GUNITA KABANATA 18

[Kabanata 18 - Kaarawan]

SUNOD-SUNOD na pagbati ang aking natatanggap upang makakain sa mga handang nakahain ngayon sa pahabang lamesa, hindi ko kilala ang iba ngunit ngumingiti na lamang ako at nagpapasalamat sa kanilang pagbati. Hindi pa rin ako makapaniwalang may mga taong maghahanda para sa aking kaarawan, bago pa lamang ako sa probinsyang ito ngunit ramdam na ramdam ko ang kanilang sinseridad.

Ilang oras na ang nakalipas simula noong nangyari ang nakahihiyang pangyayari sa pagitan namin ni Markus, ako naman kasi ay padalos-dalos sa mga salitang binitawan. Masyado ring marumi ang aking isipan katulad ng kulay ng aking abaniko at suot na saya, kaya pala ako nagsuot ng puting baro at luntiang saya ay dahil kaarawan ko ngayon. Kaninang umaga ko lamang iyon naalala at maging ngayon.

Ako'y nagpasalamat na kay Puring, Nay Lilang, at Marisol na syang nagluto sa mga handang ito. Nalaman pala nila na kaarawan ko ngayon dahil kay Puring na kay daming nasasabi, ang aking puso ay nag-uumapaw dahil sa kanilang pagsisikap ngunit ang katotohanang si Markus pala ang nakaisip nito ay nagdudulot ng paglukso ng aking puso.

Napatingin ako sa mga ulap na naghahari ngayon sa kalangitan, maging ang pangyayaring ito ay Nasaksihan nila. Napatingin ako sa lahat ng tao na masayang kumakain ngayon, napatingin ako kay Nay Lilang na abalang pakainin ang kambal, napatingin ako kay Marisol na abalang pagsilbihan ang kanyang asawa, napatingin ako kay Puring at Adriano na pinipigilan ang kanilang pagngiti, at napatingin ako kay Markus na nakasandal ngayon sa kanyang kinauupuan habang tinatanaw ang mga ulap.

Mula nang ibuking ni Marisol na si Markus ang nakaisip nito ay nanahimik syang bigla sa isang tabi dahil sa labis na hiya, malapit lang sya sa aking kinauupuan ngayon ngunit hindi nya ako tinitignan. Tahimik lang syang kumakain habang ang mga mata ay nasa mga ulap, hindi ko namalayang hindi ko na pala nagalaw ang aking pagkain dahil pinagmamasdan ko lang si Markus na hindi man lang nag-abalang tapunan ako ng tingin.

Natauhan ako nang sikuhin ako ni Puring, wala sa sariling napalingon ako sa kanya. "Ate Linang, baka naman matunaw si kuya Markus dahil sa iyong walang hanggang pagtitig sa kanya. Sa oras na sya'y matunaw ay wala ka nang kuya Markus na iibigan pa," nakangiting panghuhuli ni Puring na ikinagulat ko, agad akong umiling upang depensahan ang aking sarili.

"A-ano? Ako? Tinititigan sya? Hindi ano at anong iniibig? Huwag ka ngang magparatang riyan," pagtatanggol ko sa aking sarili at napaiwas ng tingin, pasimple akong sumulyap kay Markus na nahuli kong nakatingin sa akin. Umiwas na sya ng tingin at nagpatuloy sa pagkain, ngayon ay napagtanto ko na titignan nya lamang ako sa oras na hindi na ako nakatingin sa kanya.

"Eh ano pong tawag nyo riyan?" Tanong ni Puring na ikinatigil ko, napapikit ako at inalis ang aking tingin kay Markus. Bakit ba ganoon? Hindi ko magawang maalis ang aking tingin sa kanya, tila ang nais lang gawin ngayon ng aking mga mata ay pagmasdan sya.

"B-basta, huwag mo nang pansinin ang aking mga mata. Ikaw nga rin ay malapit nang matunaw dahil sa walang hanggang titig sa 'yo ni Adriano," bwelta ko, si Puring naman ngayon ang nagulat at napatingin kay Adriano na muntik nang mabilaukan mula sa pag-iinom ng tubig matapos mapatingin sa kanya si Puring.

"Ate! Huwag kang maingay, baka may makarinig sa 'yo!" Kinakabahang bulong sa akin ni Puring matapos makitang nakatingin ngayon si Nay Lilang sa kanya at kay Adriano, mukhang nararamdaman na ngayon ng kanyang sariling ina na may ikinukubli ang kanyang damdamin. Nginitian ko sya at tumango-tango.

"Sige. Basta ba ay huwag mo na rin akong asarin sa kanya," nakangiting saad ko, agad namang sumang-ayon si Puring sa aming usapan dahil sa takot na malaman ni Nay Lilang na may napupusuan na sya. Mga kabataan talaga, kay agang kumakarengkeng. Ako nga ay walang naging kasintahan sa loob ng dalawampu't pitong taon, ako'y yamot na yamot na sa buhay ko.

