GUNITA KABANATA 27
[Kabanata 27 - Ang liham]
MATAPOS kong marinig ang katanungan ni Marisol ay agad namuo ang luha sa aking mga mata, pilit kong linabanan iyon ngunit ako ay kinakain na ngayon ng kaba. "Ate Linang! Bakit ka lumuluha?" Nag-aalalang tanong ni Marisol at hinawakan ang aking pisngi, hinawakan ko ang kanyang kamay na nakakapit sa aking pisngi at umiling.
"P-patawad," nanginginig ang boses na saad ko, nakikita ko ngayon ang pagkalito sa mga mata ni Marisol. Dumating na rin si Nay Lilang na nagulat matapos makita ang nangingilid kong luha.
"Linang... Hindi ito ang panahon upang malaman nya," rinig kong saad ni Markus at hinawakan ang aking balikat, dahan-dahan ko syang nilingon. Hindi ko maaninag ang kanyang mukha dahil sa nangingilid kong luha, lumalalim na ngayon ang aking paghinga dahil sa labis na kabang aking nararamdaman ngayon. Natatakot ako sa maaaring maging reaksyon ni Marisol.
"Malaman ang alin?" Naguguluhang tanong ni Marisol, sandali akong napapikit bago muling lingunin si Marisol. Nakita ko ang pag-aalala na mukha ng mga taong nakakaalam kung sino talaga ako.
"M-marisol, makinig ka nang mabuti. Paumanhin kung hindi ko agad nasabi sa iyo kung sino talaga ako dahil natatakot akong lumayo ang loob mo sa akin," nangingilid ang luhang panimula ko at pinunasan ito, muli ko nang naaninag ang mukha ni Marisol. Labis na ngayon ang kaguluhan sa kanyang mga mata dahil sa mga salitang binitawan ko.
"A-ate Linang, ano ba ang iyong sinasabi?" Nagugulumihanang tanong nya at humigpit ang hawak sa aking kamay, pinigilan ko ang pamumuo ng aking luha sa mga mata ko. Ako ay binabalot ng kaba ngayon, ang salitang aking bibitawan sa kanya ay maaaring magpabago sa aming ugnayan. Nais ko sanang magsinungaling ngunit kapag ginawa ko iyon ay mas lalo lamang akong magkakasala sa kanya.
"Marisol, ako si Carolina... Carolina M-mendoza. Ako ay nagmula sa pamilyang inyong nakalaban noon," lakas loob na pag-amin ko, hindi ko na nais pang halungkatin ang nakaraan ngunit kailangan. Napabitaw si Marisol sa aking pisngi at kamay dahil sa labis na pagkabigla.
"A-ano?!" Hindi makapaniwalang tanong nya at mabilis na pinangiliran ng luha, kasabay ng aking pag-ungkat sa nakaraan ay ang pagbalik din ng ala-ala tungkol sa kanilang mga magulang na ngayon ay pumanaw na.
Napatayo si Marisol at napaatras papalayo sa akin, dali-dali naman akong tumayo upang lapitan sya ngunit patuloy syang lumalayo. Sa bawat hakbang na kanyang ginagawa ay ang pagbigat ng aking damdamin, ito ang pangyayari na labis kong kinatatakutan. Ang paglayo nila sa akin dahil sa aking tunay na pagkakakilanlan, nangilid na rin ang aking luha.
"Kuya, alam mo ba ang tungkol dito?! Bakit ngayon ko lang nalaman ito?!" Sigaw ni Marisol, nakikita ko ngayon ang pag-aalab ng kanyang mga mata sa akin. Napadungaw ang mga kapit bahay mula sa kani-kaniyang bintana matapos marinig ang sigaw ni Marisol, maging si Avelino ay nagmadali patakbo sa kanyang asawa mula sa loob matapos marinig ang sigaw nito.
"Marisol, huminahon ka. Ang iyong galit ay maaaring makaapekto sa aking pamangkin," seryosong saad ni Markus na nasa likuran ko ngayon, namutawi ang takot sa aking mga mata dahil baka ako ang maging dahilan kung mangyari man iyon.
