nakabisado ko. Nagtama ang aming paningin matapos nya akong lingunin, ang gandang lalaki nya talaga. Sino kaya ang asawa nya?

"Malamang, doon nga tayo unang nagkita." Napahawak na lamang ako sa tapat ng aking puso at napanguso dahil ang sungit-sungit nya, mukhang may sama sya ng loob dahil nakita ko ang katawan nya.

"Ngunit hindi ko naman kasalanan iyon, sya kaya ang may kasalanan dahil palagi nyang pinapakita sa lahat ang kanyang katawan porket makisig ito." Napahawak ako sa tapat ng aking bibig matapos mailantad ang sinasabi ng aking utak, napalunok na lamang ako nang dahan-dahan nya akong lingunin. Nagsisimula ko nang masilayan ang liwanag ng buwan sa kabila ng mga magtataasang puno na humaharang sa liwanag nito.

"K-kalimutan mo na ang aking sinabi, hindi naman ikaw iyon. Minsan lang talaga ay nawawala ako sa aking sarili," palusot ko at sinubukang ngumiti upang makumbinsi sya, napailing na lamang sya at nagpatuloy sa paglalakad. Nakahinga na muli ako nang maluwag, mabuti na lamang at hindi sya nagalit.

Ilang sandali pa ay tuluyan na kaming nakawala sa dilim ng gubat na iyon, malakas akong napahinga ng malalim dahil sa labis na tuwa. Ayoko talaga sa madilim na lugar, nasisilayan ko na ngayon ang liwanag ng buwan. Natanaw ko na rin ang tulay na aking tinatanong kanina sa kanya kung alam nya ba kung saan, abot langit akong napangiti at tinignan sya.

"Maraming salamat sa iyo, Ginoo! Hindi ko kailanman malilimutan ang iyong kabutihan," nakangiting pasasalamat ko at nagbigay galang sa kanya, maglalakad na sana ako patawid sa tulay ngunit laking gulat ko nang maramdaman ang kanyang kamay sa aking palapulsuhan. Nakanganga akong nilingon sya, hindi ako makapaniwalang hahawakan nya ako ng walang pakundangan!

"Hindi ko tinatanggap ang iyong pasasalamat," malamig na saad nya, napagtanto ko na tila isa pala syang yelo sa sobrang lamig. Tumabingi ang aking ulo dahil sa sinabi nya, ang pakipot nya?

"Bakit naman?" Naguguluhang tanong ko, napatulala na lamang ako sa kanya nang tumingin sya ng diretso sa mga mata ko at muling nagsalita. "Ang aking pagtulong sa iyo ay may kapalit," dagdag nya na ikinalaglag ng panga ko, talaga bang seryoso sya sa kanyang sinabi na isa syang mapagsamantalang ginoo?

Magsisisigaw na sana ako upang humingi ng tulong agad nyang dinepensahan ang kanyang sarili. "Walang katotohanan ang lahat ng iyong nasa isipan, hindi nararapat na ako'y pagbintangan mo ng walang sapat na ebidensya. Hindi ako isang mapagsamantalang ginoo," pagdedepensa nya sa kanyang sarili, napatulala na lang ako sa kanya. Para kaming nasa hukuman at pilit nyang ipinagtatanggol ang kanyang sarili mula sa panghuhusga ng lahat.

Ilang sandali pa ay tinignan ko sya nang naghihinalang tingin. "Talaga? Hinawakan mo nga ang aking pulso ng walang pakundangan, eh!" Reklamo ko at tinuro ang kanyang kamay na nakahawak pa rin sa aking pulso, natauhan sya at agad napabitaw sa akin. Abot langit ko syang nginitian dahil sa wakas ay nanalo rin ako sa kanya.

Muli na akong nagbigay galang sa kanya bilang pamamaalam, nakaisang hakbang pa lang ako papalayo sa kanya ngunit nagsalita muli sya. "Sandali..." Dahan-dahan akong napalingon sa kanya matapos nya akong pigilan sa paglalakad palayo sa kanya. "Madilim na ang kapaligiran, baka ikaw ay maaksidente pa kung kaya't tutulungan na kita." Hindi ko alam ngunit napangiti ang aking labi at maging ang aking puso matapos marinig ang kanyang sinabi.

Ilinahad na nya ang kanyang palad sa akin na agad kong tinanggap dahil baka bawiin nya pa, ngayon ay magkahawak kamay na kaming tatawid. Nauna na syang humakbang patawid sa tulay na ngayon ay nababalot na ng dilim, ngunit sa kabila ng dilim ay naririto ngayon ang isang lalaking hindi ko kilala ngunit tinulungan pa rin ako pauwi sa aking tahanan. Sa kabila ng dilim ng mundong ito, may mga tao pa ring handa kang tulungan sa kabila ng lahat.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top