GUNITA KABANATA 25

[Kabanata 25 - Sulyap]

"M-MARKUS, totoo ba na nagbalik ka na? Totoo ba na nangyayari ito?" Hindi makapaniwalang tanong ko, hindi ako marunong lumangoy at kami ay nasa kalaliman ng tubig ngunit dahil hawak ni Markus ay baywang ko, hindi ako tuluyang lulubog sa ilalim tulad ng kalungkutang pilit na bumabalot sa akin.

"Ano sa tingin mo?" Tanong nya at ngitian ako, ngiti na naglalaro. Nagkibit balikat ako at napakamot sa aking noo, napatigil ako nang mapagtanto na nararamdaman ko pala ang lahat. Nararamdaman ko sya, nararamdaman ko ang pangyayaring ito. Hindi ito isang panaginip!

"Kung gayon... Ano ang iyong ginagawa rito? Hindi ba't may mas magandang oportunidad na naghihintay sa 'yo sa kabilang bayan?" Sinseryong tanong ko, sabihin nyo nang nahihibang ako ngunit hindi ko talaga mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan syang hawak-hawak ako ngayon. Kapusukan man ito ngunit ano ang magagawa ng aking pusong sumasaya sa tuwing kasama sya?

"Tama ka ngunit... Ang aking puso ay patuloy akong ibinabalik sa bayang ito kung nasaan ka," sagot nya na ikinagulat ko, napatulala ako sa kanyang mga matang tila nangungusap. Ang aking mga kamay na nakahawak sa kanyang balikat ay biglang napabitaw dahil sa aking pagkabigla, mas humigpit tuloy ang kanyang kapit sa akin.

"A-anong ibig mong sabihin?" Nagugulumihanang tanong ko, bumibilis ang pagkabog ng aking puso dahil sa kanyang mga sinabi, sa kanyang titig, sa kanyang presensya, sa lahat-lahat!

"Tama nga si Marisol na natutukoy mo ang salitang pag-ibig ngunit hindi mo ito nararamdaman," tugon nito at nginitian ako, napatulala ako sa kanyang mga ngiti. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari kanina, ako'y kinakabahan at masaya sa tuwing naaalala iyon. Kung isa man itong panaginip, nawa ay hindi na ako magising pa sa mundong makasarili.

"Bakit ba kasi hindi mo na lang akong direktahin?" Tanong ko at tinaasan sya ng kilay, nagtataray. Lumawak ang ngiti nya at napaayos ng kanyang buhok, ako'y naguguluhan talaga sa kanyang mga kilos. Hindi ko alam kung masaya ba sya, malungkot, walang paki, o ano man dahil kalmado lang ang kanyang mukha. Sa aking gunita naman ay hindi sya galit dahil nakangiti sya. Malamang?

"Ako ay wala pang lakas ng loob," nakangiting saad nya at tinanguhan ako, tinanguhan ko na lang din sya kahit hindi ko talaga sya maunawaan. Binasa ko na lang sya ng tubig at mabilis na kumapit sa batong malapit lang sa amin.

Ang ginoo talagang ito ay napakapusok, maaari naman akong pakapitin sa bato ngunit pinahirapan pa ang sarili na buhatin ako. Naiintindihan ko naman dahil alam kong para-paraan din sya. Ah, basta! Ako'y nahihibang na talaga sa kanya!

Natawa naman sya at winisikan din ako ng tubig sa mukha ngunit agad akong nagtago sa malaking bato, napasigaw ako nang bigla syang sumulpot sa aking tabi. Nagtama ang aming paningin at parehong natawa, babasain ko na sana muli sya ngunit hinawakan nya ang aking palapulsuhan na ang dahilan upang hindi matuloy ang aking adhikain.

Akala ko ay magagalit sya dahil kalmado lang ang kanyang mukha ngunit nagulat ako nang hatakin nya ako papalapit sa kanya at muli akong yakapin ng mahigpit, napapikit ako at dinama ang kanyang yakap na kay sarap sa pakiramdam. Yinakap ko rin sya pabalik at napangiti, hindi ko akalaing magagawa ko muling maamoy ang kanyang halimuyak.

Umihip ang malamig na hangin, kami lang ang tao sa buong kapaligiran. Payapa ang kapaligiran at narito kami ngayon sa gitna ng katubigan, basang-basa na kami ngayon ngunit ang tanging mahalaga ay masaya kami. Nag-angat ako ng tingin sa kaulapan, nagpapasalamat ako dahil naroon muli ang mga ulap na syang naging saksi sa lahat ng aking nararamdaman.

Akala ko ay doon na nagtatapos iyon ngunit napatigil ako nang muli syang magsalita, sa pagkakataong ito ay wikang kastila ang ginamit nya. "Ojalá pudieras verlo, ojalá pudieras sentir mi corazón..." Ang kanyang bulong na unti-unting nagbigay ng kaliwanagan sa akin, ang kaliwanagan na tanging sya ang makapagbibigay sa akin.

"ATE Linang!" Nakangiting pagsalubong sa akin ni Marisol at naglakad payakap sa akin, napangiti naman ako at niyakap sya pabalik. Kay lambing nya talaga. Pagkatapos naming magyakap ay kinawayan ko rin sina Adriano na naririto ngayon sa labas ng tahanan ni Marisol.

"Maligayang kaarawan, Marisol!" Nakangiting pagbati ko sa kanya at inabot ang aking regalo, kami ay naparito ngayon sa kanilang tahanan dahil napag-alaman ko kay Markus bago kami maghiwalay na kaarawan ngayon ni Marisol. Ika-dalawampu't dalawa ng nobyembre.

