GUNITA KABANATA 19
[Kabanata 19 - Pagbati]
NAPATINGIN ako sa mga ulap na namumutawi ngayon sa langit at buwan, gabi na at narito ako ngayon sa gitna ng tulay. Tuluyan nang lumisan ang mga tao, umuwi na si Marisol at si Avelino kasama ang magandang balita na nagdadalang tao nga si Marisol. Si Nay Lilang ay natutulog na ngayon kasama ang kambal. Umuwi na rin si Adriano at Purificasion, ang sabi ni Puring ay sasamahan na nya ako ngunit sinabi ko na nais kong mapag-isa.
Kung kaya't mag-isa ako ngayon sa gitna ng tulay, payapa na ang gabi habang umiihip ang malamig na hangin. Suot ko ngayon ang aking balabal na nakapatong sa aking balikat, kulay luntian din ito. Karamihan sa aking mga damit at gamit ay kulay luntian dahil ito ang paborito kong kulay, napahinga ako ng malalim at wala sa sariling napangiti.
Hindi ko lubos akalaing dalawampu't pito na ako ngayon, malapit nang matapos ang aking kaarawan. Ako'y nagpapasalamat para sa araw na ito, ang araw kung saan nagawa kong ngumiti sa araw ng aking kaarawan. Ang aking mga nagdaang kaarawan na kay rangya ngunit mag-isa lang naman ako, ang karangyaan na wala namang kasiyahan.
Nakapatong ang aking dalawang siko sa mahabang kahoy na syang hawakan ng tulay na ito, tinatanaw ko ngayon ang mga ulap sa langit at buwan. Napatigil ako nang maramdaman ang paggalaw nang tulay na ang ibig sabihin ay may naglalakad ngayon sa tulay, bigla akong kinilabutan at dali-daling nilingon ang taong iyon dahil sa takot na baka masamang tao iyon lalo na't ako'y nasa kalagitnaan ngayon ng gabi.
Unti-unting naglaho ang takot sa aking mukha matapos makilala ang lalaking nasa harap ko ngayon, salamat sa buwan na nagbibigay liwanag sa pagitan namin. Ipinatong nya rin ang ang kanyang dalawang siko sa hawakan ng tulay at tinanaw ang mga ulap sa langit at buwan.
"Malalim na ang gabi, ano ang ginagawa mo sa gitna ng tulay?" Tanong nya at sumulyap sa akin, hindi maganda para sa isang binibini na lumabas sa kalagitnaan ng gabi ngunit para sa akin ay oo. Napatingin din ako sa kanya at nginitian sya. Ako'y nakararamdam pa rin ng tampo dahil tila nakalimutan nyang batiin ako, hindi tuloy mabuo-buo ang aking kaarawan dahil sa simple nyang pagbati na aking hinihiling. Hindi bale na, ang mahalaga ay narito sya ngayon.
"Ikaw? Bakit ka rin nandito?" Imbis na sagot ay tanong pabalik ang ibinigay ko sa kanya at nginitian sya, hinarap ko na sya at tanging ang isa kong siko na lamang ang nakapatong sa hawakan.
"Ikaw ay aking natatanaw mula sa aking tahanan, hindi ako makatulog dahil sa iyo kung kaya't pinuntahan na kita. Ngayon ay sagutin mo na ang aking katanungan," ngiti nya, lumawak ang aking ngiti habang nakatingin ng diretso sa mga mata. Ngiti na puno ng kasimangutan. Ano ang nais nyang sabihin? Kasalanan ko pa na hindi sya makatulog?
"Ipikit mo kaya ang iyong mga mata nang sa gayon ay hindi mo na ako matanaw," nakangiting sagot ko at sinimangutan sya, natawa naman sya dahil sa pabalang na saad ko.
"Isa ka ngang napakatalinong binibini," natatawang saad nya at napasulyap sa mga ulap, natawa ako dahil iyan ang nasabi ko sa aking sarili kanina habang kasama sya.
"Isang matalinong binibini na humahanga sa aking kagandahang lalaki," nakangising dagdag nya na ikinagulat ko, biglang nag-init ang aking pisngi matapos maalala na ipinagtapat ko sa kanya at sa lahat ng tao iyon kanina!
Biglang bumilis ang pagkabog ng aking puso habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, ang pagtibok ng aking puso ay ang syang nananaig ngayon sa aking pandinig. Ano kaya ang iniisip nya ngayon? Iniisip nya kaya na ako'y isang binibining hibang sa kanya?!
