GUNITA KABANATA 23

[Kabanata 23 - Paglisan]

"A-ANO?" Nagugulat na tanong ko kay Markus matapos nyang sabihin na nagyakap kami, sobrang bilis na ng pagtibok ng aking puso ngayon dahil sa kanya. Ngumiti lang sya at binasa ang kanyang labi bago mapatanaw sa mga ulap at mapatingin muli sa akin, napatingin ako sa kanyang ngiti.

"Ako'y nagbibiro lamang, ang ibig kong sabihin ay hindi na nya ibabahagi pa sa iba ang inakala nyang pagyayakap natin. Naiintindihan mo ba?" Tanong nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, napatulala ako sa kanyang mga mata na kay gandang pagmasdan. Tila kinakapos ako ng hininga ngayon, tila kinukuha nya sa akin ang aking enerhiya na ang dahilan upang manghina ako at mapatulala na lang sa kanyang makamandag na tingin.

"Linang," pagtawag nya sa akin at tinapik ang likod ng aking kamay na ang dahilan upang matauhan ako, ang kanyang pagtapik na nagdulot ng kuryente sa aking buong katawan. Bakit ba kasi sya nanghahawak? Hindi nya ba alam na ako'y nawawala na sa aking katinuan dahil sa ginagawa nya?!

"A-ano ulit iyon?" Lakas loob na tanong ko, pilit na nilalabanan ang ikinukubli ng aking damdamin. Napahawak ang kanyang hintuturo sa kanyang ibabang labi habang nakatingin ng diretso sa akin na tila inuusisa ako, napalunok na lamang ako. Inaakit nya ba ako?

"Ano't tila ikaw ay kinakabahan na naman?" Tanong nya habang ang tingin ay nang-uusisa pa rin, napatikhim na lamang ako at dinampot ang aking abaniko dahil tila pinagpapawisan na ako ngayon. Ang abanikong gamit ko ngayon ay ang abanikong ibinigay nya, alam kong nakakahiya ngunit pinagpapawisan na talaga ako kung kaya't ipinaypay ko na iyon sa aking sarili.

alas kuwatro na ngayon ng hapon, napatingin sya sa akin at sa abanikong hawak ko. Dahan-dahang bumagal ang aking pagpapaypay sa aking sarili dahil sa tingin nyang ganyan. "B-bakit?" Kinakabahang tanong ko, magkatapat kami ngayon at amoy na amoy ko ang kanyang halimuyak.

"Wala," tugon nya at ilinibot ang kanyang tingin, napalibot din tuloy ang aking tingin dahil sa ginawa nya. Wala na si Puring at Adriano sa pwesto kung nasaan sila kanina, nasaan na kaya ang dalawang iyon?

"Nasaan na kaya sina Puring? Ako'y kinakabahan sa namumuong pagtingin nila sa isa't isa," wala sa sariling saad ko na tila ang kanilang Ina, sinulyapan ko si Markus na nakatingin lang sa akin. Laking gulat ko nang marahan nyang kuhanin sa aking kamay ang hawak kong abaniko at ipaypay iyon sa akin, tila biglang nagwala ang aking buong sistema sa katawan habang gulat na nakatingin sa kanya ngayon.

"Naroon sila," tugon ni Markus sa aking sinaad at tumingin sa isang direksyon, hindi ko alam kung titingin din ako sa direksyon na kanyang tinitignan dahil tila napako ang aking mga mata sa kanya. Patuloy nya akong pinapaypayan na tila ba nais nya akong pagsilbihan, tila natutunaw din ngayon ang aking puso habang pinagmamasdan sya.

"G-ganoon ba..." Nawawala sa sariling saad ko, napatingin na muli sya sa akin. Kalmado lang ang kanyang mukha na tila ba hindi sya nakakaramdam ng kaba sa aming sitwasyon ngayon. Mabuti pa sya, ako nga ay malapit nang mahimatay dahil sa presensya nya.

"Maging ako ay nababahala rin sa dalawang iyon, nararapat siguro na bigyan natin sila ng batas upang malaman nila ang kanilang hangganan habang sila ay mga bata pa. Ano sa tingin mo? Linang?" Tanong ni Markus, sinubukan kong mag-isip ng sagot ngunit tanging sya lang ang lumalabas sa aking isip. Tumango na lamang ako kahit hindi sigurado, sariling mungkahi naman nya iyon kung kaya't sa tingin ko ay nararapat lang na gawin.

Namalayan ko na lang na sabay kaming tumayo at sabay ding naglakad patungo sa pwesto kung nasaan sina Puring at Adriano, nagulat sila nang makita kaming magkasama. Bakit sila pa ang nagulat diyan? Aber! Sila nga itong mga bata pa at kung magsama, akala mo mag-asawa!

