GUNITA KABANATA 17

[Kabanata 17 - Kahihiyan]

NARITO ako ngayon sa labas ng aking tahanan, hulaan nyo kung ano ang aking ginagawa? Ito ay walang iba kung hindi ang nagdidilig ng halaman. Oo, nagdidilig ako ng halaman ngayon dahil ako'y nawawala na sa aking katinuan. Kung anu-ano ang pumapasok sa aking isipan at sa huli ay nagdilig na lamang ako ng halamang hindi ko naman pagmamay-ari.

Paiba-iba rin ang reaksyon ng aking mukha habang nagdidilig ng halaman dahil paiba-iba rin ang pumapasok sa aking isipan. Napapasimangot ako sa tuwing naaalala na ako'y naninibugho sa paningin nilang lahat ngunit napapangiti naman dahil sa hindi malamang dahilan. Sa aking palagay ay nahihibang na nga ako ngunit wala na akong pakielam dahil ang tanging alam ko lang ay masaya ako ngayon, lalong-lalo na sa tuwing naaalala ang ngiti ni Markus.

Napahawak ako sa tapat ng aking bibig at pinigilan ang aking pagngiti, ako'y napapangiti sa tuwing naiisip ang kunwaring pagiging maginoo ni Markus sa akin. Alam kong kahibangan ang kasiyahang ito dahil hindi naman ito totoo at tanging imahinasyon ko lamang ngunit hindi ko talaga mapigilan, bahala na kung ako'y umasa sa wala.

"Binibini, paumanhin ngunit ang aking halaman. Nalulunod na sya." Natauhan ako at gulat na napatingin sa isang ale na nataas ngayon ang kilay, agad kong itinigil ang pagbuhos ng tubig sa halaman dahil lunod na lunod na pala ito. Hindi ko ito namalayan dahil sa sobrang kalutangan. Nahihiya akong ngumiti sa aleng mukhang naiinis ngayon sa akin bago dali-daling maglakad pauwi sa aking tahanan. Nakakahiya!

Kasalanan ito ng aking mga palusot na hindi ko naman masabi at tanging sa isip ko lamang naipapahayag kung kaya't napadilig na rin ako ng halaman, ang buong akala ko kasi ay walang nagmamay-ari roon. Nang makarating sa tapat ng aking tahanan, bubuksan ko na sana ang pinto ngunit dumapo ang aking tingin sa taong pumigil sa akin.

Muntik na akong mawalan ng balanse matapos makita si Markus na syang laman ng aking isip, mabuti na lamang at hindi ako natumba sa tulong ni Markus na ilinagay ang kanyang kamay sa tapat ng aking likod kung sakaling ako ay matumba. Muli ay naramdaman ko ang mabilis na pagkabog ng aking puso dahil sa ginawa nya, dahan-dahan na nyang inalis ang kanyang kamay sa aking likod nang mapagtanto na tila magkayap kami ngayon.

Napaiwas ako ng tingin at nagkunwaring abala sa pagtingin ng kung anu-anong bagay, nararamdaman ko ngayon ang pag-init ng aking pisngi. Wala nga syang sinasabi ngunit ang kanyang mga kilos ay sapat na upang magbigay ito ng kiliti sa aking puso. "Linang, saan ka ba nagtungo?" Rinig kong tanong nya, dahan-dahan akong napatingin ng diretso sa kanyang mga mata.

"Bakit? Hinahanap mo ba ako?" Hirit ko, nagbabakasali. Napangiti naman sandali si Markus dahil sa sinabi ko. Napatingin ako sa kanyang kabuoan, presentableng-presentable sya ngayon at maaliwas ang kanyang mukha tulad ng kalangitan na nababalot ng kaulapan.

"Hindi," nakangiting banat nya na ikinagulat ko, napahawak ako sa tapat ng aking puso at tinignan sya ng masama. Masyado syang matapat, at ang mga taong matapat ay nararapat na ipatapon sa dagat!

"Ah, ganoon ba? Sige. Magkalimutan na tayo," mayroong sama ng loob na saad ko at tinalikuran sya, bubuksan ko na sana ang pinto ngunit laking gulat ko nang hawakan nya ang palapulsuhan ko. Dahan-dahan akong napalingon sa kanya habang gulat pa rin ang rekasyon ng aking mukha, talaga bang hawak nya ako ngayon?!

"Ako'y nagbibiro lamang, Linang. Ang totoo n'yan ay hinahanap talaga kita," ngiti nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, tila biglang gumaan ang aking pakiramdam at dahan-dahang napangiti. Tila nagdidiwang ang aking puso ngayon. Idagdag mo pa ang pagtawag nya sa aking palayaw, ito ay nagdudulot ng saya sa aking puso dahil malapit sya roon.

"Bakit? Anong pakay ng ginoong katulad mo sa binibining tulad ko?" Tanong ko habang nakangiti pa rin, mukhang hindi na ito mabubura pa dahil narito sya ngayon sa aking harapan.

