GUNITA KABANATA 26
[Kabanata 26 - Ang Katanungan]
"SIGE! Kumain lang kayo riyan," nakangiting saad ni Marisol, napasulyap ako sa kanya na kinakausap ang mga bisita ngunit bumalik agad ako sa pagkain. Kay swerte ni Avelino sa sapagkat kay galing magluto ng kanyang asawa, aking nararamdaman na ang pamilyang kanilang mabubuo ay puno ng saya at ligaya.
Sana nga. "Sya nga pala aking mga bisita, ako'y may kahilingan sana sa inyo." Napatigil ako sa pagkain at muling nag-angat ng tingin kay Marisol dahil sa sinaad nya, nasa gitna sya ngayon at may ngiti sa labi. Kay ganda ngayon ni Marisol at palagi naman, umbok na rin ang kanyang tiyan ngunit hindi pa iyon ganoong kahalata dahil ilang linggo pa lang syang buntis.
Nakatingin sa kanya ngayon ang lahat, hinihintay ang sunod nyang sasabihin. Maliban sa mga taong aking nabanggit ay naririto rin ang ibang kapit bahay at kaibigan ni Marisol. "Maraming salamat sa inyong mga regalo sa akin, maraming salamat din sa panginoon dahil biniyayaan nya ako ng isang sanggol sa aking sinapupunan. Maraming salamat sa inyo," nakangiting pasasalamat ni Marisol at humawak sa kanyang tiyan, napangiti naman ang lahat lalo na si Avelino.
"Bumalik tayo sa aking kahilingan, paborito ko itong sayaw ngunit hindi ko ito maaaring sayawin dahil sa kalagayan ko kung kaya't ipauubaya ko na lang ito sa iba. Mayroon ba sa inyong marunong sumayaw ng tinikling?" Nakangiting tanong ni Marisol, tila nagliwanag ang aking mukha dahil sa kanyang tinanong.
"Ako!" Nakangiting tugon ko at nagtaas ng kamay, napatingin naman sa akin ang lahat. Lumawak ang ngiti ni Marisol. "Talaga? Maaari mo ba itong sayawin ngayon sa aming lahat?" Bigla ay unti-unting naglaho ang ngiti sa aking labi. Tila biglang umurong ang aking dila dahil sa sinabi ni Marisol, bigla ay nais ko na pala itong bawiin. Sa gitna ng mga tao?! Ayoko!
"Huwag kang mag-alala, ate Linang. May kilala naman akong tao na maaari kang samahan," nakangiting saad ni Marisol at dahan-dahang nilingon ang kanyang kuya na nakatingin sa akin ngayon, napaayos ito ng upo at nagulat dahil sa sinabi ni Marisol. Marunong ding sumayaw ng tinikling si Markus?
Agad naglakad papalapit si Marisol sa kanyang kuya at nginitian ito nang malawak, iiling pa lang sana si Markus dahil sa labis na kahihiyan ngunit hinatak na sya patayo ni Marisol at yumakap sa kanyang bisig. "Ako'y pagbigyan mo na," nakangiting saad ni Marisol at kumislap pa ang mga mata, dinala na nya ito sa gitna ng mga taong nakapalibot.
Lilingunin ko pa lang sana si Puring ngunit laking gulat ko nang ako'y tulakin nya patayo, linakihan ko sya ng mata ngunit sumenyas lang si Puring na ako'y ngumiti na lang. Magsasalita na sana ako ngunit maging ako ako ay hinatak na ni Marisol sa gitna ng mga tao, naramdaman ko ngayon ang pagkabog ng aking puso dahil sa kaba at dahil makakasayaw ko sya.
Umihip ang malamig na hangin, ilinibot muli ni Marisol ang kanyang paningin. Magsasalita na sana sya ngunit itinaas na ni Adriano ang kanyang kamay. "Ako po, Ate Marisol! Marunong akong gamitin ang kawayan sa sayaw ng tinikling, kami ni Puring," pagpepresinta ni Adriano, napatingin ako kay Puring na biglang nangamatis ang mukha dahil sa sinabi ni Adriano. Malamang ay nagawa na rin nilang sumayaw dalawa.