"Ang ibig sabihin po ba nito ay may namamagita—" hindi na natapos ni Adriano ang kanyang sinasabi sa aming dalawa ni Markus dahil siniko na sya ni Puring nang napakalakas kung kaya't napahawak pa si Adriano sa kanyang tagiliran.

"H-huwag nyo na pong pansinin ang nilalang na ito, kuya at ate. Nawawala lang talaga sya sa kanyang sarili," pagtatakip ni Puring sa kanya, pinigilan kong matawa dahil mukhang nasaktan talaga si Adriano sa ginawang pagsiko ni Puring sa kanya habang si Puring naman ay walang kaalam-alam. Si Markus naman ay kalmado muli ang mukha, mabuti naman at hindi na sya magulo riyan.

"Aking nais malaman lamang ang katotohanan sa pagitan nyong dalawa," diretsong saad ni Markus na ikinagitla ng dalawa, maging ako ay nagitla dahil sa boses ng pananalita ni Markus. Kay tapang talaga ng kanyang tindig, hindi na ako magtataka pa kung ako'y tuluyang mahulog sa aking Mar—

"Linang." Natauhan ako matapos marinig ang pagtawag sa akin ni Markus, nakatingin na silang tatlo ngayon sa akin. Napalunok ako at sinubukang ngumiti. "A-ano nga ulit iyon?" Nawawala sa sariling tanong ko at napakamot sa aking noo, napailing na lang si Markus at magsasalita na sana ngunit sabay-sabay kaming napatingin sa tinderang nagsalita sa aming harapan.

"Mga binibini at ginoo, kayo'y tumigil na sa pag-uusap dito mismo sa harap ng aking tindahan at bumili na lang. Lalong-lalo na sa iyo, ginoo!" Nakangiting saad ng tindera na sa tingin ko ay kaedad lang namin ni Markus, maging ang kasama nyang dalawang binibini ay mabilis na napapaypay sa tapat ng kanilang dibdib habang nakatitig kay Markus. Hindi ko alam ngunit hindi ko mapigilan ang pagtaas ng aking kilay, kay dami talagang mga haliparot sa mundong ito.

Nang-uusisa kong tinignan si Markus nang lumibot ang kanyang tingin sa mga paninda ng mga haliparot na ito, nagtaka ako dahil puro pambabae naman ang mga tinda nito. "Ginoo, ikaw ba ay may pag-aalayan na ng iyong puso na syang pagbibigyan mo niyan?" Tanong ng isang tindera, napasiring na lamang ako matapos mahimigan sa boses nito ang lungkot. Bakit sila nalulungkot? Anong karapatan nilang angkinin ang mga bagay na hindi naman sa kanila?

Hindi sumagot si Markus at sa halip ay tumingin lang sa akin, tumabingi ang aking ulo dahil nakatingin lang sya sa akin. "Naku! Ginoo, ika'y bumili na rito dahil tiyak na magugustuhan ito ng binibining iyan." Malapit nang umusok ang aking ilong dahil sa kanilang malalambing na boses, hindi ko na mapigilan pa at nagsalita na ako.

"Ako... At ang aking asawa ay nais bilhin ito," mataray na saad ko at humakbang papalapit sa kanila, ang aking mga mata ay nasa tatlong haliparot na ito. Nagulat ang lahat dahil sa sinabi ko ngunit nagitla ang tatlong binibining ito, maging ako ay kinakabahan sa pinagsasasabi ko ngunit ito lang ang tanging paraan upang agad nilang lubayan si Markus na mukhang ayaw naman sa kanila.

Nagbaba ako ng tingin sa isang abanikong nagustuhan ko naman talaga, kulay itim ito tulad ng aking nararamdaman ngayon. Hindi naman nagkamayaw ang tatlo sa pagbabalot ng isang simpleng abaniko. Napahinga ako ng malalim at nilingon si Markus na ngayon ay gulat pa rin ang hitsura, malamang ay dahil sa sinabi ko. Napalunok na lamang ako at sinulyapan din sina Adriano at Puring na tila naistatwa dahil sa sinabi ko, napapikit na lamang ako at napaiwas ng tingin sa kanilang lahat.

Tila bigla akong nagsisi sa padalos-dalos kong salita, malamang ay dadaan ako sa isang malaking pagsubok mamaya. Tinanggap ko na ang abanikong inabot nila at inabutan sila ng salapi bago dahan-dahang lingunin ang tatlong ito na tila naging isang yelo na nanigas sa kanilang kinatatayuan, kailangan ko na itong tunawin.

Kung kaya naman tinignan ko nang diretso si Markus sa kanyang mga mata upang malaman nyang hindi iyon totoo at tanging palusot lamang, ako ang napatigil nang mapangiti sya ng kaonti. "Asawa?" Pigil ang ngiting tanong nya. "Sige," dagdag nya at tuluyan nang napangiti, muntik nang malaglag ang aking panga dahil sa sinabi nya.