Inanyayahan nya akong pumarito sa tahanan nina Marisol dahil may salu-salomg magaganap, hindi naman ako nagdalawang isip na pumayag dahil pinahahalagahan ko si Marisol at nais ko ring dumalo sa kanyang kaarawan. Narito na ngayon si Nay Lilang kasama ang kambal na sina Lito at Lita, narito rin ngayon si Puring na kasama ko papunta rito dahil hindi ko naman alam kung saan ang bahay nina Marisol.

Narito rin sina Adriano at Avelino, may isa na lamang kulang. Nasaan na kaya sya? "Napakaganda! Maraming salamat, ate Linang!" Napatingin ako kay Marisol matapos masilayan ang aking regalo sa kanya, bakas ngayon sa kanyang mukha ang labis na tuwa at pagkamangha habang pinagmamasdan ngayon ang baro't saya na kulay dilaw at binurdahan ng bulaklak na marisol.

Pinasadya ko talaga ito, may kasama rin itong sumbrelo at abaniko na binurdahan din ng bulaklak na marisol. Bagay na bagay ito sa kanya lalo na't kapangalan nya ang bulaklak na nakaburda sa baro't saya. Muli akong yinakap ni Marisol dahil sa labis na sayang nararamdaman, tinapik ko ang kanyang likod.

Habang yakap-yakap ko sya ay dumapo ang aking tingin sa kararating lang, tila biglang kumabog ang aking puso matapos magtama ang aming paningin. Napaiwas ako ng tingin at napapikit na lang, nararamdaman ko ngayon ang pag-init ng aking pisngi. Paano ko magagawang kalimutan ang nangyari sa pagitan naming dalawa kanina?

Pumasok muna si Marisol sa loob ng kanyang tahanan dahil ilalagay nya muna sa kanyang aparador ang regalo ko sa kanya, sa totoo lang ay marami na sana syang ganoong baro't saya kung hindi sila bumagsak sa hirap nang dahil sa aking pamilya. Napahinga na lang ako ng malalim at tinignan si Puring na nakatunganga lang din at sinusulyapan si Adriano na abalang kalaruin ang kambal na syang kapatid ni Puring.

Napailing na lang ako, malamang ay nagpapalakas na si Adriano sa mga kapatid ni Puring upang sa pagdating ng panahon ay hindi na sya mahihirapan pang mapalapit kay Lito at Lita. Natawa ako at napailing-iling muli, pag-ibig nga naman. "Ate Linang? Bakit?" Natauhan ako mula sa pagtatawa mag-isa nang ako'y tanungin ni Puring, nangangapa ko syang nginitian at nag-angat ng tingin sa kapaligiran. Doon ko lang napagtanto na nakatingin silang lahat sa akin dahil tumatawa ako nang mag-isa.

Malakas akong napatikhim at napakamot sa aking noo, umupo na lang ako sa tabi ni Puring at pilit silang nginitian bago itago ang aking mukha sa abanikong hawak ko. Nakakahiya! Malamang ay iniisip nilang ako'y nahihibang na. Ano kaya ang iniisip ngayon ni Markus sa akin? Malamang ay bumaba ang tyansa na ako'y maibigan nya rin dahil sa aking kabaliwan, napasapo na lang ako sa aking noo. Nakakainis ka talaga, Linang!

"Ayos lang po ba talaga kayo Ate Linang? Kanina ko pa kasi kayo napapansin na biglang ngingiti, ano po ba ang nangyari matapos nyong tumakbo papunta sa ilog kung saan naroon si kuya Markus?" Napatingin ako kay Puring dahil sa kanyang mahabang salaysay, kanina pa pala sya nagsasalita ngunit ngayon ko lang sya nabigyan ng atensyon.

"Ha? Wala! Wala talaga," natatarantang pagdedepensa ko sa aking sarili at nginitian sya upang pagtakpan ang katotohanan, hindi na talaga mawala ang kaba sa aking dibdib simula noong nangyari ang tagpo namin ni Markus sa ilog. Bakit nya ba kasi ginawa iyon? Hindi ba't magkasintahan lang ang maaaring gawin iyon?

"Oo nga," pagsang-ayon ko sa aking sarili at napatango, nakita ko nang mapailing na lang si Puring dahil kinakausap ko ang aking sarili. Napahinga na lang din ako ng malalim at sumandal sa aking kinauupuan, pilit kong ipinapakalma ang aking sarili dahil tila nagwawala talaga ngayon ang aking puso.

"Kuya Markus! Maligayang pagbabalik sa iyo!" Muntik na akong mahulog sa aking kinauupuan matapos marinig ang sinabi ni Puring, agad akong umayos ng upo.

"Ha? Saan?" Hindi mapakaling tanong ko at inilibot ang aking paningin ngunit wala naman si Markus, doon ko lang napagtanto na ako'y pinaglololoko lang ni Puring lalo na nang marinig ang kanyang tawa.

"Ate Linang, sinasabi ko na nga ba!" Natatawang saad ni Puring, nais ko sana syang gantihan ngunit wala naman silang ginagawa ni Adriano na maaari kong ipanglaban sa kanya.

Napalunok na lang ako at pasimpleng tinignan si Markus na presentableng nakaupo ngayon sa upuan at kinakausap sya ni Avelino, mukhang masaya sya at malalim ang iniisip. Nang napasulyap sya sa akin at dali-daling umiwas ang aking mga mata sa kanya dahil sa labis na kaba. Ang aking puso ay nagwawala talaga sa tuwing naririto sya...

Papalapit sa aking puso.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top