"Nais sanang anyayahan ng ginoong tulad ko ang binibining tulad mo na sumama sa akin ngayon," nakangiting sagot nya, nagtama ang aming paningin at sabay na natawa dahil ginawa nya ang sinabi ko. Kay babaw lamang no'n ngunit ang walang makapantay sa kasiyahang nararamdaman ko ngayon.

Minsan ay mapapatanong na lamang ako sa aking sarili kung isa pa ba itong paghanga? Gayong ang epekto nya sa akin ay umaabot hanggang sa aking talampakan, tila kakaiba na itong nararamdaman ko. Kung ano man ito, ang tanging nais ko lang ay maging masaya ang aking puso.

"Bakit? Saan tayo magtutungo?" Tanong ko ngunit ang aking mga paa ay sumabay na sa kanyang paglalakad, napasulyap sya sa akin at napangiti. Napatingin ako ng diretso sa mga mata nya, anong iningingiti nya riyan? Ano kaya ang pumapasok sa kanyang isipan ngayon? Nais kong malaman ngunit kay hirap nyang basahin, hindi ko tuloy alam kung iniisip nya.

"Sa lugar kung saan mararamdaman mo ang init ng pag-ibig," sagot nya at napatingin sa mga ulap, napatigil ako at napahawak sa tapat ng aking bibig dahil sa labis na pagkabigla. Napalingon sya sa akin nang maramdaman na hindi na ako nakasunod pa sa kanya, inosente lang ang kanyang mukha habang ako naman ay hindi makapaniwalang pinagmamasdan sya ngayon.

Dito ko na nga ba makikilala ang tunay na Markus Esguerra?!

"Bakit?" Inosenteng tanong nya at naglakad papalapit sa akin ngunit agad akong umatras papalayo sa kanya. Hindi por que hinahangaan ko sya ay isusuko ko na ang aking sarili't dangal sa kanya, itinapat ko sa kanya ang hawak kong abaniko dahil sa labis na kabang nararamdaman ko ngayon.

"A-anong ibig mong sabihin?" Kinakabahang tanong ko habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, napatigil sya at mukhang napagtanto ang tumatakbo ngayon sa aking isipan.

"Ano ba ang iniisip mo?" Kalmadong tanong nya at muling humakbang papalapit sa akin ngunit muli akong humakbang papalayo sa kanya, hindi nya basta-basta malilinlang ang isang Carolina Mendoza.

"Ikaw!" Sigaw ko sa kanya na ikinagulat nya, hindi ako magpapatalo sa aking damdamin! "Hindi por que ako'y humahanga sa iyong kagwapuhan ay malilinlang mo na ang binibining tulad ko!—" hindi pa ako tapos sa aking pagsisisigaw ngunit sabay kaming napatingin kay Markus sa mga taong sumigaw ng...

"Maliga... yang kaarawan." Ang kanilang pasigaw na pagbati ay unti-unting humina matapos marinig ang aking pagsigaw kay Markus, nagulat sila matapos mapagtanto ang aking sinabi. Narito ngayon si Puring, Adriano, Nay Lilang, Lito, Lita, Marisol, at ibang mga kapit bahay na nais makikain sa kay raming handang nakahain ngayon sa mahabang lamesa na gawa sa kahoy na nasa tapat ng bahay ni Nay Lilang.

Maging ako ay nagulat matapos mapagtanto na may supresa pala sila para sa akin, dahan-dahan akong napalingon kay Markus na nagtataka pa rin sa aking pinagsasabi. Dahil sa aking pagkakalunod sa pag-iisip sa kanya ay nakalimutan kong espesyal pala ang araw na ito dahil ang araw na ito ay syang aking kaarawan, Ika-dalampu't lima ngayon ng oktubre.

Napapikit na lamang ako dahil sa sobrang hiya na nararamdaman ko ngayon, walang hiya! Hindi ko akalaing ipapahiya ko ang aking sarili sa harap nilang lahat at maging kay Markus na pinagbintangan kong mapagsamantala. Lahat sila ay nakatingin sa akin, sa araw pa talaga ng aking kaarawan mangyayari ang sandaling ito.

Nakakahiya!

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Ika-dalawampu't anim ng Oktubre, 2021.

Oktubre 25 (11 PM) ko talaga sinimulan at sinulat ang kabanata na ito ngunit Oktubre 26 (12 AM) ko natapos. Aking napagdisisyonan na kung kailan ko isusulat ang araw ng kaarawan ni Carolina, iyon ang magiging araw ng kanyang kapanganakan.

Maligayang kaarawan sa ating nag-iisang Carolina Mendoza! Mahal kita, Linang! ♡

ᜋᜎᜒᜄᜌᜅ᜔ ᜃᜀᜇᜏᜈ᜔ <3

Nagmamahal,
Cess.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top