Tumayo si Puring at tumango bago kuhanin ang mahabang kawayan na dalawang piraso, kinuha ni Adriano ang dalawa bago ibigay ang isa kay Puring. Ako ay napangingiti sa kanilang dalawa, mas matamis pa ang kanilang titig kaysa sa asukal. May dalawang piraso ng kahoy na malapit sa kanilang dalawa kung saan ipinatong nila ang kawayan, kumuha ng silya si Avelino at pinaupo roon ang asawa na may hawak na gitara.
Mukhang sya ang tutugtog para sa aming sayaw, napahinga ako ng malalim bago mag-angat ng tingin kay Markus. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso matapos magtama ng aming paningin, tulad ng dati ay ganoon pa rin ang aking nararamdaman sa tuwing nasisilayan sya. Ilinahad na nya ang kanyang palad sa akin, napangiti ako bago tanggapin iyon. Ilang taon na rin simula noong sinayaw ko ang tinikling, nawa ay hindi ako mapahiya sa harap nilang lahat.
Nagsimula nang tumugtog ang gitara, tinanguhan ko si Markus bago lumipat sa kabilang pwesto. Maraming iba't ibang klase ng posisyon sa pagsayaw ng tinikling at tanging ang pagtapak mo sa pagitan ng kawayan ang hindi mawawala. Nagsimula na kaming sumayaw ni Markus kung saan hinawakan ko ang aking saya upang itaas iyon ng kaonti upang hindi ako matalisod o ano.
Noong una ay mahinahon lang ang
aming galaw ngunit patagal ng patagal ay bumilis din ito tulad ng paggalaw ni Marisol sa kwerdas ng gitara. Nagsimula ring pumalakpak ang mga tao ayon sa tunog ng gitara at sa aming mga galaw, si Adriano ang aking nakikita sa aking harapan at natatawa na lang ako sa tuwing nagtatama ang aming paningin.
Saktong-sakto rin ang paggamit ni Puring at Adriano na tila ba matagal na nila itong pinagsanayan, kusa akong napangingiti sa tuwing nagtatama ang aming paningin ni Markus at naghahawak ang aming kamay. Ito ay nagdudulot ng kiliti sa aking pusong sumasaya sa tuwing kasama ko sya.
Sa sayaw na tinikling, kailangan mong igalaw palagi ang iyong mga paa upang hindi ito maipit ng kawayan. Tulad ng buhay, kailangan mong maging mabilis at alerto palagi sa mga bagay at pangyayari upang ikaw ay hindi maipit sa kapahamakan. Habang ako ay tumatawid sa pagitan ng dalawang kawayan, napatigil ako nang maipit ang aking mga paa at mawalan ako ng balanse. Akala ko ay tuluyan na akong matutumba ngunit mabuti na lang at nasalo ako ni Markus.
Na tulad ng buhay, may isang taong handang tulungan ka sa kalagitnaan ng dilim na bumabalot sa iyong buhay. Dali-dali akong hinatak patayo ni Markus at nag-aalala akong pinagmasdan. "Ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Markus, dali-dali akong tumango at nginitian sya upang hindi na sya mag-alala pa. Habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, tila biglang bumagal ang takbo ng paligid at tanging sya lang ang aking nakikita.
Tila lumabo sa aking paningin ang ibang mga tao habang ang dalawang kawayan ay patuloy pa rin sa paggalaw at habang ang musika ay patuloy pa rin sa pagtugtog, tila bumagal ang takbo ng paligid at tanging si Markus lang ang malinaw sa aking paningin.
Ilang sandali pa ay tumigil na ang musika sa pagtugtog kung kaya't naputol ang aming pagtititigan, naririnig ko ngayon ang pagkabog ng aking puso. Ilinibot ko ang aking paningin, bumalik na muli sa normal ang aking kapaligiran na kung kanina ay tila bumagal. Nagpalakpakan na nag mga nanonood, mukhang hindi naman nila napansin na naipit ang aking paa sa pagitan ng dalawang kawayan. Ngumiti na lang ako at tinanguhan sila.