Hindi rin naman papayag si Ama at Ina ukol roon dahil sila na naman ang masusunod, ano pa nga ba ang magagawa ko? Muli akong napasulyap kay Markus na pumasok sa loob ng kanyang tahanan. Kung sya man, malamang ay hindi rin papayag si Ama at Ina lalo na't isang Esguerra si Markus, ang kalaban ng aking pamilya. Mapait akong napangiti, marahil ay hanggang paghanga na lamang ang nararamdaman kong ito.

Napatingin ako sa kalangitan nang mapansin na nagsisimula nang sumapit ang dilim, nagsimula na ring umalis ang mga bisita. Sa huli ay kami-kami na lang ang natira rito, pumasok na rin ang kambal dahil nararapat lang na matulog sila ng maaga dahil kung hindi, makakatikim sila ng palo mula kay Nay Lilang. Napatingin ako kay Marisol na nagsisimula nang ligpitin ang mga pagkain, sa totoo lang ay kay sarap ng mga luto nila. Hindi ko lang mapagtuonan ng pansin dahil kay Markus, hindi na ba sya lalabas ng bahay?

"Binibining Carolina, maligayang kaarawan muli sa 'yo." Napatingin ako kay Marisol nang sya'y magsalita, napangiti ako at tinanguhan sya.

"Maraming salamat muli sa iyo, Marisol. Napakasarap ng mga ilinuto nyo ni Nay Lilang para sa akin. Kahit hindi tayo ganoong magkalapit ay nagawa nya pa ring gawin ang mga ito kung kaya't maraming salamat muli," sinseryong pasasalamat ko sa kanya, napangiti naman si Marisol at napatango-tango.

"Walang anuman! Noong nakaraang araw pa lamang kita nakilala ngunit maaari bang tayo'y maging malapit na sa isa't isa?" Abot tenga ang ngiting tanong nya, natawa naman ako at agad tumango.

"Oo naman! Ngayong malapit ka na sa akin, nararapat lamang na tawagin mo akong Ate Linang," nakangiting saad ko, tila biglang nagliwanag ang kanyang mukha dahil sa sinabi ko. Nagulat ako nang ako'y yakapin nya ngunit sa huli ay niyakap ko sya pabalik, magaan ang loob ko sa kanya at nararamdaman kong agad syang mapapalapit sa aking puso.

"Sige, ate Linang! Marisol lang talaga ang pangalan ko kung kaya't iyon na lang ang itawag mo sa—" hindi na nya natapos ang kanyang sasabihin dahil bigla syang napahawak sa kanyang bibig na at tila naduduwal, nagulat ako dahil doon at dali-daling inilibot ang aking tingin. Nagtama ang aming paningin ni Markus na kalalabas lang ng kanyang tahanan, bagong ligo pala sya.

"Markus! Anong nangyayari?" Natatarantang tanong ko at itinuro si Marisol na napahawak sa aking balikat, tumakbo papalapit si Markus sa amin at sinuri ang kanyang kapatid. Sunod na lumapit si Nay Lilang at ang asawa nya na Avelino pala ang ngalan, hinabol ko nang tingin si Marisol nang tumakbo sya papunta sa loob ng bahay ni Markus at doon sumuka.

Sumunod si Avelino at Nay Lilang sa kanya habang nagkatinginan naman kami ni Markus, pareho kaya kami nang iniisip ngayon? Napatingin ako kay Puring at Adriano na nakangiti sa isa't isa ngunit naglaho iyon nang mapatingin sila sa amin ni Markus na may naghihinalang tingin, agad silang napalayo sa isa't isa at nagkunwaring naglilinis. Napailing na lamang ako, kailangan nila nang kaonting distansya dahil baka may mangyaring masama.

"Tama ka riyan, Carolina. Napakatalino mo tala—" napatigil ako sa pagsasalita matapos mapagtanto na sinabi ko na pala ang laman ng isip ko, mabuti na lamang at hindi tungkol kay Markus iyon na kalmadong nakatingin sa akin ngayon. Nahihiya ko syang nginitian, pasalamat nga sya at nginingitian ko pa rin sya kahit hindi nya pa ako binabati.

"Ano kaya ang nangyari kay Marisol?" Tanong ko at napatingin sa kanyang tahanan kung saan pumasok si Marisol, lumabas doon si Nay Lilang na nakangiting lumapit sa amin.

"Sa aking palagay ay nagdadalang tao sya," nakangiting sabi ni Nay Lilang na ikinamangha ko, kay galing! Hindi ako makapaniwalang magkakaroon ng bagong Esguerra sa kanilang angkan. Ako nga ay hindi ko maisip ang aking sarili na magkaroon ng anak, nakakapangilabot!

Nag-angat ako ng tingin kay Markus na nakatingin pa rin sa akin ngayon, tinaasan ko lang sya ng kilay at siniringan. May karapatan akong gawin iyon dahil kaarawan ko ngayon, narinig ko nang matawa sya. Bakit ba sya nakatingin? Siguro ay iniisip nyang magdilig ng halaman ngayon.

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top