"Huwag kang mag-alala, sa atin lang ang katotohanang iyan," dagdag nya, nagtama ang aming paningin at parehong natawa. Tila biglang humupa ang aking kaba dahil sa kanyang pagbibiro, napalitan na ng ngiti ang aking labi na kung kanina ay nanginginig sa kaba.
"Maraming salamat sa iyong payo, ako'y lilisan na rin. Magandang gabi sa iyo, Linang." Tila unti-unting naglaho ang ngiti sa aking labi matapos marinig ang kanyang pamamaalam, ayoko talaga sa salitang paalam. Napahinga ako nang malalim at tumango na lamang, sinubukan kong ngumiti ngunit sa pagkakataong ito ay napipilitang ngiti ang aking naibigay sa kanya.
Nagsimula na syang humakbang papalayo sa akin, sa bawat hakbang na kanyang ginagawa ay nagdudulot ng pagbigat ng aking damdamin. Masyado talaga akong madamdamin na maging ito ay nagdudulot ng lungkot sa aking puso, nakailang hakbang na sya nang may matumbang abaniko sa kanyang bulsa. Napatigil ako nang makilala ang abanikong iyon, ang abanikong pinag-agawan namin sa pamilihan noon.
Naglakad ako papalapit sa kanya at sinilip ang kanyang mukha, hindi ko maunawaan ang reaksyon ng kanyang mukha. Kung nagulat ba sya o kalmado o walang pakielam, ang gulo-gulo talaga ng kanyang emosyon. Ako na ang kumuha no'n at binuksan, napatingin sya sa aking mga mata kung saan namumutawi ngayon ang pagkamangha dahil kay ganda talaga ng abanikong ito.
Kulay luntian at may mga disenyong diyamante at tunay na diyamante, kulay luntian din ang kulay ng mga ito at kay gandang pagmasdan. Nag-angat ako ng tingin kay Markus na ngayon ay napaiwas ng tingin. "Ito ang pinag-agawan natin sa pamilihan hindi ba?" Tanong ko sa kanya at ipinaypay iyon sa aking sarili, kaamoy nya ito.
"Kanino ba kasi ibibigay ang abanikong ito? May napupusuan ka ba kung kaya't ibinili mo ang bagay na ito?" Pang-uusisa ko sa kanya habang patuloy na nagpapaypay, ang bango naman ng abanikong ito. Napatigil ako sa pagpapaypay nang mapatingin sya ng diretso sa mga mata ko.
"S-sa iyo na iyan," saad nya na ikinagulat ko, napatingin ako abaniko bago muling mapatingin sa kanya. "Talaga?! Bakit?!" Nagugulat na tanong ko, sana ay huwag na nyang bawiin pa dahil aangkinin ko na talaga ito.
"Dahil gusto mo sya," simpleng sagot nya, dahan-dahan akong napangiti at napatango. Ito ay aking tatanggapin bilang isang regalo mula sa kanya, ikinumpas ko ang abaniko sa harap naming dalawa at nginitian sya.
"Maraming salamat! Marunong ka rin naman palang makiramdam," bulong ko at pinaypayan ang aking sarili, umihip ang malamig na hangin na yumakap sa aming dalawa. Ito na marahil ang pinakahihiya ngunit pinakamasayang kaarawan ko dahil sa kanyang regalo at dahil kasama ko sya, ang kasiyahan na aking hinihiling na yumakap din sa kanya.
Ang buong akala ko ay doon na magtatapos ang sandali sa pagitan naming dalawa ngunit napatigil ako nang humarap sya sa akin at tumingin ng diretso sa mga mata ko. "Maligayang kaarawan, Carolina." Namutawi ang pagkagulat sa aking mga mata matapos marinig ang kanyang pagbati na kay tagal ko nang hinihintay, puno ng emosyon akong napangiti sa kanya.
"M-maraming salamat," taos pusong pasasalamat ko sa kanya, hindi ko alam kung paano ngunit namalayan ko na lang ang aking sarili na hinagkan sya. Naramdaman ko ang kanyang gulat dahil isa itong kapangahasan ngunit sa huli ay naramdaman ko ang pagtapik nya sa akin likod, napangiti ako dahil doon. Napapikit ang aking mga mata at dinama ang kanyang yakap sa kauna-unahang pagkakataon na kay sarap sa pakiramdam.
Saksi ang mga ulap sa pangyayaring ito, at ang sandaling ito ay hindi ko kailanman pagsasawaang gunitain...
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top