Napatingin ako kay Marisol na nakangiting lumapit sa amin at abot langit ang ngiting pinagmasdan kaming dalawa. "Ang binibini bang iyan ang iyong bagong katipan, Markus?" Gulat akong napatingin sa isang may edad nang lalaki at pinagmamasdan din kaming dalawa, ang ibang mga kapit bahay ay nagsimula nang umalis dahil tapos na ang sayaw.
"Ang sinasabi ng kanilang mga labi ay hindi ngunit ang kanilang kilos ay oo," nakangiting tugon ni Marisol sa nagtanong at nagbaba ng tingin sa aming kamay ni Markus na ngayon ay magkahawak pa rin pala, sabay kaming napatingin ni Markus sa aming kamay na magkahawak.
Dali-dali napabitaw ang aking kamay at hinawakan iyon, tila biglang uminit kahit pa malakas naman ang ihip ng hangin. Hapon pa lamang at nakasilip ngayon ang mga ulap. Napatingin ako sandali kina Puring at Adriano na ibinalik na muli ang hawak na kawayan, si Adriano lang ang may dala sa dalawang kawayan ngunit sinamahan na sya ni Puring bilang pag-alalay.
Napayuko na lamang ako at napapikit, napahinga ako ng malalim at pinakalma ang aking sarili. Umalis na sina Marisol at sinabayan hanggang labas ang mga bisitang umaalis na, magaling talaga syang makisama. Nag-angat ako ng tingin kay Markus, hindi ko alam kung kanina pa ba sya nakatingin sa akin ng ganyan. Napalunok na lang ako habang pilit na linalabanan ang kanyang titig na nagdudulot ng kiliti sa aking puso.
"Masakit ba?" Tanong nya, napatulala ako sa kanyang mukha. Kay gandang lalaki nya talaga, ano kaya kung totohanin na namin ang sinabi kanina ni lolo—
"A-ang alin?" Wala sa sariling tanong ko, napahinga sya ng malalim at nagbaba ng tingin sa aking mga paa. Agad naman akong nalinawan, nakalimutan ko na naipit nga pala ang aking paa sa kalagitnaan ng pagsayaw. Nakalikimutan ko na talaga ang ibang mga bagay-bagay dahil parating nababaling ang aking atensyon sa kanya, sa lahat-lahat na tungkol sa kanya.
"Hindi— oo pala, huwag mo nang intindihin iyan. Hindi naman ito naipit ng todo nina Puring at Adriano. Maraming salamat sa iyong tulong," nakangiting pasasalamat ko, umaliwalas na ang kanyang mukha at nginitian din ako bago tumango. Sa totoo lang ay labis akong nasisiyahan sa tuwing napangingiti ang isang taong walang emosyon, isa itong tagumpay para sa akin.
Inanyayahan na nya akong umupo sa isang silya, katabi sya. Bumalik na rin si Adriano at Puring at umupo sa pabilog na lamesa kung saan kami nakaupo ni Markus. Bumalik na rin si Marisol, nang dumapo ang tingin sa amin ni Markus ay bumalik ang kanyang tingin at ngiti na nang-aasar.
"Dahil sa aking nakita kanina, tila nais ko nang makilala ng lubos ang ating binibining Carolina. Hindi ba?" Nakangiting tanong ni Marisol at umupo sa isang silya sa aking tabi, natawa na lang ako at napailing dahil sa ginagawang pang-aasar ni Marisol. Kay kulit at giliw nya talaga.
"Nais kitang makilala ng lubos, ate Linang! Saan ka ba nakatira? Ano ang iyong buong pangalan?" Nakangiti muling tanong ni Marisol, bigla ay unti-unting naglaho ang ngiti sa aking labi matapos mapagtanto ang katanungan ni Marisol. Hindi nya pa alam ang bagay na iyon?
Nilingon ko si Markus na napatigil din dahil sa tanong ng kanyang kapatid, muli ay dahan-dahan kong nilingon si Marisol na inosenteng nakangiti sa akin ngayon habang nakahawak sa aking kamay. Ang hindi nya alam ay ako si Carolina Mendoza na nagmula sa pamilyang ang dahilan nang pagbagsak ng kanilang pamilya, ang mga Mendoza ang dahilan upang sila ay maghirap at danasin ang mundong puno ng pait.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top