"Huminahon?! Wala akong kaalam-alam na ang taong pinakisamahan ko pala ngayon ay ang anak ng taong nagpabagsak sa ating pamilya! Paano ako hihinahon?!" Napopoot na tanong ni Marisol, tumulo na rin ang kanyang mga luha dahil sa labis na galit. Hinawakan ni Avelino ang magkabilang balikat ng asawa dahil muntik na itong lumapit sa akin at saktan ako tulad ng mga nagdaang tao na dumating sa aking buhay.
Nasa akin na naman ang sisi, ako na naman ang may kasalanan kahit wala naman akong ginagawang masama. Gusto ko lang namang sumaya ngunit bakit ganoon? Ipinagkait na naman ito ng kapalaran sa akin, ipinagkait na naman ito ng mundong makasarili. Ako'y pagod na pagod na sa mundong ito, nais ko na lamang maglaho na parang bula ngunit may isang tao at dalawang salita na pumipigil sa akin.
Si Markus, at ang salitang Pag-ibig.
"Hindi ko na nais pang makita ka, Carolina. Ang pamilya mo ang dahilan upang maghirap kami!" Sigaw nya sa akin at nasasaktan akong tinignan bago tumakbo papasok sa loob ng kanilang tahanan, nadidismaya akong tinignan ni Avelino bago sundan ang asawang tumatangis dahil sa hinagpis.
Naiwan akong tulala sa kawalan habang patuloy na tumutulo ang aking luha, tulad noon ay naramdaman ko na naman ang tila kutsilyong tumutusok sa aking dibdib. Napahawak ako sa tapat ng aking puso at nasasaktang humikbi dahil sa katotohanang sira na ang pagkakaibigan namin ni Marisol dahil sa kasalanang hindi ko naman ginawa ngunit damay na naman ako, ako na naman ang may kasalanan.
Naramdaman ko ang kamay ni Markus na kumapit sa aking balikat, nagpapasalamat ako dahil narito pa rin si Markus at hindi pa rin ako tinatalikuran. Nasa akin ang lahat ng kanilang mga mata, tulad ng dati ay naramdaman ko na naman ang kanilang panghuhusga nang hindi inaalam ang totoo. Parang kanina lang ay napakasaya ng sandali kung saan sumayaw kami ni Markus, ngayon ay nasira ko na ang kaarawan ni Marisol.
Hindi ko alam kung maiinis o maaawa ba ako sa aking sarili, patuloy kong nararamdaman ko ang kirot sa aking puso. Parati na lamang akong nabibigo ng salitang kaibigan, marahil ay hindi nga para sa akin ang magkaroon ng kaibigan. Napapikit na lang ako at huminga ng malalim upang pigilan ang pagbuhos ng aking luha, nagsimula nang kumulog. Malapit nang maglaho ang mga ulap at lumuha tulad ko na nasasaktan ngayon.
Nasasaktan ako dahil sa katotohanang... Nawalan na naman ako ng kaibigan.
NAKATULALA kong pinagmamasdan ang kalangitan na patuloy ngayon sa pagluha tulad ng aking pusong nalulunod na sa kalungkutan, ilang araw na akong nagkukulong sa aking cuarto. Malamang ay ako na ngayon ang usap-usapan sa buong bayan, malapit ko nang ikahiya ang aking sarili dahil sa mga kahihiyang napasok ko. Napahinga ng malalim, kay bigat sa pakiramdam.
Sinubukan akong dalawin ni Markus nang ilang beses ngunit hindi ko magawang tanggapin ang kanyang ibig dahil natatakot ako sa kung anong maaari nyang sabihin. Natatakot ako na magbitiw din sya ng masasakit na salita sa akin, natatakot ako na iwanan nya ako sa gitna ng madilim na kaulapan, natatakot na bitawan nya ako.