Ang ibig sabihin ba no'n ay pumapayag syang maging asawa ko?! Ngunit bakit ganoon? Tila ako pa ang nag-aya sa kanyang pakasalan ako, kay duya naman ata? Bahala na nga!

Ako'y nasa kalagitnaan nang pakikipagtalo sa sarili nang hawakan ni Markus ang aking palapulsuhan. "Tayo'y lumisan na... Aking asawa," nakangiting saad nya at kinindatan ako bago ako hinatak paalis sa lugar na iyon, habang pinagmamasdan ko syang hawak ang aking pulso ay tila biglang bumagal ang takbo ng paligid at tanging sya lang ang aking nakikita.

Ang aking puso ay tila nag-uumapaw ngayon dahil sa sobrang saya, dahil sa kanya...

NAKATULALA ako ngayon sa mga ulap na namumutawi ngayon sa kalangitan, alas singko na at malapit nang sumapit ang gabi. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari kanina, tila may nagwawala ngayon sa aking sikmura at hindi ko mapigilan ang aking pagngiti. Ako'y nahihibang na talaga...

Sa kanya.

"Ate Linang!" Dumapo ang aking tingin sa tumawag sa akin, si Marisol. Nakangiti syang lumapit sa akin at yinakap ako, napangiti lalo ako dahil sa init ng kanyang yakap at ramdam na ramdam ko ang katotohanan doon. Maingat ko syang yinakap pabalik dahil sya'y nagdadalang tao. Sa totoo lang ay kay dami nang tumatawag sa akin ng ate, pakiramdam ko tuloy ay ang tanda-tanda ko na kahit pa wala pa akong anak at maging asawa.

"Marisol! Kasing ganda mo pa rin ang bulaklak na marisol," nakangiting pagbati ko sa kanya, napahawak naman si Marisol sa tapat ng kanyang puso at napangiti.

"Maraming salamat, binibining Linang! Mas maganda ka pang bumati kaysa sa aking asawa," nakangiting saad ni Marisol at biglang napasimangot, natawa naman ako dahil tila pinag-iinitan nya ngayon ang kanyang asawa na si Avelino. Malamang ay magiging kamukha ni Avelino ang kanilang anak, sana nga ay lalaki ang una nilang maging anak.

"Sya nga pala, ikaw ay nakapagpaalam na ba sa aking kuya?" Nakangiting tanong ni Marisol at marahang hinimas ang kanyang tiyan, nagtaka naman ako.

"Ha? Bakit naman magpapaalam sa kanya?" Tanong ko at biglang nakaramdam ng kaba, napakamot naman si Marisol sa kanyang ulo. "Hindi nya siguro sinabi sa iyo, malamang ay upang hindi ka na malungkot pa ngayong gabi na puno ng saya. Ako nga ang unang nakaalam sa kanyang pag-alis kung kaya't ako rin ang unang nalungkot na bumabalot sa akin hanggang ngayon," nakangiting saad ni Marisol, ngiti na puno ng lungkot dahil lumisan na ang kanyang kapatid.

"A-ano? Sandali, bakit sya aalis? Saan naman sya patutungo?" Kinakabahang tanong ko at napahawak sa aking kamay na ngayon ay malapit nang manginig, napabuntong hininga naman si Marisol.

"Sya ay nagtungo na sa kabilang bayan upang doon mamalagi at magtrabaho, may mas maganda kasi syang nakuhang trabaho roon. Mas malaki ang salapi kumpara rito," nalulungkot na sagot ni Marisol, napahawak ako sa tapat ng aking puso dahil biglang kumirot iyon.

"N-nariyan pa ba sya ngayon?" Tanong ko at nagsimulang humakbang papunta sa tahanan ni Markus, nakailang hakbang pa lang ako ngunit nagsalita na muli si Marisol na syang nagpatigil sa akin.

"Tuluyan na syang lumisan, hindi mo na sya maaabutan pa." Tila gumuho ang aking mundo dahil sa kanyang sinabi, napahawak na lamang ako sa tapat ng aking puso at pinigilan ang pamumuo ng aking luha. Nagsimula muling yakapin ng dilim ang mga ulap sa langit, nagsimula muling yakapin ng dilim ang aking mundong mapait.

Ang aking tanging nagawa na lang ay tanawin ang tahanan ni Markus na ngayon ay wala nang nakatira. Bumibigat ang aking damdamin dahil sa katotohanang hindi man lang ako nakapagpaalam sa taong itinitibok ng aking puso. At sya ay walang iba kung hindi si Markus, si Markus na hindi ko na masisilayan pa hanggang sa tuluyan na rin akong lumisan sa mundong ito.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top