Malapit nang mag-disyembre, papalapit na ang pasko. Ang sinasabi ko noon sa aking sarili, kapag araw ng disyembre ay nararapat lang na maging masaya ako dahil malapit na ang pasko kung saan masaya ang lahat. Sa pagkakataong ito ay hindi na ata mangyayari iyon, malapit nang mamatay ang palangiti at masiyahing Carolina.
Ilang sandali pa ay narinig ko ang katok mula sa aking pinto, hindi ko nagawang lumingon sa pinto at nanatiling tulala sa kalangitan. "Ate Linang? May liham pong dumating mula kay Don Mendozo, ang inyong ama." Napatigil ako matapos marinig ang sinabi ni Puring, dali-dali akong naglakad patungo sa pintuan at binuksan iyon. Nagulat si Puring matapos makita ang aking hitsura, bumalik na naman ang aking pamumutla.
"A-ano ang nakasaad sa liham?" Kinakabahang tanong ko, bihirang-bihira akong padalhan ng liham ni ama at sa tuwing nangyayari iyon ay may mahalaga syang sasabihin. Ang huli naming pagkikita ni ama at ina ay galit sila sa akin, hindi nila ang katotohanan sa kabila ng aking pagsisinungaling at hindi ko maaaring sabihin iyon dahil maaari nila itong ikapahamak.
"Hindi ko po alam, ate. Sa wikang espansyol po nakasulat kung kaya't hindi ko maintindihan," nag-aalalang tanong ni Puring at inabot sa akin ang liham, nagpapasalamat ako dahil naririto pa rin si Puring sa kabila ng lahat. Napahinga ako ng malalim at binuksan ang liham habang naglalakad patungo sa bintana, sinimulan ko itong basahin.
Dose de noviembre,
Carolina, para cuando llegue mi carta, prepárate para tu viaje de regreso a Santa Princesa. Tienes algo importante que saber, necesitas regresar a nuestra ciudad para prepararte para tu boda.
Leíste correctamente, pronto te vas a casar así que vuelve aquí para prepararte.
Tu padre,
Don Mendozo Mendoza.
Nabitawan ko ang liham na aking hawak matapos mabasa ang liham ni ama para sa akin, tama nga ang aking kutob at may dala itong masamang balita. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pangingilid ng aking luha, naririto na ako ngayon sa sitwasyon kung saan kailanman ay hindi nagkaroon ng kalayan.
Napahawak ako sa tapat ng aking puso habang nakatingin sa kalangitan, patuloy na tumatakbo sa aking isipan ang nais ipabatid ng liham na iyon sa akin. Pakiramdam ko ay unti-unting dinudurog ngayon ang aking puso dahil sa katotohanang...
Nakatakda na akong ikasal sa iba.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Ika-tatlumpu ng Oktubre, 2021.
Sumakit ang ulo ko dahil sa translation ni google translate. Kapag trinanslate mo sya sa tagalog, ito ang lalabas...
++
Carolina, sa oras na dumating ang aking sulat, maghanda para sa iyong paglalakbay pabalik sa Santa Princesa. May importante kang dapat malaman, kailangan mong bumalik sa ating lungsod para maghanda para sa iyong kasal.
Tama ang nabasa mo, ikakasal ka na kaya bumalik ka dito para maghanda.
Iyong ama,
Don Mendoza Mendoza. (Ano raw?)
++
Parang ewan 'yong tagalog 'di ba? Nawala na 'yong unang tagalog letter ni Don Mendozo na isinulat ko kaya intindihin nyo na lang hehe, ang nais lang naman ipabatid ni Don Mendozo ay nakatakda nang ikasal si Carolina sa isang ginoo.
Maraming salamat ng hard sa pagbabasa ng Gunita, habang isinusulat ko 'to ay wala pang read, comment, and vote sa nagdaang chapter pero okie lang 'yon kasi alam ko namang darating ka. Yieee, char. Iyon nga thank you so much talaga sa iyo! Keep safe, god bless! <3
Ating abangan ang susunod na mangyayari sa mapait na kapalaran ni Carolina. Sino kaya ang (mga) bagong karakter na darating sa buhay nya? Abangan ~
Nagmamahal,
Cess. (11:59 PM)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top